Ngayong araw ang distributions ng aming mga test papers. Magkahalong excitement at kaba ang nararamdaman ko pero mas nangingibabaw ang kaba to the point na kumukulo ang tyan ko. Habang nakaupo ako, nilapitan ako nina Bryan at Lisa. Nagtanong si Bryan kung bakit mukha raw akong nag-adik dahil sa itsura ko ngayon. Sinabi ko na lang na napuyat ako kagabi dahil sa pag-iisip sa araw na to.
"Ah. Kala ko pa naman napuyat ka kaiisip sa akin. Hehe."
"Wag ka masyadong mag-isip ng negative. Magtiwala ka lang sa sarili mo dahil ginawa mo naman ang best mo."
Tinap niya ako sa ulo at saka siya bumalik sa upuan niya.
"Ano namang nakain ng taong yun?"
"Baka hotdog na naman?! Hehe!"
"Pero alam mo, kahit maloko yang si Bryan, mabait din naman kahit papano. Haha!"
"Teka! Ano palang balita sa Tito? Ano bang nangyari at di ka na nakapagreply sa akin kagabi."
"Pasensya na Lisa ah, di na nga kita nareplyan. Si Tatay kasi umuwi ng lasing na lasing. Inasikaso pa namin ni Nanay kasi bagsak na bagsak sa sobrang kalasingan."
"Parang di naman nag-iinom si Tito ah bakit nagkaganun?"
"Natanggal kasi siya sa trabaho eh. Pinagbintangan daw siya ng iba niyang kasamahan kaya ayun tinanggal. Naglasing tuloy."
Habang nagkukwento sa kung anong nangyari, tinakluban ni Lisa ng panyo ang mukha ko. Umiiyak na pala ako. Maya-maya pa ay dumating na ang adviser namin dala ung test papers namin sa subject niya. Alphabetically siyang nagtawag at nung nakuha ko na ung sa'kin, huminga muna ako ng malalim saka ko unti-unting tiningnan ang score ko. 37 out of 50. Natuwa ako sa kinalabasan kasi kahit papano di naman kalahati di tulad nung last time na 24 lang ata ang score ko nun. Pumaling sa likod niya si Lisa para maka-chika kung ano raw score ko saka ko sinabing 37. Tuwang-tuwa siyang pinaghahampas ang kamay ko na may halo pa atang panggigigil. Nalaglag tuloy yung test paper ko. Habang kinukuha ko sa sahig yung aking papel, napatingin ako sa paligid ko at nakita kong nagpapakitaan ng kanya-kanyang scores ang mga kaklase ko hanggang sa nakita ko si Bryan na nakangiti at may pa-thumbs up pa.
Naging maayos din ung results ng iba kong tests. Kahit papano ay natuwa ako sa kabila ng mga nangyari kagabi. Nakita ko si Lisa na higit-higit si Bryan papalapit sa table ko.
"Alice buti na lang at naabutan ko agad tong lokong to! May balak pa atang tumakas sa pustahan namin!"
"Hala! Anong tatakas? May bibilhin lang ako sa labas. Bawal? Bawal?"
"Sus! Nako Bryan di mo ko maloloko. Tara na! Simulan na natin to at kating-kati na akong sabihin ang ipapagawa ko sa'yo.
Umupo na silang dalawa sa tabi ko at sinimulan na ni Bryang buksan ang lunch box niya. Ngumingiti-ngiti pa siya habang iniaangat ang takip ng baunan niya hanggang sa nakita na namin ang ulam niya.
"Oh pano ba yan Lisa? Inihanda mo na ba ang sarili mo? Hahaha Hahaha Hahaha!"
Tinapik ko pa siya dahil ang lakas ng tawa niya. Natatawa tuloy sa amin ang iba naming kaklase.
"Aray!"
"Ang arte! Tapik lang naman ung ginawa ko sa'yo pero kung makapagreact ka kala mo hinampas kita ah. Haha!"
"Joke lang Alice. Pinapatawa lang kita."
"So pano Lisa? After class ah. Saka ko sasabihin ang aking ipag-uutos! Wahaha!"
"Teka nga! Bakit di hotdog ulam mo? Kakikita ko lang kahapon sa mama mo ah. Ang daming dalang hotdog galing palengke."
"Hala stalker ka ba? Bakit pati Nanay ko sinusundan mo?"
"Stalker agad Bryan? Pero pano nangyari yan? Buti pumayag ang Nanay mo na di hotdog ang ulam mo ngayon eh ang dami talaga nung biniling hotdog kahapon?"
"Bakit, porket may hotdog, bawal na mag-ulam ng iba?"
Binuksan ko na rin yung baunan ko at sinimulang kumain. Sumuko na rin yung isa dahil hindi talaga hotdog ang ulam ni Bryan. Habang kumakain na kami ni Lisa, napansin naming di pa nagsisimula si Bryan.
"Oh bakit di ka pa kumakain Bryan? Masyado ka bang na-overwhelm sa ulam at sa pagkapanalo mo sa pustahan ninyo ni Lisa? Haha!"
"Di naman sa ganun. Parang di pa lang ako gutom. Hehe."
Di siya magkaintindihan sa kung paano siya kakain. May time na iaangat niya ng kaunti ung ulam niya pero ibabalik ulit. Napansin kong medyo naiinip na si Lisa sa ginagawa ni Bryan at di pa niya ilipat yung ulam niya sa takip para makakain siya ng maayos.
"Hay naku Bryan, ako na nga!"
"Wait Lisa!!"
At nagulat kami sa aming nakita.
"Ahahahaha! Bryan!"
Sa lakas ng tawa ni Lisa, pati ako napatawa na rin talaga ng husto. May bakas ung kanin ni Bryan. Bakas ng hotdog! Tinanggal niya yung hotdog tapos ipinatong yung ham sa ibabaw. Kaso andun pa rin yung pinagbakasan ng hotdog. So, hotdog talaga ang ulam niya ngayong araw. Pinalitan niya lang.
"Asan yung hotdog??!! Hahaha!"
"Bakit pa Lisa? Anong silbi na hanapin mo pa yung wala na talaga?"
"HUGOT!!"
"Di ba wala ka namang nakitang hotdog! Ham yan oh. HAM."
"Wag mong sabihing kinain mo na yung hotdog? Haha!"
"No comment!"
"Ang loko mo talaga Bryan! Sinasabi ko na nga ba eh at may mali! Ang daya mo!"
"Ang mahalaga, wala kang nakitang hotdog dyan sa lunch box ko. Pagalingan lang yan Lisa! Talo ka pa rin! "
"Okay. Okay! Hahahaha! Payag na ako."
Hindi ko pa ring mapigilang matawa sa nakita namin. Talagang ginawan pa rin ni Bryan ng paraan para di siya matalo kay Lisa. Nagkakatinginan din kami ni Lisa at napatawa. Di na lang din kami pinapansin ni Bryan. Ang sa kanya eh basta siya ang nanalo. Tapos ang pustahan.
"Nga pala Bryan, itong kaibigan natin, magaganda ang results ngayon sa mga tests. I-congratulate mo naman!"
"Yun oh! Sabi sa'yo eh. Congrats brad!"
"Thanks brad! Mas okay naman ngayon kesa last time."
Natapos ang maghapon at nalaman na rin naming lahat ang results ng iba pa naming tests. Thankfully, lahat naman ay okay. Nasa daan na kami ni Lisa palabas ng gate nang makita ulit namin si Bryan kausap yung isa sa dalawang lalaking kamag-anak daw nila na nakita namin kahapon. Pero di rin nagtagal at umalis na yung lalaki. Nagdiretso naman kami ni Lisa paglalakad at sinalubong kami ni Bryan.
"Lisa, game ka na?"
"Ready! Say it!"
"Seryoso ka ba dyan Lisa, baka kung anong ipagawa niyan sa'yo."
"Keri lang Alice, wag kang mag-alala. May limit naman yung pinagkasunduan namin ni Bryan about sa mga utos eh."
"Hala Alice, makapag-isip ka dyan. Matinong tao naman ako alam mo yan. Hahaha"
"Yun na nga eh. Parang kabaligtaran ata."
"Okay, ganito, turuan mo akong gumawa ng pots."
"Ha? Bakit? Magbu-business ka?"
"Basta."
"Okay! Yun lang pala eh. Kala ko naman kung ano ipapagawa mo sa'kin."
"Kayo lang kasi tong bad ang tingin sa'kin. Lalo na yang si Alice oh. Nakaka-sad. Haha!"
"Lagi mo kasing niloloko. Yan tuloy nagtatampo na ang kaibigan natin. Haha!"
"Bakit naman ako magtatampo? Ganyan talaga yang si Bryan, wala ng ginawa kundi ang asarin ako, tayo."
Nilapitan ako ni Bryan.
"Sorry na Alice, di na mauulit."
SInabi niya yun habang tina-tap ang aking ulo. Nagmukha tuloy akong bata.
Sabay-sabay kaming naglakad hanggang sa ma-open ni Lisa yung about dun sa hotdog na nawala.
"Teka nga pala Bryan, asan yung hotdog na ulam mo dapat kanina? Kinain mo na ba kaninang umaga?"
"Bakit ba curious na curious ka dun? Gutom ka na ba Lisa? Teka, kunin ko dito sa bag."
At inabot niya sa aming dalawa yung hotdog na halos napirat na sa loob ng bag niya.
"Parang baliw tong si Bryan! Di ko naman hinihingi! Tinatanong ko lang naman!"
"Wag ka ng mahiya Lisa! To naman parang di kaibigan eh! Haha!"
"No, thanks Bryan. Di kami gutom ni Alice."
Sabay higit niya sa bag ni Bryan para ilagay ung hotdog sa loob.
"Sa'yo na! Kakainin mo pa yan sa inyo eh!"
Puro kami tawanan sa aming paglalakad hanggang sa nakita namin ang Papa ni Lisa na nag-aabang sa may labasan malapit sa paradahan ng tricycle. Lumapit naman kami para bumati at magmano. Saka niya sinabing susunduin daw muna niya si Lisa ngayon para magdate silang mag-ama. Ngumiti naman ako kay Lisa saka nagpaalam sa kanila. Naiwan kami ni Bryan sa paradahan at nagpasya na ring sumakay sa isa sa mga nakapilang tricycle don. Habang nasa loob, napatanong ako kay Bryan kung kamag-anak ba talaga nila yung 2 lalaki kahapon. Walang alinlangan naman niyang sinabing oo kaya di na ako nagtanong pa.
"Alice, kumusta pala kayo ng pamilya mo?"
"Okay naman kami. Ba't mo natanong?"
"Hala, bawal bang mangumusta? Parang di ka po kaibigan."
"Natanong ko lang din naman. OA to."
"Basta pag need mo ng kausap, andito lang kami ni Lisa ha."
"Andito lang ako para makinig sa'yo."
"Haha! Kaninang umaga ka pa nakakapanibago ah. Ano bang nakain mo?"
"Pero, salamat!"
Nagpaalam na ako kay Bryan nung nasa may gate na ako ng bahay namin at maglalakad pa siya ng ilang minuto dahil lampas pa ng amin ang bahay nila. Pagpasok ko ng gate, nakita ko na agad si Tatay na nag-aayos ng motor niya. Lumapit ako at nagmano. Nagtanong ako kung kumusta ang araw niya pero tipid ang sagot niya sa'kin. Matamlay pa siya dahil sa nangyari sa kanya sa trabaho. Gusto ko siyang pasayahin man lang sana kahit sa simpleng bagay pero wala akong maisip. Habang nasa kwarto, naisip kong ipagtimpla ng kape si Tatay. Dali-dali kong tinungo ang kusina at nakita ko dun si Nanay na nakaupo sa silya at nakatungo habang nakahawak ang dalawa niyang kamay sa kanyang ulo. Alam kong malalim na agad ang iniisip ni Nanay at for sure na dahil yun sa pagkawala ni Tatay sa trabaho.
"Nanay, mano po. Gusto niyo pong kape?"
"Hindi na."
"Kumusta naman ang resulta ng mga tests mo? May pagbabago ba? Mababa na naman?"
Masaya na sana ako na tinanong niya ako about sa school pero nasundan naman agad ng ganun kaya sinabi ko na lang na ayos lang. Pagkuha ko ng kape at asukal, wala na palang laman ung lalagyan ng asukal kaya bumalik muna ako sa kwarto para kumuha ng pambili ng asukal kina Aling Nena. Naglalakad ako papunta nang makasalubong ko si Bryan na may dalang isang bote ng langis at isang plastic na asin. Tinanong niya ako kung saan daw ako papunta at sinabi kong bibili lang ako ng asukal kina Aling Nena. Nag-offer siya na samahan ako kaso di ako pumayag kasi baka hinihintay na siya ng Mama niya sa kanila. Di na naman siya nangulit at sinabing mag-ingat na lang daw ako. Mabilis naman akong nakauwi sa amin kasi wala namang ibang nabili kina Aling Nena pagdating ko nung mga oras na un.
"Saan ka naman galing at di ka nagpapaalam ha Lisyang?"
"Pasensya na po Nay. Nagsabi naman po ako kay Tatay na bibili lang saglit kina Aling Nena."
"Kaya di ka na magsasabi sa akin pag nagsabi ka sa ama mo?"
"Di naman po sa ganun Nay. Pasensya na po at di na po ako nakapagpaalam sa inyo."
Inilalagay ko na yung asukal sa lalagyan nang pumasok na si Tatay.
"Ah ah Linda ay nariring ko na naman ang iyong boses sa labas. Ano na naman gang problema?"
"Wala. Hayaan mo na."
"Nga pala, bibilhin ko bukas yung side car na binebenta ni Pareng Timo. Papa-member ako sa TODA dine sa atin at mamamasada muna ako."
"Mario naman, ang dami-dami ng magta-tricycle dito sa atin. Bago ka pa makakuha ng pasahero ay baka abutin ka na ng siyam-siyam. Ba't di mo na lang itry kausapin yung visor niyo at baka naman mapapagbigyan ka pa o kaya maghanap ka na lang ng ibang kompanya na mapapag-applyan."
"Sa tingin mo ga Linda ay hindi ko ayan ginawa? Halos magmakaawa na nga ako sa visor kokahapon pero wala pa ring nangyari. Kesa wala akong ginagawa at magmaktol dine ay mamamasada na laang muna ako."
Tapos ko ng timplahin ung kape. Tinatakpan ko na ung asukal ng sa sobrang gigil ko, nadanggil ko ung tasa. Nag-spill ung kape at natalsikan ako ng konti sa kamay.
"Aww."
Agad kong kinuha ung basahan sa tabi at ipinunas dun sa natapon. Hindi naman ako makaaray ng malakas kasi mapapagalitan lang ako dahil sa kalat ko. Naghugas na lang ako ng kamay pero ramdam kong nakirot ung napaso kasi sobrang init nung tubig. Iniabot ko agad ung kape kay Tatay at nagsabing pupunta na ng kwarto para magpahinga. Sinabi ko na lang din na kumain na ako kanina sa school kaya di na ako kakain ng hapunan.
Dumiretso agad ako sa cr para kuhanin ung toothpaste at ilagay dun sa paso ko. Habang inilalagay ko un, iyak ako ng iyak. Mas masakit pa kesa sa paso ko ung nararamdaman ng puso ko.