Mainit. Iyon ang nararamdaman ko sa buong katawan ko. Madilim. Iyon ang nakikita ng mga mata ko. Maingay. Iyon ang mga naririnig ng tainga ko. Hindi ko maigalaw ang katawan ko. Para akong nasa ilalim ng bangin. Lumulutang, walang balak tulungan ako. Bakit madilim? Patay na ba ako? Kung patay na ako, ang lungkot kung gano'n. Ang lungkot kasi hindi ko man lang nagawa ang lahat ng gusto kong gawin sa buhay. Palagi kong nililimitan ang sarili ko at ngayong huli na ang lahat, saka naman ako nagsisisi. "Miss! Naririnig mo ba ako?" "Pakibilisan! Ilagay agad sa loob ng ambulansya!" "Miss, naririnig mo ba ako?" Hindi ko maigalaw ang kamay ko. Hindi ko maibuka ang mata ko at higit sa lahat, humihina na ang pandinig ko. "Mama!" iyak ng isang bata. "Hala, hindi ka puwede rito?"

