Nagpaalam ako sa kanilang katulong na pumunta sa kanilang kainan. Mabuti at wala sina tito Miguel at tita Emilia. Kahit papaano ay komportable akong gumalaw. Inihain ko na sa lamesa ang pagkaing dinala ko para kay Mateo. Ayon sa katulong ay naliligo pa raw ito. Inayos ko na ang mga pinggan at baso gayon din ang tubig. Napangiti ako sa linamnam ng adobo na bumalot sa buong kainan. Tamang-tama ang mantika at toyo nito at may kaunti pang sili na nagbigay ng dagdag pampagana sa pagkain. "Belle." Matipunong boses ni Mateo ang bumulabog sa katahimikan. Tumayo ako at tinignan siya. Nanginig ang aking mga tuhod sa unti-unting paglapit niya. Basa pa ang medyo magulo niyang buhok. Hindi ko rin maipinta ang emosyon sa kanyang mukha. Hindi siya nakangiti ngunit hindi rin nakasimangot. "M-Mateo

