DUMATING na ang araw ng palugit kay Clarise ng bangko. Eksaktong dalawang buwan ay dumating si Attorney Garcia sa bahay niya.
“Goodmorning, Miss Montana,” bati nito.
“Goodmorning din po, Attorney,” bati rin niya rito.
“Nakahanda ka na ba? Bukas ay pupunta rito ang mga taga-bangko at lalagyan na ito ng signage na ‘For sale.’”
“Attorney, wala na po bang isang buwan pa na palugit? Kasi nakalimutan ko po maghanap ng malilipatan. Pinagtuunan ko po kasi ang paghahanap ng trabaho.”
“Miss Montana, malabo ang sinasabi mo. Tulad ng sinabi ko sayo no’ng nakaraan, nakiusap lang ako na bigyan ka ng sapat na oras para makapaghanda. Sapat na ang dalawang buwan na binigay nila,” mahabang paliwanag ni Attorney Garcia kay Clarise.
Malungkot ang mga matang napatango na lang siya sa tinuran nito. Wala na siyang magagawa pa kundi ang umalis sa mansyon nila kahit mabigat sa dibdib niya. Hindi na rin nagtagal pa si Attorney Garcia, pagkatapos nito maghabilin sa kanya ay nagpaalam na rin ito agad.
Pumanhik siya sa kanyang kuwarto. Ang totoo, ay naka-empake na siya ng kanyang mga gamit. Sinubukan niya lang humingi ng palugit kay Attorney Garcia sakali mabigyan pa siya ng pagkakataon.
Bitbit ang mga gamit ay dahan-dahan siyang naglakad pababa ng hagdanan. Muli niyang sinulyapan ang bawat sulok ng kanilang bahay. Ang bahay na kanyang kinalakhan ng buong buhay niya at may magagandang ala-ala kasama ang kanyang mga magulang. Malungkot na nilisan niya ang kanilang tahanan nang mahabang panahon pagkatapos na umusal nang pamamaalam.
Habang nag-a-apply siya ng trabaho noon, paminsan-minsan ay naghahanap din siya ng mga paupahan na puwede niya marentahan na kaya sa budget niya. Hindi muna siya nakikipag-negotiate dahil umaasa pa rin siya na baka bigyan pa siya ng kaunting palugit. At pagnakahanap siya ng trabaho ay puwede pa siyang makakita ng ibang tirahan na mas maayos kesa sa nakita niya.
“Tao po!” pagtawag niya sa nagmamay-ari ng paupahan ngunit mukha yatang walang tao kaya palinga-linga siya sa loob, nagbabakasali na may makita siyang tao.
“Tao po!” ulit niya hanggang ilang sandali pa ay may lumabas na isang babae na sa tantiya niya ay nasa singkwenta anyos.
“Anong kailangan nila?” tanong ng matanda.
“Ahm, ale, nakita ko po kasi iyong signage sa labasan na nagpapaupa raw po kayo ng mga kuwarto rito?” tanong niya sa matandang babae.
“Ay, oo, ineng. Halika pumasok ka at ipapakita ko sa iyo ang mga kuwarto,” pa-anyaya nito at iginiya siya sa mga kuwarto.
“Magkano po ang upa rito?” tanong niya habang nakasunod siya sa babae.
“Depende sa laki ng kuwarto. Meron akong pinapaupahan na maliit na kuwarto, ang bigay namin do’n ay one thousand five hundred kada-buwan,” paliwanag nito.
“Puwede po ba makita ang kuwartong iyon?”
“Sige, ineng. Halika,” sabi nito, saka may binuksan na isang pinto. “Maayos pa naman ito, konting linis na lang ang kailangan.”
Tiningnan niya ang bawat sulok ng maliit na kuwartong iyon. Pakiramdam niya ay hindi niya kaya mabuhay sa ganoong klaseng tirahan. Buong buhay niya ay lumaki siyang maalwan ang kanyang pamumuhay. Pero sa sitwasyon niya ngayon ay wala siyang karapatang magreklamo kundi tanggapin ang naging kapalaran niya. Kailangan niyang harapin at yakapin ang sinapit ng pamilya nila, lalo na siya dahil mag-isa na lang siya. Kailangan niyang maging matatag at lumaban para mabuhay.
“Nasaan po ang comfort room dito, ale?” kapagkuwan ay naisipan niyang itanong. Nagtaka siya dahil magkasalubong ang dalawang kilay nito nang tingnan niya. “A, e, ‘yong banyo po.”
“Ah, ‘yong kubeta!” Siya naman ang nagtaka sa sinabi nito. Ngayon niya lang narinig ang salitang ‘Kubeta’ sa tanang buhay niya. Kapagkuwan ay may binuksan ito na isang maliit na pintuan.
“’Yan po?” Halata ang pagkadismaya sa mukha niya nang makita ang banyo. Maliit lamang iyon at makipot, hindi kagaya ng banyo sa kuwarto niya na kasing laki na nang buong kuwarto na ito.
“Oo. Ano na, ineng? Kukunin mo na ba? Kung ayaw mo ito may iba ka pang pagpipilian. Mas maluwang kaunti dito pero siyempre mas mahal ang upa.” Napaisip siya saglit. Kumikibot-kibot pa ang mga labi niya habang nag-iisip. Kung ito ang kukuhanin ko, makakatipid ako. Kasi bibili pa ako ng mga kakailanganin kong pangkusina. Nang tingnan niya ulit ang matanda ay na-amused siya sa paraan nang pagkakatingin nito sa kanya. Nakangiti kasi ang matanda habang tinititigan ang mukha niya.
“M-may dumi po ba ako sa mukha?” nakakunot ang noong tanong niya.
“Naku, wala, ineng! Nagagandahan lang ako sa’yo. Saka isa pa, mukha kang mayaman, para bang hindi ka bagay sa lugar na ito,” pagpupuna ng matanda sa panlabas niyang anyo.
Tipid na nginitian niya ito. Mukha naman mabait ang matandang ito pero mukhang may pagka-ususera, naisip niya.
“Kukunin ko na po ito.” Pag-iiba niya ng usapan.
“Sige, ineng. Kailan mo balak lumipat?”
“Ngayon na rin po.” Halatang nagulat ito sa sagot niya dahil nanlaki pa ang mga mata nito nang tumingin sa kanya.
“A, e, sige, ineng. Walang problema. One month deposit at one month advance ang patakaran ko rito. Okay lang ba sa’yo ‘yon?” Inilabas niya ang wallet mula sa kanyang bag at kumuha siya ng pera saka iniabot sa matanda ang bayad. Inabot naman nito iyon. “Ako nga pala si Susan. Ikaw, ineng, anong pangalan mo?”
“Clarise po.” Tumango lang ito sa kanya saka nagpaalam na lalabas na sa kuwartong uupahan niya.
Inilibot niya ang kanyang mga mata sa paligid. Marami pa ang kailangan ayusin. May maliit na rin kama na puwede niyang tulugan.
“Kakasya pa siguro ang pera ko sa pagbili ng mga gamit,” bulong niya sa sarili. Hinawakan niya ang impis niyang tiyan. “Ito na ang magiging tahanan natin, baby. Huwag kang mag-aalala aalagaan ka nang mabuti ni Mama.”
Tatlong araw na nakalilipas nang maglakas-loob siyang gumamit ng pregnancy test kit dahil bigla siyang nakaramdam nang pagkahilo. Bagaman may hinala na siya na baka nagdadalantao siya dahil hindi na siya dinatnan ng buwanang dalaw. Natakot kasi siya para sa sarili, lalo na sa bata sa tiyan niya dahil hindi niya alam kung paano ito bubuhayin dahil ang mismong sarili nga niya ay hindi niya sigurado kung paano bubuhayin.
Kaya sinubukan niyang ipaalam ang pagdadalantao niya sa ama ng magiging baby niya pero hindi pa man niya nakakaharap ang lalaking ama ng ipinagbubuntis niya ay pinanghinaan na siya agad ng loob. Kaya umalis siya agad sa building na pagmamay-ari ng lalaking nakaniig niya ng gabing iyon.
Marami siyang agam-agam at pangamba na baka hindi siya paniwalaan ng lalaki. Lasing siya nang gabing iyon at malamang lasing din ang lalaking iyon. Hindi nga niya matandaan kung paanong may katabi na siyang lalaki paggising niya kinabukasan. At ang hindi niya lubos akalain ay kilala niya ang lalaki kaya nawalan siya ng mukhang ihaharap dito kung kaya’t umalis siya agad bago pa man ito magising. Dahil sa hiya at takot ay nagpasya siyang huwag na lang ipaalam pa ang kalagayan niya sa lalaking iyon. Naisip niya, bigay ito ng Diyos sa kanya upang may makasama siya. Para kahit paano ay may magiging pamilya na siya at hindi na siya nag-iisa.
“Ayy!” hiyaw niya nang may makita siyang ipis.
Sinimulan na niyang linisin ang kuwarto na inupahan niya ngunit bigla siyang nagulat nang maglabasan ang mga ipis. Nandidiri siya sa ipis at takot naman siya sa daga.
“Clarise!” Narinig niyang tawag sa pangalan niya ng kanyang kasera na si Aling Susan. Pinagbuksan niya ito ng pintuan.
“Bakit po?”
“Ano bang nangyayari sa’yo at panay ang hiyaw mo? Rinig na rinig sa kabila ang boses mo!” tanong nito na kababakasan ng pagka-irita sa tinig.
“A-ano po kasi, Aling Susan, n-naglilinis lang po. Kaya lang po…ang dami pong ipis,” nahihiyang paglalahad niya.
“Dyaske kang bata ka! Para ipis lang kinakatakutan mo na?” naiiritang tanong nito. Ngunit kakaiba ang pinupukol nitong tingin sa kanya. “Umamin ka nga sa ‘kin, Clarise? Naglayas ka ba sa inyo?”
“Naku, hindi po!” Sunod-sunod na iling ang ginawa niya.
“Eh, anong ginagawa mo rito? Unang kita ko palang sa iyo, hindi ka sanay sa ganitong lugar. Ang kilos mo, ang itsura mo, halatang galing ka sa isang mayaman na pamilya.” Napayuko siya sa tinuran ni Aling Susan. Parang inobserbahan na siya nito mula pa nang dumating siya.
“Ang totoo po n’yan, h-hindi po ako naglayas kundi po ulilang lubos na po ako. Namatay po ang mga magulang ko sa isang aksidente tatlong buwan na ang nakararaan. Kaya po ako ‘andito sa ganitong lugar ay dahil ito lang po ang kaya ng budget ko. Wala pong naiwan ni singko sa akin ng mga magulang ko dahil malaki po ang naiwan na utang ng daddy ko.” Mukha naman itong mabait kaya walang masama kung ikuwento niya kaunti ang pinagdaraanan niya sa buhay.
Mukhang nahabag ang matanda sa nangyari at kinahinatnan ng pamilya niya. Napabuntong-hininga ito. “O, siya. Tutulungan na kita para matapos ka na agad sa paglilinis dito.”
“Naku, nakakahiya naman po sa inyo,” saad niya. Pero sa kaloob-looban niya ay gustong-gusto niya ang alok nito na tulong sa kanya. Ang totoo kasi niyan ay hindi siya marunong sa mga gawaing bahay.
“Pasensya ka na. Hindi ko kasi alam ang pinagdadaanan mo, nabulyawan pa tuloy kita. At saka ikinalulungkot ko ang nangyari sa mga magulang mo.”
“Naku, wala po iyon. Hindi niyo naman po alam, eh,” tanging nasabi niya na lang kay Aling Susan. Konting bagay lang naman iyon. Napalakas kasi talaga ang hiyaw niya kanina dahil sa ipis.
Nang matapos na sila sa paglilinis ay biglang sumama ang pakiramdam niya, gusto niyang dumuwal kaya napatakbo siya agad sa banyo. Ngunit paglabas niya ay ang nagtatakang mukha ni Aling Susan ang nabungaran niya. Hindi naman niya pwede idahilan na may nakain siyang masama dahil wala pa naman silang kinakain na kahit ano o ‘di kaya’y mabahong amoy na ikinaduwal niya. Dahan-dahan siyang tumango bilang pagkumpirma sa hinala nito. Pero hindi ito nagtanong bagkus ay itinuon ang atensyon sa ibang bagay. Mabuti na lang hindi na ito nang-usisa pa tungkol sa kalagayan niya. Kahit paano ay ipinagpasalamat niya iyon ng lihim.
Sinubukan pa rin niyang maghanap ng trabaho. Pero sa kasamaang-palad ay hindi pa rin siya natatanggap. Kahit sa mga fast food chain ay sinubukan niya rin mag-apply ngunit ayaw naman siyang tanggapin dahil sa kalagayan niya. Baka raw hindi niya kayanin ang bigat ng trabaho at baka makasama pa sa ipinagbubuntis niya.
“Clarise?” Si Aling Susan. Baka may ibibigay na naman itong pagkain sa kaniya. Mula nang tumira siya sa paupahan nito ay lagi na lang itong nakaagapay sa kaniya lalo na nang malaman nito na buntis siya.
“Pasok po kayo.”
“Alam kong hindi ka pa kumakain kaya dinalhan na kita. Para hindi kayo magkasakit ng baby mo,” sabi nito. Inilapag nito sa lamesita ang pagkain na dala nito. “Alam mo may naisip akong paraan para kumita ka.”
Nagtatanong ang mga matang tumingin siya rito. Bigla ay nabuhayan siya ng loob at bumilis ang t***k ng puso niya sa narinig na magandang balita. “Ano naman po iyon?”
“Hindi ka naman natatanggap sa trabaho dahil nga buntis ka, naisip ko, bakit hindi ka magtinda ng mga meryenda?” sabi nito na mababanaag sa boses nito ang excitement.
Napakagat-labi siya sa narinig. “Aling Susan, hindi nga po ako marunong magluto. Nilagang itlog nga lang po ang alam ko lutuin, ultimo hotdog nasusunog ko pa, magluto pa kaya ng mga meryenda?” protesta niya sa suhestiyon ng matanda.
“Ano pa’t ‘andito ako? Lib it to mi.” Natawa siya sa pagsasalita ni Aling Susan ng English. Akala niya noon ay isang dakilang tsismosa si Aling Susan dahil mausisa ito noong una. Pero ni minsan ay hindi ito nagtangkang magtanong kung nasaan ang ama ng kaniyang ipinagbubuntis.
“Hindi mo nalalaman, eh, ekspert ako sa pagluluto ng mga meryenda. Diyan ko binuhay ang nag-iisang anak ko.” Pagmamalaki nito sa agking talento sa pagluluto. Napapayag rin siya ni Aling Susan dahil wala rin naman na siyang pagpipilian na puwede niya pagkakitaan, tutal ay tutulungan naman siya nito.
Ginamit niyang pangpuhunan ang natitira pang pera na pinagbentahan niya nang kaniyang mga bags. Tinuruan siya ni Aling Susan magluto. Noong una, tinatakbuhan niya ang pagtilamsik ng mantika kaya kadalasan ay napapasigaw siya, lalo na sa tuwing natatalsikan siya sa mga braso niya. Natatawa at napapailing na lang si Aling Susan tuwing nakikita siyang ganoon. Ngunit matiyaga siyang inalalayan ni Aling Susan sa lahat, mula sa pagluluto hanggang sa pagbebenta. Tuwang-tuwa siya dahil nauubos lahat ang mga paninda niya. Binibigyan din niya si Aling Susan pero sa tuwina ay tumatanggi ito. Mas kailangan daw niya ang pera para sa panganganak niya na ipinagpapasalamat niya nang sobra dahil sa kabaitan nito sa kanya.
Hindi nagtagal ay nagamay na niya ang pagtitinda mag-isa sa gilid ng kalsada. Kahit malaki na ang tiyan niya ay kinakaya niya, para mapaghandaan ang kanyang panganaganak.