Chapter 1
Pumikit si Clarise para kahit paano ay maibsan ang sakit ng kaniyang ulo. Galing siya sa despidida party ng kanyang kaibigan. Maninirahan na kasi ang buong pamilya nito sa America. Ngunit may nangyari na hindi niya inaasahan na maganap, ang iniingatan niyang puri ay ganoon lang basta nawala. Gusto niyang ibunton ang sisi sa lalaking iyon, pero aminado rin naman siya na may kasalanan din siya. Kung hindi sana siya nalasing ay baka hindi nangyari ang bagay na iyon.
Pauwi na siya nang mga sandaling iyon at nakasakay na ng taxi nang biglang tumunog ang kanyang cell phone. Ngunit nagtaka siya dahil unregistered number ang tumatawag. Sinagot niya agad ito dahil sa kyuryusidad na malaman kung sino ang caller niya.
“Hello?”
“Hello? Ito po ba si Miss Clarise Montana?” anang tinig sa kabilang linya. Napakunot-noo siya. Unusual sa kanya ang ganoong tawag.
“Yes. Who’s this?” nagtatakang tanong sa kabilang linya.
“Ma’am, isa po akong pulis. Nakita po namin ang number n’yo sa cell phone ng mommy n’yo.”
“B-bakit? M-may n-nangyari po ba sa mommy ko?” nagkanda-utal-utal niyang tanong sa pulis na kausap. Pero sa loob-loob niya ay kinabahan na siya agad.
“Ma’am, ‘wag po sana kayong mabibigla sa ibabalita ko. Nandito po sila sa morgue ngayon.”
Para siyang binuhusan ng malamig na tubig pagkarinig sa sinabi ng kanyang kausap sa kabilang linya. Saka lang din nag-sink in sa isip niya ang salitang ‘Sila’. “S-sila? Ano pong ibig n’yong sabihin?” Kahit may idea na siya kung ano ang ibig sabihin ng pulis ay ginusto pa rin niya na marinig sa bibig nito ang kompirmasyon sa kanyang hinala.
“Ma’am, ang mga magulang n’yo po ay naaksidente kaninang madaling araw habang pauwe po sila sa bahay n’yo, at sa kasamaang-palad po ay pareho po silang nasawi. Mas mabuti po siguro na pumunta na lang po kayo rito sa hospital kung saan po sila dinala,” mahabang paliwanag ng pulis sa kabilang linya. Para siyang biglang nawalan ng enerhiya nang marinig ang masamang balita na iyon. Biglang nanikip ang dibdib niya. Gusto niyang humalagpos ng iyak nang mga sandaling iyon. Pero dahil nasa sasakyan pa siya ay tahimik na lang siyang lumuha.
“M-manong, ihatid n’yo po ako sa New Sinai Hospital,” utos niya sa taxi driver. Panay ang agos ng kanyang mga luha habang binabagtas ang daan patungo sa hospital. “Mommy, Daddy.”
Nang makarating siya sa hospital ay agad niyang hinanap ang morgue kung saan nakalagak ang mga labi ng kanyang mga magulang. “Sir, ako po si Clarise Montana. Nasaan po ang mga magulang ko?”
“Ma’am, sumunod po kayo sa amin,” tugon ng isang pulis na naka-assigned sa kaso ng kanyang mga magulang. Pagkapasok niya sa loob ay nakita niya ang kanyang mga magulang na nakahiga sa isang metal na higaan. Parang nanghihina ang mga tuhod niya nang ihakbang niya palapit sa kinaroroonan ng mga magulang niya. Nanlalambot siya. Nang nasa tabi na siya ng mga ito ay nakamasid lang siya. Ayaw niya maniwala na ang mommy at daddy niya ang natatakpan ng puting kumot na wala nang buhay. Dahan-dahan niyang inangat ang puting kumot na nakatabing sa mukha ng kanyang mommy, sumunod naman ang kanyang daddy. Dahil hindi na niya makayanan pa ang bigat na nararamdaman ay napalahaw siya ng iyak sa loob ng kuwartong iyon.
“M-Mommy! Daddy! B-bakit niyo ako iniwan? B-bumangon na kayo riyan. P-paano na ako?” sambit niya sa gitna ng kanyang pagtangis.
Halos mawalan na siya ng ulirat dahil sa kakaiyak. Mabuti na lang at mabilis ang isang pulis na umalalay sa kanya. “P-paano n-na po a-ako n-ngayon? Mommy, g-gumising ka na riyan.”
Hinayaan lang siya ng mga pulis na umiyak para mailabas ang saloobin niya habang tahimik lang ang mga ito na nakamasid sa kanya.
“Ma’am, mabuti pa ho siguro maupo muna tayo sa labas para po mahimasmasan po kayo,” suhestiyon ng isang pulis nang bahagya na siyang tumigil sa pag-iyak saka siya inalalayang tumayo. Halos maglupasay na siya sa sahig dahil sa pagdadalamhati sa biglaang pagkawala ng kanyang mga magulang. Inakay siya papunta sa mga upuan at pinaupo siya roon. Ilang sandali lang ay may iniabot sa kanya.
“Ma’am, ang mga gamit po ng inyong mga magulang.” Kinuha niya ang mga gamit ng kanyang mga magulang at lumuluhang niyakap ang mga iyon.
“A-ano po ba nangyari, Sir?” tanong niya sa gitna ng pagluha pero sa kontrolado na niyang emosyon. Hindi na niya alintana ang sakit ng ulo na kanyang iniinda kaninang paggising niya. Dahil wala nang mas sasakit pa sa nararamdaman niya sa pagkawala ng mommy at daddy niya.
“Ayon po sa mga nakakita ng insidente, nagpagewang-gewang daw po ang sasakyan nila bago ito bumangga sa isang malaking puno. At sa initial imbestigation po na ginawa namin, nakita raw po nilang nag-aaway sila sa loob ng sasakyan. Iyon po ang nakikita naming dahilan kung bakit sila bumangga. Ayon sa saksi, nakita niya raw po na parang nag-aagawan ng manibela ang mga biktima,” mahabang paliwanag ng isa sa mga pulis na naroon sa morgue.
Napakunot-noo siya sa narinig. Bakit nag-aaway ang mga magulang niya? Ano ang dahilan? Isang katanungang nabuo sa isipan niya. Wala siyang alam na dahilan para pag-awayan ng kanyang mga magulang.
“Sir, paano po nila nasabi na nag-aaway po ang mommy at daddy ko sa loob ng sasakyan?” nalilito at magkasalubong ang mga kilay na tanong niya.
“Maliwanag po sa lugar kung saan nangyari ang aksidente, at dahil hindi naman po tinted ang salamin ng sasakyan ng inyong mga magulang ay naaninag po sa loob.”
Hindi na niya naiintindihan pa ang ibang sinasabi ng kausap dahil muli siyang napapaisip sa sinabi nito. Malaking katanungan talaga sa kanya ang dahilan ng pag-aaway ng mga magulang niya. Ang akala niya ay masaya ang pagsasama ng mga ito at punong-puno ng pagmamahalan.
Inayos niya ang burol ng kanyang mga magulang. Nagsidatingan naman isa-isa ang ilan sa kanyang mga kamag-anak. Pero wala siyang ni katiting na simpatya na maramdaman mula sa mga ito. Alam niyang nakikipag-plastikan lamang ang mga ito sa kanya dahil mula’t sapol ay hindi sila naging malapit sa mga ito. Tahimik lang siyang lumuluha habang pinagmamasdan ang kanyang mga magulang sa loob ng kabaong.
Mommy, Daddy, patawarin niyo po sana ako sa lahat ng pagkukulang ko. Alam ko pong huli na para bumawi sa inyo pero sana gabayan niyo po ako para makabangon at matanggap ang pagkawala niyo, pagkausap niya sa mga magulang gamit ang kanyang isip.
Pagkatapos ng libing ng kanyang mga magulang ay halos dalawang linggo siyang nagmukmok sa loob ng kanyang kuwarto. Laging umiiyak. Halos hindi na niya naasikaso ang kanyang sarili sa labis na pagdamdam nang pagkawala ng kanyang mommy at daddy. Hanggang isang umaga ay kinatok siya ng isa sa kanilang mga katulong.
“Ma’am, magpapaalam lang po sana kami sa inyo,” anang pinakamatandang katulong nila. Napakunot ang noo niya nang mapansin niya ang mga bitbit na gamit ng mga ito.
“B-bakit po kayo aalis, Manang?” nagtatakang tanong niya sa mga ito. “Hindi ko naman po kayo pinapaalis, ah.”
“Ma’am, maige pa ho siguro si Atty. Garcia na lang po ang kausapin n’yo,” may lungkot sa tinig na sambit nito. “Ma’am, lakasan n’yo lang po ang loob n’yo at magpakatatag po kayo sa anumang pagsubok sa darating sa buhay n’yo.”
Mas lalo siyang nagtaka sa tinuran nito. Naguguluhan man ay nagpaalam na ang mga ito sa kanya. Kahit paano kasi ay naging malapit din siya sa mga ito. Ang mga katulong ang laging nakakasama niya sa tuwing wala ang mga magulang niya sa bahay at minsan ay kakwentuhan niya. Lumaki kasi siya na hindi tumitingin sa estado ng buhay ng sino mang nakapaligid sa kanya. Isa iyon sa mga pangaral at turo na ipinamana sa kanya ng yumao niyang ina.
“Ma’am, siyangapala nasa baba po si Attorney, hinihintay po kayo,” pahabol na bilin ng pinakamatandang katulong nila. Matamlay na tinanguan na lang niya ang sinabi nito.
Nang makaalis na ang mga kasambahay nila ay agad siyang naligo at nagbihis. Kailangan niyang makausap si Atty. Garcia, marami rin siyang katanungan na kailangan niya ng kasagutan.
Pababa na siya sa hagdanan nang makita siya ng Abogado ng kanyang ama. Tumayo ito at binati siya.
“Goodmorning, Miss Montana!”
“Goodmorning din po, Attorney,” balik-bati niya rito. Sinenyasan niya ito na maupo. “Attorney, bakit po umalis ang lahat ng katulong namin?
“Kaya ako ‘andito ngayon, Miss Montana. Because I want to let you know that you need to leave your mansion as soon as possible.” Nakakunot-noo siyang nakatingin kay Attorney. Parang ayaw mag-sink in sa isip niya ang mga sinabi nito.
“W-what do you mean by that, Attorney?” nagugulumihang tanong niya.
“Your father was bankrupt,” deretsahan nitong sagot.
“What?!” gulat na tanong niya. “A-are you serious, Attorney? How did that happen?”
“Nalulong sa sugal si Mr. Montana, hanggang sa napabayaan na niya ang negosyo niyo. Nagkanda-utang-utang pa siya to the point na pati ang bahay niyo ay nai-sangla niya sa bangko,” sagot ni Attorney Garcia sa kanya. Natutop niya ang kanyang bibig sa pagkabigla. Hindi siya makapaniwala na darating sa puntong matutunan ng daddy niya ang magsugal and worst, nalulong pa ito ng sobra. “At ang mga ibang ari-arian niyo ay kailangan na rin ibenta para pambayad sa lahat ng pinagkakautangan ng daddy mo.”
“Bakit ngayon n’yo lang sinasabi sa ‘kin ‘to, Attorney?”
“Miss Montana, ayoko kasi na biglain ka. Nagdadalamhati ka pa sa pagkawala ng mga magulang mo kaya hinayaan muna kitang magluksa bago ko sabihin sa’yo ang tungkol sa bagay na ‘to,” anang abogado ng kanyang ama. Nang mapagtanto niya ang gustong ipahiwatig ng kausap ay napatango na lang siya. Naiintindihan niya kung bakit nito nagawa iyon. Lugmok na lugmok talaga siya sa kalungkutan. Nangangayayat na rin siya dahil halos ayaw pumasok ang pagkain sa sikmura niya. Wala siyang gana. Gabi-gabi ay umiiyak siya at tinatawag ang pangalan ng mommy at daddy niya.
“Saan po ako titira ngayon kung kukunin na ng bangko ang bahay namin, Attorney?”
“’Wag kang mag-aala dahil nakiusap ako sa bangko na bigyan ka ng sapat na panahon para makahanap ka ng malilipatan mo, Miss Montana.”
“Hanggang kailan po?” parang nanghihinang tanong niya. Hindi siya makapaniwala sa lahat nang nangyayari. Una, namatay ang mga magulang niya at ngayon nanganganib pang sa lansangan siya tumira.
“They gave you two months to prepare and leave this house,” sagot nito.
“Pero, Attorney, wala bang ari-arian si Daddy na maiiwan sa’kin?” Umaasa siyang magsasabi ang Attorney na ‘Meron’ pero umiling ito na ikinalaglag ng kanyang mga balikat.
“Paano, aalis na ako. Babalik na lang ako rito after two months at dapat nakahanap ka na nang lilipatan mo,” pagpapaalam ni Attorney Garcia. Bagsak ang mga balikat na tinanguan na lang niya ito bilang pagtugon.
Naiiyak siya sa kinahinatnan nang kanyang buhay. “Mommy, Daddy. I’m sorry. Hindi ko alam na may malaki na pala kayong problema na kinakaharap. Kung sana sinunod ko na lang ang kagustuhan n’yo na pamahalaan ko agad ang ating negosyo. Siguro, hindi ito nangyari, natulungan ko sana kayo,” humihikbing pagkausap niya sa mga magulang sa kawalan.
Dalawang araw siyang nagmukmok sa kanyang kuwarto. Naubos na ata ang lahat ng luha niya kakaiyak. Pero isang desisyon ang nabuo sa isipan n’ya. Gagamitin niya ang dalawang buwan para maghanap muna ng trabaho. Saka na niya iisipin ang malilipatang bahay kapag may pangtustos na siya sa mga pangangailangan niya. Nasa ganoon siyang pag-iisip nang bigla niyang maalala ang mga bag collections niya. Ang iba doon ay hindi pa niya nagagamit. Puwede niya iyong ibenta para may pera siya. Tumakbo siya sa kanyang closet at pinagkukuha lahat ang mga gamit niya, pati na ang damit niya na hindi na niya halos nagagamit. Kinuhanan niya lahat ng pictures saka pinost sa lahat ng mga page sa social media na pinagbebentahan ng kung ano-anong mga gamit. Kailangan niyang kumilos. Tanging ang sarili lang niya ang makakatulong sa kanya ngayon. Wala na siyang maasahan kahit ang kanyang mga kamag-anak. Noong isang araw ay nilunok niya ang kanyang pride at sinubukang humingi ng tulong sa mga ito pero sinabihan siyang wala raw maitutulong ang mga ito. Ayaw din siyang kupkupin dahil magiging pabigat lang daw siya sa mga ito. At dahil sa pag-alala sa pangyayaring iyon ay namimigat na naman ang dibdib niya sa sinabi ng kanyang mga kamag-anak.
“Hindi ko kayo kailangan. Makakaya kong tumayo sa sarili kong mga paa kahit wala kayo!” paghihimutok niya habang nakakuyom ang kanyang mga palad. Ilang sandali lang ay may nag-inquire na sa kanyang mga pinost. Natuwa siya dahil nai-deal na agad ang isang bag niya.
Lumipas pa ang ilang araw ay naibenta na niya lahat ang mga gamit niya. Sigurado siya na mabebenta iyon dahil karamihan naman ay hindi pa niya nagagamit.Ang susunod niyang gagawin ay maghahanap siya ng trabaho tutal ay nakatapos naman siya ng pag-aaral.
Pero ganoon na lang ang pagkadismaya niya dahil sa tatlong kompanya kasi na in-apply-an niya ay hindi siya natanggap. Isang taon na kasi mula nang magtapos siya sa kolehiyo at nahihirapan siya makipagsabayan sa mga bagong graduates. Lagi na lang siya hinahanapan ng work experienced. Minsan parang gusto na niyang sumuko. Kaya unti-unti na rin siyang nakakaramdam ng habag sa sarili. At isa pa, malapit na maubos ang pinagbentahan niya ng kanyang mga gamit.
Nang mapatingin siya sa kalendaryo para tingnan kung ilang linggo pa ang nalalabi sa ibinigay na palugit sa kanya ng bangko para mamalagi sa bahay nila habang naghahanap siya ng malilipatan. Pero ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya at napatutop sa bibig niya nang mapansin ang nabilugan na petsa sa kalendaryo—iyon ang araw ng dalaw niya pero hindi pa siya dinatnan.
“Hindi maari na mabuntis ako,” kinakabahan na wika niya. Kung sarili nga niya ay nahihirapan na siyang igapang paano na lang kung may bata na sa sinapupunan niya?
“Paano ko sasabihin ang tungkol sa bata sa ama nito?” litong-lito at naguguluhan na tanong niya sa sarili.
Ngunit sa huli ay pilit na kinumbinsi niya ang sarili na stress lang siya kaya na-delay ang buwanang dalaw niya.