“PRINCESS,” malumanay na tawag sa kanya ni Mariel.
Nahinto si Bernadette sa pag-eempake. “Yes, Mommy?”
“I never knew na matagal ka na palang pinapupunta ng Tita Dorina mo sa kanya. Ni hindi niya nabanggit iyo sa mga pag-i-e-mail sa atin. Nito lang huli.”
“Sa opisina niya ini-e-mail ang pangungulit, Mommy. Hindi ko nga rin sana balak tanggapin ang imbitasyon pero naisip kong bakit nga ba hindi? Tutal ay nasa college pa yata ako nang huli tayong pumunta roon.” Naihanda na niya ang sasabihin sa inaasahan niyang pagtatanong nito.
Tumangu-tango ito. “I hope na hindi mo pinagbigyan ang imbitasyon ng Tita Dorina mo para lang makaiwas sa akin,” nagdaramdam na wika ni Mariel.
Si Bernadette ang na-guilty sa tanong na iyon ng ina. “Bakit naman kita iiwasan? Hindi ba’t nagkasundo na tayo? Wala na sa akin iyon, `My. Totoo.”
Napangiti si Mariel. “Mabuti kung gano’n, anak. Honestly, nagi-guilty rin naman ako. But believe me, hindi namin inisip ng Mama Roselle mo na ipagkasundo kayo ni Juniel kung sa masama kayo mapupunta. We did it in good faith.”
“We know that, Mommy. Kaya nga nitong huli’y naisip na rin naming sumunod na lang sa gusto ninyo. Mother knows best, `di ba?” pagbibigay-assurance niya rito.
“Kailan ka ba babalik? First time mong aalis nang matagal na hindi kami kasama. Mami-miss ka namin ng daddy mo.”
“Of course, mami-miss ko rin kayo. But don’t worry. Hindi naman ako magtatagal doon. Kaya ko nga lang naisipang pagbigyan na rin ang hiling ni Tita Dorina ay para huling hirit ko na rin. Remember, isang buwan na lang ang bakasyon nina Juniel sa Canada. And by the time na bumalik na sila rito, aasikasuhin na namin ang tungkol sa aming kasal.”
“Mauuna pa ba silang bumalik kaysa sa iyo?” Gusto nitong makatiyak.
Nagkibit siya ng mga balikat. Iyon ang hindi niya maipangako sa ina. Hindi pa rin nila napag-usapan ni Juniel ang tungkol doon.
“I’ve filed my indefinite leave of absence. But I don’t think I will stay that long. Maaalala ko rin palagi na wala kayong kasama ni Daddy rito. Lalo pa ngayon na nalaman ko na may sakit ka. I suggest you get some house help, Mommy. Nang hindi ka napupuwersa sa mga gawain.”
Umiling si Mariel. “Sa simula pa lang ay ako na ang nag-aasikaso sa inyong mag-ama, bakit pa? And besides, hindi naman senyorito ang daddy mo. Kita mo’y marunong din siya sa mga gawaing-bahay.”
“But not this time. Ilang linggo rin siguro ako sa Chicago. Ibig sabihin ay maglalaba ka na’y mamamalantsa ka pa.” Hati sila ng ina sa ganoong gawain.
“So, what? Princess, mag-aasawa ka na. Ibig sabihin, sa ayaw man at sa gusto namin ay bubukod ka na sa amin. That is, kung nakapagdesisyon na kayo ni Juniel kung saan kayo titira.”
Hindi pa namin naisip iyon, naisip niya. Pero sa halip na isatinig iyon ay iba ang isinagot niya. “I have a suggestion, Mommy. Bakit hindi muna kayo mag-stay ni Daddy sa Bulacan? Matutuwa pa ang Lola Marcela at Lolo Alberto. Matagal-tagal na rin tayong nandito sa Philamhomes. Ni hindi n`yo na nadadalaw ang bahay doon.”
Natatandaan niyang bata pa siya ay ilang bahay na ang nalilipatan nila. Noong magsisimula pa lang siyang mag-aral ay saka sila napirmi.
Nagdesisyon si Benedict na sa Philamhomes sila tumira komo’t napagkasunduang sa Quezon City siya pag-aaralin. At ang lolo’t lola niya sa side ng ina ay regular na lang na dumadalaw sa kanila kung pumapalya sila sa pagbisita sa mga ito sa Sta. Maria.
“Pinauupahan na ni Daddy ang bahay ko roon. At ang sa kanila naman ay paminsan-minsan na lang din nilang mauwian dahil mas nakatutok na si Daddy sa pagtingin ng palaisdaan sa Hagonoy.”
“De doon na rin kayo magbakasyon ni Daddy? Hindi naman napaka-hectic ng schedule ng trabaho niya sa J&V, `di ba? Mainam iyon, maiiba naman ang atmosphere ninyo. At mabuti rin para sa iyo. Makakaligtas ka sa polluted na hanging-Maynila kahit man lang ilang linggo.”
“I don’t think so, Princess. Wala ang Tito Frederick mo at pansamantala’y sa daddy mo ngayon ang buong J&V. Hindi niya puwedeng isabay ang pagbabakasyon namin kahit na nga ba katabing probinsya lang. Go and have fun with your vacation. Huwag mo na kaming intindihin ng daddy mo.”
Kumilos siya at muling ibinalik ang atensiyon sa ginagawang pag-eempake ng mga gamit na dadalhin.
“Ano’ng gusto mong pasalubong ko sa iyo, Mommy? Knowing Tita Dorina, wala iyong ibang isa-suggest kung saan kami magsa-shopping. Want the D&G perfume?”
“Hindi na, Princess. Nakalimutan mo na bang laging may padala sa akin ang tita mo? Enjoy your last minutes of being single. Ibang bagay ang gusto kong ibigay mo sa akin.”
“What is it then?”
“Apo. That’s what we’ve been waiting for.”
SI BENEDICT lang ang naghatid kay Bernadette patungong airport. At habang-daan ay tahimik lamang ang ama. Bagay na nakapagpaalarma sa dalaga.
“You’re quiet, Daddy. Hindi mo pa rin ba naiisip hanggang ngayon kung ano ang sasabihin kong ipapasalubong sa iyo ni Tita Dorina?” Idinaan niya sa pabirong tono ang tanong dito.
“Kahit naman hindi kami magbilin ay magpapadala ang tita mo.” Tipid ang ngiting isinukli sa kanya ni Benedict nang saglit na sumulyap ito.
Namagitan ang sandaling katahimikan.
“Come on, Dad,” aniyang hindi nakatiis sa tila tensyong nakapagitan sa kanila ng ama. “Why don’t you tell me what you feel about this? I can back out if you’ll give me one enough reason.”
“But that’s the thing I don’t want you to do—to back out. Hindi ba’t sinabi ko sa iyo noon na ako mismo ay boto kay Juniel para sa iyo?”
“Pero para kang namatayan sa itsura mo ngayon, Daddy. Kung nag-aalala kang baka hindi na ako bumalik ay nagkakamali ka. I assure you, babalik ako anuman ang mangyari.”
Nangunot ang noo ni Benedict. “Don’t be negative. I wish you all the best, hija. Of course, every father wants the best for his child.”
“And you’ve already proven yourself, Daddy.” Nangiti si Bernadette. “Kaya ko lang naman nasabi ang ganoon ay ayaw ko rin sanang umalis. Lagi ko kayong maaalala ni Mommy. This is the first time na malalayo ako sa inyo nang matagal.”
“But we don’t worry too much. Lalo na ako. Dahil alam kong pagbalik mo’y may asawa ka na.”
“But not in its purest sense, Dad,” giit niya.
Umiling si Benedict. “Huwag `yan ang itanim mo sa iyong isip. Since pagbibigyan mo ang mommy at Mama Roselle mo, why don’t both of you try to make the marriage work? There’s nothing wrong with that.”
Sandaling umangat ang kanyang kilay. “Okay, I’ll remember that,” tanging naisagot niya sa ama.
MAINIT ang pagtratong tinanggap ni Bernadette mula sa kanyang Tita Dorina nang tumuntong siya sa twelve-bedroom house nito sa Chicago. Abut-abot ang paghingi nito ng pasensiya sa kanya sa hindi nito personal na pagsundo sa kanya sa airport.
“It’s okay, Tita. Mabuti na lang at natatandaan ko pa ang driver ninyo,” saway niya sa tiyahin.
“Anyway, ihahatid muna kita sa magiging kuwarto mo, okay? Knowing your Tito Romulo, kahit migraine lang ang nararamdaman ay gustong hindi ako nahihiwalay sa kanyang tabi,” naiiling na wika ni Dorina.
“I’ll be fine, Tita. Ang request ko lang ay iyon sana uling guest room na ibinigay mo sa akin noong huling dalaw namin dito ang ipagamit mo sa akin. I love the view there from the window.”
“No problem, dear. Hayaan mo’t tatawagin na lang kita once na dumating ang mga pinsan mo. I told Jude and Roma to come over here. Alam mo naman iyong dalawa na iyon, mas gusto pa sa flat nila kaysa rito samantalang ang laki-laki ng bahay. Tody is still in their honeymoon. Regalo ng papa nila ang two-week European trip. Ngayon pa lang nila ine-enjoy dahil hindi naman ganoon kadaling mag-file ng leave sa kanilang trabaho,” mahabang paliwanag ni Dorina.
“Kayong dalawa lang ni Tito Romulo rito?” Nasa tinig ng dalaga ang pagkamangha.
Ipinagkibit-balikat lang ni Dorina ang tanong na iyon. “Mula nang matapos silang lahat mag-aral ay nawalan na rin kami ng kontrol sa desisyon nilang magsarili. Tinanggap na rin namin ni Romulo ang bagay na iyon. Tutal naman ay isang tawag lang namin ay nagsisidating basta sinabi namin.”
“Bakit hindi pa kayo umuwi sa Pilipinas? Mukha nang mausoleo ang bahay ninyo sa Alabang. Katulong lang ang nakatira at kundi pa paminsan-minsan papasyalan ni Daddy o ako ay hindi magkakatao.”
“You’re like your dad. Sa telepono, sa e-mail, iyan at iyan ang kinukulit sa akin. O kung bakit hindi ko man lang daw paupahan na lang kung hindi namin titirhan. Same old question, same old answer. Ayaw na ng mga bata. At kung uuwi kami ni Romulo ay lalo na kaming hindi magkikita-kitang pamilya.”
Napatango na lang si Bernadette sa sinabing iyon ng tiyahin.