MAS MALAKING di-hamak ang kuwartong iyon kaysa sa sarili niyang silid sa Philamhomes. At natural na marangya kagaya ng bawat gamit na naroroon. Hindi na bago sa kanya ang gayong tanawin basta alam niyang nakatuntong siya sa property ng tiyahin.
Nakagisnan na ni Bernadette na bawat bagay na pag-aari ni Dorina ay primera-klase. Lahat ay mahihinuhang mamahalin sa isang tingin pa lamang.
Subalit hindi ang karangyaan ng silid ang pangunahing dahilan kung bakit hiniling niyang iyon ang mapasakanyang silid. Totoo sa loob niyang sabihin na maganda ang view roon. Pagdungaw niya sa bintana ay matutunghayan ang oversize na swimming pool at ang napakaluwang na lawn.
Nakakapagpagaan sa kanyang pakiramdam ang ganoong tanawin. Green grass and blue water.
“Thank you,” aniya sa katulong na siyang nagpanhik ng kanyang mga maleta. Tango lamang ang itinugon sa kanya ng matandang babae na sa tingin niya ay Filipino rin.
Sa halip na ilabas ang mga damit ay inuna pa niyang lapitan ang kinalalagyan ng telepono. Pinindot na niya ang numero ni Juniel sa Canada.
“Nandito na ako kina Tita Dorina,” balita agad niya nang tiyempong si Juniel ang sumagot.
“How’s your trip?” Masiglang-masigla ang boses ng binata. Pangatlong beses pa lamang iyon na nagkakausap sila mula nang pumunta ito sa Canada. Ang pangalawa ay nang tiyempong nagmamadali siya papunta sa ticketing office.
“Okay lang. At home na ako rito dahil pang-ilang beses ko nang punta ito. But of course, hindi pa rin nagbabago si Tita Dorina. Very accommodating as always.”
“Does she know the real reason of your going there?”
“Wala akong binanggit. Kung may sinabi man sa kanya si Daddy, hindi pa naman niya binubuksan sa akin. But I don’t think na meron nga. Tayong tatlo lang ni Daddy ang nag-usap, `di ba?”
“So what will you say the moment we see each other?”
“Naturally, I’ll introduce you as my fiancé.”
“And...?” Bakas ang kuryusidad sa tanong na iyon ni Juniel.
“Our soon-to-be marriage, of course,” natatawang sagot niya.
“When do you think is the right time for me to see you?”
“The soonest, kung puwede. Nag-aalala ako kay Mommy. And honestly, ngayon pa lang ay nami-miss ko na sila.”
“Princess, kailangang magsanay ka nang malayo sa kanila. We are going to tell them we got married abroad at natural na magsasama tayo.”
“O-oo nga pala.” Noon lang na-realize ni Bernadette na natural na bagay iyon oras na makasal sila. At kahit nauna nang binanggit iyon sa kanya ng ina at ngayon ay silang dalawa ni Juniel ang nag-uusap ng tungkol sa bagay na iyon ay hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman.
“Saan tayo titira?” patuloy niya.
“I haven’t thought about that yet. But I assure you, hindi kita ititira sa lugar na hindi ka magiging komportable.”
“Hindi naman ako maluho. Basta’t may complete facilities para sa mga basic needs natin ay puwede na.”
Mahinang tawa ang pinakawalan ni Juniel bago sinagot ang sinabi niyang iyon. “Princess, hindi lang basic ang ibibigay ko sa iyo. You deserve better than that, okay? Kaya huwag mo nang isipin iyon. Ako na’ng bahala.”
“May request pala ako.”
“What is it?”
“Sana iyong malapit kay Mommy. Alam mo na.”
Eksaherado ang pinakawalan ni Juniel na buntong-hininga. “Hindi naman kita palaging aawayin. Bakit gusto mong malapit sa pagsusumbungan mo?”
“Tse! Kahit kay Mama Roselle kayang-kaya kitang isumbong, `no!” Kung magkaharap lang sila ng binata ay makikita nito kung gaano kalaki ang pandidilat ng mga mata niya bilang reaksiyon sa sinabi nito.
“Get ready with yourself. Ititira kita sa malayo sa mga parents natin.”
“No!” totoong pagtanggi niya.
“Yes, Princess. If that will only give you a hint on where I plan us to settle down.”
“May sakit ang mommy,” protesta niya.
“She’s fine. Just an assurance na nasa mabuti kang kalagayan, hindi na mauulit ang pag-atake niya. Remember na kaya lang naman siya nagkasakit ay dahil sa labis na pag-aalala niya sa iyo.”
“But you’re not serious na titira tayo sa malayo.” May duda sa tinig niya. “Saan ba?”
“I can’t give you an exact place, Princess. `Pag sinabi ko sa iyo ay iyong talagang sigurado na.”
“Paano kung ayaw ko?” pagmamatigas niya.
“Hindi puwedeng ayaw mo,” maawtoridad na tugon ni Juniel. “Hindi ba’t ang usapan natin ay maghihiwalay lang tayo sa sandaling ma-meet natin ang taong makapagpapatibok ng puso natin at handa nating makasama habambuhay? Wala sa usapang maghi-hiwalay tayo sa ibang dahilan maliban doon.”
“But—”
“No more buts,” putol kaagad sa kanya ng binata. “Let’s cut our conversation dahil ayokong magkaroon tayo ng misunderstanding dito pa man din sa telepono. For the meantime, enjoy yourself and expect me seven to nine days from now, okay? Anyway, tatawagan pa rin naman kita in between.” At hiningi na nito sa kanya ang numero ng bahay ni Dorina.
PARANG noon pa lang siya nakakatulog nang maramdaman ang pagyugyog sa kanyang balikat. Nang magmulat si Bernadette ay tumambad sa kanya ang pinsang si Queenie—ang bunso at kaisa-isang anak na babae ni Dorina.
“Kumusta ka na?” tuwang-tuwang sabi nito nang makitang gising na siya.
Mabilis siyang bumangon at gumanti ng yakap sa babae. “Siyempre, isa lang naman ang sagot sa ganyang tanong,” maluwang ang ngiting sagot niya.
“Maganda pa rin.” Magkapanabay nilang sabi at saka nagkatawanan.
Ganoon sila ni Queenie. Kahit bihirang magkita ay hindi kumukupas ang closeness nila sa isa’t isa.
“Kung hindi pa sinabi ni Mama na dumating ka na ay hindi ko malalamang nandito ka. Bakit hindi mo sinabing magbabakasyon ka rito? Sana’y nakapag-file kaagad ako kahit ilang araw na bakasyon sa opisina.” Pasadlak itong naupo sa gilid ng malaking kama.
“Biglaan, eh.”
Umikot ang mga mata nito. “As if hindi ko kaagad iyon napansin. First time mo itong bakasyon na hindi kasama ang mga Tito Benedict, `di ba?”
“Yap! At huwag mo nang itanong kung bakit. Dahil hindi ko pa rin sasabihin sa iyo.”
“I don’t think so,” buo ang tiwala sa sariling wika nito. “I promised Mama na habang nandito ka ay dito rin muna ako uuwi. To which I agreed willingly dahil last year pa yata tayo nagkausap nang matagal. At siguro naman, kung tuwing gabi’y kukulitin kita, magtatapat ka na rin sa akin. Ayaw na ayaw mo nang kinukulit, `di ba?”
Tumango siya, pagkuwa’y umiling din. “This time, my lips are sealed kung iyon ang itatanong mo sa akin.”
“Challenge,” simpleng wika nito.