ARAW lang ang binilang at tumulak na ang buong mag-anak nina Roselle at Frederick patungong Canada. Isang buwang bakasyon na pinakahihintay ng mag-anak subalit para kina Juniel at Bernadette ay iba ang kahulugan niyon.
Nakihatid sa airport ang mag-amang Benedict at Bernadette. At bago tuluyang tumalikod si Juniel papasok sa departure area ay isang mariing halik ang ikinintal nito sa mga labi ng dalaga.
Hindi naikaila ang pamumula ng pisngi niya lalo’t nasaksihan pa iyon ng marami. Subalit nasa mga mata ni Juniel ang kasiyahang masdan siya matapos ang mabilis na halik na iyon.
“Ingat ka, ha?” bilin pa nito.
Parang nalulon niya ang sariling dila. Marahan siyang tumango.
“Baka ma-late ka sa embassy,” paalala ni Benedict sa kanya nang ganap nang nakatalikod si Juniel at mawala sa karamihan. Napuna nito ang pagkatulala niya. “May pupuntahan ka pa.”
“Oo nga pala,” aniyang biglang natauhan. Sumunod na rin siya sa hakbang ng ama papuntang parking area.
“DON’T get me wrong, Princess. But I don’t think it’s wise na sa abroad kayo magpapakasal,” nananantiya ang salitang iyon ni Benedict.
Hindi kaagad nakasagot si Bernadette. Nag-iisip siya ng ikakatwiran sa ama.
“Hindi ibig sabihin ay hindi na ninyo ako kakampi. I think it’s possible that the two of you fall for each other.” Sa pandinig ng dalaga ay may katiyakan sa tinig ng ama nang sabihin iyon.
“Dinadaya ka lang ng nakikita mo, Daddy. Of course, we have to pretend. Para hindi na mag-alala sina Mommy at Mama Roselle. Kailangang convincing ang mga kilos namin, hindi ba?” May pakiramdam siyang mas pagbibigay-katwiran iyon sa sarili kaysa sa ama.
“Kaya?” anitong hindi naniniwala. “Kilala kita, anak. Noong panahong pilit na nakikiusap sa akin ang mommy mo na huwag na lang kaming magpakasal, ganyan din ang sinabi niya. Pero sa huli ay iyak nang iyak sa pag-aakalang pinalitan ko siya nang bumalik ang former girlfriend ko,” nangingiting saad ni Benedict.
“Let’s stop talking about us, Dad,” pakiusap niya rito. “Nakapagdesisyon na tayong tatlo nina Juniel tungkol diyan. So I think we should stick to that plan.”
“Nakokonsiyensiya ako sa mommy mo. Parang pinagkakaisahan natin siya,” pag-amin nito.
“Why would you feel like that, Dad?” Parang batang kinastigo ito ni Bernadette. “Anak mo rin naman ako. Isipin nating this is the best that we can do to that marriage. Look, willing naman kami ni Juniel na magpakasal. But please, huwag naman ninyong ialis ang lahat ng karapatan namin.”
“Alam ko `yon, Princess. Hindi ba’t kaya rin ako nakumbinsi ni Juniel sa bagay na `yan? But honestly, I also want your marriage to work out. Kaya kung may nararamdaman kayo ni Juniel sa isa’t isa, I suggest dito na lang kayo magpakasal.”
Umiling siya. “Mahirap makipagsapalaran, Dad. Paano kung dumating ang panahong may makilala si Juniel na babaeng talagang mahal niya? The same thing with me. Hindi kami ganoon kadaling makakakalas sa isa’t isa. Unlike if we get married in the States, napakadali lang ng proseso, lalo`t magiging cooperative kami.”
“Iyon ba ang gusto mong mangyari sa iyo? Ang ilang beses na magpakasal? Hija, we did not raise you to that belief. Sagrado ang kasal.”
“Sagrado pala, the why would our mothers decide for us?” Pumiyok ang tinig niya at naramdaman ang pag-iinit ng sulok ng mga mata. “Hindi ba nila naisip na may posibilidad na maging impiyerno lang ang pagsasama namin ni Juniel?”
“I doubt that, Princess. Kilala namin si Juniel. At sa palagay mo ba’y ganoon ang nasa isip ng mommy mo kung iyon nga ang posibleng maging buhay mo? It’s not that. Puro positibo ang nakikita nila, kaya nga gusto nilang kayo ang magkatuluyan.”
“Paikut-ikot na lang ito, Dad.” Napabuntong-hininga si Bernadette. “Nakakapagod na.”
“I understand you. I’m sorry kung lalo lang nakagulo sa iyo ang sinabi kong dito na lang kayo magpakasal. Anyway, ang alam ng Tita Dorina mo’y balak mong magbakasyon sa kanya sa Chicago. Iyon ang sinabi ko. In fact, natutuwa siya na bibisita ka sa kanya. She even invited us. Pero alam na nating pareho ang dahilan kung bakit hindi ko gustong makasabay mo ang mommy mo sa pagbabakasyon mo roon.”
“Kailan niya ipapadala ang ticket ko?” Saglit na nakalimutan niya ang iginigiit ng ama.
“Kung ano`ng resulta ng pagpunta mo ngayon sa embassy ay kailangang ipaalam natin sa kanya mamayang gabi. Who knows? Hindi maglilipat ang linggong ito ay aalis ka na rin.”
“At ano ang idadahilan mo kay Mommy?”
“Simple. Nasa bakasyon ka.”
“Iisipin nilang pareho na tumakas kami ni Juniel sa pangako namin.”
“I’ll assure her. The marriage will still take place the moment both of you came back. But, of course, kailangang pagbalik ninyo ni Juniel ay kasal na kayo. Kung hindi ay mapipilitan nga kayong dito magpakasal. At `pag ganoon ay bale-wala na rin ang mga plano natin.”
“I’ll make sure na ikakasal kami roon,” nakatitiyak na sabi ni Bernadette.
“I wish you all the best, Princess. Kung anuman ang mangyari’y alam mong narito pa rin kami ng mommy mo para sa iyo. Hindi man kami naging perpektong magulang, you know, mahal ka namin,” madamdaming wika ng ama.
Napangiti siya. Pinili niyang huwag tumugon sa tinurang iyon ng ama. Naninikip ang kanyang dibdib at nagbabantang malaglag sa pisngi ang nangingilid na mga luha.
TANTIYA ni Bernadette ay telepono kaagad ang hinagilap ni Juniel nang dumating ito sa Canada. At dahil magkaiba ang oras sa Canada at sa Pilipinas ay tulog na siya nang tumunog ang telepono.
“Hello?” inaantok pang sagot niya.
“It’s me, Princess.” May sigla sa boses ng binata.
Ipinilig niya ang ulo at pilit na tinanggal ang antok. “How’s the trip?” Bumangon na siya.
“Fine. Nandito na kami sa bahay ni Lola Adelaida. Nagkakagulo pa sila sa pagkukumustahan. Knowing Mama, I’m sure hanggang sa uuwi na lang uli sa Pilipinas ay marami pa rin iyong kuwento. Hinayaan ko na sila roon. Ikaw kaagad ang naisip kong tawagan. Kaya kahit alam kong bedtime mo na, nag-dial pa rin ako.”
“Hihimatayin si Lola Adelaida `pag nakauwi na kayo’t saka pa lang niya makikita ang mga overseas calls mo.” Napabungisngis siya. Kilala na niya ang mga lola nito sa parte ni Frederick. Nang minsang magbalikbayan ang mga ito ay ipinakilala silang buong pamilya ni Frederick.
“Who cares? Kung mga ganitong gastos lang ay hindi iindahin ng lola. How’s your day?” tanong nito.
“What if I’ll just send you a letter or i-e-mail ko na lang? Ako ang nag-aalala sa bill ni Lola Adelaida.”
“I want to hear your voice. So please, stop worrying about the bills. Hindi naman sa iyo ito naka-charge,” natatawang sabi ni Juniel.
“Bahala ka,” ganti niya. “Anyway, we went to the embassy right after na maihatid kayo. Wala namang problema. At dahil tumawag na rin kanina si Daddy kay Tita Dorina, nagpa-book na kami. I mean, ako lang dahil ayaw ni Daddy na isabay sa akin ang bakasyon nila ni Mommy. Three days from now, pa-Chicago naman ako.”
“So hintayin mo na lang ako roon. Maybe, a week or so. Pero hindi ako matatagalan. I’ll just contact an architect friend at wala na akong magiging problema kung mauna man akong aalis sa kanila. I’ll just reason out that it’ll be work-related. Hindi na magtatampo sa akin ang lola dahil at least naka-more than a week na akong kasama nila.”
“So, tuloy na talaga?” Hindi mawari ni Bernadette kung ano ang mararamdaman sa mga sandaling iyon.
“Why? Gusto mong umurong?” naalarmang tanong sa kanya ni Juniel.
“Hindi,” pabigla niyang sagot. Hindi niya alam kung mapapahiya o maiinis sa sarili. “I mean—”
“Why would you sound so defensive when you only have to answer ‘yes’ or ‘no’?” Nanunudyo ang tinig nito.
“I don’t know. Ang sabi kanina ni Daddy ay kung desidido raw ba talaga tayong magpakasal. Ang question nga lang ay kung sa abroad pa rin kagaya ng napag-usapan natin o dito na lang sa Pilipinas. He hinted something.”
“That our marriage might not work out?”
“Sort of,” amin ng dalaga. “Juniel, I’m telling you this, hindi para guluhin ang orihinal nating plano. But since you started asking me, at palagay ko’y karapatan mo ring malaman iyon.”
Nakarinig siya ng mabilis na paghugot ng hininga. Sa pandinig niya ay tila itinago iyon sa kanya subalit naramdaman pa rin niya.
“Princess, I appreciate it. Pero ibabalik ko sa iyo ang tanong ng daddy mo. Would you like to get married there? Ibibigay ko sa iyo ang pasya kung saan mo gustong magpakasal. Sa lugar na puwede tayong paghiwalayin ng diborsyo o sa Pilipinas? We both know kung ang huli ang pipiliin mo’y talagang matatali tayo sa isa’t isa.”
Natigilan si Bernadette sa tinurang iyon ng binata. Pakiramdam niya ay mas mahirap ngayon ang pagsagot kaysa nang unang banggitin nito na kailangang magpakasal din sila.
“`Still thinking?” untag ni Juniel nang makaraan ang maraming sandali ay wala pa ring tugon mula sa kanya.
Nangangapa pa rin siya ng isasagot. Mabilis niyang pinagana ang isip. “By tomorrow ay ipapasok ni Tita Dorina sa account ni Daddy ang halaga ng ticket na binili namin kanina. So I guess we’ll meet at her house in Chicago.”
“Natatakot kang magpakasal dito dahil walang diborsyo?” pananalakab ni Juniel.
Napahugot siya ng malalim na paghinga. “Please, huwag na nating pag-usapan ang bagay na iyon. Tutal, napagkasunduan na natin iyan noon pa. Hindi ba’t ikaw ang nakaisip na sumunod tayo sa kanila— magpapakasal tayo pero sa lugar na legal ang gagawin nating paghihiwalay sa bandang huli?”
“Honey, nakalimutan mo na bang sa iyo ibinigay ang pagpili ng lugar kung saan mo gustong magpakasal? I guess that was only a while ago.”
“Juniel!” Napipikon na siya at lalo pang nakadagdag sa kalituhan niya ang gamit nitong term of endearment.
Honey? Aaminin niya sa sariling tila idinuyan ang pakiramdam niya sa pagtawag na iyon ng binata. Ganoon pa man ay inawat niya ang sarili na hindi dapat magpapadala sa gayong sweetness.
“Okay, siguro ay inaantok ka na nga. I’ll call you up again, okay? Mag-a-adjust pa rin naman ako ng body clock ko rito.”
Hinamig niya ang sarili. Ayaw niyang kahit sa telepono ay maramdaman nito ang mabilis na t***k ng kanyang puso.
“S-sige...”