HINDI nga nagsisinungaling si Lance nang sabihin nitong ito ang isa sa mga instructor ng horseback riding club. Ipinakilala siya nito sa lahat ng miyembro at muntik na siyang umatras nang makita si Charmien na sobrang sama kung makatingin sa kanya. Kung nakakamatay lang ang tingin, naging abo na siya ng mga sandaling iyon.
“Oh, and everyone, ako ang magtuturo ngayon. Busy pa kasi si Sir.” sabi ni Lance bago bumaling kay Charmien. “Miss. Branzuela, ipagkakatiwala ko sa `yo ang pagte-train sa mga handa ng sumakay sa kabayo. Ako na lang ang bahala sa lecture ngayon.”
Ngayon lang niya nakitang seryoso si Lance. Mukhang maganda nga ang magiging leadership nito dahil kahit na nga approachable at palangiti ito ay mahigpit pa rin ito sa mga members.
It was refreshing to see him that way. Kaya siguro hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakapag-move on ang kaibigan niyang si Angela.
Nang mag-umpisa na sila sa club ay lecture pa lang naman para sa mga baguhang katulad niya.
Sa loob ng dalawang linggo ay puro lecture lang ang ginawa ng mga baguhan. Minsan ay si Charmien ang inaatasan nitong mag-lecture sa kanila at katakot-takot na mga sandali iyon para sa buhay ni Suzie dahil minsan ay siya ang itinuturo nitong sumagot sa mga katanungan nito pero nagpapasalamat na lang din siya at hindi dinadamay ni Charmien ang personal issue nila sa club.
Sa pangatlong linggo ay nasubukan na rin niya sa wakas ang sumakay sa kabayo. Hindi naman iyon ang unang pagkakataon na nakasakay siya sa kabayo dahil nakasakay na siya noong bata palang siya. Pero hindi pa rin niya maiwasang manibago.
“Hum-hmm…”
Napatingin siya kay Lance na sumabay pala sa paglalakad niya. Tapos na ang meeting nila para sa araw na iyon.
“Bakit?” naghihinalang tanong niya rito.
Baka kasi kulitin na naman siya nito tungkol kay Angela. Iyon kasi ang ginagawa nito mula nang magsimula ang club meetings sa horseback riding club.
“You’re a fast learner.” komento nito.
Tinapunan niya ito ng tingin bago ibinalik ang tingin sa harap. Mukhang iba naman ang taktika nito ngayon dahil wala itong nakuhang impormasyon sa kanya noong nakaraang dalawang linggo.
Nagkibit-balikat siya. “Nakasakay na ako noong bata pa ako sa kabayo kaya hindi na ako masyadong nahirapan pa.”
Ngumiti si Lance saka inakbayan siya. “Nagpakita ka na ba kay Luis?”
Her heart skipped a beat upon hearing Luis’ name. Tatlong linggo na niya itong hindi nakikita. Sa katunayan nga ay tatlong araw na lang at magiging isang buwan na niya itong hindi nakikita. Nami-miss na niya ito pero alangan namang puntahan niya ito sa SRC-C. nakakahiya kaya at saka ayaw niya ng gulo. Civil na ang pakikitungo sa kanya ni Charmien kaya ayaw niyang masira iyon.
Ayaw niya ng gulo.
“I take it, you still haven't seen him?”
Tumango lang siya.
Narinig niyang bumuntong-hininga ito pero wala na itong sinabi pa. Kasalukuyan silang naglalakad sa paligid nang tawagin ito ng isang college student at pinapapunta raw sa SCR-C. Naiwan siya roon kaya napagdesisyunan niyang pumunta sa lawa na hindi kalayuan sa race track.
Nang dumating siya roon ay nakita niya si Charmien na nasa gitna ng lawa. Hanggang tuhod lang naman nito ang tubig. Nakatingala ito sa langit. Nakatali naman ang kabayo nito sa isa sa mga puno roon.
She looked like a deity of water. Dahil hindi ito nakasimangot katulad ng palagi niyang nakikita rito ay mukha itong maamong dalaga. Na-curious tuloy siya kung ano hitsura nito kapag nakangiti. Well, mukhang hindi niya iyon makikita dahil mainit ang dugo nito sa kanya.
“Charmien,” sabi niya nang makalapit rito.
Nilingon siya nito. “What?”
Nginitian niya ito. “Wala lang.”
Sumimangot ito at inirapan siya. Ibinalik ang pagtingala sa kalangitan kaya sinunod niya ang ginagawa nito. Ganoon na lang ang pagkamangha niy sa nakita. Puro mga sanga ng puno ang naroon kaya wala siyang nakikitang ulap o kalangitan. Parang pinapalibutan ng mga puno ang lawa na iyon at ang magkabilang bahagi ng lawa ay nagtagpo na kaya mula sa maliliit na siwang na lang nakadadaan ang liwanag ng araw. Para ring kumikinang ang mga dahon dahil sa liwanag ng araw na pilit na tumatagos.
“Wow!” bulong niya. She was mesmerized by the sight.
“Ngayong hindi ka na pinapansin ni Luis, si Lance naman ang binibiktima mo.”
Napatingin siya kay Charmien. Nakatingala pa rin ito. “Hindi iyan totoo.”
Doon na siya nilingon ni Charmien. May bahid ng galit at suklam ang mga mata nito. “You’re a gold digger.”
Nagtagis ang mga bagang niya. Wala itong karapatang sabihan siya ng ganoon dahil hindi siya nito kilala. “Bawiin mo `yang sinabi mo.”
Tinaasan siya nito ng kilay. “Why would I? Noong una kay Dave ka dumikit. Mabuti na lang talaga at hindi nagpadala si Dave sa `yo. He will never like someone like you. Nang malaman mo naman ang ina ni Luis ang may-ari ng SJU, sa kanya ka naman dumikit. Ginawa mo pang paglabanin ang mga magkakaibigan.”
“Hindi ko sila pinag-away. Huwag kang magbintang, Charmien.”
Binale-wala nito ang huling sinabi niya rito. “Hindi nga ba? Ikaw ang dahilan kung bakit naglaban sa basketball sina Luis, Lance at Dave, Keith. Kung mananalo si Luis at Lance, babalik si Cris. Pero kapag natalo naman sina Dave at Keith, suspende si Keith ng isang linggo.”
“What?!” natigilan siya sa sinabi nito. Hindi niya alam iyon. Akala niya ay friendly match lang ang nangyari.
“Huwag ka ng magmaang-maangan diyan. Alam ko kung ano ang tunay na kulay ng mga tulad mo.”
She gritted her teeth. Nakakagigil din talaga ang babaeng ito. Tiningnan niya ito mula ulo hanggang paa at pabalik. “Manalamin ka kaya muna?”
Namula ang mukha ni Charmien dahil sa galit.
“b***h!” she hissed.
“Witch!” ganti niya.
Kung inaakala nitong basta-basta na lang siya nitong maaapi ay nagkakamali siya. Lalabanan talaga niya ito dahil ang lakas ng loob nitong manghusga sa kanya. Por que ba mahirap lang siya kaya ang bilis nitong makapagbitaw ng mga salita? Ipapakita niya rito ang minamaliit nito.
Sinugod siya nito at sinabunutan. Ayaw sana niyang makipag-away pero ito ang nauna kaya naman nakipagsabunutan na rin siya.
Hinila niya ang mahabang buhok nito. Marami siyang makakapitang buhok nito dahil hanggang baywang ang haba ng buhok nito samantalang ang sa kanya naman ay hanggang balikat lang.
Nadulas siya kaya sa pagbagsak niya ay kasama niya ito. Malakas siyang napasinghap nang tumama ang puwet niya sa maliliit na bato sa lawa. Charmien hissed at the same time. Mukhang masama rin ang bagsak nito. Pero bago pa siya makabuwelo ay itinulak nito ang mukha niya pasubsob sa tubig.
Hindi siya makahinga ng maayos at naninikip ang dibdib niya kaya pinilit niyang makawala rito. Nang makahanap ng tiyempo ay itinulak niya ito ng ubod lakas dahilan upang matumba ito. Siya naman ang umibabaw rito.
“Witch!” sigaw niya.
Sinampal siya nito ng ubod lakas dahilan upang mapalingon siya sa kabilang banda. Ginamit nitong pagkakataon iyon para maitulak siya at kubabawan.
“Letse kang babae ka!”