“Baby, saan ka pupunta?” tanong ni Miguel sa babaeng nakatalikod. Nag-eempake ng damit ang babae. Hindi sya kinikibo nito. Tuloy-tuloy lang ito sa pagsisilid ng mga damit sa malaking bag na tila hindi napupuno at may malaki pang espasyo.
Kumabog ang dibdib ni Miguel. Iiwan sya ng babae. Malakas ang pakiramdam nya na iyon ang gagawin nito. Hindi nya kaya. Ayaw nyang mawala ito sa buhay nya. Nasasaktan sya sa hindi pagkibo nito sa bawat tanong nya.
“Hindi ka aalis!” sabi nya sa nanginginig na tinig.
“Palayain mo na ko, Miguel… hanggang dito na lang tayo…”
Nag-echo sa kanyang pandinig ang sinabi ng babae. Tila pinilipit ang bawat himaymay ng kanyang puso. Hindi nya matangap na sa ganoon lang sila magtatapos ng babaeng mahal na mahal nya. Sunud-sunod na pumatak ang luha sa kanyang mga mata.
Naglakad na ang babae, binitbit ang malaking bagahe. Dumiretso ito ng pinto at saka lumabas nang walang ingay. Mabilis na tumayo si Miguel sa kanyang pagkakaupo. Pero kung bakit hindi nya maigalaw ang kanyang mga paa? Laking gulat nya nang makita ang mga kamay na nakakapit sa magkabila nyang mga binti.
“Amethyst! Sandali! Amethyst!” pinilit nyang inalis ang mga kamay na nagmumula sa ilalim ng upuan.
Nahagip ng kanyang kamay ang gunting sa ibabang lamesa. Buong tapang nyang sinaksak ang dalawang kamay kahit pa madamay na matusok ang kanyang binti. Anong lakas ng bulanghit ng dugo na dumaloy mula sa kanyang binti. Naglaho ang mga kamay, ngunit iika-ika syang nakatakbo palapit sa pintong nilabasan ng babae.
Halos takasan ng lakas at ulirat si Miguel nang sa pagbukas nya ng pinto ay pulos kadiliman ang nakita na maya-maya ay napalitan ng ubod ng liwanag na kapaligiran. Hanggang sa marinig nya ang isang tinig. Dahan-dahan syang nagmulat ng mga mata kahit pa nasisilaw pa rin sa sobrang liwanag ng paligid.
>>>>
“Aba, anong magagawa ko kung asawa mo ang first kiss ko?! Tsk. Hindi ko nga alam na gagawin nya yon! Kulit din neto eh. Nakita mo naman di ba, inaalalayan ko, sinunggaban ako. Aba eh kung di ko sasapakin, eh baka maubos ang nguso ko!”
Nagsalubong ang makakapal na kilay ni Miguel sa babaeng nakatalikod sa kanya. Nakaupo ito sa bakanteng upuan na malapit sa kanyang higaan. Higaan? Inilibot nya ang paningin. Nasa ospital sya. Pero bakit? Hanggang sa unti-unting tumimo sa kanya ang mga naganap. Bahagya nyang iniangat ang braso. Doon nya nakita ang pulso na may benda.
Naglaslas sya. Pagpapakamatay na hindi na naman nagtagumpay. Pero paanong napadpad sya sa ospital? Muli nyang sinulyapan ang babaeng patuloy pa rin na nagsasalita sa harap ng salamin ng isang compact powder.
“Okay na nga raw sya! Sabi naman ng doktor ligtas na eh.”
Di kaya may headset ang babae? Pero parang wala naman. Nakapuyod kasi nang mataas ang buhok ng babae. Wala syang makitang kahit anong aparato na mag-uugnay sa cellphone nito. Wala din naman syang marinig na ibang boses kung sakaling naka loud speaker man ang nasa kabilang linya.
May mali talaga eh. Nagsasalita ang babae sa harapan ng maliit na salamin ng compact powder? Di kaya baliw 'to?
“Aherm...”
“Bahala ka! Magising lang 'to, uuwi na ko. Wala pa kong tulog oh. Ang bigat pa nitong lalaking 'to!”
“Aherm… miss?” muling agaw nya sa atensyon ng babaeng mag-isang nagsasalita.
“Ano?! May kausap eh,” baling nito sa kanya, saka nanlaki ang mga mata nang makitang gising na sya.
“Gising ka na. Teka tatawag ako ng doktor.”
“Sandali! Sinong kausap mo?” awat nya rito.
“Asawa mo.”
“Huh?” pagtataka nya sa sagot nito. Baliw nga. Kilala nya ang babaeng 'to. Minsan nyang tinulungan at muntik nang mapagkamalang magnanakaw nang pumasok sa bahay nya nang walang paalam. Maganda sana, kaso sintu-sinto!
“I mean, asawa ng asawa ko... este asawa ng kaibigan ko! Teka. Doktor! Tama, tatawag ako ng doktor.” Tumalikod na ito at lumabas ng kwarto.
Wierd! Kadamit nito yung babaeng nasa panaginip nya. Paano kaya sya nasaklolohan ng babaeng yon?
Dumating ang isang doktor at dalawang nurse. Nagkandahaba ang leeg ni Miguel, ngunit hindi na kasama ng mga ito ang babaeng wierdo.
>>>>
“Di ka talaga mamamansin?” sita ni Yolanda kay Amethyst. Nakauwi na sya sa bahay at kasalukuyang nakaharap sa isang bilohabang full body na salamin na binili nya sa naglalako. Kulay pink ang bakal na nakapalibot roon at may apat na gulong sa square na kulay pink din na nagsisilbing mga paa ng salamin.
Napabuntong hininga na lamang si Yolanda. Hindi pa rin sya binabati ng kaibigang kaluluwa. Ang issue, dahil sa hayok na halik ng ex-hubby nito.
“Maisuli na nga itong salamin doon sa naglalako. Mukha namang di ko na rin magagamit eh. Di naman na namamansin yung isa dyan.”
Di pa rin natitinag ang babaeng kaluluwa. Nakatalikod ang babae. Tuwid na tuwid ang katawan nito na nakabaliktad, sayad ang mahabang buhok sa sahig. Nakalapat ang mga paa sa kisame, ganoon din ang laylayan ng mahaba nitong damit. Nasa magkabilang gilid ang mga braso. Nakakapagtakang ang mahabang damit nito ay hindi nalalaglag. Tila iyon matigas na tela.
Sumuko na si Yolanda. Tumayo na sya mula sa pagkakaupo sa harapan ng salamin. Pagpihit ay napatili sya nang tumambad sa kanyang harapan ang babaeng kaluluwa, lumulutang. Natatabingan ng mahabang buhok ang mukha ng babae.
“Put-- pwede ba, Amethyst, wag kang manakot!” sigaw nya rito habang mariin pa rin na nakapikit ang mga mata. Ayaw nya kapag ganoon ang hitsura ng babae. Mas gusto nyang nakikita ang mala-anghel nitong mukha sa harapan ng salamin.
“...Bati na tayo!...” nahihimigan pa rin ng pagtatampo sa tinig ng babae.
“Ngayon nakikipagbati ka!”
“...Fine. Naiinggit ako sa'yo! Buti ka pa na-kiss mo si Miguel. Samantalang ako… God knows how much I miss Miguel’s kiss…”
“Tignan mo 'to. Sino ba sa inyo ni Miguel ang di maka-move on? Akala ko ba tanggap mo na na hindi mo na magagawa ang mga bagay na nakasanayan mo na sa piling ng dati mong asawa? Eh bakit ngayon emote-emote ka dyan? Malay ko ba naman na mapagkakamalan akong ikaw ng asawa mo. Di mo ba narinig, tinawag nya kong 'baby,' sabay halik. Ikaw yung nasa isip nya habang nilalantakan ang inosente kong mga labi, bakla! Hmmm… in fairness, matalap humalik si ex!”
Nawala si Amethyst sa harapan nya. Natagpuan nya ang babaeng nakatalungko sa gitna ng kanyang kama yakap ang dalawang tuhod nito.
“…Hindi ko alam, sis, kung kaya ko syang makita na may kasamang iba…” Bakas ang lungkot sa tinig nito.
Nakadama naman ng lungkot si Yolanda. Tila nanumbalik sa kanya ang pakiramdam noong nabubuhay pa ang kanyang ama. Kitang-kita nya kasi noon kung paano nangulila ang kinilalang ama nang yumao ang asawa nito. Kung pwede nya lamang sana yakapin si Amethyst, ginawa na nya.
“Sis…” naki-sis na rin sya, hindi dahil uso, kundi dahil feeling sisters na sila. “Sis, naiintindihan kita. Pero aminin mo man o hindi sa sarili mo, alam mong hindi na kayo pwede ng ex mo. Paano natin maa‑accomplish ang misyon natin na ihanap sya ng bagong love life kung ikaw din hindi pa nakaka‑move on sa kanya? Wag selfish, sis. Kung talagang mahal mo si ex‑hubby, magiging masaya ka sa pagmu-move on nya.”
“…I know…sorry kung inaway kita kanina…”
“Okay lang. Medyo nakakapikon lang yung pagiging isip bata mo, pero okay na. Iintindihin na lang kita. Wala namang choice eh. Eh ano, tuloy ba ang plano na ihanap ng jowa si ex?”
Tumango ang malungkot na multo.
“…Do you think I'm ready for this?...”
“Tss... ako dapat ang nagtatanong nyan eh. Tingin mo ba handa na kong gawin yung misyon natin? Eh sa tingin pa lang ni Miguel sakin kanina iba na eh. Akala ata sakin baliw. Ikaw ba naman ang mahuling nakikipag-usap sa sarili gamit ang kakaramput na salamin. Pasalamat na lang ako na di kumaripas ng takbo yung ex mo eh.”
“…Never kong narinig na nag-judge ng tao si Miguel...Kung makikilala mo lang sya, ang dating sya…napaka-jolly at palabiro nyang lalaki...Mabait si Miguel…”
>>>>
“Paano ka nakapasok sa loob ng bahay ko? Magnanakaw ka noh? Nasa tamang katinuan ka ba huh?” galit na sabi ng lalaking nakaupo sa gitna ng hospital bed... si Miguel.
'Hindi pala nagja-judge ng tao ha,' inis na bulong ni Yolanda sa sarili.
“Napadaan lang ako. May kumalabog, kaya pumasok na ko. Okay na bang explanation yun? Pag-uwi mo sa bahay mong haunted house, check mo kung may nawala,” bagot na sagot nya sa lalaki.
Hah! Tameme ka ngayon. Kapal ng feslak. Kung alam mo lang na naka-score ka sakin. Ako dapat ang magalit sa'yo. Hmpf!
“Salamat. Pero sana di mo na lang ako tinulungan,” mahinang sabi nito.
“Tara, balik tayo sa bahay mo. Putulin ko yang kamay mo tas iwan kita. Ano, bet?”
“May sayad nga,” bulong nito pero umabot sa kanyang pandinig.
“Sinong may sayad?” taas ang isang kilay na bwelta nya sa lalaki.
“May iba ba tayong kasama rito?” nakipagtagisan ng titigan sa kanya ang lalaki.
Okay suko na sya. Nalulunod sya sa matiim na pagkakatitig nito. Nalipat ang mga mata nya sa labi ng pasyente. Ang pula, parang ang tamis. Pero bakit nung hinalikan sya nito, ang pait? Siguro dahil sa beer.
Humalukipkip sya. Sa suot na low neckline na blouse ay bahagyang sumungaw ang kanyang di kalakihang pisngi ng dibdib. Kita nyang lumipat doon ang mga mata ni Miguel. Napairap si Yolanda. Mga lalaki talaga!
“Psst uy! Para sabihin ko sa'yo, itong may sayad na tinutukoy mo,” tinuro nya ang sarili, “eh nilaplap mo na halos maubos mo na ang buong bibig ko!” tirada nya rito.
Namutla ang lalaki. Nanlaki ang mga mata. Saka pumuwesto ng higa at nagtakip ng unan sa mukha.
Galing! Patay malisya ang kapre!
Itutuloy…
Please Like and Follow <3