“Wait lang, baby, may ice cream yung lips mo.”
Hinuli ni Miguel ang kanyang kamay nang tangkain nyang punasan ang ice cream sa gilid ng labi nito.
“Wag yan ang gamitin mo. Yun oh.” Inginuso ni Miguel ang kanyang mga labi.
Natawa si Ame. “Ang harot mo, baby! Maraming tao, nakakahiya.” Nag-init ang pisngi ni Ame. Nasa park sila ng nobyo. Sinundo sya nito sa school at naisipan muna nilang tumambay sa park. Kumain sila ng street food, at nang makakita nga sya ng dirty ice cream ay agad na nagpabili sa lalaki.
Naghati sila sa isang cone ng dirty ice cream. Nang itapat nya iyon sa bibig ng nobyo ay dumaplis at nalagyan ang gilid ng labi nito. Aalisin na sana nya, kaso ang gusto ng nobyo ay ang mismong mga labi nya ang gamiting pang-alis non.
Kapag ginawa nya yon ay si Miguel na ang magiging first kiss nya. Hindi naman masama, boyfriend nya naman ang lalaki.
“Eto oh, magtakip tayo ng libro para walang makakita sa atin,” panghihikayat pa ng nobyo sa kanya.
Pigil ang ngiti ni Amethyst. Gusto na nyang gawin pero baka kung ano na lamang ang isipin sa kanya ng nobyo. Sa huli ay sinunod nya ang gusto ng damdamin. Binuklat nya ang libro at iniharang sa mukha nilang dalawa ni Miguel, saka mariin na idinampi ang labi sa lalaki at mabilis din na humiwalay.
“Tsk. Tsk.” Kinapa ni Muguel ang gilid ng labi nito. “Nandito pa rin eh. Hindi kasi ganon. Ganito.”
Nabitawan ni Amethyst ang hawak na libro nang sapuhin ni Miguel ang kanyang batok at siilin sya ng halik. Banayad ngunit malalim. Bumangon ang kiliti sa kaibuturan ni Ame. Ganoon pala ang pakiramdam ng unang halik…
>>>>
“…Ikaw, sinong first kiss mo, sis?...”
Tinirikan lamang ni Yolanda ng mga mata si Amethyst. Kanina pa nya kakwentuhan ang babae gamit ang kanyang compact powder.
“Wala pa kong first kiss,” naiinis nyang sagot dito. Buti pa yung multo, nakaranas na ng kiss at… tut... tut… samantalang sya, ayon, nganga. No boyfriend since birth.
“…Really? Bakit?...”
“Eh sa wala eh. May mga nanligaw naman sakin noon, pero di ko type. Mga jologs eh. May nakahalik na rin naman sakin, kaso sa pisngi lang.”
Napapalakpak si Ame. “...Sino?!...” ngiting-ngiti ang anghel... este multo.
“Excited? Wala, limot ko na ang pangalan. Torpe. Sayang nga eh, gwapo sana.”
“…Gusto mo ikwento ko naman sa'yo kung paano nag-proposesi Miguelito ko?...”
“May choice ba ko? Geh, umpisahan mo na.”
>>>>
Papasok pa lamang ng kusina ay langhap na ni Amethyst ang nilulutong crab soup ni Miguel. Napangiti sya. Alam na alam ng lalaki kung ano ang comfort food nya, lalo na at sobrang stressed sya sa review ng darating nyang exam.
“Hi baby! Upo na. Ipinagluto kita ng favorite mo!” masiglang sabi ng nobyo sa kanya.
Agad naman syang naupo sa mesa at hinintay ang nobyong may tangan ng umuusok na soup. Nang mailapag ang soup ay mabilis syang kinintalan ng halik ni Miguel sa labi.
“Tikman mo na, baby. Careful kasi mainit.”
“Parang kabado ka,” nagtatakang sabi ni Ame sa lalaki. Pinagpapawisan kasi ito at abang na abang sa unang pagsubo nya sa soup.
“Huh? Hindi ah!," mabilis na depensa nito. Lumamlam ang mga mata ni Miguel. Hinawakan nito ang kanyang kamay sa ibabaw ng mesa at dinala sa mga labi nito. “I love you.”
“I love you, too, Miguel.”
Sumandok na sya ng soup para lang magulat nang makita ang isang bagay na kumikinang nang iangat nya ang kutsara. Gulat na napabaling ang tingin nya kay Miguel. Tila naman nahihiya ang lalaki at napakamot pa sa batok.
“Will you marry me, baby?” Wala na ang pagkapahiya sa mga mata ni Miguel at napalitan na iyon ng ningning at pag-asam.
Naluluhang tumango si Amethyst.
“Yes, baby! Yes!”
Kinuha ni Miguel ang singsing sa kutsara at isinuot sa kanyang daliri. Napaigik naman sya dahil sa init ng singsing. Ilublob ba naman sa bagong kulong soup eh!
>>>>
Isinara ni Yolanda ang compact powder, saka bumulanghit ng tawa. Nagkandahiga na sya sa kama sa katatawa sa kwento ni Amethyst.
“…Bakit ka ba natawa? Ang sweet kaya…” tinig iyon ng multo. Hindi nya makita ang reaksyon.
“Lintik naman kasi yung Miguelito mo! Bukod sa gasgas na yung paraan nya ng pagpro-propose sa'yo, delikado pa! eh paano kung napaltos yung daliri mo?!” Muli syang bumulanghit ng tawa.
“…Inggit ka lang… wala pa kasing nagpro-propose sa'yo. Tse!”
Bumangon sya at nag-indian seat sa kama. Di pa rin mawala ang ngiti sa kanyang mukha. Sa totoo lang ay natutuwa sya, at the same time ay nalulungkot sa sinapit ng love life ni Amethyst. Sa bawat kwento kasi ng babae sa kanya ay kitang-kita ang sigla at ningning ng mga mata nito. Kahit hindi nasaksihan ni Yolanda ang love story ng mag-asawa ay nahuhulaan nyang masaya iyon at punong-puno ng pagmamahalan.
“Patawa naman kasi yung Miguel mo. Paano na lang kung nalulon mo yung singsing?” Napangisi si Yolanda.
Walang tumugon sa pang-aasar nya. Sa halip ay umihip lang ang isang malamyos at malamig na hangin. Napabuga sya ng hangin at tuluyan nang umahon sa kama. Tinungo nya ang banyo at humarap sa salamin. Pinagmasdan nya ang sarili. Sa loob ng tatlong araw mula ng umalis sya sa trabaho ay umaliwalas na ang kanyang hitsura. Hindi na sya mukhang laging haggard at stressed. Kumpleto na rin ang kanyang tulog at hindi na sya nanaginip ng kung anu-ano.
Sumilay ang totoong ngiti sa kanyang labi. Aminin man nya o hindi, tila nakakuha sya ng isa pang tunay na kaibigan sa katauhan ni Amethyst, kung pasok pa nga ba sa kategoryang “tao” ang kaibigan.
“Amethyst, yuhoo! Wag ka na magtampo. Oo na, ang sweet na ng asawa mo. Wala akong masabi, grabe!” panunuyo nya sa multo.
“…Puntahan mo si Miguel, sis…” sabi ng tinig ni Amethyst. Nakakapagtaka na hindi nagpapakita ang babae sa kanya.
“Seryoso ka? Alas-dyes na ng gabi. Nakakatakot pa naman don sa bahay nyo.”
“…Wag kang matakot, ako lang ang multo don… Puntahan mo na sya ngayon… baka kung anong maisipan nyang gawin!...”
Binundol ng kaba ang dibdib ni Yolanda, base na rin sa tila nagpa-panic na boses ni Amethyst. Bumalik sya ng kwarto at hinugot sa closet ang kanyang jacket. Patakbo syang lumabas ng bahay. Tahimik na ang paligid ng subdivision dala na rin ng paglalim ng gabi. Pagkatapat sa gate ng bahay ni Amethyst, animo’y nagkaroon ng preno ang kanyang mga paa.
“Oh my! Ang dilim naman.”
Walang ilaw ang buong kabahayan. Tumingala si Yolanda, kahit sa taas ng bahay ay wala ring ilaw. Gusto na lamang nyang bumalik ng bahay kung di nya naalala ang nakikiusap na tinig ni Amethyst at ang ginawang pagtulong sa kanya ng lalaking nakatira ron - na Miguel pala ang pangalan.
Nanginginig ang mga kamay na itinulak nya ang gate. Ganoon pa rin ang paligid, makalat, sobrang tahimik at ubod nang dilim. Umihip ang malamig na simoy ng hangin.
“…Sa likod, sis… may pinto ron… don ka dumaan…”
“Kaloka ang tour guide ko, multo!” Sinunod na lamang nya ang tinig para matapos na ang kabaliwang ito. Kung ano man ang madatnan nyang kalagayan ng lalaki ay… bahala na!
Nilandas nya ang madilim na likod bahay. Nang makakita ng pinto ay dahan-dahan nyang itinulak iyon. Bukas nga. Di na sya magtataka kung manakawan ang lalaki. Pero baka walang magtangka dahil nga sa nakakatakot na bahay.
Dirty kitchen ang tumambad kay Yolanda. May isa pang pinto roon. At nang buksan nya ay ang kitchen na ng bahay ang nakita. Wala ring ilaw. Naglakad-lakad sya. Malawak na dining room ang sunod nyang nakita. May isa pang pinto. Pumasok sya ron at nakita ang malawak ding sala. Doon nya nakita na bukas ang malaking LED TV, pero wala namang tao. May dalawang malaking sofa. Ang sinag lang ng TV ang nagsisilbing liwananag sa malaking silid. Napapitlag si Yolanda nang may umungol.
“Yun na ata yung kapre!” pabulong na sigaw nya. Naglakad sya at nakita ang lalaking nakahandusay sa paanan ng sofa. Kaya naman pala hindi nya ito agad napansin.
Tumayo sya sa paanan ng lalaki. Muli itong umungol. Dama ni Yolanda ang kanyang pamumutla nang makita ang dugo! Dugo mula sa pulso ng lalaki!
“Dyos ko po!” Nangatal ang kanyang buong katawan.
Mabilis nyang nilapitan ang lalaking nakahiga. Hinubad nya ang kanyang suot na jacket. Dala ng pagmamadali at kaba ay anong lakas ang sumanib sa kanya upang agad mapunit ang manggas ng jacket, saka nya ipinambalot iyon sa pulso ng lalaki. Nagmulat ng mga mata ang lalaki. Pinilit nitong tumayo, na tinulungan naman ni Yolanda.
“Mister, bakit mo 'to ginawa?! Kaya mo pa ba? Dadalhin kita ng ospital! Please tulungan mo ang sarili mo at hindi kita kayang itayo.” Ikinawit nya ang braso nitong walang sugat sa kanyang balikat.
Hindi kumilos ang lalaki. Sa halip ay tinitigan lang sya nito. Nakaluhod si Yolanda, habang nakaupo pa rin si Miguel. Namumungay na ang mga mata nito, at kitang-kita iyon ni Yolanda dahil sa lapit ng mukha nila sa isa't-isa.
“B-Baby… s-salamat at bumalik ka…”
Tumaas ang kamay ng lalaki na nababalutan ng manggas ng jacket. Gumapang iyon sa likuran ng ulo ni Yolanda, dahilan upang mas lalo pang magkalapit ang mga mukha nila. Dama nya ang init ng hininga nito at langhap nya ang amoy ng alak roon. Inaasahan nyang lasing ito, ngunit… ang pagsiil ng halik sa kanya ng lalaki ang isang bagay na hindi inaasahan ni Yolanda.
“…Baby, NO!...”
Itutuloy…
Please Like and Follow <3