“Sakay na, bes!” sigaw ni Yolanda kay Miguel, sabay kaway. Tinanggal nya ang pagkakalock ng front seat.
Nakalabas na ng ospital ang lalaki at talagang sinadya nyang abangan ito. Walang dalang sasakyan si Miguel. Malamang ay di rin ito makakapag-maneho. Huminto naman ito sa paglalakad, pero tinitigan lang sya. Sumulyap si Yolanda sa rearview mirror, inirapan ang kaluluwang nakaupo roon.
“May topak ata yung ex mo,” bulong nya rito.
“…Feeling close ka raw kasi, sis…” sabay hagikgik nito. Natawa na rin sya.
Nagtama ang mga mata nila ng lalaking nakatayo pa rin sa labas ng sasakyan. Doon na sya nagpasyang lumabas.
“Bes, sakay na. Mahal ang mag-taxi, tatagain ka, lalo na at traffic oh,” turo nya sa daan na usad pagong.
“Di ba titirik yan sa gitna ng traffic?” paniniguro nito.
“Hindi yan. Gwapo daw yung pasehero eh, kaya magpapakitang gilas yang si Yolen,” ngiting-ngiting sabi nya sa lalaki.
“Pangalan ng sasakyan mo Yolen?”
“Oo.”
“Ikaw, what’s your name? Palagi tayong nagkikita, pero di pa natin kilala ang isa't-isa.”
“Kilala na kita --”
“Huh? Paano? Wala akong naaalala na sinabi ko sa'yo ang pangalan ko,” nagdududang sabi nito.
Napatingin sa salamin si Yolanda. Nakita nya si Amethyst na sumenyas na isini-zipper ang bibig.
“Ah, eh, ano… sa kapitbahay. Kilala ka eh. Miguel di ba? Ako si Yolanda. Yolanda Rancho. Wag na tayong magkamay, may sugat ka pa eh,” biro nya rito, wag lang mahalata ang palusot nya.
“Rancho? Family friend namin ang mag-asawang Rancho. Nabalitaan din namin ng family ko ang pagpanaw nilang mag-asawa. Ikaw pala yung adopted child nila.”
“Updated ah. Oo ako nga. Sakin ipinamana ni papa yung bahay nila ni mama.”
“Pasensya na,” sinserong sabi nito.
“Okay lang, ano ka ba. Gusto mong magkape? May alam akong coffee shop, madaraanan natin. Pampalipas traffic lang ba. Ano, bet mo?”
Deadma lang si Miguel. Mukhang wala sa mood magkape. Nasobrahan ba sya sa pagiging feeling close? Aba eh kung hindi nya bibilisan ang pakikipaglapit kay Miguel ay mas matatagalan pa ang ilalagi ni Amethyst sa lupa. Sa sulok ng kanyang isip ay gusto na rin nyang matahimik na ang kaluluwa ng babaeng itinuturing na rin na kaibigan.
“Psst uy! Nganga ka na dyan. Wag ka magalala, libre ko.”
“Sa bar ko gusto. Ayoko ng kape,” seryosong sabi nito.
“Bar? Baka malasing tayo ron. Sino na lang magdra-drive kung parehas na tayong bangenge?”
Sunod-sunod ang iling ng kaluluwa sa back seat.
“Doon ko gustong pumunta. Pakihatid mo na lang ako at iwan mo na ko roon.”
“Hindi raw pwede,” sagot nya.
Napabaling ng tingin sa kanya ng lalaki. Kunot ang noo. “Sinong may sabi?”
“Sino ba nagsalita? Dalawa lang naman tayo rito,” natatawa nyang sabi rito.
>>>>
After two hours…
“Lashing na ko, besh… ikaw ba?”
Di alam ni Miguel kung matatawa ba sya o maiirita sa babaeng halos nakangudngod na sa leeg nya. Magdadalawang oras pa lamang sila sa bar na napili nya. Suki na sya ng lugar na iyon. Hindi kasi masyadong matao ang bar na ito. Di na nga sya magtataka kung magsara na ito isang araw.
Doon sila bumagsak ng babaeng bangenge na sa gilid nya. Pinagbigyan nya ito sa paanyayang pagkakape. Pero hindi naman nagkape ang weirdong babae, kundi umorder ng pagkain na tila tatlong katao ang kayang umubos. Malakas kumain si Yolanda. Na-engganyo syang panuorin ang bawat pagnguya at pagsimot nito sa pagkain. Magana, walang poise, walang arte, totoo lang.
Inobserbahan nya ang babae. Maganda si Yolanda. Makinis at maputi ang balat ng dalaga. Hanggang balikat ang itim na itim na buhok nito. Hindi ahit ang kilay ng babae, pero maayos ang korte. Katamtaman ang tangos ng ilong. Mapula ang labi nito na kahugis ng mga labi ni Angelina Jolie.
Nalagok ni Miguel ang isang basong beer nang madama ang mainit na hininga ni Yolanda sa kanyang leeg.
“Besh… bakit ka nagtangkang magpakamatay?” bulong nito.
“Para makasama ko na ang asawa ko.”
Natawa naman ang babae, umakbay na ito sa kanya at halos gahibla na lamang ang layo ng bibig nito sa pisngi nya. Hagikgik nang hagikgik si Yolanda.
“Abnoy ka! Hindi solusyon ang pagpapakamatay para lang masundan mo ang taong mahal mo sa kabilang buhay! Kung totoo ngang may kabilang buhay!” sabay tawa nito.
“Ang bilis mo malasing. Dalawang beer lang naman ang nainom mo.”
Natahimik ang babae. Maya-maya ay humihilik na ito. Hinayaan na lamang ni Miguel. Inayos pa nya ang ulo nito sa kanyang balikat upang hindi sumakit ang leeg ng babae.
Ipinagpatuloy nya ang pagsasalita kahit pa alam nyang tulog na ang babae.
>>>>
Mataman lamang na nakikinig si Yolanda sa mga sinasabi ni Miguel. Tulog-tulugan ang drama nya. Hindi nya na rin kasi alam ang mga itutugon sa lalaki. Baka sa huli ay madulas pa sya rito na nakakausap nya ang kaluluwa ng asawa nitong si Amethyst. Hands up naman sya sa lalaki. Kahit sino yatang babae ay hindi maaring hindi mahulog ang loob dito. Damang- dama nya sa bawat salita nito ang pagmamahal sa namatay na asawa.
“Alam mo yung feeling na katabi mo lang sya nung umaga, naglalambingan lang kayo, tapos sa isang pitik lang, makaka-receive ka ng message na patay na sya. Bakit? Bakit sya pa? Ang dami namang mga tarantadong tao dyan! Bakit yung asawa ko pa?!”
“Hngoookkk… krrrr…” kunwaring hilik nya.
“Nagagalit yon kapag nag-iinom ako. Bad trip na yun kapag one minute na kong di nagrereply sa text message nya.”
Yumugyog ang balikat ni Miguel. Akala nya ay tumatawa ang lalaki. Umiiyak pala. Napatakan kasi ng luha ang kanyang noo.
“Kung gising ka lang sana, ipapakita ko sa'yo yung tambak na mga pictures ni Amethyst sa gallery ko. Mahilig mag-selfie ang baby kong yun eh. Lahat nang anggulo maganda sya. Lahat nang isuot nyang damit, bagay sa kanya. Kahit minsan she’s not wearing make-up, she’s still so beautiful, so perfect. I miss her. Gusto ko na ulit syang makita… mahal na mahal ko si Amethyst…”
Hindi sinasadya ni Yolanda na mapatakan din ng luha ang isang braso ni Miguel. Sisigok-sigok na umalis ang ulo nya sa pagkakasandal sa balikat ng lalaki. Isang malungkot na ngiti ang ibinungad sa kanya ng lalaki. “Sabi na gising ka, weirdo.”
“Paano kapag nalaman mong hindi gusto ng asawa mo yung ginagawa mo sa sarili mo? Na nasasaktan sya sa tuwing nakikita ka nyang ganyan—na unti-unti mong pinapatay ang sarili mo? Miguel, ayaw mo bang subukang mag-move on? Hanggang ganyan ka na lang ba?” umiiyak na sabi nya sa lalaki.
Sunud-sunod ang kanyang hikbi. Anong magagawa nya? Mababaw lang kasi talaga ang luha nya. Hindi nya rin masisisi ang sarili. Damang-dama nya kasi ang pangungulila ng lalaki.
“Hindi ko kayang mabuhay nang wala sya—ouch! The hell? Bakit mo ko binatukan?”
Naimbyerna na sya eh. Gasgas na linya ng mga sawi: Di kayang mabuhay nang wala ang isa't-isa! Hmfp!
“Alam mo, ikaw, mahiya ka sa nanay mo! Di mo kayang mabuhay nang wala ang namayapa mong asawa? Eh anong tawag mo don sa panahon nang ipanganak ka ng nanay mo at hindi mo pa kilala ang asawa mo? Kailan mo na lang naman nakilala ang asawa mo. Nabuhay ka di ba? Masaya ka nung di mo pa sya nakikilala. Ang kaibahan lang, mas sumaya ka nang makasama mo na sya. Pero ang hindi na kayang mabuhay nang wala ang ex-wife mo, OA na, bes! Si Amethyst lang ang namatay Miguel, hindi ka kasama.”
Hinagod nya ang likod ng lalaking yumukong tila talunan.
“Minsan talaga masakit marinig ang katotohanan, bes. May mga bagay din na mahirap tanggapin sa umpisa. Pero habang tumatagal, maiisip mo rin na siguro may dahilan ang lahat ng bagay. May sagot sa tanong na bakit nangyayari iyon.
Minsan ba naisip mo na baka kaya ikaw ang itinakda kay Amethyst kasi naiisip ni kupido na ikaw ang magpapasaya at kukumpleto sa maikling buhay na nilaan sa kanya? Hanggang don na lang sya, Miguel. Pero sobrang pasalamat sya sa'yo kasi sa maikling buhay nya, sobrang naging masaya sya at nakaranas ng pagmamahal na higit pa sa inakala nya.”
“Ang dami mong alam,” sagot ng lalaki maya-maya.
Siniko nya ang lalaki sa tagiliran. “Wag mo na ulit gagawin yun huh?”
“Alin?” nagtatakang tanong nito. Tutok na tutok ang tingin ng lalaki sa kanyang mukha.
Inginuso ni Yolanda ang pulso nitong nakabenda.
“Kiss? Yung paghalik ko sa'yo, wag ko na uulitin?” kumikibot-kibot ang labi ni Miguel, halatang nagpipigil ng ngiti.
“Tado! Yan, yung paglalaslas mo. Wag mo nang uulitin yan. Baka kung natuluyan ka, lalo kayong di magkita ng ex-wife mo. Ang asawa mo papunta sa heaven, baka ikaw mag-detour.”
“Kaya mo pa mag-drive?” pag-iiba nito.
“Anong oras na ba? Maaga pa naman. Kape ulit tayo! Tara?”
Itinaas ng lalaki ang kamay na may relo. “Alas-tres na ng madaling araw. Hindi maaga, umaga na. kaya tara na, uwi na tayo,” yaya ng lalaki.
Gulat na hinatak ni Yolanda ang kamay ng lalaki saka pinakatitigan ang orasan. Oo nga, madaling araw na! Paano sila inabot ng ganoong oras?
Maigi na lamang at maluwag na ang kalsada. Matiwasay silang nakauwi ni Miguel sa kanilang subdivision. Kahit papaano kasi ay tinamaan din sya sa dalawang bote ng beer. Hindi naman kasi sya palainom na tao. In short, wala syang night life. Wala syang manginginom na friend. In even shorter, boring ang buhay nya.
“Doon mo na ihinto sa tapat ng bahay mo.”
“Bakit, sa akin ka matutulog?” kabadong baling ni Yolanda kay Miguel.
“Of course not! Para masiguro lang na ayos kang makakauwi. Maglalakad na lang ako pabalik dito sa bahay ko.” Mauuna kasi ang bahay ni Miguel bago ang kay Yolanda.
“…Feeling ka, sis…” bulong ni Amethyst sabay hagikgik.
“Ahhh… eh di meow! Oh sya, dito na ko.” Bumaba na sya ng sasakyan. Hindi na nya igagarahe sa loob si Yolen, tutal mag-uumaga na rin naman.
“Goodnight -- I mean, good morning. Thanks so much, Yolanda. Kahit weird ka, marami akong napag‑isip‑isip sa mga sinabi mo.”
Akmang ibebeso-beso sya ni Miguel, ngunit di sila nagkaintidhan, kaya nagpabaling-baling ang mukha nila. Hanggang sa hawakan nito ang magkabila nyang pisngi at dampian ng halik ang kanyang labi.
Nganga!
Itutuloy…
Please Like and Follow <3