BINIGYAN ni Hades ng malakas at nagliliyab na suntok si Haku, pero nagawa naman itong pigilan ni Haku gamit ang kanyang espada na ipinangsangga niya rito. Kasunod nga noon ay naglaho muli ang dalawa at kumawala sa itaas ang sunod-sunod na malalakas na pwersa dahil sa kung saan-saan sila lumilitaw. “Iyan ba ang lakas ng isang Maharlika?” tanong ni Haku nang tumigil sila saglit at nagkaharap nang magkalayo ni Hades. Dito ay iginuhit niya sa hangin ang dulo ng kanyang espada dahil magbibitaw siya ng isang malakas na atake gamit ito. “Alam mo ba kung ano ang pangalan ng aking espada?” tanong pa ni Haku at nabalot ng itim na tila usok na aura ang talim ng kanyang espada. Kumawala rin ang malakas na itim na aura nito nang sandaling inihanda na niya ang kanyang sarili para bitawan ito.

