"This is impossible!"
Natigilan ang ilang mas malapit sa aming pwesto. Sa lakas ng boses ni Mr. Lazaga, sinong hindi matitigilan at mapapalingon?
"Mas madali sanang paniwalaan Sir kung simpleng cut lang ang ginawa ng may gawa niyan. Kaso hindi po... Halatadong sinadya."
Napapikit ito sa sinabi ni Alfred, hinihilot pa nito ang kanyang noo dahil sa lito. Hindi naman sana kami mangingialam. Kaya lang kaligtasan ng isang tao ang nakasalalay dito. Kung pababayaan ba namin, kakayanin ba ng konsensya namin?
"Mr. Lazaga, we can repair all the damage but we first have to assure your safety. Hindi na simpleng banta lang ito. Maybe someone wants you dead." Sabi ko. Napatingin siya sa akin. Nanlilisik ang mga mata. Hindi ko alam kung dahil ba sa sinabi ko o sadyang hindi niya matanggap na may nagbabanta sa kaligtasan niya.
"Who are you to even assume everything, huh?!" Galit nitong sigaw. Naramdaman kong napatalon si Alfred. At siguro ang ilan ring nasa malapit. Hindi naman ako natinag, sanay ako sa mga customers na matitigas ang ulo.
"May nagbabanta ba sa buhay mo?" Tanong ko nang nakatingin sa kanya.
"Are you some sort of police?!"
Napailing ako. Wala akong mahihinuha sa taong 'to. Masyadong matigas ang ulo. Nilingon ko si Alfred.
"Ayusin mo na lahat Alfred, kakausapin ko lang si Lotti." Nilingon ko rin ang customer, "Mr. Lazaga, sa kahera na lang po tayo."
"This f*****g machine shop wasn't as good as what David said before. Maraming chismoso!" Parinig nito. Binaliwala ko na lang.
Sumunod naman ito papunta sa kahera, nandoon ang dalawang kahera ko. At pareho rin silang nakadungaw sa kabilang counter at nakatingin sa pwesto namin. Mukhang nag-aalala. Ngunit wala namang dapat ikabahala. Dapat sa ganitong matitigas na ulong customer, hinahayaan na lang.
"Lotti, pakitingnan kung kailan ang pick up sched ni Mr. Lazaga?"
Mabilis naman itong kumilos at humila ng listahan mula sa ibaba ng counter. Nagbuklat din ng kulay blue na notebook na may mga listahan ng kliyente. Tinitigan ko si Clea na mukhang hindi mapakali at kinakabahan. Hindi makatingin-tingin sa direksyon namin. Nilingon ko si Mr. Lazaga na halos sunggaban ko na nang suntok dahil saktong naabutan ko siyang dumidila.
"Nevermind Lotti. Mark it with finality. Ngayon niya kukunin."
Sabi ko, nakakuyom pa ang mga kamao. Baka nabato ko siya ng suntok.
"Oh no! It's okay Mr. Galvez if it would take time." Ngisi ni Mr. Lazaga. Napangisi naman ako.
"Hindi Mr. Lazaga, okay na yun. Pwede mo nang kunin ngayon. Sayang naman ang ipinunta mo rito."
Napatitig siya sa akin. Sa totoo lang, mukhang kunting tulak na lang makikipagbuno na ako ng suntukan sa gagong 'to!
"Hindi mo ba iimbestigahan ang sinabi mo kaninang sinadyang putulin na break?" Nakataas kilay na tanong nito.
Mas lalo akong napangisi. Bakit biglang bumait 'to? Dahil kay Clea. Ngayon pa lang parang sasakit na ang ulo ko sa mga gagong tulad nito.
"Mistaken investigation Mr. Lazaga." Sabi ko at muling nilingon si Lotti na halos matawa-tawa sa nasaksihan niya. Lumiko naman ang mga mata ko kay Clea na hindi ko malaman kung natakot o natuwa. Ang sa akin lang, mas gugustuhin ko pang magalit lahat ng customers ko basta hindi siya nababastos sa paningin nila.
"Okay..." Nanghihinang narinig ko sa customer. Napatango ako.
"Pwede kayong maghintay roon, Mr. Lazaga." Turo ko sa pinakamalayong couch. Ilang minuto pa itong nanatili roon bago tuluyang tumalikod at naglakad sa itinuro kong pwesto. Gagong lalaki!
Binalikan ko si Alfred at pinaalalahanan siyang kailangang matapos yun sa hapon na yun. Hindi ko na gugustuhing pabalik-balik ang gano'ng klasing tao sa talyer ko. Lalaki ako, at alam ko, basi sa reaksyon niya, na iba ang habol niya rito.
Pumasok ako sa loob ng kahera at tumabi sa upuan ni Lotti. May mga customers na nagbabayad o nagtatanong lang. Kaya medyo abala rin sila. Maya-maya napalingon na lang ako dahil tumabi sa akin si Clea. Alam kong may kakaiba, hindi naman ako manhid para kahit yun ay hindi ko pa maramdaman. Maraming butas sa mga nangyayari na kahit ayaw kong pansinin ay talagang pumapasok sa isipan ko. Merong kakaiba. At hindi ako santo para hindi aminin na nagbubunyi ang kalooban ko na nagkakainteres na rin siya sa akin.
"Sir... Uhm... Sabi ni Ate Lotti, pag ganitong oras daw inuutusan niyo siya para bumili ng meryenda... Uhm... Kasi po busy siya so ako po sana ang gagawa?" Kinakabahang sabi niya noon. Napatingin ako sa kanya. Oo nga pala, alas dos na. At ito ang oras na nagpapameryenda ako sa mga tauhan ko.
Tumayo ako upang ayain siyang bumili ng meryenda roon sa kanto. Nilingon ko si Lotti na hindi na bago sa akin ang paninitig. Parang noong una pa lang ay alam niyang magiging ganito ang sitwasyon naming dalawa ni Clea.
Naglalakad na kami noon sa klaye patungong kabilang street para maghanap ng mapagbibilhan. Hindi naman mabilis ang lakad ko, tulad niya katamtaman lang din iyon.
Hindi niya alam na habang nasa gilid kami ng daan, tinititigan ko siya. Hindi ko mapigilan. At pakiwari ko, parang nakakasanayan ko na iyon. Masyadong maganda itong kasama ko, na parang magnet na paulit-ulit akong hinihila para lang titigan siya. Hindi nakakasawa, at sa totoo lang habang tumatagal lalong nakakaadik. At hindi na ito malusog.
"Anong gusto mo?" Tanong ko sa kanya nang tumigil kami sa tapat ng isang Ale na nagtitinda ng mga kakanin. Napatingin siya roon, medyo nag-iisip kung alin ang pipiliin niya. Sa huli pinili niya iyong malagkit na kulay ube. Tumango ako sa Ale at kumuha pa ng ilan. Pagkatapos ay naglakad pa kami ng ilang dipa bago bumili ng inumin sa isang tindahan. Lahat nakasupot at nakatali saka nilagay sa isa pang malaking supot.
Pumihit kami't naglakad pabalik sa Talyer. Sobrang tahimik. Ang problema ko pa nama'y hindi ako magaling sa pagbubukas ng usapin ngunit sa tingin ko hindi na magiging problema iyon kung kasama ko naman si Clea. Siguro nga mukha lang siyang mahiyain... Mahal niya ata ang pakikipag-usap. Nasabi naman na noon ni Lotti na nakakausap naman nila ito sa boarding house. Baka nga tama ang hinuha ko.
"Sir... Kanina ko pa po iniisip ito. Talaga bang normal na lang yung mga gano'ng customers? Yung kanina po kasi, masyadong masungit ni hindi man lang inalam ang boung kwento. Hindi naman po sa nagko-conclude, sa tingin ko po... Nagagalit----" napalingon siya sa akin. Nakikinig naman ako ngunit pinutol niya hanggang doon. Hindi ko alam kung anong sasabihin. Nabigla ba siya dahil nakatitig ako sa kanya?
"Go on..." Udyok ko sa kanya. Umiling ito na ngumingiti ng kaunti. Sa tuwing ginagawa niya iyon, lalong nagliliwanag ang mukha niya. Parang siyang may dalawang pagkatao na nasa iisang katawan. Cute at maganda.
"Nakalimutan ko na po Sir. Pasensya na."
Hindi ko napigilang matawa, napatitig ulit siya sa akin at bahagyang napayuko. Sa tingin ko namumula na naman ito. Para siyang bata na nasa isang katawan ng dalaga.
Pinigilan ko naman ang tawa ko at napakamot sa batok. Napalunok pa ako ng isang beses bago tumingin-tingin sa paligid. Pakiramdam ko ay isang kriminal akong nahuli na gumawa ng krimen.
"Ano ba yun? Sabihin mo para naman malaman ko." Wika ko sa mahinahong boses. Lumingon siya sa akin. Tama nga ang hula ko, namumula na naman ang isang 'to. Natutuwa ako kapag lagi siyang ganoon. Dahil noon lang akong nakakita sa aktwal ng babaeng namumula. Madalas sa tv lang naman, ang isang 'to kakaiba nga talaga.
"Nakalimutan ko po talaga." Sabi nito.
Hindi ko alam kung dapat ba akong maniwala. Ngunit mas lalo ko siyang tinutulak sa sabihin sa aking kung anuman iyong nadiskubre niya kanina.
"Sige na Cley... Sabihin mo na. Parang niloloko mo naman yata ako."
"Totoo po Sir! Nakalimutan ko po talaga! Kayo naman kasi kung makatitig..." Tuluyan na naman akong natawa.
Napatitig siya sa akin ng ilang segundo at nabigla na lang ako nang iiling-iling siyang tumakbo papasok sa talyer. Medyo natigagal ako sandali at halos tumawa na naman ng mag-isa dahil sa ka-cutan niya.
Sumunod naman ako kalaunan. Abala ang mga tauhan ko, maliban sa dalawang kahera ko. May sinasabi si Clea kay Lotti, at ang huli halos humagalpak na sa kakatawa. Napangiti ako. Hindi pa man nagtatagal ay parang nakikilala ko na ang batang 'to. Siguro nga medyo mahiyain lang ito, ngunit pag nakapalagayang loob doon naman ito nagiging madaldal. O sa una lang talaga ito mahiyain.
"Lotti." Tawag ko kay Lotti na halatang nakalimutan na ang nasa paligid dahil sa sobrang tuwa niya rito kay Clea. Nahuli kong medyo nanlaki ang mga mata ng huli, nagpipigil na naman ako ng ngiti.
"Pakibigay sa mga mekaniko. Kumuha ka na rin ng sa'yo. Pati... Ikaw Clea."
Natatawang sinilip ni Lotti ang laman ng dalawang supot. Si Clea naman ay pasimple kong pinapanood habang hindi ito mapakali. Hindi naman nakakahiya iyon upang mahiya siya ng ganyan.
"Okay. Gtg..." Nakakunot noong napabaling ako kay Lotti. Gtg?
Ngumisi itoat sinagot ang tanong kong nakalutang sa hangin, "Got to go."
Ah...
"Sama ako Ate!" Natatarantang sabi ni Clea. Sabay pa kaming dalawa ni Lotti ma matawa-tawa sa pagkakataranta niya.
"E sinong magbabantay dito?" Takang tanong ni Lotti. Biglang nanghina si Clea, sa isipan ko naman alam ko na kung bakit, wala na siyang takas. Ang tanging konsulasyon niya ay ang desisyon kong wag tumambay dito. Ngunit nasa pinakahuling pagpipilian ko iyon.
"Okay... Sige po." Naupo itong muli, ni ayaw akong sulyapan man lang. Medyo nakakapanghina naman iyon. Nilingon ko na lang si Lotti na nakahanda nang lumabas sa pintuan. Nagkatitigan pa kaming dalawa at mapang-uyam itong palipat-lipat ng tingin sa aming dalawa ni Clea. Natahimik naman ako roon.
"Bilis mo Kuya, a! Hinay-hinay naman at bata iyan." Bulong nito nang napadaan sa tabi ko. Tumatawang naglakad ito papunta sa gitna.
Napatikhim naman ako at tinulak ang pintuan patungong kahera. Hindi rin nakaligtas sa aking paninitig ang pagkislot ng kanyang katawan. Alam mong iniiwasan talaga ako. Hanggang ngayon siguro ay nahihiya pa rin ito. Ano pa bang magagawa ko para diyan? Pwedeng hayaan ko siyang maging panatag ang loob sa akin at wag nang makaramdam ng hiya dahil lang doon. Nakakatuwa pa nga... Masaya ang kalooban ko na naaapektuhan din siya tulad ng epektong ibinibigay niya sa akin.
Pagkapasok sinulyapan ko ang dalawang pagkain na nasa kaliwang bahagi ng counter. May dalawa ring nakataling supot ng softdrinks ang nandoroon. Mas inuna ko munang lapitan iyon at tumabi sa kanya na bahagyang nanigas pagkaupo ko roon. Abala ito sa kakayuko, may binabasang notes, ngunit alam kong pinapakiramdaman lang ako nito.
"Ito..." Nilagay ko yon sa tapat ng kanyang mga mata. Medyo nahihiya itong nag-angat ng tingin.
At sa pwesto ko ngayon, halos high definition na naman ang nakikita kong katangian niya. Kahit nakatagilid, klaro pa rin ang magandang hugis ng kanyang mukha, maliit iyon. At siguradong sakop na nang boung palad ko. At sa pwesto naming pareho, perpektong hugis ng matangos at maliit niyang ilong ang natitigan ko.
Natigil lang ang paninitig ko nang lumingon siya sa gawi ko. Hindi ko naman napigilan at napangiti ako sa kanya.
"Nahihiya ka ba?" Malumanay na tanong ko noon. Lumatay ang pamumula sa kanyang mala-labanos na kutis---- mula tenga hanggang pisngi. Halatang nahihiya, taliwas sa kung anong sinabi niya.
"H-h-hindi po!" Maagap na kinuha nito sa kamay ko ang kakaning pinili niya kanina at ang isang supot ng softdrinks.
Nanahimik na lang ako, at hinayaan siyang magbasa ng notes. Gayon din sa pagkuha niya ng maliit na notebook at ballpen sa kanyang bag na nakapwesto sa ilalim ng counter.
Napangisi lang ako noong nakita siyang nanginginig habang nagsusulat sa kanyang maliit na notebook. Tumikhim ako't tinitigan ang sentro kung saan halos tumigil na sa pagtatrabaho ang mga tauhan ko habang nakatitig sa amin. Mga gago!