ASWANG NA PASAWAY
Chapter 1
(My Sassy Witch)
"TIVORSHA!" umaalingawngaw na sigaw ni Donya Shandra sa kabuohan ng kanilang mansyon.
Humahangos naman na dumating ang tinatawag nito na nakalawit pa ang mahabang dila.
"Bakit po ma?" tanong nang nahahapong dalaga dahil tumakbo pa ito ng mabilis para lang makarating agad sa ina.
"Bakit ganyan ang itsura mo?" tanong nito sa anak. Makikita ang pagtaas-baba ng dibdib ng dalaga dahil sa labis na paghingal nito. Lumalaki rin ang butas ng kanyang ilong kaya malaya niyang naibuga ang hangin na pumapasok sa kanyang baga.
"Tumakbo pa kasi ako ma, kaya heto... hinihingal ako," sagot ng dalaga na nakatukod ang dalawang kamay sa kanyang mga tuhod.
"Eh, bakit ka tumakbo? Pwede ka namang lumipad, ah?" ani ng donya. May mga kapangyarihan kasi ang mga tulad nilang aswang at isa na doon ang paglipad ng mabilis.
"K-kasi... kasi...." hindi malamang sagot ng dalaga. Ang totoo nataranta ito nang marinig ang boses ng ina kaya nakalimutan nitong nakakalipad pala siya.
"Kasi ano?" inis na saad ng donya. Makikita ang pagkairita sa anak na pasaway.
"Kasi wala akong gasolina ma, kaya ayun hindi ako nakalipad," sagot ng pasaway na aswang kaya kaagad itong binatukan ng ina.
"Aray ko po!" Nakangiwing saad ni Ivory. Kaagad nitong hinimas ang bahagi ng ulo kung saan tumama ang pagbatok ng ina. Mataba kasi ito kaya may kabigatan ang kamay.
Kung normal na tao lamang siya, malamang para lang siyang pako na pinukpok ng martilyo. Sa tulad nilang mga aswang, ang mahinang galaw nila ay malakas na ang impact niyon sa normal na tao.
"Aalis kami ng iyong papa ngayon at may dadaluhan kaming party. Huwag kang gumala kung saan-saan. Naiintindihan mo ba, Tivorsha?" wika nito sa nanlalaking mga mata. Tingin ng dalaga ay malapit na siyang magkasya doon sa sobrang laki.
Lihim siyang napangiwi sa pagbanggit ng ina sa tunay niyang pangalan. Kung bakit naman kasi sa dinami-dami ng pangalan ay iyon pa ang ibinigay sa kanya.
Pinaghalong pangalan iyon ng kanyang magulang. Shandra ang pangalan ng kanyang ina at Tiborsio naman ang kanyang ama. Kung lalaki lamang siya malamang naging junior na siya ng ama dahil magkamukha silang dalawa. Pero dahil naging babae nga siya kaya Tivorsha na lang.
"O, ano? Bakit hindi ka makasagot?" untag sa kanya ng donyang aswang.
"Opo mama, hindi ako aalis ng bahay." Nakayukong sagot ng dalaga.
Sa edad niya na mahigit isang daan ay daig pa niya ang bata kung ituring ng kanyang ina. Sa kanilang uri ay tumitigil na ang kanilang pagtanda kapag umabot na sila sa edad na labinwalo at iyon na ang kanilang magiging itsura habang sila ay nabubuhay.
Hindi sila matatawag na immortal dahil namamatay din sila, matagal nga lang. Bawat isa sa kanila ay may kani-kanyang kapangyarihan pero, pareho silang nakakalipad at mabilis gumalaw kung gugustuhin nila.
Mula sa tinitingalang angkan ng mga aswang ang dalaga. Pero kahit ganoon ang kanilang uri ay hindi naman sila kumakain ng tao, mga hilaw na hayop lang.
Akmang aalis na ang donya nang may kakaibang amoy itong nasinghot.
"Sa gubat ka naman nanggaling, ano? deritsong tanong nito kaya hindi agad nakahuma ang dalaga.
"Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na huwag kang pumunta doon dahil delikado. Baka makagat ka nang ahas na lima ang ulo. "Makikita ang sobrang pag-aalala sa mukha nito.
"Ma, di ba po mga ASWANG tayo? Nakakahiya naman sa ahas kung ako pa ang matatakot sa kanila," pilosopong sagot naman niya sa ina dahilan para pingutin nito ang kaniyang tainga. Pero ang totoo, takot nga siya sa ahas at palaka.
"Kahit kailan, napakapilosopo mong bata ka! " nanggigigil na sabi nito.
"Ma, hindi na ako bata. Dalaga na po ako!" paingos na wika niya habang pilit na tinatanggal ang kamay nito sa kanyang tainga.
"Oo nga pala hindi kana bata dahil ilang doble na ng numero sa bingo ang edad mo! Pero bakit ang tigas pa rin ng ulo mo?" Nakukunsuming wika ng donya.
"Bakit? May ulo bang malambot?" aniya kaya mas lalong nagalit ang ina.
"Bitawan mo na ang tainga ko, ma. Pangako magpapakabait na po ako." Nakangiwing saad ng dalaga habang nanunumpa pa ang dalawang kamay.
Walang nagawa ang donya kundi bitawan ang tainga ng pasaway na anak.
Pagkaalis ng mga magulang ay nagpasyang umakyat sa kanyang silid si Ivory. Dahil bakasyon ngayon kaya nanatiling nasa bahay lang siya. Tulad ng isang normal na tao ay nag-aaral rin siya. Iyon nga lang, tatlong beses na yata niya inulit ang ganoong gawain dahil sa edad niyang mas matanda pa nga sa kanilang guro. Kahit na isa siyang aswang ay nakikipaghalubilo rin siya sa mga normal na tao.
Ilang oras na siyang nakahiga sa kanyang kama. Hindi siya mapakali sapagkat nangangati ang mga paa niya para maglakwatsa.
"Ivorey hija, bumaba kana para kumain." Narinig niyang pagtawag ng kanilang katulong buhat sa labas ng kanyang kwarto.
Normal na tao ang kanilang katulong at alam nito ang tungkol sa kanilang uri sapagkat mula pa sa kanunuan nito ay nagsisilbi na sa kanila.
"Okay po, Nanay Deling. Susunod na po ako," magalang na sagot ng dalaga sa kanilang katulong. Kung tutuusin ay mas matanda pa siya rito.
Pagdating sa hapagkainan ay nadatnan ni Ivorey na naroon ang kaniyang Ate Brunette. Ito lamang ang kasama niyang kapatid sa kanilang bahay dahil nasa ibang panig ng mundo ang iba at nag-aasikaso ng kanilang mga negosyo.
"Baby Tivorsha, let's eat na." Maarteng wika nito na ginaya pa ang pagsasalita ni Kris Aquino. Number one fan kasi ito ng naturang artista.
Nakasanayan na niyang tawagawin siya nang ganoon. Kahit na ayaw niya wala naman siyang magawa kaya hinayaan na lamang niya ito. Sa lahat ng kanyang mga kapatid ay ito ang pinaka maarteng aswang na nakilala nya.
Imbes na sumagot pa rito ay tahimik siyang umupo at kumuha ng hilaw na karneng nakahain sa mesa. May mga hilaw na karne ng baboy, baka, manok at isda ang nandoon. Mayroon ding gulay at prutas. Takam na takam siya kaya kaagad niyang sinunggaban ang pagkain.
Napangiwi naman si Brunette dahil sa kanyang ginawa kaya inalok niya ito.
"Tikman mo itong karne, Ate. Ang sarap!"aniya na dinilaan pa ang palibot ng kaniyang bibig na tila sarap na sarap.
Muling napangiwi si Brunette sa inasta ng kapatid.
"Eeww! You're so kadiri talaga baby Tivorsha." Makikita talaga ang matinding disgusto sa mukha nito.
"Tikman mo, Ate. Ang sarap talaga!" patuloy na alok ng dalga rito.
"Ayoko! I'm on a diet. Vegetables at fruits lang ako," anito na conscious na conscious sa body figure nito. Ayaw nitong matulad sa ibang aswang na daig pa ang penguen kung maglakad dahil sa sobrang katabaan.
Napataas ang kilay ni Ivorey sa tinuran ng kapatid. Kakaiba talaga ito sa mga kakilala niyang aswang. Bukod sa de-kutsara at tinidor ito ay vegetarian rin ito. Higit sa lahat ay ayaw nito sa malansa.
Pagkatapos kumain ay nagpasyang lumabas muna ang dalaga para magpahangin. Napapikit siya nang maramdaman ang malamig na samyo ng hangin sa kanyang balat. Ilang segundo siyang nanatiling ganoon. Pagmulat ng kanyang mga mata, unang tumambad sa kanyang paningin ang mayabong na mga puno sa gubat. Naalala niya ang bilin ng ina kaya napaisip siya. Hinawakan niya ang sariling tainga. Napangisi siya nang maramdaman na humupa na ang sakit. Gustuhin man niyang sundin ang bilin ng ina ngunit ayaw paawat ng kanyang pasaway na mga paa.
"Ang sarap talaga ng amoy ng kalikasan," aniya na may pasinghot-singhot pang nalalaman. Akalain mong ilang taon itong hindi nakalabas kung umasta. Katunayan ay doon naman ito nanggaling kanina.
Binagtas niya ang daan sa likod-bahay. May mas malapit kasi doon na lagusan patungo sa gubat. Nalibang siya sa mga tanawing naroon. Pakanta-kanta pa ito habang kumekendeng-kendeng. Nang walang kaano-ano ay nakarinig ito ng munting tinig.
"Guni-guni ko lang siguro." Napabuntong-hininga ang dalaga at ipinagpatuloy ang pagbirit. Wala itong pakialam sa paligid dahil alam nitong siya lamang ang naroon.
"Ano ba iyan! Ang ingay naman! Hindi naman kagandahan ang boses! Hmp! KOKAK...KOKAK..." wika ng maliit na tinig.
"S-sino ka?" takot na tanong ng dalagang aswang.
"Nahiya naman ako at ikaw pa talaga ang takot ha?" wika muli ng isang payatot na palaka na agad lumundag sa mismong harapan ng dalaga.
"Pa-palaka! N-nagsasalita!" sigaw nito na agad tumakbo.
Sa inis ng payatot na palaka ay lumundag ito at saktong nag-landing sa noo ng dalaga.
"Hoy! Ikaw pa talaga ang takot ha? Sino ba ang aswang sa ating dalawa?" saad ng palaka na halos lumuwa ang mga mata at bahagya pang nakataas ang isang kilay.
"Ako?" pabiglang sagot ng dalaga.
"Ikaw naman pala, eh! Pero kung makaasta ka ay parang nakakita ka ng multo!" May pagkamalditang sabi ng palaka.
"Nyay, nagsasalita ka nga, mama ko!" muling sigaw ng dalaga. Dahil sa sobrang tensyon na naramdaman ay biglang nag-iba ang anyo nito.
Ang bagong rebond na buhok ay naging buhaghag at ang mapupulang labi ay naging itim. Naging matulis rin ang kanyang mga kuko at ngipin.
Nang makita ng palaka ang itsura ng dalaga ay sobrang itong nagulat kaya napawahak ito sa sariling dibdib. Huli na nang malaman nitong kasalukuyang nakakapit lang pala ito sa noo ng dalaga kaya tuluyan itong nahulog sa lupa at nakatihaya itong bumagsak.
"Ouch! Ang sakit naman ng balakang ko!" anito at paikang-ikang tumayo para makalayo sa dalagang aswang na tila nawawala na sa sariling katinuan.