UNFAITHFULLY YOURS
Joemar Ancheta
Chapter 14
Daniel’s Point of View
Alam kong hanggang sa crush na lang ako sa kaniya dahil malimit ko silang makita na magkasama ng boyfriend niya. Sa tuwing makakasalubong ko siya ay umiiwas ako kahit titig na titig siya sa akin. Nang minsang aksidente natabihan ko siya sa aming library ay ako ang kusang umiwas at umalis kahit panay ang papansin niya sa akin. Napakarami niyang tinatanong kahit alam kong alam naman niya ang mga tinatanong sa akin.
Kung bakit ako naiwas at naiinis, hindi ko alam. Siguro dahil nahihiya pa din ako sa nangyari noon sa canteen o kaya umiiwas lang akong masaktan dahil may boyfriend na nga siya o maari ring natatakot akong pagalitan ni Papa. Umiiwas man ako ngunit hindi ang nararamdaman ko sa kaniya. Siya parin ang laman ng aking pangarap bago ako igupo ng antok sa gabi at siya pa rin ang iniisip ko na sana masulyapan ko pagpasok ko sa aming campus kinabukasan.
Nang naglaon ilang araw bago ang graduation namin ay nalaman ko din ang buong pangalan niya at ilang mga detalye tungkol sa kanya. Kahit pa kaklase ko si Robi, hindi din naman kami close. Isa pa, ayaw ko din naman na pag-isipan ako kung bakit interesado ako sa buhay ng girlfriend niya. Umiiwas lang ako ng away. Ayaw ko lang magkagulo lalo pa’t siya naman din talaga ang nauna kay Janine.
Nakilala ko lang si Janine ng lubos dahil sa slumbook na pinagpapasa-pasahang ipapirma ng mga babaeng kaklase ko. Dahil campus crush kaming dalawa, ako sa mga babae at bakla at siya sa mga lalaki, kaya kalimitan ay kami ang binibigyan ng pagkakataong mag-sign sa sangkatutak na slumbook. Ang iba ay humihingi pa ng ID picture o whole body picture na idikit nila sa tabi ng aming pangalan.
Binasa ko ang mga nilagay niya sa slumbook.
FULLNAME (optional): Janine Cruz
NICKNAME (optional): Janine lang din.
ADDRESS (just the city!): Makati City
BIRTHDAY (optional): January 30
BIRTHPLACE: San Pedro, Laguna
AGE: 16
ZODIAC SIGN: Aquarius
AMBITION: To be a lawyer
LET'S GET PERSONAL!
MOTTO: “Life isn't about finding yourself, life is about creating yourself."
DEFINE 'LOVE': Love is like rosary that full of mystery
WHO IS YOUR CRUSH? I have a boyfriend now and I love him. (I love you Robi)
Crush* D.R.
WHERE DID YOU MEET?- School
WHEN DID YOU MEET?-School
WHO IS YOUR FIRST LOVE?- Robi
UNFORGETTABLE MOMENT: Natapunan ang damit ko ng coke at natapon ang pansit na order ko.
WHEN? First of day of classes this school year
WHERE? Canteen
Nahiwagaan ako sa sagot niya sa crush. D.R. Ang buong pangalan ko ay Daniel Reyes kaya nga ang palayaw ko ay Dan. Kung kukunin ang inisyal, D.R. Malayo naman na ang tinutumbok niyang crush niya ay si Robi? Dapat R. R. kung si Robi kasi Retuta ang apilyido niya.
Crush kaya niya ako?
Muli kong binasa ang kanyang Unforgettable Moment. Doon ako ako nagkaroon ng palaisipan. Bakit iyon pa? Siguro naman madami na silang masasayang moment ng boyfriend niya. Bakit yung natapunan pa siya ng softdrink na kagagawan ko? Bakit hindi noong JS kasi noong JS nga namin sila ang napiling sweetest pair. Kaya naman ako sobrang nasaktan kahit wala naman akong karapatan. Wala na akong ibang tinitignan noon kundi silang dalawa. Masama ang loob ko. Kahit pa napapansin kong nakatitig siya sa akin ngunit alam kong wala namang kuwenta dahil bantay-sarado naman siya ng kapit-tuko niyang boyfriend. Ngunit kung yung pagbangga ko sa kanya sa canteen at natapunan siya ng pansit at coke ang kanyang unforgettable moment, anong meron doon? Di ba dapat ang inilagay niya as Unforgetable Moment ay noong JS Promenade?
Nang nag-eensayo kami ng aming graduation song ay panay ang lingon niya sa akin kahit magkatabi sila ng boyfriend niya. Ako na lang yung laging nagbababa ng tingin kasi nahihiya pa din ako. Sigurado kong ramdam na niya na gusto ko siya dahil kahit sabihing iniiwasan ko siya ay panay naman ang lingon ko sa kaniya kung may mga school activities kami. Nilakasan ko na talaga ang loob kong makipagtitigan. Wala na akong pakialam kung anong mapapansin niya basta gusto ko kahit sa tingin ko lang ay maramdaman niyang gusto ko siya. Na may pagtingin ako sa kanya.
Ngunit nang dalawang araw bago graduation namin ay madalas ko na siyang nakikitang mag-isa. May mga sandaling alam kong gusto niyang lumapit sa akin ngunit dahil sa nerbiyos na nararamdaman ko ay ako ang parang lumalayo. Hindi ko alam kung bakit natotorpe pa rin ako kahit pa nagkausap na kami. Tuloy naiinis ako sa sarili ko kung bakit iyon madalas ang ginagawa ko na hindi naman talaga dapat umiwas o lumayo.
Araw ng graduation namin nang naabutan ko siya malapit sa Comfort Room. Nanginginig na naman ako noon lalo pa't napansin kong nakatingin siya sa akin. Mabuti nga at tumuloy pa rin ako. Nagawa ko nang labanan yung madalas kong ginagawang pag-iwas. Nang lingunin ko siya bago ako pumasok sa comfort room namin ay nginitian niya ako at kinindatan. Bago ko binawi ang aking tingin ay alam kong ngumiti din naman ako sa kanya. Kung sana puwede ko lang pigilan ang aking pag-ihi para makaalis na ako doon kasi sobrang kabog na ng dibdib ko ay ginawa ko na. Mabuti na lamang at naisara ko agad ang pinto kahit hindi naman talaga iyon isinasara. Nakahinga ako ng maluwag. Nakaihi din ang ng maayos.
Paglabas ko sa Comfort Room ay nasa pintuan lang pala siya at naghihintay.
"Congrats Dan! Ikaw pala ang Valedictorian. Astig!"
Nagulat ako kaya hindi agad ako nakasagot at napalunok na lang ako lalo na idinikit niya ang balikat niya sa aking balikat. Sobrang lapit lang talaga niya sa akin at hindi ko alam kung paano ko ilalayo ang katawan ko sa kanya. Amoy ko ang kanyang pabango. Natitigan ko siya nang malapitan. Bigla na lang akong pinagpawisan ng malagkit. Nautal ako. Hindi ko maigalaw ang aking dila. Para akong pipi na katitig lang sa makinis at maputi niyang mukha.
"Nakakatuwa naman na kakilala ko ang pinakamatalino sa klase natin at sikat sa mga chicks, kaya gusto kong maging friend ka eh. Kung okey lang na maging friends tayo lalo na patapos na ang school year. Baka hindi na naman tayo magkita. Baka magsisisi na naman akong hindi kita kinausap bago tayo magkahiwa-hiwalay"
Ngumiti ako. Huminga ako ng malalim. Kailangan kong sumagot.
“Friends? Oo naman. Ibig sabihin naaalala mo ako noong First year high school pa lang tayo? Hindi mo iyon nakalimutan?” Titig na titig ako sa nakaganda niyang mukha.
“Oh wait. Ikaw rin? Tanda mo rin pala ako? Ibig sabihin pareho tayo nang naramdaman nang inilipat ako sa school? Ibig sabihin noon pa man din ay napansin mo na ako?”
“Oo. Nilapitan mo nga ako noon eh, as usual, natorpe lang uli ako kaya hindi na kita nakilala pa.”
“Talaga? Hindi bale, nagkita naman uli tayo. Pinagtagpo uli an gating mga landas. Congrats uli ha!" nginuso niya ang palad niyang kanina pa pala nakalahad.
Nanlalamig ako ngunit tinanggap ko pa rin ang kamay niya.
"Nanlalamig ka yata ah. Okey ka lang?" tanong niya.
"Ayos lang ako." Matipid kong sagot. Halatang nanginginig ako dahil sa boses ko.
"Papunta ka na ng gym?" tanong niya. Nakangiti pa rin.
"Oo" matipid ko pa ring sagot. Medyo tumila na ang kabog ng aking dibdib. Huminga ako ng malalim. Bakit ganito ang nararamdaman ko kapag nakikita o malapit lang siya sa akin. Nauutal ako at parang laging kinakabahan.
“Yun naman pala eh. Sabay na lang tayo. Doon din kasi ang punta ko eh.”
“Okey. Di sabay na nga lang tayo.” Pinagpapawisan kong sagot. Bumunot akong malalim na hininga. “Please Daniel, umayos ka. Magpakalalaki ka letse!” bulong ko sa aking sarili habang naglalakad kami at nag-uumpugan ang aming mga balikat. Bakit ba kasi ang lapit niya naman sa akin?
"Sorry pala uli 'yung nangyari nang natapunan kita sa canteen" pamamasag ko sa katahimikan habang naglalakad kami.
"Ano ka ba? Tagal na no'n.”
Ngumiti lang ako.
“Kasalanan ko 'yun at hindi ikaw.”
“Walang may kasalanan. Saka natapunan lang ako, hindi nasugat. Hindi siya big issue.”
“Sabagay.”
“Sa'n ka mag-aaral niyan?" tanong niya.
"Sa College?" balik tanong ko.
"Bakit after high school ba may iba pa bukod sa college?"
Napangiti ako sa sinabi niya. Valedictorian nga pero tanga lang.
"San Sebastian siguro. Ikaw?"
"Doon na rin siguro ako.”
“Talaga? Ayos yan.”
“Para makita pa kita.”
Nagulat ako sa sinabi niya. Hindi ko man binigyan ng malisya ngunit totoong kinilig ako. Binibiro lang siguro niya ako pero umasa pa ring sana di lang nambobola.
"Anong kukunin mong course?"
"Baka Accountancy.Hindi ko pa sure e. Ikaw?"
"Yun na din lang siguro ako," sagot niya.
Napakunot ako ng noo. Pinagtritripan lang yata niya ako. Pwede ba naman yung gaya-gaya lang ng kurso ng iba?
Malapit na kami sa gym nang inakbayan niya ako. "See you at Baste”
“Baste?”
“San Sebastian? Di ba doon tayo mag-aaral?”
“Ah, oo nga, Baste.”
“Hope we can be real friends in there! Oh malay mo, more than that pa." pilya niyang biro.
Nanlaki ang aking mga mata. Nananaginip lang ba ako? Wish niyang maging magkaibigan kami doon o higit pa? Sana totoo. Sana hindi lang ako mapapaasa sa wala.
Pagkatapos ng aming graduation ay nakita kong kumaway siya sa akin bago umalis kasama ng pamilya niya. Kinawayan ko din siya kahit medyo nahihiya ako. Naisip ko. Bakit ngayon lang siya nagpaparamdam na gusto rin niya kung kailan magkakahiwalay na kami ng landas? Pero hindi ba dapat ako ang tatanungin? Ako yung lalaki sa aming dalawa kaya ako dapat ang nanliligaw. Pero paano ko nga liligawan ang babaeng may boyfriend na? Pero bakit hindi nilapitan ni Robi si Janine? Bakit hindi ko sila nakita man lang nagkasama o nag-usap? Wala na ba sila? Napakarami kong katanungan noon na hinahanapan ng kasagutan. Gusto ko siyang habulin at tanungin ngunit hinawakan ni Papa ang braso ko.
“Tara na. Uwi na tayo. Kung may ga kaibigan ka, imbitahin mo dahil may konti tayong salu-salo.?
Ganoon lang. Hindi ako binati ni Papa. Parang wala lang na sa dami naming graduates, ako ang valedictorian. Baka kasi nasanay na siya na lagi akong nangunguna sa klase ko. Hindi na bago pa iyon sa kanya. Pero kung may dapat akong ikatuwa noon? Iyon ay ang nakita kong pagiging proud na proud sa akin noon si James. Hawak-hawak pa niya noon ang aking mga medalya. Masayang masaya si Mama sa aking nakamit na karangalan. Sana pati rin si Papa. Sana pagdating ng araw na magmamahala ako at mag-uuwi ng mahal ko sa bahay ay bigyan ako ng tiwala na hindi ko sisirain ang aking pangakong makatapos kahit pa may kasintahan ako.
First day noon, nang first year college na ako ay pumili ako ng mauupuan sa likod at malapit sa pintuan. Mahiyain kasi talaga ako kaya iniwasan kong umupo sa harap. Bakante pa ang katabi kong upuan sa kanan noon. Maingay ang lahat. Magulong nagpapakilala sa isa’t isa. May mga nakatingin sa akin pero parang nahihiya silang lapitan ako. Nang dumating ang aming instructor ay tumahimik ang lahat. May hawak siyang classcards namin.
“I will be calling one by one and when I call on your name, please stand and introduce yourself, okey?”
“Yes, ma’am.” Sabay-sabay na sagot ng aking mga kaklase. Hindi ko man lang nagawang ibuka ang aking labi.
Inisa-isa niyang tinawag ang mga pangalan.Tumayo ang natawag. Nagpakilala at nagtanong ng ilang impormasyon. Hindi ko alam kung bakit nahihiya ako. Ito kasi yung ayaw ko. Magpakilala, titignan ng karamihan. Ngunit wala naman akong magagawa. Kailangan kong sumunod sa utos ng aming Instructor. Natigilan ako nang tinawag ang pangalang Janine Cruz.
"Here po ma'am," boses malapit sa pintuan. Napalingon ako. Biglang bumilis na naman ang t***k ng aking puso. Hindi ako makahinga. Ibig sabihin seryoso siya sa sinabi niya noong Graduation na kung saan ako mag-aaral ay doon din siya at kung anong kursong kukunin ko ay iyon din ang kukunin niya.
Noon alam kong may kasangga ako. Kasanggang nagiging dahilan ng pagkawasak ng aking pamilya.