FIRST CRUSH

2322 Words
UNFAITHFULLY YOURS Joemar Ancheta Chapter 13 Daniel Point of View   Sa edad namin noong labintatlo ni Janine, halos magkasingtangkad lang kami noon. Hindi din naman matangos ang kaniyang ilong ngunit binabagayan ito ng maganda na pagkakahulma ng kaniyang mga labi. Mapungay ang mga mata na lalong binigyan ng may kakapalan niyang kilay. Hindi ko alam kung bakit nang magtama ang aming mga paningin ay kinakabahan ako. Nahihiya akong salubungin ang kaniyang mga tingin. Kung hindi siya nakatingin ay tinititigan ko siya ngunit oras na tignan niya ako ay mabilis kong ibaling sa iba ang aking mga tingin. Nakakakaba kasi. Nakakawala ng sarili. Basta may kung anong humihigop sa aking pagkasino. Ngunit kadalasan nahuhuli ko din siyang nakatitig sa akin at mabilis din niyang ibinabaling ang kaniyang tingin sa iba. First year high school lang  kaming dalawa noon, magkaiba nga lang kami ng section. Gustung-gusto ko kapag oras ng recess namin kasi madalas ko siyang makita kasama ng mga tropa niya. Kung dumadaan ako sa kaniya ay napapansin kong napapatahimik siya. Ako naman ay sobrang lakas ng kabog ng dibdib. Namumula. Natataranta. Ang mahirap pa ay hindi ko siya magawang kausapin o kahit ngitian man lang. Natotorpe talaga ako. Tinatanong ko sa aking sarili kung pag-ibig na nga ba ito? May pagkakataong lumapit siya sa kinakainan kong table sa canteen ngunit hindi ko alam kung anong katangahan meron ako. Para kasing natotorpe ako. Parang mas madali na lang umiwas sa kanya kaysa sa tignan siya sa mukha ng malapitan. Nang umupo kasi siya ay saka naman ako tumayo at mabilis na umalis. Nahihiya kasi ako at parang hindi ko matagalan na nasa harap ko siya. Nanginginig ako. Ninenerbiyos. Nahihirapang huminga. May kung anong malakas na kabog sa aking dibdib. Mula noon ay parang umiiwas na din siya. Kapag uwian nga tinitignan ko siya ng palihim ngunit may mga sandaling nahuhuli pa rin niya ako na para bang alam na alam niya kung saan ako lihim na nagmamasid sa kaniya. Saka lang ako uuwi kung alam kong dumaan na siya sa aming classroom o kaya ay kapag lumabas na siya sa gate namin. Hinihintay ko siya para kahit sa huling saglit sa maghapon ay makita ko man lang muna siya. Ngunit kahit ganoon lang kami ay masaya na ako noon. Kahit hindi ko siya nakikilala ng husto bukod sa pangalan niya ay kumpleto na ang araw ko. Masaya na ako kung minsan sa isang araw magtama ang aming mga paningin. Siya ang unang naging secret crush ko. Kaya nga nang matapos an gaming First Year High School ay nagdesisyon na ako. Kailangan may mabago sa akin. Kailangan hindi na ako yung dating ako noong Elementary at First Year High School. Kaya masasabi ko na  si Janine ang dahilan kung bakit gusto kong baguhin ang imahe ko. Gusto ko kasi na kapag may lakas na ako ng loob na manligaw e, hindi na ako malamya. Hindi na ako tatawagin ng iba pa na bakla kasi hindi naman talaga ako bakla. Mapapahiya kasi ako. Baka maturn-off siya kaya ako nanood ng mga vidoes kung paano maging astig kumilos at magsalita. Minsan nga lang nasosobrahan at nagmumukha na rin akong robot pero mas okey na iyon kaysa tawagin at mapagkamalang bakla. Baka kasi mapapaaway lang ako lalo na kapag kasama ko siya. Nang second year high school kami ay excited akong pumasok. Pinaghirapan ko kasing baguhin na yung dating ako. Hindi man nagmumukhang naturala ng kilos ko pero iba na ako sa dating ako. Gusto ko na ang nakikit kong ako sa harap ng salamin. Mas naginging guwapo na ako idagdag pa ang astigin kong pagkilos at pananalita. Ngunit hindi ko makita nang flag ceremony, hindi ko rin nakita nag recess na at kahit uwian sa tanghali. Wala akong nakita na Janine sa maghapon. Umaasa akong baka hindi lang pumasok sa first day pero wala. Bigla na lang siyang nawala. Hindi ko iyon noon matanggap kaya sa buong unang Linggo siya ang hinahanap ko. Lahat ng classroom ng second year high school ay nasilip ko na. Sa flag ceremony halos maputol na ang leeg ko sa kahahanap kung nasaan siya. Kahit sa flag retreat ay sinasadya kong mauna at tumambay sa gate para makita ko agad kung nadaan siya. Kulang na lang ng uniform ng security guard para sana palitan ko na ang SG namin sa school. Ngunit nang lumipas na ang isang linggo at wala pa rin ay nakaramdam na ako ng lungkot. Naiinis ako sa sarili ko na hindi ko man lang siya nakausap. Ni hindi ko man lang nalaman ang apilyido niya. Nanghihinayang ako. Nawalan ako ng ganang pumasok. Nabawasan ang saya ko sa maghapon. Naramdaman ko talagang may kulang. Hindi na buo ang aking mga araw. Hanggang sa nasanay na din lang ako na wala siya. Natanggap kong hindi ko na nga siya makikita pang muli. Ganoon pa man, hindi ko din naman siya nakalimutan kahit sabihing wala naman kaming personal connection at hanggang mga panakaw na tingin lang kaming dalawa, nanatili siya sa puso ko. Madalas ko pa ring naaalala ang kanyang ngiti. Nai-imagine na kami pa rin ang itinadhana sa huli. Minsan bago ako matulog ay pilit kong inaalala ang kanyang mukha. Ang kanyang mga ngiti. Ang tunog ng kanyang mga tawa. Ang boses niyang mala-anghel at malambing. Ang pasimpleng titig niya sa akin. Mapapaidlip akong nakangiti. Iniisip kong darating din ang araw na magkikita muli kami. Tinatanong ko ang aking sarili, gusto din kaya niya ako? Kung hindi ako umalis noong nilapitan niya ako sa table, nagkakilala kaya kami’t naging matalik na magkaibigan? Hindi kaya pwedeng maging kami kahit pa sabihing nasa murang edad lang kami? Ngunit dahil sa kaniya, nakilala ko ang sarili ko. Dahil sa kanya, nasigurado kong lalaki ako at hindi kagaya ng sinasabi ng mga mapanghusga naming kabitbahay at kaklase. Lalaki nga talaga ako. Sa babae pa rin ako nagkakagusto at hindi sa lalaki tulad ng ikinatatakot ni papa. Sana matanggap ni Papa kung maaga akong magkanobya kasi kung makikita ko si Janine kahit pa menor de edad ako, hindi ko na siya pakakawalan. 4th year high school na ako noon nang unang araw na naman ng pasukan. Siksikan at pilahan sa canteen. Dahil gutum na gutom ako ay nakipagsiksikan din ako. Lahat gustong makabili bago tutunog ang buzzer. Mahirap kasing lalamya lamya dahil mauubusan ka ng oras. Pababalikin sa classroom na hindi pa nakabibili ng pagkain. Dahil sa nagkakatulakan ay hindi ko napansin ang dumaan na may hawak ng tray ng pansit at nakabasong coke. Natabig ko iyon at natapon sa uniform niya. "Oh my God! What the f**k! Di kasi tumitingin..." nakayuko ang estrangherong natabig ko kaya hindi ko namukhaan. "Sorry!" paghingi ko agad ng paumanhin. Mabilis kong inilabas ang panyo ko. Nagulat ako nang tumingin siya sa akin. Si Janine! Tang-ina tama, si Janine nga! Siya nga ang matagal ko nang hinahanap at ang nawawala kong crush noong first year high school pa lang ako. Kapwa kami hindi nakapagsalita. Nagkatitigan kami. Gulat na gulat ako kasabay ng malakas na kabog sa aking dibdib. Isang lumang damdamin na dalawang taon ko nang hindi naramdaman. Siya man din ay nakatitig lang sa aking mukha.  Bigla akong natauhan at sobrang napahiya ako sa nangyari. Kaya para makabawi ay yumuko ako para pulutin ang tray at ang plato ng natapong pansit. "Aray!" muli niyang sigaw. Tumama na naman ang ulo ko sa kaniyang labi kaya nakagat niya ito at dumugo. Sabay pala kaming yumuko kaya naiumpog ang ulo ko sa kaniyang labi. "Sorry!" nanginginig kong paghingi ng paumanhin sa pangalawang pagkakataon. Palpak na naman ang naisip kong diskarte. "Please! Huwag ka ng kumilos. Just let me do it okey?" mabigat niyang sinabi iyon. Halata ang galit lalo pa’t dalawang magkasunod na atraso ang ginawa ko sa kanya. Kinuha niya ang panyo niya sa kaniyang bulsa at dinampian ang dumudugo niyang labi. "Papalitan ko na lang yung natapon mong pagkain.” “Okey na. I can manage to buy but I think I have don’t have time to buy my food again,” nakasimangot siya. Dinadampian niya ng panyo ang pumutok niyang labi. “Hindi, okey lang. Ako na lang ang pipila. Ibibili na lang kita ng kapalit niyan kasi ako naman ang may kasalanan." "Huwag na nga. Parang kasing busog na ako at nawalan na ako ng gana pang kumain.” “Sorry ha, hindi ko talaga sinasadya.” Ngumiti siya. Nakita ko ang maputi at pantay niyang ngipin. Ang kanyang likas na mapupulang labi na walang kahit anong nakapahid na make-up. Ang maputi at makinis niyang mukha na walang kahit anong make-up. Napaka-natural talaga ng kanyang kagandahan. “Sorry? May dumi ba ako sa mukha?” Para akong nahimasmasan. Grabe kasi ako tumitig. “Anong gusto mo? Pansit? Sige ibibili kita ng maraming pansit.” “Please, just relax. Alam kong natataranta ka lang." "Hindi ba pwedeng palitan ko na lang yung natapon para naman hindi ako makaramdam ng guilt?" "Huwag na nga. Pipila ka pa e, anong oras ka na makabili uli. Basta kalma lang. okey?" Pagtanggi niya. Ngumiti siya sa akin at tinapik niya ang bisg ko. Ramdam ko ang init ng kanyang palad “Okey na ‘yon.” “Sige, bawi ako promise.” Muli niya akong nginitian. Tumingin sa paligid na parang may hinahanap. "Kuya, palinis naman ho ito." Tawag niya sa janitor namin sa school. "Ako nga pala si..." pagpapakilala ko sana sa sarili ko pero may gagong dumating. "Bhie, ano? Antagal mo!” nakabusangot na tanong ng mayabang, presko ngunit gwapo kong kaklase. Ang kalaban ko sa pagiging first honor. Si Robi. “Natapon ang inorder ko e,” sagot niya. “Oo nga pala no? Tang-ina! Basa pa ng coke ang uniform mo oh. Sino bang tangang bumangga kasi sa’yo? Napaka-careless naman!" pagpaparinig ni Robi . Nakatingin siya sa akin. Halatang mainit talaga ang dugo sa akin dahil bukod sa kami ang magkalaban ay alam niyag mas gwapo ako sa kanya. Naisip niya sigurong pwede kong agawin sa kanya si Janine kung seseryosohin ko. Pero noon lang ako nakaramdam ng pagkatalo. Noon ko lang naisip na naungusan ako ni Robi., Nginitian lang ako ni Janine. Parang sinasabi ng mga mata niyang pasensiyahan ko na lamang ang bastos niyang boyfriend. “Ikaw ba tol ang bumangga sa girlfriend ko?” maangas niyang tanong sa akin. Sasagot pa lang sana ako at manghihingi na lang ng dispensa nag biglang si Janine na ang sumalo. "Ano ka ba, akong nakabangga kay... ano na uli pangalan mo?” inilahad niya ang kamay niya sa akin. Hindi ko alam kung tatanggapin ko iyon lalo pa’t nanlalamig ako. Isa pa, hindi ako sanay sa pakikipagkamay. Hindi naman kasi uso iyon sa amin sa school. Dahan-dahan kong tinanggap ang kanyang kamay. “Daniel.” Maikli kong pagpapakilala. “Ah, what a nice name. Daniel.” Ngumiti siya sa akin saka siya tumingin kay Robi. “Ako ang nakabangga kay Daniel. Di bale, uwi na lang muna ako para magpalit.” Hindi niya binibitiwan ang palad ko at nakaramdam ako ng kuryenteng pumapasok sa kaibuturan ko. Ako na ang humila sa kamay ko dahil iba na ang tingin ni Robi sa kamay naming hindi nagkakahiwalay. “Uuwi ka pa? Anong oras na oh,” ipinakita ni Robi ang orasan niya kay Janine. “Aabot pa naman siguro ako kasi may 30 minutes pa naman.” “Nakakainis kasing may mga tanga eh. Buti na lang dala ko 'yung motor ko. Tara na, ihahatid na lang kita.” Si Robi. Tinignan pa rin niya ako ng masama. “Salamat. Di bale bago mag-start ang klase makababalik na tayo.” “Siguraduhin mo lang na bibilisan mo talagang magpalit. Ayaw kong ma-late dahil Math ang next subject namin." Umakbay si Robi kay Janine na para bang may ibang dating sa akin. Hindi ko kasi alam kung niyayabangan niya ako o pinapaselos lang din ako. "Sorry uli Janine," pahabol kong paghingi ng dispensa sa aking nagawang katangahan. "Ayos lang. Aksidente lang yun, Dan." “Dan? Close na kayo?” Sabay kaming sumagot. Sablay nga lang dahil ang sagot niya ay OO at ako ay HINDI. Nang palitan ko ng OO PALA ay pinalitan din niya ng HINDI PALA. “Ano ba talaga?” “Robie, pinaiksi ko lang ang pangalan niya. Bakit ba andami mong isyu? Sige na, hatid mon a lang ako sa bahay kung gusto mo talaga akong ihatid. Kailangan ko kasing umuwi na muna at magpalit dahil nalalagkitan ako sa natapong softdrinks sa akin.” “Tara.” Ang akbay ni Robie kay Janine at bumaba. Nakita ko na lamang na magkahawak-kamay na sila. “Kung ako na lang kaya mag-isa? Hiramin ko na lang ang susi mo nang hindi tayo parehong ma-late?” narinig ko pang sinabi niya kay Robi.” “Sige, ganoon na lang. Hatid na lang kita kung saan ako nagpark.” Naiwan ako doong naiinis. Bhie na ang tawagan nila. Sa dinami-dami ng magiging boyfriend ay kay Robi pa. Biglang nawalan ako ng ganang bumili ng aking miryenda. Alam kong hanggang sa crush na lang ako sa kaniya dahil malimit ko silang makita na magkasama ng boyfriend niya. Sa tuwing makakasalubong ko siya ay umiiwas ako kahit titig na titig siya sa akin. Nang minsang aksidente natabihan ko siya sa aming library ay ako ang kusang umiwas at umalis kahit panay ang papansin niya sa akin. Napakarami niyang tinatanong kahit alam kong alam naman niya ang mga tinatanong sa akin. Kung bakit ako naiwas at naiinis, hindi ko alam. Siguro dahil nahihiya pa din ako sa nangyari noon sa canteen o kaya umiiwas lang akong masaktan dahil may boyfriend na nga siya o maari ring natatakot akong pagalitan ni Papa. Umiiwas man ako ngunit hindi ang nararamdaman ko sa kaniya. Siya parin ang laman ng aking pangarap bago ako igupo ng antok sa gabi at siya pa rin ang iniisip ko na sana masulyapan ko pagpasok ko sa aming campus kinabukasan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD