Veronica
“Sigurado ka talaga, Gabriel?” paniniguro ko pa sa lalaki na walang pag-aalinlangan na tumango. Natampal ko tuloy nang pasimple ang noo. Paano ko ba ito pauuwiin? Mukhang hindi magpapaawat. Napahinga ako nang malalim. “Kapag ako talaga napagalitan ng nanay mo kasi sama ka nang sama sa akin, babalatan talaga kita nang buhay.”
Ngumiti ito nang tipid na para bang binibigyan ako ng assurance. “Hindi nila malalaman. And besides, ako naman ang may gusto na uminom,” aniya kaya lalo akong kinabahan.
Talagang iinom siya?
Alam ko, alam na alam ko na hindi siya umiinom. Never pa itong nakatikim ng alak, ayon sa mga pinsan niya. Wala itong bisyo maliban sa pag-aaral nang mabuti. Bahay at school nga lang daw ito noon. Gagala lang sa parke o kung saan kapag kasama ang mga pinsan.
Kaya nakakapagtakang gusto nitong sumubok uminom ng alak.
“Shot na! Huwag mo nang pigilan si Tisoy, Maria,” anang Kenneth na inirapan ko.
Inabot nito kay Gabriel ang baso ng alak na agad namang tinanggap ng lalaki. Nakasunod ang tingin namin sa binatang hindi sanay uminom.
Napasulyap pa ito sa akin bago niya iyon tunggain. Hiyawan ang kasunod niyon dahil tuwang-tuwa sila sa lalaki na bahagyang napangiwi sa lasa ng alak.
Lihim akong umismid sabay subo ng pulutan. Mga lasing na ang mga kasama ni Kenneth kaya kung ano-ano na ang ikinukuwento. Si Kimmy ay panay ang papak ng pulutan.
“Ikaw naman, Maria!” anang Kenneth na sinalinan ang basong ininuman ni Gabriel.
Tinanggap ko iyon at kunot-noong ininom. Nang sulyapan ko si Gabriel ay napangiti ito nang pasimple sa hindi ko malamang dahilan.
“Boypren mo ba ito, Maria? Ang guwapo naman!”
“Ulol,” sagot ko lang kay Kenneth na pangisi-ngisi.
“Naku, Maria! Sa kagaslawan ng kilos mo, hindi malabong mabuntis ka nang maaga at mapariwara. Ang bata-bata mo pa, may bisyo ka nang ganiyan!” singit ni Aling Teresita na napadaan sa tapat namin at nagbunganga agad nang makita ako.
“Sayang ang ganda, ’Neng, kung maglalandi ka lang nang maaga. Dapat inuuna ang pag-aaral, huwag ang alak at pagbo-boypren.”
Hindi ko pinansin ang mga banal na mga ginang sa gilid. Ibinaling ko lang ang atensiyon sa alak at makailang ulit na tumungga niyon.
“Ay nako! Kay tigas talaga ng ulo ng batang ito!” suko ni Aling Teresita nang hindi ko sila pansinin na lihim kong ikinaismid.
“Hayaan mo na. Wala kasing nanay na gumagabay.”
Bahala sila riyan. Palagi na lang pinapakialaman ang buhay ko.
Sa inis ko ay ibinuhos ko iyon sa paglalasing. Walang pakialam sa sarili, sa mga sasabihin ng iba patungkol sa magiging kinabukasan ko. Wala, kinalimutan ko ang lahat sa mga oras na iyon.
Pero kahit na ano ang gawin ko, para pa ring may tumatarak na patalim sa dibdib ko. Nananakit iyon at namimigat. Nais tumulo ng mga luha ko ngunit mabuti na lang at napipigilan ko.
“Mabuti at hindi mo nasagot ang mga matatandang iyon, ano? Lakas ng pagpipigil mo, Maria. Kung ako ang sinabihan ng ganoon, makakatikim talaga sila sa akin,” anang Allen na masama ang tingin sa papalayong bulto ng dalawang ginang na kumausap sa akin kanina.
Walang gana kong inubos ang pangpito ko nang baso. Wala pang kalahating oras pero halos maubos ko na ang mga alak nila.
Pinunasan ko pa ang palibot ng bibig bago sulyapan si Allen na naghihintay ng sagot mula sa akin.
Namungay ang aking mga mata at bahagyang napailing. “Pagod ako ngayon.”
Ganito pala talaga ang buhay. Habang patagal nang patagal at patanda nang patanda, pabigat nang pabigat ang problema. Laging sasampalin ng mga problema sa kada bangon sa umaga.
“Sa alin ka napagod, aber?” ngising tanong ni Kimmy na inaalog-alog ako.
Tinapik ko tuloy ang kamay nito sabay ismid. “Pagod na ako sa buhay! Pucha! Mag-aamok na lang ako ngayon! Pumalag ang gustong pumalag sa akin! Seryoso na ako!” Tumayo ako at inilibot ang tingin sa mga pamilyar na mukha. Huminto iyon kay Gabriel na nakatunghay lang sa akin kaya idinuro ko ito. “Ikaw! Papalag ka ba sa akin, ha?” hamon ko rito na sinagot nito ng marahang iling at itinaas ang mga kamay na tila ba sumusuko.
“No.”
Pinukpok ko ang sandalan ng upuan. “Bakit hindi?! Dapat pumapalag ka, e!” singhal ko pa bago balingan ang napadaan na dalagang si Kikay na kumausap sa amin kanina ni Bogart sa palengke. Iyong maasim na nagsabi sa akin na pakipot kuno ako. Dagliang nag-init ang ulo ko nang makita ang mukha nito.
Napahinto naman ito sabay baling sa akin na may mapang-insultong tingin.
“Oh? Aawayin mo na ako dahil sa sinabi ko sa iyo kanina?”
“Isara mo nga ’yang bibig mo. Pangit na nga ng mga sinasabi mo, ang pangit mo pa,” pagtataray ko na ikinapalakpak ni Kimmy.
“We! Walang nanay!” pang-aasar nito sabay dila at harurot ng takbo palayo nang amba akong lalapit.
Pagak akong natawa sabay upo. “Kita ninyo ’yon? Mukhang tanga, ano?”
“Takot naman sa iyo ’yong Kikay na ’yon, e,” ani Kimmy sabay akbay sa akin na pangisi-ngisi.
“Dapat lang! Pinalaki kaya ako ni Boss Dante para paatrasin ang mga kalabang pangit! Walang puwedeng bumangga sa akin! Pati demonyo, papalagan ko!” pagyayabang ko na sabay labas ng brasong patpat, pero solid naman sa labanan. Binalingan ko ulit si Gabriel na tahimik lang sa tabi. “Ikaw? Babanggain mo ba ako? Papalag ka ba sa akin?”
Umiling-iling ito sabay labas ng ngiti. “No, I’m fine here. Hindi kita kakalabanin.”
Kinuha ko ang isang bote at tumungga na roon. “See? Even the biggest guy here is afraid of me! I’m so, so, so . . .”
“Laki na siguro ng problema mo sa buhay, Maria. Inuubos mo na ang binili naming alak, wala ka namang inambag,” puna ni Kenneth na ikinanguso ko.
Ikinumpas ko ang kamay matapos tumungga. Ah, kahit sandali lang. Kahit panandalian lang na makalimutan ko ang mga problema.
“Ano ba ang itinatago natin diyan, Maria?” usisa ng isang kainuman ni Kenneth.
Napangisi naman ako. “Gusto ko nang maging mayaman. ’Yong para bang isang taya ko lang sa lotto—boom! Milyonarya na ako.”
Nagtawanan ang mga ito at nakipag-apir pa sa akin.
“Eh? Bakit hindi humanap ng mayamang lalaki at akitin?” Si Kenneth na agad kong sinita at inilingan.
“Shh! Loko ka, naririnig tayo ni Gabriel. Baka isipin niya na may balak ako sa kaniya na masama,” sabi ko sabay baling sa lalaki na hanggang ngayon ay tahimik pa rin. Sinalinan ko ang baso sabay abot dito na ininom niya naman kahit kanda ngiwi sa lasa. Pero teka, bakit si Gabriel agad ang naisip ko? Unang-una, siya ang nag-approach sa akin. Pangalawa, hindi ko siya inaakit kahit pa mayaman siya. “Uy, hindi kita tataluhin, ha. Friends tayo, e. Ireto mo na lang ako sa mga kakilala mong naghahanap ng sugar baby,” biro ko na ikinatawa ng mga kasama ko.
Pero ang lalaki, walang karea-reaksiyon ang mukha. Napasimangot tuloy ako sa naging sagot nito.
“Ayoko.”
“Damot, ha.”
Malakas akong tinapik ni Kimmy na ikina-aray ko.
“Hoy, gaga! Ikaw ang gusto ni Gabriel pero gusto mong magpareto sa mga kakilala niya. Timang ka ba, girl?” anito na sa tingin niya pa lang ay parang gusto na akong sabunutan sa inis.
Nanlaki ang mga mata ko sabay takip sa bibig nitong pahamak. Pumasok tuloy bigla sa isip ko ang naging ganap noong nakaraan.
Ang lambot ng lips ni Gabriel. Sobrang lambot.
Nahibang ako bigla sa naisip at unti-unting napasandal sa sandalan ng upuan na tila ba nanghihina. Bakit niya pa kinailangang dumali ng halik sa pisngi ko bago siya umalis? Ano ’yon? Ano’ng ibig sabihin?
Ganoon na ba talaga ako ka-tempting para hindi niya mapigilan ang sarili? Gosh. Napapaypay tuloy ako sa sarili dahil para akong naiinitan na ewan.
“Aba, aba! May pagtingin pala ang lalaking ito sa Maria namin, a!” manghang ani Kenneth na tuwang-tuwa. Kaso nauwi ang pagkamangha nito sa pagtataka. “Ano pala ang nagustuhan mo rito, boy? ’Di mo ba alam na napakatabil ng dila ng babaeng ito? Lakas din nito makipagbasag-ulo. Laman kaya ’to lagi ng gulo. Kahit iyong mga lalaking may gusto sa kaniya, nagagawa niyang sapakin.”
“I know,” simpleng sagot ng lalaki sa tabi ko na kung makatingin ay parang kumpyansang-kumpyansa sa sarili. “And I don’t mind.”
“Dapat pumipili ka ng babaeng matino na tiyak na magugustuhan ng rich parents mo! Tingnan mo, kapag nauntog na ’yang ulo mo, matatauhan ka rin sa akin,” sabi ko pa na siyang ikinasalubong ng mga kilay nito.
Naglapat nang mariin ang mga labi nito na halatang hindi natutuwa. “Bakit ba ginaganiyan mo ako?”
Ako naman itong natigilan. Kinain agad ako ng konsensiya na ikinatiklop ko. “Edi sorry lang,” bulong ko sabay baling sa kabila.
Nang mapatingin sa bahay namin ay natigilan ako nang maalala si Rosalinda. Agad akong napatayo at nagpaalam sa mga ito na pakakainin lang ang alaga.
Hindi ko napansin na sumunod pala si Gabriel. Huli ko nang napansin nang makapasok ako sa bahay.
Hindi na lang ako umimik at binigyan na lamang ng pagkain si Rosalinda na panay ang ingay at sunod sa akin.
Pero nagtaka ako nang hindi niya pansinin ang bigay ko. Sunod pa rin ito nang sunod sa akin.
Nilingon ko si Gabriel na bahagyang bumungisngis at namumungay na ang mga mata. Medyo namumula na ang mukha at leeg nito. Ako naman ang natawa sa hitsura nito.
“Mukha ka nang hotdog!” pang-aasar ko na ikinangiti nito.
“Veronica, I think your cat is about to give birth,” aniya na siyang nagpawindang sa mundo ko.
“A-Ano?!” Litong binalingan ko si Rosalinda matapos akong mapatanga sa lalaki. “Manganganak ka na, Rosalinda baby?!” kausap ko rito na ikina-meow nito.
Napatakip tuloy ako ng bibig at nataranta. Shems! Wala pa pala akong box!
Muntik na akong matumba nang tangkain kong magmadali palabas. Naalalayan naman agad ako ng lalaki sabay silip sa mukha ko.
“Saan ka pupunta?”
“H-Hahanap ako ng karton,” nahihilo kong turan at nakangiwi itong tiningnan.
“Ako na,” ngiting anito at inupo ako matapos.
Bigla na lang itong nawala sa paningin ko matapos niyon. Binalingan ko na lang si Rosalinda na panay ang lingkis sa paanan ko sabay babaling sa mukha ko. Bigla naman itong dumeretso sa tapat ng pinto ng kuwarto ko kaya napatayo ako kahit medyo nahihilo.
“Saan mo ba gusto manganak? Sa kuwarto ko? Okay, sige,” kausap ko rito bago papasukin sa kuwarto.
Hinintay ko lang ding bumalik si Gabriel at hindi naman ito nagtagal. Nagsipilyo na rin ako.
Nakamasid lang ako rito nang ayusin nito ang box at ilagay sa parteng tingin niya ay magugustuhan ni Rosalinda. Naghanap din ito ng mga tela na hindi na ginagamit upang sapinan ang loob ng box. Agad namang pumasok doon si Rosalinda na panay pa rin meow sa akin.
“Nagpaalam na ako sa mga kasama natin kanina na hindi na muna tayo makababalik doon. Pumayag naman sila,” aniya nang lingunin ako.
Wala sa wisyong tumango ako rito sabay kagat ng ibabang labi, pinipigil ang antok na unti-unting lumulukob sa akin.
Napatakip ako ng bibig nang humikab. Napansin ni Gabriel iyon kaya napailing-iling ito sabay tawa nang mahina.
“Matulog ka na, Veronica. I’ll take care of your pet,” anito sabay tayo.
Kahit gusto ko pang subaybayan ang panganganak ni Rosalinda ay hindi ko na makayanan ang bigat ng mga talukap ko. Nagbihis lang ako nang mabilisan bago mahiga sa higaan ko.
Ngunit para bang umikot ang mundo ko at lumutang nang may marinig akong malambing na tinig bago ako tuluyang hilahin ng antok.
“I know you’re tired. Sleep well, my love . . .”
Nagising ako kinabukasan dahil sa mga ingay ng kuting na hindi ko alam kung saan nanggagaling. Pupungas-pungas akong bumangon sabay hanap kung saan nagmumula ang mga ingay.
Nanlaki lang ang mga mata ko nang mapagtanto na may mga maliliit na anak si Rosalinda sa box nila sa gilid ng higaan ko. Umawang ang bibig ko sa nasaksihan habang hindi makapaniwala.
Anim na mga kuting na iba-iba ang kulay!
Inilibot ko ang tingin upang hanapin si Rosalinda—na nasa tagiliran ko na pala at nakatunganga lang sa akin.
“Aba! Ang dami mong anak, a! Ang gaganda!” mangha kong turan sabay haplos kay Rosalinda na naglalambing.
Sa pagka-excite ay lumapit agad ako sa box nila sabay silip sa mga naglilinikot na maliliit na nilalang. Natukso agad ako na haplusin ang mga iyon na ikinalawak ng mga ngiti ko.
Shems!
’Di kalayuan sa box nila ay ang kainan ni Rosalinda at inuman. Malinis at puno ang tubigan nito. Sa ibabaw naman ng kabinet ko ay sampung piraso ng wet food na tiyak na galing kay Gabriel.
“Wala pa pala kayong name, ano? Sige, ikaw na lang si Rose. Ikaw naman si Rosa, at itong cookies and cream ay si Rossie. Ikaw naman si Linda, si Menchie at Cherry,” pagbibigay ko ng mga pangalan sa mga ito.
Alas seis pa lang ng umaga kaya may oras pa akong tanawin ang mga kuting ni Rosalinda. Gosh. Lola na talaga ako.
Hindi ko na nga naisip ang pananakit ng ulo ko sa mga oras na iyon. Basta masaya lang ako dahil sa tanawing iyon.
Napahinga ako nang malalim. Nang oras na para kumilos ay saka ko naman naalala na hindi nga pala ako nakapaglaba ng uniform kahapon. Nataranta tuloy ako nang kalkalin ko ang basket ko, para lang magtaka nang hindi ko iyon makita.
Luh! Dito ko lang inihagis ang uniform ko kahapon, a! Saan naman kaya tumakbo iyon?
Hinanap ko iyon sa buong kuwarto pero wala talaga.
Bigla na lang kumulo ang dugo ko nang maisip na baka kinuha ng mga damuho at itinago.
Tumakbo ako palabas ng kuwarto habang hinahagilap ang school uniform.
“Nakita mo ang uniform ko, Kuya?” tanong ko kay Kuya Damian na nakaupo sa kawayang upuan at tulala lang sa kawalan.
Nasa sala ito at nagkakape. Agad naman itong bumaling sa akin sabay tingin nang seryoso.
“Ano mo ba ’yong Gabriel na ’yon?”
Ang sama ng tingin nito sa akin. Tinasaan ko tuloy ito ng kilay.
“Bakit?”
“Anong bakit? Umuwi kami nang hating-gabi kagabi. Nakita ko pa ang tisoy na iyon na naglalaba ng uniform mo, pati nga medyas mo, nilabhan. Nagpakain pa nga ng ampon mong pusa nang madaling araw matapos manganak. Bumili pa ng mga pagkain ng pusa mo riyan kay Aling Linda. Para ngang lasing iyon dahil namumungay ang mga mata. Sino ba ’yon sa buhay mo?”
Napanganga naman ako at hindi agad nakaimik. What the heck? Si Gabriel? Nilabhan ang mga saplot ko?!
“S-Sigurado ka?” paniniguro ko pa na ikinatalim lalo ng tingin nito.
“’Yon siguro ’yong ka-holding hands mo noong nakaraan, ano?”
Napapalatak agad ako sa narinig. “Luh! Wala nga akong naging ka-holding hands, Kuya!”
“E, ano mo ba kasi ang lalaking iyon? Bakit mukhang concern na concern sa iyo? Crush ka niyon, ano?”
Tinampal ko ang noo sabay iwas na kunwaring galit. Bigla na lang akong pinag-initan ng mga pisngi nang maalala ang tagpo namin ni Gabriel dito nang umamin siya ng nararamdaman.
“W-Wala. Ano naman ang gugustuhin niyon sa akin? E, mas tigasin pa ako kaysa sa kaniya. At saka, tagalibre ko lang iyon ng pagkain sa school, Kuya.”
Akala ko ay hindi pa rin ito maniniwala. Sa huli ay napahinga ito nang malalim sabay tango. “Okay. Basta, siguruhin mo lang na hindi ka pa makikipagrelasiyon sa kahit na sino, ha? Ayokong mabalitaan na umiiyak ka dahil sa mga lalaki na ’yan.”
Agad naman akong tumango-tango rito.
“Siyempre naman, Kuya. Mahaba pa ang panahon ko bago ang mga ’yan, ano. Promise, hindi pa ako magbo-boyfriend,” sabi ko pa.
Kahit naman nakakabuwisit sila ni Kuya Damien madalas, love ko pa rin sila. Nariyan sila lagi para paalalahanan ako sa mga bagay na maaaring makasama sa akin.
Naupo ako sa tabi nito sabay patong ng mga paa sa maliit na mesa.
Binalingan naman ako nito habang humihigop ng kape. “Magka-college ka?”
“Yes,” maarteng sagot ko.
“Okay. Doon muna kami kay Boss para matustusan natin ang pag-aaral mo,” aniya na ikinaningning ng mga mata ko.
“Wow! ’Yan ang pinakamagandang naisip mo, Kuya!” Pumalakpak ako sa tuwa at ngumisi-ngisi. “Sino pala ’yang boss mo na ’yan? Konektado sa ilegal ’yan, ano?”
Inismiran ako nito. “Manahimik ka na lang para walang problema.”
Awtomatikong nagsalubong ang mga kilay ko sa sinabi nito. “Luh! Sino nga ’yong boss mo? At ano naman ang trabaho ninyo roon?”
“Hapon ’yon. Madatung. Isa sa mga pinakamayayamang tao sa bansa nila. Kami ang nakikipagtransaksiyon dito sa labas para sa kanila at tagahatid ng mga pangangailangan nila roon sa isla.”
“Ha? Isla? Saan banda?” usisa ko pa na nahihiwagaan na lalo.
Huminga ito nang malalim bago muling sumimsim ng iniinom na kape. “Hindi ko pupuwedeng sabihin kung saan iyon banda. Basta malayo. Man-made island iyon na pinatayuan ng mga estruktura para pamugaran ng mga matitigas na sundalo at kung ano-anong armas pandigma,” aniya na natutulala at tila ba inaalala ang mga nakita niya sa mahiwagang isla na iyon. “Iba-ibang lahi ang mga naroon. Napakadelikado. Pero malaki naman ang kita.”
“Puwede sumama para s-um-ideline?” biro ko na ikinairap nitong muli.
“Ang mga babae na napapadpad doon, ginagawang puta,” pagsusungit nito na ikinaawang ng bibig ko.
Ginagawang puta? Agad akong nakaramdam ng kilabot. Umatras agad ang pagkamangha ko sa islang iyon dahil sa narinig.
“Okay. Pangit pala roon.”
“Ang gaganda ng kulay ng mga anak ni Rosalinda, a?” pag-iiba niya ng usapan na siyang ikinangiti ko.
“Oo, ang cute-cute nila. Ah, teka. Mag-aasikaso na pala ako,” sabi ko sabay tayo.
Pagsilip ko nga sa labas ay naroon na ang uniform ko na nakasampay. Sandali tuloy akong natigilan habang napapaisip. Grabe naman ang kabaitan at kasipagan niyong Gabriel na iyon. Kung hindi niya iyon nilabhan ay tiyak na hindi ako makakapasok ngayon. Sana pala ay hindi na ako uminom kahapon. Edi sana, nasubaybayan ko ang panganganak ni Rosalinda. Si Gabriel pa tuloy ang napuyat.
Napailing-iling ako sabay sungkit sa uniform. Manipis lang naman ang tela niyon kaya madali lang matuyo.
Kahit tinatamad ay dinalian ko pa rin ang kilos ko. Iniwanan ko rin ng pagkain at tubig si Rosalinda bago umalis.
“Grabe! Kung sa akin ginawa iyon, talagang pakakasalan ko na si Gabriel! Naku! Kung ako lang talaga ikaw, hindi ko na pakakawalan ang lalaking iyon. Suwerte ka na sa kaniya, Mare,” eksaheradang turan ni Kimmy habang tinatahak namin ang kahabaan ng kalsada papunta sa school.
Ngumuso ako habang hawak ang magkabilaang strap ng bag. “What if, siya pala talaga ang makakatuluyan ko?” pangangarap ko habang pigil na pigil ang mga ngiting nais sumilay.
“Ano pa ba? Edi full support ako sa inyo, Mare!”
“Tingin mo, nababagay siya sa akin?” wala sa wisyong tanong ko habang tulala sa unahan.
Sa tanang buhay ko, si Gabriel lang ang nakilala kong lalaki na maasikaso, mabait, at mahiyain. Hindi ko sigurado kung ganoon pa rin siya sa katagalan. Pero kung babase ako sa mga ginagawa niya ngayon, masasabi kong nakaka-in love talaga siya.
Nakakapanibago sa akin ang ganoong klaseng lalaki dahil ang mga lalaki na nakasalamuha ko na ay hindi kasing asikaso niya. Oo at maasikaso rin ang tropa ni Elson pero puro mga tarantado iyon. Hindi sila tulad ni Gabriel na mabait, kalmado at may pagkamahiyain.
Napailing ako sa sarili. Bakit ba ako nag-iisip nang ganoon? Bawal pa nga akong magnobyo!