Veronica
“Bagay na bagay kayo, girl! Patusin mo na kaya at baka maagawan ka pa ng ibang babae riyan,” sulsol nito na para bang hindi ako mapapagalitan sa ideya niya.
Ayokong galitin si Papa.
Umismid ako sa kawalan. “Bawal pa nga ako . . .”
“Sabagay, maghihintay iyon sa iyo kung talagang seryoso siya sa ’yo, Mare,” putol nito sa akin nang mapagtanto ang bagay na iyon.
Ang tanong, e, kaya niya ba talaga akong hintayin hanggang sa makapagtapos ako ng pag-aaral? Bilib na ako sa kaniya kung magagawa niyang maghintay ng ilang taon sa akin nang walang ibang pinapansin na babae. Psh.
Sa huli ay ngumiwi ako sabay padyak at tumigil sa paglalakad para lingunin ito. “Kimmy!” kunwaring palahaw ko na ikinataka nito.
“Bakit?”
“P-Para kasing . . . nagugustuhan ko na ang shy guy na ’yon. Kaso pilit kong pinipigilan ang sarili dahil alam kong hindi pa puwede,” amin ko na nanlulumo.
Tumapat sa akin ang babae sabay alog sa balikat ko. Nanlalaki ang mga mata nito na tila ba hindi makapaniwala. “Hala! Nagugustuhan mo na si Gabriel? O, my gosh! Akala ko habang-buhay kang magiging manhid sa kaniya!” aniyang pagkalakas-lakas kaya napaurong ako. “At saka, girl, puwede ka namang makipagrelasiyon doon! Huwag ka lang magpapahuli sa pamilya mo.”
Talaga naman. Itong babaeng ito talaga, suportado ang mga kagagahan ko sa buhay.
Iwinaksi ko ito at tumawa na lang upang itago ang kabang nararamdaman.
Hindi ako takot gumawa ng kalokohan, pero bakit pagdating kay Gabriel ay kinakabahan ako? Kinakabahan akong makipagrelasiyon sa kaniya.
Hindi na ako umimik. Pagdating namin sa room ay para na namang palengke sa ingay.
“Woo! Almusal ulit!” hiyaw ni Allen pagkaupo ko sa upuan.
Ngumisi ako rito. “Gusto mo?” alok ko rito sabay taas ng kamao. “Sumabog nguso mo?” Sabay halakhak.
Napasimangot naman ito at bumaling na sa harapan.
Ngingiti-ngiti naman ako nang kainin ang sunny side up egg at fried rice. May slice ng orange rin doon. Nakakatuwa ang pagiging thoughtful ng lalaking iyon kaya nahihirapan akong pigilin ang nararamdamang kilig at kasiyahan.
“MARE, sasali ka sa prom?”
Abala ako sa pagliligpit ng mga gamit nang lapitan ako ni Kimmy.
“Oo, ikaw?”
“Siyempre naman, samama ka, e. Kaya dapat mas seryoso na ako ngayong magbawas ng timbang para magkasya sa gown ni Mama. Hu-hu!”
Ngumisi ako rito sabay apir.
“Seryoso na ba talaga ang pagpapapayat mo? Baka naman babanatan mo pa rin ng bandehadong kanin pagkatapos?” paninigurado ko.
Tumango-tango naman ito sabay hatak sa braso ko. Hinila ako nito palabas nang hindi ako nilulubayan sa pagkakayapos sa braso.
“Help mo ’ko, Mare. Sabay tayo mag-glow up at magpa-sexy,” ngusong aniya na ikinatigil ko.
Nilingon ko ito nang nakataas ang isang kilay. “May crush ka, ano?”
“Oo, pinsan ni Gabriel,” walang prenong aniya na ikinaawang ng bibig ko.
Shems! Hulaan ko, si Lucio iyon!
At tama nga ako sa hinala nang ibulong niya sa akin ang pangalan ng lalaking balak niyang gayumahin—este, ng crush niya.
“O, my gagita! Talagang si Lucio? ’Di ba, parang ang awkward niyon minsan? Anyare, girl? Papaano?” kinikilig kong turan at hinila ito papunta sa gilid ng hallway para makausap nang masinsinan.
Kanda iwas naman ito at parang tangang kinikilig.
“Wala, nagaguwapuhan lang ako sa kaniya,” aniya na iwas na iwas ng tingin.
Inirapan ko ito sabay ngisi. “Ayos ka, ha. May target ka pala roon. Kaya pala todo ka kung maka-ship sa amin ni Gabriel,” tudyo ko na ikinamula ng buong mukha nito.
May hitsura rin naman si Kimmy, e. Hindi lang ito palaayos. Kung sakaling pumayat ito, talagang wow na wow.
“Siyempre, ano ka ba! Kapag mas naging malapit kayo ni Gabriel, mapapalapit din ako kay baby boy ko! Ehe!”
Napahalakhak ako sa sinabi nito sabay hila ng dulo ng buhok ng babaita. Tawa tuloy kami nang tawa nang lumabas ng building.
Kaso, sakto naman na naroon ulit ang grupo ni Gabriel. Hindi rin nakaligtas sa paningin ko ang nag-aabang na si Thylane na nasa akin ang atensiyon.
Bahagya itong kumaway sa akin sabay abante.
“Hi, magandang araw,” bati niya.
Napakunot ang noo ko. “Ano’ng meron?”
Nahihiya itong napahaplos sa siko sabay ngiti. “Ahm, birthday ni Tito Robert Alonzo II next week. Imbitado lahat ng Alonzo. Uhm, sama ka, pati sina Damian at Damien.”
At sino naman ’yong poncio pilatong Robert na iyon? At Alonzo? Tss. Marinig ko pa lang ang apelyidong iyon, nawawalan na ako ng gana.
“Sino ’yon, Thy? Wala akong kilalang Robert. ’Di ako pupunta at baka ma-out of place lang ako,” pagdadahilan ko at hindi pinansin ang paniniko sa akin ni Kimmy.
Ngumiti ang pinsan ko na ikinalabas lalo ng kagandahan nito. “Iyon na nga kaya kayo pinapapunta ni Mommy, para makilala n’yo naman ang mga kamag-anak natin.”
Marahas akong umiling at napatawa nang pagak. Kamag-anak ng nanay ko? Wala akong interes na makilala ang iba sa kanila.
“Pass ako, Thy. Baka pagalitan pa ako ni Tatay,” wika ko na ikinalaylay ng mga balikat nito.
“Sige, okay lang,” aniya bago magpaalam.
Napahinga naman ako nang malalim bago balingan sa wakas si Gabriel na kanina pa pala nakatanga sa akin.
“Good afternoon,” bati ko rito na pigil ang mga matatamis na ngiti.
Napangiti rin tuloy ito sabay haplos sa batok. Nariyan pa ang pasimpleng tukso sa kaniya ng mga pinsan at kaibigan niya. “Good afternoon din.”
“Mukhang may magandang nangyari kahapon, a. Musta ang gala ninyo ni Gabriel, Miss Ganda?” Si Kian nang papunta na kami sa canteen.
Awtomatiko namang nag-init ang pisngi ko nang maalala ang pag-asikaso nito sa amin kagabi.
“Uminom si Gabriel ng alak!” panpalaglag ni Kimmy na ikinaiwas ng lalaki. Umugong tuloy ang kantiyawan dahil sa narinig.
“Bro, I never thought na titikim ka rin ng alak,” anang Lance na pangisi-ngisi.
“Damn, dude. You must be crazy to do that. Akala ko ba, ayaw mo sa mga bisyong ganiyan?” Si Stephen na isa sa dalawang kaibigan niya na tawang-tawa.
“I just wanna try,” dahilan ni Gabriel nang maupo kami sa loob ng canteen.
“To impress Veronica?” pambubuska ni Lucio na naging dahilan para mapayuko na ang nangangamatis na lalaki.
Hindi na nakasagot ang lalaki dahil hiyang-hiya na ito.
Ako naman ay napailing nang lihim. Bakit naman siya iinom nang dahil lang sa akin? Hindi naman niya kailangang gawin iyon para magpapansin. Hindi niya kailangang ipilit ang sarili sa mga bagay na hindi niya naman gusto, just to impress someone. Baka sa susunod, mang-amok na ito sa iba.
“Cous, you have to be careful with your actions. Baka magalit si Tita,” ani Josiah na sumulyap sa akin.
“Oy, hindi ko iniimpluwensiyahan si Gabriel, a! Hindi ako bad influence sa kaniya,” depensa ko agad sa sarili na ikinatawa nila.
“Yes, you are, Miss Ganda. Dahil sa iyo, natututo nang mag-cutting classes ni Gabriel at palagian nang umaalis ng bahay just to be with you. Nagtataka na nga si Tita Diana s—”
Tumigil sa pagsasalita si Kian nang pasakan ni Gabriel ang bibig nito ng pagkain.
Kumunot ang noo ko at agad na kinain ng kuryosidad, pero hindi ko na tinangka pang umimik para magtanong.
Binalingan ko na lang si Kimmy na pasimple ang mga ngiti habang kumakain. Isang himala nga na isang order lang ng kanin ang kaniya ngayon.
“So, ano ang ginawa ninyo kahapon?” baling sa akin ni Lucio na walang halong pang-aasar.
Tipid akong ngumiti rito. “Nanood ng laro ng tropa namin sa court. Tapos hinatid pa kami ni Gabriel doon sa amin.”
“Nakapunta na ba siya sa bahay ninyo?” sabat ni Josiah na nakangisi.
Umismid ako nang pabiro sabay tawa.
“Hindi lang nakapunta, nakakain pa ’yan roon!” pagyayabang ko na ikinahalakhak ng mga ito. Kantyawan na naman ang umugong.
“Nice one, pre. Ang galing mo palang kumilos kapag wala kami, ha.”
“Tinamaan ng magaling! Inuuti-unti mo na talaga, pre. Baka sa susunod niyan, doon ka na makitulog.”
Hiyang-hiya na naman ang lalaki. Hindi naman ako maawat sa katatawa dahil sa kahihiyan na natatamo ni Gabriel. Ang laki-laking tao, napakamahiyain.
Nang maghiwalay ang mga landas namin ay naiwan kami sa kalsada ni Kimmy. Panay ang daldalan namin patungkol sa plano niyang pagbabalik-alindog.
“Mare, gusto kong mawala itong iilang pimples ko sa mukha. Gusto kong kuminis at maging sexy,” himutok nito habang nananalamin sa maliit na salaming hawak niya.
“Hindi ba’t may mga ibinebentang beauty products si Osang? Iyong mga sabon na nakakakinis daw ang mabenta sa kaniya,” kunot-noo kong tugon. Saka ko lang napagtanto na hindi pala katiwa-tiwala ang pagmumukha ni Osang. “Huwag na lang pala. Baka peke iyon,” bawi ko.
“Mare, may nakita akong rejuvenating set na ibinibenta ni Aling Duday. Effective raw iyon kasi kuminis ang anak niyang dalaga.”
“Ay, we? Si Chuchay?” paninigurado ko. Bumuhanglit tuloy ako ng tawa nang tumango ito. What the heck? “Seryoso ka ba talaga, Kimmy?”
Sumimangot ito dahil alam niya ang itinatawa-tawa ko. “Sinabi lang ni Aling Duday kay Mama.”
Natawa ako lalo sabay hampas sa braso nito. “Girl! Hindi mo ba nakita ang hitsura ng Chuchay na ’yon? Mukhang bagong silang na daga!”
“Ha? Talaga?”
“Oo nga! Nakasalubong ko iyon noong nakaraan! Namumula ang buong mukha. Parang tinusta sa araw.”
“Trust the process lang daw kapag ganoon. Tiis-ganda, ganoon,” ngusong ani Kimmy.
Umikot ang mga mata ko at humalukipkip. “Ikaw ang bahala.”
Mayamaya ay nagpapadyak ito at kunwaring umiyak sabay baling sa akin.
“Gusto kong kuminis na ako like you. Hu-hu! Bakit kasi pinagpala ka sa lahat! Hindi mo na kailangan ng mga ganoon kasi makinis ka na at maputi. Hulaan ko, sa nanay mo ikaw nagmana!”
“Edi shing!” Inirapan ko ito.
“Pero Mare, sa totoo lang, kung bibihisan ka ng magagandang damit, magmumukha ka na ring prinsesa sa palasyo. Mukha kang expensive. Naku, kung sakaling sa mayamang nanay mo ikaw lumaki at hindi kita naging kapit-bahay, baka maging crush na kita.”
Bagot kong iwinaksi ang braso ko na hawak-hawak nito. “Tigilan mo nga ako, Kimmy.”
“Mare, ayaw mo ba talagang pumunta sa birthday party niyong Robert?” hirit pa nito na ikinasalubong ng mga kilay ko.
Ha? Talagang itatanong niya pa iyon?
Muntik ko nang tuktukan ang ulo nito. “Ano naman ang gagawin ko roon? Tiyak na magmumukha lang akong utusan doon, ’no!”
“Hindi ka naman mukhang utusan, e.” Ngumuso ito at niyakap ang leeg ko. Saka naman lumabas ang malokong ngiti sa mga labi nito. “Paano kung naroon pala ang nanay mo? Ayaw mo ba siyang makita?”
Sandali akong natigilan at napatitig dito. Oo nga, ano? Papaano kung naroon din siya?
E, ano naman ngayon? Galit ako sa kaniya!
Pagdating sa bahay ay agad akong nagligpit. Nilinis ko ang kuwarto at pati na ang higaan ng mga anak ni Rosalinda. Pinakain ko rin si Rosalinda bago ngingiti-ngiting pinagmasdan ang mga anak nito. May bago na naman akong kasiyahan dito.
“Ano? Payag ba kayo na patusin ko si Gabriel para unlimited palagi ang pagkain ninyo?” kausap ko sa mga ito habang pinapalitan ang kupasing kurtina ng bintana ko.
Humagikgik ako nang sumagot si Rosalinda.
“Aba, aba! Pangarap mo rin pala ang maalwang buhay para sa mga anak mo, ha—Ay, halimaw!”
Muntik na akong matumba nang bigla na lang sumulpot sa tapat ng bintana si Kimmy.
“Tarantada!” Binato ko ito ng nadampot kong basahan na nailagan pa niya.
Gigil ko itong sinundan ng tingin nang umikot ito papasok sa bahay.
“Si Maria, nagsasalita na mag-isa!” pambubuska ng gaga nang makapasok.
Dinambahan ko naman ito sabay headlock. Tawa ako nang tawa habang ang babaita ay nagmamakaawa na.
“Anong nagsasalita mag-isa? Kausap ko si Rosalinda! Tonta!” Gigil na gigil pa rin ako rito.
“Aray ko, ha! Tama na, Master! Ayaw na po!”
Saka ko lang ito pinakawalan. Isang masamang tingin muna ang ipinukol ko rito bago maupo sa papag.
“Bakit nandito ka?” Tinaasan ko ito ng kilay.
Ngumisi naman ito. “Patambay muna. Wala akong magawa sa bahay, e.”
Iyong tambay nito, nauwi lang din sa tsismisan. Umuwi lang ito para kumain sa kanila at bumalik din at nanatili sa kuwarto ko hanggang hating-gabi. Tsismisan na may kaunting gawa ng assignment.
Isinabay na rin namin ang pag-apply para makapag-take ng entrance exam sa university na napupusuan namin.
“OKAY, so, gagawa tayo ng business plan,” sabi ko habang naririto kami sa hardin sa tabi ng building namin.
Sa kamalas-malasan, naging kagrupo ko pa sa activity namin ang chakang si Hanie. At ako pa talaga ang ginawang leader ng grupo!
“Teka, ano ba ’yon?” tanong ng isa pang tanga na nasali sa grupo ko.
Kung wala lang dito si Kimmy, baka kanina pa ako na-highblood sa mga ito.
“Alam ko na agad ang ipapangalan sa business natin! Periwinkle!” hambog na singit ni Hanie na napakabida-bida.
“Hoy! Wala pa nga tayong naisip na business, may naiisip ka nang pangalan!” bara ko rito sabay irap.
Umirap din ito sabay halukipkip. “Ayaw ninyo sa Periwinkle? Periwrinkles na lang tutal mukha naman kayong mga kulubot!”
Muntik ko nang ingudngod ang pagmumukha nito sa damuhan sa inis. Bakit kasi ganitong klaseng kagrupo pa ang ibinigay sa akin?
“Manahimik ka na ngang boba ka!” asar kong turan sa babae. Inis kong kinuha ang papel namin. “’Wag na lang bumoses ang mga tanga-tanga rito at puro liptint lang ang laman ng utak, ha! Nakakataas kayo ng presiyon ng dugo!” parinig ko na ikinaingos ng mga ito.
Maaga kami pinalabas ng classroom para gawin ito. Imbis na matuwa ako dahil maaga natapos ang klase, mas nabuwisit pa ako rito.
Tinapos namin agad iyon kahit pa walang mapigang matinong ideya mula sa utak ng mga buhay na liptint. Halos kami lang ni Kimmy ang nagpalitan ng ideya. Kaya naman pinasagot na lang namin ng gastusin ang mga ungas.
Inirapan ko pa ang mga ito bago ligpitin ang mga gamit.
“Mare, nariyan na ang prince charming mo,” kalabit sa akin ni Kimmy kaya naman natigilan ako.
Tumuwid ako ng tayo matapos maayos ang mga gamit sabay sulyap sa papalapit na lalaki. Ngiti agad ang isinalubong nito sa akin kaya naman impit akong tumili.
Gosh. Bakit ba napakaguwapo nito? Ang fresh-fresh tingnan palagi. Nakakadagdag sa kalinisan nito ang uniporme niyang puro puti. Pati ata brief niya, puti rin.
E, ’yong singit kaya? Char!
“Hi, Mahal,” bati ko sabay halik sa pisngi nito nang makalapit.
Ang lahat ay napaawang ang bibig sa gulat, lalo na ang lalaking kaharap ko.
“V-Veronica . . .”
Lihim akong ngumisi sabay sulyap sa grupo ni Hanie na nakatanga sa amin. Maloko akong ngumisi bago bitiwan ng hawak sa pisngi si Gabriel.
“Sorry, hindi kita masasabayan ngayon sa lunch, ha? May pupuntahan pa kasi kami, e. Promise, babawi ako sa birthday mo,” malambing kong wika sa tulalang lalaki.
Kinindatan ko pa ito bago mag-umpisang maglakad.
Nagsisunuran naman sa akin ang grupo ni Hanie at si Kimmy na hindi pa rin makapaniwala sa nasaksihan.
“Kayo na, Mare?” habol sa akin ni Kimmy at hinawakan ako sa braso.
Ngumisi lang ako rito, kaya naman lalong naintriga ang mga chaka.
“Kayo na talaga ni Gabriel?” usisa ni Hanie.
“Bakit? Ano’ng paki mo?” walang lingon-lingong turan ko at cool lang na naglakad palabas ng gate.
Actually, wala naman talaga akong pupuntahan. Excuse ko lang iyon dahil sinadya kong halikan sa pisngi ang lalaki para mamatay sa inggit si Hanie. Kinain naman agad ako ng kahihiyan kaya nagdahilan na lang ako na may pupuntahan.
E, bakit mo kasi iyon ginawa?!
Hay! Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko. Kinikilig ako sa ginawa ko kanina na nahihiya. Gusto ko lang din namang tuksuin si Gabriel.
“Kilala ng Mama ko ang mga Marquez, Maria. Hindi basta-basta ang mga napapangasawa ng angkan nila at hindi rin sila pumipili ng mga dukhang gaya mo. Lalong hindi ka tatanggapin ng nanay at grandparents ni Gabriel kung sakaling totoo man na kayo na dahil wala ka namang maipagmamalaki.”
Sandali kong nilingon si Hanie sabay ngisi nang nakakaloko. “E, ano ngayon kung hindi sila tumatanggap ng dukha? Puwede namang itanan ang anak nila, e.”
Napasinghap ang mga ito at pinanlakihan ako ng mga mata.
“Girl, napakadesperada mo talaga! Ganiyan ka na ba talaga kahayok sa yaman ng iba?” sabat ni Grace na ikinairap ko.
Parehas sila ng Tita Grace ko na bunsong kapatid ni Papa. Parehas matabil ang dila. Kung may number one basher ang gobernadorang nanay ni Thylane, si Tita Grace na iyon. Ewan ko ba kina Papa, Tito Dark at Tita Grace. Hindi mapagkasundo nang lubos. Ni wala nga atang reunion ang tatlong iyon para man lang mag-bonding kahit minsan. At kaya hindi magkasundo nang lubos sina Tito Dark na tatay ni Thylane at Tita Grace ay dahil ayaw ni Tita sa napangasawa ni Tito Dark na si Gob Kirsten.
Ayaw rin daw ni Tita Grace sa nanay ko na Alonzo rin. Ayaw nito sa mga Alonzo. ’Di ko rin naman kasundo ang mga Alonzo, maliban na lang sa pamilya ni Thylane dahil hindi naman ako inaano ng mga iyon.
“Hindi siya desperada. Kahit tanungin mo pa si Gabriel, kusang sasama ’yon kay Maria,” pairap na anang Kimmy kay Grace na natigilan.
“Kasi ginayuma mo! Sino namang matino at disenteng lalaki ang papatos sa tulad mong basagulera?” pang-iinsulto ni Jessica na isa sa mga muchacha ni Hanie.
“Hoy, impakta! Manahimik ka nga! ’Di kita kausap!” singhal ko rito sabay irap.
Agad naman itong naasar sa itinawag ko sa kaniya at nag-umpisa nang magmaktol. Inismiran ko lang ito.