Kabanata 11

3471 Words
Veronica Kulang na lang ay pumasok na ako sa salamin sa katitingin ng repleksiyon ko. Hindi ko maawat ang sarili dahil conscious na conscious ako sa hitsura ko ngayon. Haharap ako sa pamilya ni Gabriel, at ayokong magmukhang maasim na basagulerang babaita sa kanto. Marahan kong sinuklay ang itim na itim at tuwid na buhok na umabot na sa balakang. Suot ko ang bigay na bestida ni Gabriel na kulay puti na hanggang tuhod ang haba. Hapit iyon sa katawan at simple lang pero nagmukha akong pormal na babae. Pinaresan ko iyon ng itim na flat sandals na kasama ng dress na ibinigay ng aking sugar daddy. “Hay, Gabriel. Spoiled na spoiled na ako palagi sa iyo,” kausap ko sa sarili nang madama ang malambot na tela ng bestida. Kauuwi ko lang galing sa palengke para magtinda. Naligo agad ako kanina at excited na isinuot ang dress na ito dahil kahapon pa ako gandang-ganda rito. Napangiti pa ako sa huling pagkakataon sa harap ng salamin bago lumabas ng kuwarto. Sa sala ay nakatambay ang mga kapatid ko na abala sa pagse-cellphone. Tinaasan ako ng kilay ni Kuya Damien at napabangon pa mula sa pagkakahilata sa mahabang kawayang upuan. “Ganda ng porma natin, a. Saan punta?” “Saan pa ba? Edi sa birthday ng lalaki niya,” sabat ni Kuya Damian na ikinairap ko. “Ah, ’yong mayamang tisoy?” “Oo.” “Aba! Bakit doon pa, Maria? Kung mayaman lang din ang type mo, dapat si Boss na!” Agad na nangasim ang mukha ko at muntik pang maduwal sa sinabi ni Kuya Damien. “Iw! Bakit hindi ikaw ang pumatos doon?” “May matres ba ako?” pagtataray nito na ikinaismid ko. “Aalis na nga ako. Ang cha-chaka ninyo!” Sabay hair flip. Pagdating ko sa tapat ng bahay ni Kimmy ay saktong kalalabas lang din nito. Kahit madilim na ang paligid dahil alas seis na ay kitang-kita ko pa rin ang suot nitong pulang t-shirt at pantalon. Parang namaga ata ang mga ugat ko sa ulo at pinanlakihan ito ng mga mata. “Hoy! Akala ko ba all white tayo?” asar kong tanong at pinamaywangan ito. Hindi nakaligtas sa akin ang pagiging ilap ng mga mata nito. Bagamat nakataas ang mga kilay, alam kong may itinatago ito. “Luh! ’Di ba, sabi ko kanina, hindi na ako magpuputi kasi nasa labahan pala ang white shirt ko?” “At talagang nagdadahilan ka pa ng ganiyan? Wala ka namang sinabi kanina, a! Sinungaling!” kontra ko rito at inirapan ang babae. Hindi ako nito pinansin at nanguna lang. Talaga naman! “Hoy! Magpalit na lang din kaya ako ng pantalon? Baka ako lang ang mukhang expensive roon dahil sa suot kong mamahaling bestida. Baka isipin ng pamilya niya, ritskid ako!” Sinamaan ako nito ng tingin sabay hila sa braso ko. “Huwag na! Okay na ’yan! Ganda-ganda mo nga tingnan, e! Naku! Baka kapag nakita ka na ni Gabriel, anakan ka na n’yon bigla!” “Gaga!” Sinakal ko ito gamit ang braso at pinanggigilan. “Baka magdilang-anghel ka! ’Yoko pa makatay ni Papa!” Tawang-tawa naman itong lumayo sa akin. Hanggang sa bigla na lang may nag-text sa akin. Narito na raw ang susundo sa amin ni Kimmy. Impit akong tumili nang may matanaw na puting kotse na papalapit. Iba ito sa naunang kotse na dinala ni Gabriel nang sunduin niya kami sa palengke. “Naks! Magiging social climber na rin ako mamaya,” ngingisi-ngisi kong turan. Sumakay na rin kami roon nang huminto ito sa tapat namin. Halos mamatay naman sa kuryosidad ang mga kapitbahay namin kung kaninong kotse itong sinakyan namin. “Good evening, Ma’am. Ako ho ’yong driver ng pamilya ni Señorito Gabriel,” pakilala ng driver na magalang na ngumiti sa amin. Napangiti naman ako, pigil ang tawa dahil talagang señorito si Gabriel sa kanila. Gaano kaya ka-spoiled ang lalaking iyon ng parents niya? “Good evening din, Kuya. Maria po pala, ito naman si Kimberly,” pakilala ko naman na ikinangiti nito. “Matanong ko lang ho, Ma’am. Huwag po sana kayong magalit,” aniya na ikinakunot ng noo ko. “Ano po ’yon?” Parang nag-alangan pa itong sabihin iyon dahil makailang ulit itong sumulyap sa amin habang nagmamaneho. “Sino ho sa inyo ang nililigawan ng Señorito Gabriel?” Nabilaukan ata ako sa sariling laway. Nililigawan? “W-Wala po!” pangunguna ko matapos takpan ang bibig ni Kimmy na balak pang ituro ako. “Talaga?” Hindi pa naniwala si Manong kaya kinabahan ako lalo. “Kasi nakakapagtaka na magdadala ng mga dalaga si Señorito sa bahay nila. Kahit ang Señora at Señor, nagtataka at naiintriga sa inyo at baka may crush daw ang binata sa isa sa inyo.” Shems. Bakit naman ako kinabahan lalo sa sinabi ni Manong? Hilaw na lang tuloy akong natawa. “Wala po, wala po, Kuya. Friends lang po namin si Gabriel.” Totoo naman. Friends lang talaga kami. Hindi naman nanliligaw ang lalaki, pero umamin na siyang may gusto siya sa akin. Hanggang doon na lang iyon. Halos kalahating oras din ang naging biyahe. Malayo-layo rin ang bahay ni Gabriel at tila malayo rin sa sibilisasiyon. Mapuno ang daan papunta sa kanila at halatang private property na rin iyon. May gate rin na sumalubong sa amin na binabantayan ng guwardiya. Malinis at organisado ang mga puno at halaman na nasa paligid. Halatang alagang-alaga. Paglampas namin sa gate ay isang malaking bahay na ang sumalubong sa amin. Malaki iyon, at gawa sa salamin ang ilang bahagi ng bahay. Puti at itim ang kulay ng pintura. Mukhang mayaman na mayaman talaga. Maaliwalas ang bahay at—basta! Napakaganda tingnan lalo na sa gabi. “Kung ganito lang ang bahay ng mapapangasawa ko, aba! Hindi ko na talaga pakakawalan!” marahas na bulong ng katabi ko na kilig na kilig. Umingos ako at natawa. Nag-effort pa itong maglagay ng kaunting kulay sa mga labi para raw mapansin siya ni Lucio. Hindi rin naman ako nagpatalo dahil naglagay rin ako ng kaunting lipstick kanina. Siyempre, para naman magmukhang dalagang-dalaga. “Dito na lang ho, mga Ma’am,” ani Kuya kaya inatake ako lalo ng kaba. Shocks. Pagbaba nga namin ay sinalubong kami ng malamig at preskong hangin. Malakas ang hangin sa labas at tinatangay niyon ang mga hibla ng buhok ko. Inipit ko iyon sandali sa likod ng tainga bago sumunod kay Kuya Driver na sinenyasan kaming sumama sa kaniya. At, o, my! Sa sala ng bahay nila, bumulaga agad sa amin ang mga tao na ang ilan ay pamilyar na sa akin—iyong mga pinsan ni Gabriel na lalaki. Tila ba bigla akong binalot ng pagkailang at takot nang mapagpasdan ko ang tila mga magulang ni Gabriel. Mapanuri ang mga mata ng mga iyon. Si Gabriel at ang mga pinsan niya’t kaibigan na sina Lance at Stephen ay nakatingin din sa amin. “H-Hi.” Nakagat ko nang mariin ang ibabang labi. Unang nakabawi si Gabriel na dagliang binalot ng pagkapula ang mukha. Nahihiya itong lumapit sa akin para pormal akong iharap sa pamilya niya. Pero hindi ito nahiya nang marahan niyang hawakan ang pulso ko. “Mom, Dad, Lolo, Lola, uhm, this is Veronica. Si Kimberly naman ang friend niya,” anang lalaki na panay ang hawak sa batok. Kandalunok tuloy ako habang pilit na tinatanggap ang nakakapasong mga tingin pamilya niya. “Hello po, magandang gabi,” magkapanabay na wika namin ni Kimmy ngunit wala ni isang sumagot pabalik. Isang seryosong tingin lang ang ibinigay sa amin ng tinawag niyang Mom, bago ibaling sa anak nila ang atensiyon. “We’ll talk later.” Halata ang katarayan dito nang kausapin ang anak. “Let the celebration begin.” Bigla na lang tuloy akong napipi. Unang tingin pa lang, halatang hindi na kami nito gusto ni Kimmy. Halatang-halata ang kagandahan nito kahit pa mukhang maldita. Kababakasan ang pagiging banyaga sa kulay nito at mukha. Hindi rin pupuwedeng itanggi na mayaman ito dahil halatang-halata iyon sa mga suot nitong jewelry na nagkikislapan dahil sa tumatamang liwanag. Napatingin ako sa lalaki na mariing naglapat ang mga labi habang nakasunod ang tingin sa nanay niyang tinalikuran kami. Para bang may bumara na kung ano sa lalamunan ko, lalo na at nakikita ko sa mga mata ni Gabriel na nahihiya ito sa inasta ng nanay niya. Nagtungo kami sa dining area nila at halos lumuwa ang mga mata ko nang mapansin na parang galing pang mga mamahaling restaurant ang iba nilang handa. Tapos may mga nasingit na buko salad at lumpiang shanghai. Naroon din ang request kong pizza at fried chicken kaya napangisi ako nang pasimple. Naks. Tinotoo niya talaga ang request ko. Pagkaupo ko ay nagsalita agad ang nanay ni Gab na halos ikatuyo ng lalamunan ko. Grabeng birthday celebration ito. Nagmukhang lamay dahil sa sobrang pagkapipi ng mga tao rito. “Gab, sit here,” nguso nito sa katabing upuan ng tatay ni Gabriel. Kaya pala ang tangkad ni Gabriel, may pinagmanahan pala sa tatay. Ang tangkad ng Señor at sa tabas ng mukha ay halatang nalahian din ito. Hawig ni Gabriel, tahimik din. Umiling ang lalaki sa tabi ko at sumulyap sa akin sandali. “I’m fine here, Mom. Dito lang ako,” mahinahong anito. Seryoso na ang mukha ng lalaki. Saka ko lang din napansin na kami lang ni Gabriel ang nakaputi roon. Puti ang polo nito. Kinabahan naman ako lalo at baka isipin ng pamilya niya na couple kami. Shems! “No, you sit here,” may katigasang anang nanay niya kaya kandalunok ako sa kaba. Parang ayaw niyang tumabi sa akin ang anak niya. “Mom, dito nga lang ako,” angal ni Gabriel at nag-umpisa nang sumandok kaya wala nang nagawa ang nanay niya. Teka, hindi ba kami kakanta ng Happy Birthday? Kainan agad? Nasagot lang ang tanong ko nang magsikain na ang mga ito. Teka, ganoon na lang iyon? O baka kanina pa nila kinantahan si Gabriel? “Veronica, that is my brother and his wife, Ruel and Jelyn,” anang katabi ko na itinuro ang sinasabi niya. Napalunok ako nang titigan ako niyong Jelyn na walang kangiti-ngiti. Banyaga ito, mukha ring mayaman. “And that is my Ate Gianna,” baling naman nito sa katabi ng kaniyang nanay na dalaga. Wala ring kangiti-ngiti. Ano bang klaseng mga tao ang naririto? Alien siguro o robot. Wala man lang emosiyon. O, talagang ayaw lang nila sa amin? “Hi,” pilit na ngiti kong bati ngunit wala akong natanggap na tugon. Ni wala ngang pumansin sa akin. Patuloy lang ang mga ito sa pagkain na para bang multo kami ni Kimmy rito. Mabuti pa nga ang mga pinsan at kaibigan ni Gabriel, namamansin sa amin, lalo na sa school. Tsk. Napapahiyang tumungo na lamang ako at ibinaling sa walang lamang plato ang atensiyon. Bigla na lang akong nawalan ng ganang kumain. Gusto ko na lang umuwi at magmukmok. “What’s your name, lady?” Napaangat lang ako ng ulo nang magsalita ang Mama ni Gab. Sa akin nakatuon ang atensiyon nito kaya nakagat ko ang ibabang labi bago sumagot. “Maria Veronica po.” Umalsa ang kilay nito. “Your last name?” Hilaw akong ngumiti at sandaling nilingon si Gabriel na nakatingin lang sa akin. “Montehermoso po.” Bigla na lang umaliwalas ang mukha nito nang marinig ang apelyidong iyon. Nawala ang pagkakaalsa ng kilay. “Montehermoso? Sounds familiar. What’s your middle name?” Shems. Mukhang inaalam na nito kung may sinabi ba sa lipunan ang pinanggalingan kong pamilya. Paano na lang kaya kapag nalaman nitong wala naman kaming business? Mind your own business lang ang business ko. “Alonzo po,” halos pabulong kong sagot na ikinatigil nito. “Great! Alonzos are my friends! Who’s your mom? I never saw you before sa events nila.” Napapangiti pa ito kaya lalo akong kinabahan. Tiyak na madidismaya ito kapag nalaman niya ang totoo. Hindi naman ako ang inaasahan niyang isang Alonzo na mayaman, na kilala sa lipunan dahil sa yaman at kapangyarihan. Kumbaga, kami ang blacksheep sa angkan. Basagulerang Alonzo, walang class. Napayuko ako nang tila ako mawalan ng lakas. Hindi ko kayang banggitin ang pangalan ng babaeng nagsilang sa akin. “Si Saniarah Alonzo po,” sabat ni Kimmy nang abutin ako ng siyam-siyam sa pagkakapipi. Kumuyom ang kamay ko sa ilalim ng mesa at hirap na napalunok. “Oh!” Umawang ang bibig ng ginang nang marinig ang pangalang iyon. Nasa mata nito ang pagkamangha, pagkalito at gulat. “Really? I thought she never had a child. She doesn’t even have a husband.” She never had a child? Iyon ang alam ng iba patungkol sa nanay ko? Pagak akong natawa sa isipan. Nagpapakadalaga pala siya roon. Samantalang ’yong mga anak niya na inabanduna niya, naghihirap, tumatanggap ng lait at panghuhusga ng mga tao. Ang galing! At anong walang asawa? E, ikinasal nga sila ni Papa noon! Civil wedding nga lang at hindi tulad sa mga kasalan sa kanila na bongga, pero kasal pa rin iyon! “How old are you, hija?” sabat ng matandang babae na lola ni Gabriel na kanina pa walang imik. Magalang akong ngumiti rito. “Eighteen years old po.” “You like my grandson?” H-Ha? Pakiramdam ko ay bigla akong nabingi. “Lola!” nahihiyang sita ng lalaki at umiwas ng tingin sa akin. “You don’t have to ask her such a question. Nakakahiya.” “Why? You’re both at the right age to be in a relationship. Why are you still shy? Besides, we know her mother.” “Mas mapapanatag kami kung kilala natin ang angkan,” sabat ng tatay ni Gabriel na napakalalim ng boses. Parang hindi ako makahinga. Ang hirap huminga lalo’t alam ko na kung saan patungo itong usapan. Naki-birthday lang naman ako. Bakit napunta sa ganito ang usapan? Arranged marriage lang ang peg? Wala naman kaming sinabi ni Gabriel na gusto namin ang isa’t isa. Ang weird ng pamilya niya, a! “Na kay Veronica ang desisyon, Dad.” Mas nabigla naman ako sa sinabi ni Gabriel. Luh! Anong nasa akin ang desisyon? Loko ’to, a! “Veronica?” panghihingi sa akin ng nanay ni Gabriel ng reaksiyon sa plano nila. Mabilisan kong nilunok ang kinakain na parang nagbara sa lalamunan ko. Matapos ay hilaw akong natawa sa mga ito. “N-Naki-birthday lang po ako rito. Hindi po kami magkarelasiyon ni Gabriel,” nangangatal kong paliwanag na pasimpleng ikinatawa ng mga pinsan at kaibigan ni Gabriel. Malamang, ngayon ay tawang-tawa na ang mga ito dahil makikikain lang naman ako sa handa ni Gabriel, pero umabot sa ganito ang usapan! Pati si Kimmy ay pigil na pigil ang tawa sa akin. “It’s alright, hija. My son can wait until you’re ready,” anang Señora na ikinalaki ng mga mata ko. Shemay ka talaga, Gabriel! Bakit hindi man lang ito tumututol sa ideya ng pamilya niya? Bakit nananahimik lang siya? Wala man lang ba siyang ipaliliwanag sa pamilya niya? Kandalunok ako. Kahit malamig ay tila umiiyak ang mga kili-kili ko sa kaba at pagkataranta. Huminga ako nang malalim habang kagat-kagat nang mariin ang ibabang labi. Ayokong sirain ang magandang plano nila para sa anak nila na makapangasawa ng babaeng galing sa kilalang angkan, pero ayoko rin naman silang paasahin dahil hindi naman ako tulad ng iniisip nila. Hindi ako mayaman! Walang magandang magiging future sa akin ang anak nila! Oo at gusto ko na si Gabriel. Gusto ko na siya, pero hindi ko ata kayang paasahin sila na magkakaroon ng magandang kinabukasan ang anak nila sa akin. Napakalayo ng agwat ng estado ng buhay nila sa akin. Ika nga nila, puro mga edukada at mayayaman ang pinapatos ng angkan nila. Nagmumukha nga lang akong basahan dito ngayon. Halos mamutla naman ako nang ngitian ako ng mama ni Gabriel na kanina ay kulang na lang, palayasin ako dahil sa pagkamasungit. “Uhm, pasensiya na po. Ayoko po sanang sirain ang plano ninyo, pero hindi po ako mayaman,” pag-aamin ko na ikinatigil ng mga ito. Tumaas ang kilay ng nanay ni Gabriel at nagpunas ng bibig bago magsalita. “What do you mean?” Huminga ako nang malalim nang mapayuko. “Hindi po ako galing sa mayamang pamilya, Ma’am. Matagal na kaming iniwan ni Saniarah Alonzo, at hindi rin naman mayaman ang tatay ko kaya pasensiya na kung inakala ninyo na mayaman ako.” Doon na nagbago ang ekspresiyon ng mga ito. Agad na bumalatay ang disgusto sa mukha ng lola at nanay ni Gabriel at maarteng itinuloy ang pagkain. “Nevermind. We still have a lot of options, Mamá,” anang Mommy ni Gab sa nanay nito. “Gabriel is so careless. Why did he even bring that poor girl here?” sabat ng matapobreng ate ni Gabriel na si Gianna. “Careful with your words, Ate Gianna!” pagalit na anang Gabriel na ikinabigla ng mga ito. Para bang hindi nila inaasahan na lalakas ang boses ni Gabriel at magagalit sa kanila. Natahimik tuloy ako lalo at nailang dahil sa tensiyon. “Uwi na lang tayo, Mare,” ani Kimmy na nakakaramdam na rin ng kahihiyan dito. Gusto ko sana itong sang-ayunan, kaso ay nawala ang atensiyon ko rito nang sumabat ang asawa ng kuya ni Gabriel. Iyong Jelyn. “Gabriel, don’t waste your time with that girl. You should think about your future. Mabuti sana kung may mapapala ka sa isang ’yan.” Ah, okay. Naiitindihan ko naman ang punto nila. Totoo naman ang sinasabi nila na walang mapapala sa akin si Gabriel. Pero masakit talaga kapag mismong sa kanila na nanggaling ang mga salitang iyon. Kakatwang malakas akong makipagbatuhan ng salita at lumaban sa mga nakakasalamuha kong tao. Pero pagdating sa ganito, nakakapanghina. Nakakapanliit nang sobra. “Uhm, uuwi na kami,” pilit na ngiti kong baling kay Gabriel. Kaunti na lang. Kaunti na lang talaga at tutulo na ang mga luhang pinipigilan ko. Halata niya na iyon kaya ito na ang nagpaalam sa pamilya niya na ihahatid ako sa labas. Kahit paiyak na ako ay nagawa ko pa ring magpaalam nang maayos sa mga ito bago sumama kay Gabriel. Sa braso ko ay nakakapit si Kimmy na bakas ang lungkot sa mga mata. “Can we talk for a minute?” halos pabulong na anang lalaki matapos papasukin sa sasakyan si Kimmy. Tipid lang akong tumango bago magpaalam kay Kimmy na mag-uusap lang kami ni Gabriel. Sa likod ng bahay nila ako dinala. Walang katao-tao at wala ring ilaw. Pero sa tulong ng liwanag ng buwan ay nakikita ko pa rin nang maayos ang lalaki sa harapan ko na nakatungo. Pilit akong ngumiti rito at niyakap ito. “Happy birthday.” Ang plano ko kanina ay batiin ito nang masigla. Iyong masaya at puno ng tuwa. Kaso, parang hindi ko magawang siglahan ang boses ko ngayon dahil sa emosiyong lumulukob sa akin ngayon. Hindi ko kaya. “I’m sorry,” mahinang anito na nang mag-angat ng tingin ay lumuluha na. Tila ako binarahan ng kung ano sa lalamunan dahil sa tanawing iyon. “I’m sorry for what they said to you, Veronica. I’m really sorry.” Walang ampat ito sa paghingi ng tawad. Alam ko at ramdam ko na sobra rin itong nasasaktan ngayon. Umaalog din ang balikat nito dahil sa walang awat na pag-iyak. “I’m so sorry, Veronica.” Tiningala ko ang kalangitan na puro bituin. Mabuti na lang talaga at napipigilan ko ang sariling luha. Pagak akong natawa sa lalaki. “Huy! Huwag ka nang mag-sorry. Okay lang naman sa akin. Tanggap ko naman. E, sa ganoon naman talaga ako, e,” alo ko sa lalaki at niyakap ito nang mahigpit. “Huwag ka na ngang umiyak, Gabriel. Okay nga lang ako,” natatawa ko nang sambit at pilit na inangat ang mukha nito. Nang magtama ang paningin namin ay ngumiti ako rito at pinunasan ang pisngi nitong basa ng luha. “I really like you, Veronica. I don’t wanna lose you.” Parang batang takot na iwanan ng nanay ang hitsura ngayon ng lalaki. Gumanti na ito ng yakap at mariing sinapo ang ulo ko. “Don’t worry about them. Wala naman silang magagawa kapag naging tayo na, e. May paraan naman para hindi na tayo mapaghiwalay.” Humagigik ako sa narinig. Nakatikim pa ito ng pitik sa noo kaya natigilan ito. “Sira ka ba? Wala ka nga kamong future sa akin. Wala akong maiaambag sa yaman ninyo,” natatawa kong turan dito. Mukhang nainis ito sa sinabi ko kaya nagsalubong ang mga kilay. Oh, boy. Bakit ba sobrang guwapo nito? “I’m serious here, Veronica.” Naglapat ang mga labi nito nang mariin. “Oh, we?” panunukso ko. “Saan banda ang serious?” “You want me to prove how serious I am?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD