Veronica
Ngumuso ako sa sinabi nito. Bakit mukhang g na g ito?
Sa isang iglap, nawala ang bigat ng dibdib ko dahil kay Gabriel. Gumuhit ang amusement sa mukha ko habang pinagmamasdan itong seryosong nakatingin sa akin.
Hanggang sa napahinga ako nang malalim nang may mapagtanto. Kimi akong ngumiti rito. “Alam mo ikaw, makinig ka na lang sa pamilya mo para magkaroon ka ng magandang kinabukasan. Kasi ako, waley akong future.”
“Paano kung ayaw ko?” panghahamon nito. Naroon ang intensidad sa mga tingin niya sa akin.
Nangunot tuloy ang noo ko. “Bakit? Ayaw mo ba ng magandang future?” mahinahon kong tanong.
“Damn it.” Gumalaw ang panga nito nang tila maubusan ng pasensiya sa akin. “You’re doing it again, Veronica. You’re pushing me to my limits again,” aniyang bakas ang inis sa tono.
Nanlaki tuloy ang mga mata ko at napalayo rito. “Uy!”
“I don’t see my future with another woman, Veronica! All I see is you. All I can think about is you, everything about you! If I were to get married, gusto ko sa iyo lang. And if my future with you will be a disaster, I’ll still choose to be with you. Kaya kong suwayin ang mga magulang ko para sa iyo,” aniya pa na tila siguradong-sigurado.
Hindi ko alam, pero ang saya-saya ng puso ko. Pero at the same time, nagi-guilty ako sa part niya. He doesn’t deserve someone like me, pero ako pa rin ang gusto niyang piliin. Naiisip pa niyang suwayin ang gusto ng pamilya niya para lang sumama sa dukha na wala naman siyang mapapala.
Itinago ko sa isang tipid na ngiti ang kilig na nararamdaman. Nakaka-guilty dahil baka itakwil pa siya ng pamilya niya kapag nalaman nilang walang balak na sumunod si Gabriel sa gusto nila. At sa ginagawa niyang ito, pakiramdam ko ay naghuhukay na ng sariling libingan si Gabriel.
Gusto ko itong pigilan, pero parang ako ang pinipigilan ng damdamin ko.
Napahinga tuloy ako nang malalim.
“Oh, gift ko!” sabi ko na lang sabay abot ng maliit na box na binalutan ko ng colored paper mula sa sling bag ko. Agad naman niya iyong tinanggap kahit natitigilan. Awtomatiko namang nangislap ang mga mata nito sa tuwa. “Open mo na lang pagdating mo sa kuwarto mo, ha?”
Humagikgik ako sa sinabi. Nakakahiya. Ano lang naman iyon, anklet na binili ko sa tabi-tabi. May mga maliliit na shell at black and white ang kulay kaya maganda. Sampung piso lang naman iyon, hindi expensive pero maganda naman.
“Really? Thank you for this, Mahal.”
Pinanlakihan ko ito ng mga mata. Tila ako nabingi. “Anong mahal?!”
“I didn’t enjoy my birthday, but at least you made me happy. Thank you so much for this,” sinsero nitong sambit, ni hindi man lang pinansin ang tanong ko.
Naningkit tuloy ang mga mata ko at maloko itong nginisian. Kung makangiti naman ito nang wagas, parang house and lot with car ang ibinigay ko.
“O, siya. Uuwi na ako. Ingatan mo ang susi ng house and lot mo at brand new car mo, ha,” biro ko na ikinangiti nito lalo.
“I will.” Bakas ang contentment sa mukha nito. Mayamaya’y napatuwid ng tayo nang may maalala. “Tara. Hintayin mo lang ako sa sasakyan, hmm? May kukuhanin lang ako sa loob.”
Inakay na ako nito papunta sa kung saan naka-park ang kotse niya. Pagpasok ko ay nang-aasar na ngiti ang ibinigay sa akin ni Kimmy.
“So, ano na ang pinag-usapan ninyo? O, nag-usap ba talaga? Baka may iba nang nangyari, a. Ang ganda ng ngiti natin,” sunod-sunod niyang turan na inismiran ko lang.
“Nag-usap nga lang. Dumi ng isip mo, ha,” ngiti kong tugon.
Gusto kong itago ang ngiti, pero kusa talaga iyong lumalabas dahil tuwang-tuwa ngayon ang puso ko.
Pagbalik ni Gabriel ay may dala na itong paperbag. Nanlaki pa ang mga mata ko nang mapansin ang laman niyon pagpasok niya.
“Huy! Bakit—”
“You two didn’t enjoy the food earlier. Pasensiya na talaga sa mga nasabi ng pamilya ko.”
Umawang ang aking bibig, lalo na at nagdala pa talaga ito ng isang box ng pizza. Pero kahit na nakakahiya, hindi na kami umangal.
Tulad ng sabi nito ay inihatid nga niya kami sa bahay. Nauna lang na bumaba ng sasakyan si Kimmy at magpapalit pa raw ng damit. Ang plano ay sa bahay namin kakainin ang mga bigay ni Gabriel.
Nakagat ko pa ang ibabang labi nang pagbuksan ako nito ng pinto ng sasakyan.
At base sa liwanag na nagmumula sa bahay, halatang gising na gising pa ang mga tao roon.
Pumihit ako paharap sa lalaki at ngumiti. “Salamat sa paghatid, Gabriel.”
“My pleasure,” ngiting aniya.
Madilim na ang paligid at wala na rin masiyadong tao sa labas. Mangilan-ngilan na lang.
Saka ko lang pinakawalan ang malalim na hininga nang makaalis ito. Kailangan niya pang bumalik doon sa kanila, kahit pa gusto niyang pumasok sa bahay namin at doon makisalo.
Napailing-iling ako habang nagbibihis.
Sumagi agad sa isip ko ang naging eksena kanina. Pagak akong natawa sa sarili.
Ang lakas ding manlait ng pamilya ni Gabriel, a. Tama lang pala ang sinabi ni Hanie tungkol sa pamilyang iyon.
Sabagay, sobrang yaman. Gusto rin nilang i-secure na may benefits silang matatanggap sa bawat hakbang na gagawin nila.
Out of nowhere ay lumabas ang tawa ko—na naging halakhak. Napatingin pa sa akin si Rosalinda na abala sa pagpapadede ng anak niya kaya nginitian ko ito at napailing-iling.
“Oy, tsismosa kang nanay, a. Pero, what if lang, Rosalinda, ha. What if lang na kami ang magkatuluyan ni Gabriel? Ano kaya ang reaksiyon at gagawin ng pamilya niya? Malamang maghi-hysterical ang mga iyon kasi wala naman akong yaman para lumawak lalo ang wealth and power nila. Baka nga lumubog pa sila sa putikan dahil sa akin kasi gaga ang pinatulan ng anak nila,” tatawa-tawa kong turan dito habang napapailing. “What if, mangulimbat ako ng yaman nila, ano? What if, maging gold digger ako? Ano kaya ang gagawin ni Gabriel?”
Magagalit ba siya sa akin? Malamang! Pero paano ba siya magalit? Sa pagiging kalmado niya palagi, ang hirap tuloy i-predict kung ano ang gagawin niya kapag nagalit nang husto.
Magha-hire ba siya ng gunman kapag nagalit? Pero sa hitsura niya, mukha namang hindi niya gagawin iyon.
Pero teka, bakit ba iyon ang iniisip ko? Nag-iisip na naman ako ng kasamaan at kalokohan. ’Di puwede ito!
“Musta ang selebrasiyon?”
Nilingon ko si Kuya Damian na nakahilata sa mahabang upuan. Tulog na si Tatay sa lapag at naghihilik na kaya natawa ako nang mahina.
Marahan kong isinara ang pinto ng kuwarto at naupo sa tabi ni Kuya Damian. Si Kuya Damien naman ay abala sa paglamon ng pizza.
“Okay lang. Na-meet namin ang family ni Gabriel. May mga kapatid pa pala iyon, ang guwapo at ang ganda,” casual kong turan at kumuha na rin ng pizza.
“E, ang mga ugali?”
Napangiti ako nang malasahan ang pizza. Whoo! Heaven.
“May lahing banyaga ang mga iyon. Mayaman din, ang laki ng bahay nila. Iyong nanay pala ni Gabriel, hindi Filipino. Tatay niya lang,” tuloy-tuloy kong pagkukuwento na alam kong salat na salat sa emosiyon. Walang buhay.
Nagmukha lang tuloy na halatang iniiwasan ko ang tanong niya.
Kahit pa lasang-lasa ko ang pait na resulta ng mga natanggap kong salita kanina mula sa pamilya ni Gab, tuloy-tuloy ko lang na kinain ang pizza—para lang matabunan niyon ang sakit sa dibdib.
Sino ba ang hindi masasaktan sa mga sinabi nila? Ipinamukha lang naman nila sa akin kung gaano ako kamukhang basura sa paningin nila, na wala akong silbi dahil wala silang mapapala sa akin.
Well, hindi ko rin naman gustong magkaroon ng ganoong klaseng biyenan. Never kong pinangarap.
Bakit kaya ganoon ang mga ugali nila? Saan naman kaya nagmana ng kabaitan si Gabriel? Kasi ’yong lola, nanay at kapatid niyang babae, ang tatabil ng dila.
“Pakilala mo nga sa amin nang pormal ang lalaking iyon, Maria. Mukhang may balak manligaw sa iyo, e,” sabat ni Kuya Damien na ngayon ay nasa akin na ang atensiyon.
Feeling guwapo at macho pa ito dahil topless. Tamad naman maglaba.
Ngumisi ako rito. “Kahit hindi mo sabihin, pupunta talaga iyon dito para magpakilala nang pormal sa inyo. Pinapalipas niya lang ang birthday niya.”
Dahil doon ay natigilan ang dalawa. Salubong ang kilay ng mga ito na halos gusto kong ikahalakhak.
“Oh, bakit mukhang nilagyan ng suka ang mukha ninyong dalawa? Akala ko ba, gusto ninyong makilala nang pormal si Gabriel?” Hindi ko na napigil ang halakhak.
Pero ang tuwang-tuwang mukha ko ay agad na naglaho nang marinig ang sinabi ni Kuya Damian.
“Pinapapunta tayo ni Alfonso sa birthday celebration ng dating governor na si Robert Alonzo. Pupunta ba kayo?”
Nawala na ang gana ko sa sinabi niyang iyon. Hays. Kailan ba ako titigilan ng apelyidong iyon? Rinding-rindi na ako sa karirinig sa apelyido na iyon!
“At ano naman ang mapapala natin doon? Ni hindi nga natin kilala iyon,” anang Damien na nakasimangot na.
“A-Attend din daw ang magaling bukas. Galing pa raw Netherlands.” Halos idura na ni Kuya Damian ang sinabi.
Dinig na dinig ko naman ang pag-ismid ni Damien. “Kaya pala hindi mahagilap dito. Nagpapakasaya pala sa ibang bansa,” komento nito na bahagyang nag-igting ang panga sa galit.
Tahimik lang ako habang nakikinig sa usapan nila.
Galing Netherlands? Sarap siguro ng buhay niya roon. Samantalang kami na galing sa kaniya, naghihirap dito.
“Dekada mahigit na pala siyang nakatira roon. Kaya pala walang mahagilap na balita tungkol sa kaniya rito.”
“Hanggang ngayon kasi, takot pa rin sa magulang niya. Walang sariling tapang at paninindigan.” Lalong nanggalaiti si Kuya Damien habang nakatingin sa kawalan.
Nablangko ang aking mukha. Huh.
Kahit walang involve na pangalan, alam na alam ko kung sino ang tinutukoy nila. Kung ganoon, kaya pala walang balita sa kaniya rito ay dahil sa ibang bansa na ito nanirahan? Nagtagis ang bagang ko sa nalaman.
Iyong mga ikinikimkim kong galit sa kaniya, lalong lumalala.
Napahinga na lang ako nang malalim at napailing.
Linggo kinabukasan kaya maaga pa lang ay kumilos na ako para makapagsimula sa tindahan ni Sir Chan.
At dahil nagmamaganda ako nang mga oras na iyon, naglagay ako ng kaunting liptint sa labi ko. Iyong liptint na tag-isang daan lang. Bigay pa ni Kimmy dahil tatlo ang in-order ng mama niyang si Tita Lany.
Kinindatan ko ang sariling repleksiyon bago ngumiti nang mapang-akit. Kung nagsasalita lang itong si Rosalinda, tiyak na nilait-lait na rin nito ang pagkatao ko dahil sa mga pinaggagagawa kong kagagahan sa loob ng kuwarto ko.
“Ano’ng tinitingin-tingin mo riyan? Magpadede ka na nga lang diyan,” sita ko rito at muling ngumiti sa salamin. Pero nang maalala ang mga sinabi ng pamilya ni Gabriel sa akin ay sumimangot ako. Inilapag ko ang salamin sa lumang kabinet at idinuro ang sarili. “Me? Poor? At least, saksakan ng ganda. I don’t need plastic surgery to enhance my beauty.” Kinapa-kapa ko pa ang pisngi at nagyayabang na tiningnan ang sarili.
“Yabang magsalita ng Jelyn at Gianna na iyon, a. Pero okay lang, halata namang inggit sa akin dahil kinabog ko ang ganda nila, ’di ba?”
“Yes, my queen,” sagot ko sa sariling tanong at kumalma.
Doon ako napangiti at napagpasyahan nang tumayo para umalis.
Sakto lang naman ang dating ko, pero mukhang inunahan ako ni Sir Chan sa tindahan niya dahil naabutan ko na itong nagbubukas doon.
“Good morning, Mister Chan!” ngisi kong bati na ikinatigil nito.
“O, ganda! Almusal ka muna riyan,” anito na ipinagpasalamat ko.
Naroon na rin sina Ninja at Pagong kaya pinanggigilan ko ang mga ito bago mag-almusal.
Hindi rin naman nagtagal si Sir Chan doon dahil umalis din ito agad nang may kailanganing puntahan. Hindi lang naman kasi itong tindahan ang inaasikaso niya. Marami pa itong business at iyon ang hilig niya.
Suwerte ko na nga kay Sir Chan dahil mabait ito sa amin. Tuwing weekdays ay may dalawang babae na nakatoka rito, ako naman tuwing Sabado at Linggo. Hindi rin kami pinababayaan at on-time kung magpasuweldo. Walang delayed-delayed kaya naman naging loyal ako sa tindahang ito.
Kaso, habang nag-aalmusal ako ay napadaan na naman si Bogart. Buena manong init ng ulo agad ang natanggap ko. Malapit lang kasi rito ang car wash business ng tatay niya.
“Maria, sorry na sa nagawa ko noong nakaraan. Pansinin mo na ako, please?”
Umismid ako nang pasimple at balewalang kumagat sa tinapay na kinakain.
Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin ito pinapansin kahit na anong pagpapapansin niya. Naaasar pa rin ako sa kaniya.
“Maria,” pukaw pa rin sa akin ni Bogart pero agad ding gumilid nang may dumating na kustomer.
“Ano’ng maganda at masarap dito?” tanong ng binata habang namimili ng dahon-dahon na gulay.
“’Yong tindera,” biro ko na ikinaangat nito ng tingin. “Eme!” bawi ko agad.
Natawa naman ito sabay kindat sa akin. Halatang malandi rin. Pamilyar na sa akin ang mukha nito dahil madalas bumili rito.
“Puwede ko bang makuha ang number ng magandang tindera?” hirit agad nito na ikinataas ko ng kilay.
Pero siyempre, para ganahan ito bumili rito palagi ay ngumiti ako nang matamis para makapang-uto.
“Sure!” Ibinigay ko rito ang numero ng luma kong cellphone. Wala naman akong balak makipag-text sa kahit kanino.
Matapos kong ibigay ay lumapad ang ngiti ng lalaki at nagpasalamat.
“Babalik ulit ako next week, Miss Gwapa,” anito pa bitbit ang isang plastik ng apple at kangkong.
Ngingisi-ngisi ako nang makaalis ito. Ah, proud na proud siguro si Sir Chan sa akin kung nakikita niya lang ako ngayon.
Hanggang sa naging sunod-sunod ang mga bumili sa akin. Pinipilahan talaga ako—este ang mga paninda kong fresh like me. ’Yong iba, bumibili lang para makuha ang number ko at pangalan. Kaya madalas, madaling maubos ang mga paninda.
Hindi na bago sa akin ang ganoon. Kung para sa pera, gagawin ko ang lahat.
“Hay nako, si Maria talaga! Ginagamit ang alindog para makabenta!” parinig ng tindera ng katabing tindahan.
Sinilip ko iyon sabay tawa. Wala pa kasi ito masiyadong benta. Samantalang ako, halos umapaw na ang kaha. “Ganiyan talaga ang buhay, Ate! Kailangan mong dumiskarte para makadali!” sagot ko na ngingisi-ngisi.
Napailing-iling naman ito sabay tawa.
Kaso natigilan ako nang may humintong tatlong lalaki na naka-suit sa harapan ko. Hindi ko sana papansinin, kaya lang ay diretso ang tingin ng mga ito sa akin kaya nagtaka ako.
Kahit si Bogart sa gilid na nakatambay habang naninigarilyo at natigilan din at nagtaka.
Muli kong ibinaling ang atensiyon sa mga misteryosong kalalakihan.
Sindikato?
“You must be the daughter of Saniarah Alonzo, right?”
Nangunot lalo ang noo ko sa narinig. Napaismid pa ako. Lagi ko na lang bang maririnig ang pangalan ng babaeng iyon?
“Hindi. Sino ho ba kayo?”
Base sa hitsura nito, mukha itong mayaman. Ito ang nasa gitnang lalaki na kung tumingin ay parang may inaalala sa mukha ko. Bodyguard niya ata ang mga nasa tabi niya. Mukha ring may pagkamestiso ito dahil matangkad at kakaiba ang facial features. Ah, may lahing banyaga siguro. May edad na rin ito base sa nakikita kong uban sa ulo nito.
“Guess what, fierce lady?” May kakaibang ngiti sa mga labi nito na ikinataka ko lalo.
Napano kaya ito? Hindi ko nga kilala, tapos pahuhulain pa ako kung sino siya. Mukha ba akong nag-aalok ng fortune-telling dito? Alam naman niyang mga gulay at prutas ang inaalok ko! ’Di ko sideline ang panghuhula!
Ah, wait. Gusto niya ba akong alukin ng trabaho? O baka naman produkto! O baka nagpapautang ito rito.
Sa naisip ay napangisi ako. Pinagmasdan ko ito mula ulo hanggang paa, saka napatango-tango. “Ah, nagpapautang ka siguro rito?”
Nawala ang ngiti sa mga labi nito at mataman na akong tiningnan.
Mali ata. “E, sa networking?” hula ko pa na naiintriga na kung sino ba ito at ano ang pakay sa akin.
Hindi ito umimik kaya nagsalubong na ang mga kilay ko.
“Baka naman long lost father kita, Manong!” sarkastiko kong turan na ikinatawa nito nang mahina.
“Silly. Magkamag-anak tayo.”
Parang tumigil bigla ang t***k ng puso ko. Kamag-anak?
“You’re one of the children of Saniarah, right? I am Robert Alonzo II. Nice to meet you, lady,” pagpapakilala niya na ikinatanga ko na.
What?! Ito yong sinasabi ni Thylane na nag-i-invite sa amin na pumunta sa birthday niya?!
Windang na windang ako habang nakatingala sa matangkad na lalaki. K-Kamag-anak ko ’to? Kaya pala ang guwapo—este, ang ganda talaga ng lahi namin.
Pero nang matauhan ko ay mabilis kong inayos ang sarili.
At papaano naman nito nalaman ang tungkol sa akin? Teka, ngayon ang birthday nito, a!
“Eh?” nasabi ko na lang.
Tumawa ito nang mahina bago iabot sa akin ang tatlong sobre na inakala kong pera ang laman. Eme!
Gosh. Mukhang pera talaga ako.
“That’s my invitation for the three of you. I look forward to your presence tonight, Veronica.”
Tumagilid ang ulo ko sa sinabi nito. “Eh? Bakit pa?” Nakakapagtaka lang.
Sandali itong natigilan, pagkaraay kiming ngumiti.
“You’ll know later . . .”