Kabanata 13

3197 Words
Veronica “OKAY lang ba ito?” anang Kuya Damien habang tinitingnan ang sarili sa malaking salamin. Simpleng pants at polo lang ang suot nito. Ganoon din si Kuya Damian. Hindi ko alam kung bakit pumayag sila agad kanina nang sabihin ko na personal na nag-imbita sa akin iyong si Robert. Hindi ko alam kung ano ang pakay nila roon at ganito na lang kaseryoso habang naghahanda kami sa pag-alis. Si Tatay, nabanas nang malaman na pupunta kami sa lungga ng mga kadugo ng nanay namin. “Hindi ba kayo nag-iisip na baka ipahiya lang kayo roon ng pamilya ng nanay ninyo?!” ang eksaktong sinabi niya kanina. Napahinga na lamang ako nang malalim. Paglabas namin ay may nakahinto nang kotse sa amin. Purong itim na kotse na kay kintab. Natigilan tuloy ako at nag-alangang pumasok. Ngumiti sa amin nang bahagya ang driver ng sasakyang iyon. “Ako ho ang pinadala ni Sir Robert para sunduin kayo.” Doon lang nawala ang agam-agam ko at naunang sumakay. Naging payapa ang biyahe namin papunta sa bahay ng birthday celebrant. Napapagitnaan ako ng dalawa kong kapatid na papasa nang bouncer dahil sa laki ng katawan. Napapakinabangan naman iyon dahil natatakot ang iba na kalabanin sila. Sinabayan pa ng pagiging tahimik at seryoso ng mga kapatid ko ngayon. Nabahala tuloy ako na baka may gawin ang mga itong kalokohan mamaya. Ibinaling ko ang atensiyon sa unahan at napalabi. Alas siete y media kami umalis ng bahay. Alas ocho naman ang umpisa ng party. Tiyak na puro mayayaman ang naroon. Actually, kinakabahan na ako kanina pa. Gusto ko mang magsinungaling ay hindi ko naman maitatangi sa sarili ko na may maliit na parte sa akin na nais ring makita ang nanay ko. Kung ano ba talaga ang hitsura nito sa personal. Sa kaniya ba talaga ako nagmana? “Nandito na po tayo,” mahinahong wika ng driver kaya lalo akong nanlamig sa kaba. Hay. Mas nakakakaba pala ito kaysa sa away sa school. Isang malaki at marangyang bahay ang bumungad sa amin. Sa tapat ng malaking gate ay nakaparada ang iba’t ibang sasakyan na kay gagara rin. Malawak kasi ang space sa labas ng gate rito. Sementado pa. Pagbukas ng gate ay sinalubong kami ng iba’t ibang ilaw. Parang disco at nagkakatuwaan pa ang ilang mga mukhang matapobre. Ilan lang naman. Nahigit ko ang hininga nang mapansin na puro mga pormal ang suot nila. Naka-tuxedo ang mga kalalakihan, kaibahan naman sa suot ng mga kapatid ko. Gosh! “Invitation card, Ma’am, Sir,” pukaw sa amin ng nagbabantay sa gate kaya dali-dali kong inabot ang kanina pa hawak na sobreng may laman na card. “Pasok na po kayo. Enjoy the party, Ma’am, Sir.” Tumango ako rito bago magpasalamat. Tama lang ang lakas ng tugtugin kaya nagkakarinigan pa rin ang mga tao roon. Nang ilibot ko ang tingin ay napansin kong napakalawak talaga ng lugar. May stage rin doon na maliit. Marami rin ang naroon at hindi ko alam kung sino-sino sa kanila ang kadugo namin. “Saan tayo?” ilang kong tanong kay Kuya Damian na tahimik lang na nagmamasid habang nakapamulsa. ’Di niya nga alintana ang mga tingin na ipinupukol sa amin ng iba. Nagtataka siguro kung sino kami. “Veronica!” Mula sa gilid ay nakarinig ako ng mahinang tili. Paglingon ko ay si Thylane pala na nakikipaghalubilo sa mga dalagang bisita roon. Daglian akong napangiti. Iniwan nito ang mga kasama para lapitan ako. Ngingiti-ngiti pa ang babae na parang tuwang-tuwa na makita ako rito. Ngumisi ako. “Tara, naroon sa loob si Uncle Robert!” Hinila ako nito papasok sa malaking bahay kaya napasunod sa amin ang dalawa. Ngunit parang bigla akong bumalik sa kahapon kung saan nang ipakilala ako ni Gabriel sa pamilya niya ay isang hindi kaaya-ayang tingin ang natanggap ko. Iwinaglit ko iyon sa isip at kiming ngumiti bago pa man kami makapasok sa main door. Nabigla pa ako dahil marami ring bisita sa sala ng malaking bahay. Napaisip tuloy ako. Kung sa ganito karangya na buhay ako lumaki at nagkaisip, siguro hindi ako magiging basagulera na klase ng tao. Siguro tulad sana ako ni Thylane na sweet and kind girl. Inosente pa sa mga mararahas na bagay sa mundo. Psh. Sweet and kind girl? Hindi ata bagay sa akin ang ganoon kung sakali. Ako ata ’yong mean girl sa mga kuwento ng bida. Napahinga tuloy ako nang malalim. Kung hindi lang ako lumaki na nakakasaksi ng karahasan, hindi sana ako magiging bayolente rin. Napailing tuloy ako. Bakit ko pa ba iniisip ang mga bagay na iyon? Tsk. Mula sa pag-iisip ng kung ano-ano ay napatingin ako sa harapan nang huminto kami ni Thylane. Sumalubong sa akin ang mga tingin niyong Robert na napangiti nang makita kami. Kausap lang naman nito ang nanay ni Thylane at ang tatay. Sa gilid ay si Alfonso at si Zach Martin na binatilyo pa lang. “I’m glad to see you all,” anito at agad akong hinawakan sa likod upang iharap sa pamilya ni Thylane. “Ang lalaki na ng mga anak niya, ano? Hindi ko alam noon na anak din pala ito ng kapatid mo, Dark. Marami rin ang walang nakaaalam sa mga batang ito na parte pala ng malaking pamilya natin. I wonder what happened.” Tsk. Tsk. Imbis na sumagot ang parents ni Thylane ay ngumiti lang ang mga ito. Naroon sa mga mata nila ang kagustuhan sumagot pero piniling manahimik. Nang mag-umpisa na ang party ay pinaupo kami sa unahang table. Katabi ko si Thylane na paminsan-minsan ay dinadaldal ko para maging close kami lalo. Game rin naman ito makipagdaldalan at patawa-tawa rin kaya sa huli ay puro kagagahan na ang ipinagkukuwento ko rito. May music na pumapainlang at bulungan lang ang ginagawa namin kaya hindi rinig ng parents niya. Unlimited din ang wine roon kaya sinulit ko na. Nakikinig din naman kami sa emcee sa stage minsan. About naman iyon sa kaarawan niyong Robert. Katabi nito ang asawang si Tita Angeline—iyon daw ang tawag dito, pati na ang mga anak nila. W-in-elcome rin ang ilang mga opisyal at billionaire businessman and woman na bisita. Kada babanggitin ang mga pangalan ng bisita ay nililingon ko talaga. Si Thylane naman ang nagsasabi sa akin kung kamag-anak ba namin iyon o kasosyo lang ng may birthday. Gusto ko rin makita kung puro nga ba matatanda ang mga billionaire na bisita roon. At karamihan nga, matatanda. Nabigla pa ako nang marinig ang pamilyar na apelyido sa kalagitnaan ng pagpapakilala. “. . . Let us also welcome Mrs. Diana and Mr. Gab Ruel Marquez, together with their sons and daughter!” Umugong ang palakpakan at bahagyang tumayo ang mga ito at ngumiti sa mga bisita. Nangasim ang mukha ko habang nakalingon sa mga ito na malayo ang puwesto sa amin. The hell? Nandirito pala ang mga ito? Lima lang sila roon. Si Ruel, Gianna at Gabriel at kasama ang parents nila. Wala iyong Jelyn na chaka. Napatitig tuloy ako sa mukha ni Gabriel na hindi ko napansin kanina. Pero ang mas ikinagulat ko ay nang makitang diretso ang tingin nito sa akin. Hindi man klaro pero nahalata kong kumikinang ang mukha nito sa tuwa habang pinagmamasdan ang gulat kong mukha. Kanina niya pa ba ako napansin? “Kaibigan ni Tita Angeline si Ma’am Diana. She’s one of the most famous plastic surgeons in the world. Iyong asawa naman niya, may-ari ng sikat na jewelry store, si Sir Gab Ruel. At iyong tatlo ang anak niya. Kilala mo naman na si Gabriel, right?” Tumango ako kahit hindi nakatingin sa kadaldalan. “Oo, sabay kami lagi mag-lunch ni Gabriel sa school,” wala sa loob ba turan ko, hindi inaalis ang tingin sa lalaking nagpapabilis ngayon ng t***k ng puso ko. “Huwag mong pipikutin iyon, ha.” Sa narinig ay dagliang napalingon ako kay Thylane at sinamaan ito ng tingin. “Hindi, a! Siya kaya itong lumalapit sa akin para magustuhan ko,” depensa ko sa sarili na ikinahagikgik nito. “I know, but don’t let Gabriel fall for you that deep. Hindi mo magugustuhan ang panlalait na matatanggap mo mula sa pamilya niya kapag nalaman nilang hindi ka—you know,” nakalabing aniya. Umingos ako sa narinig at napanguso rin. Natawa ito lalo sa reaksiyon ko at lalong inilapit ang sarili sa akin. “Don’t fall for that guy. Masasaktan ka lang. Trust me,” paalala nito sa akin na nagpatigil ng pag-iisip ko ng kung ano-ano. Pero likas na siguro talaga ang katigasan ng ulo sa mga tao, lalo na sa tulad ko. Kahit na binalaan na ako ng iba, heto pa rin ako at hinahayaan na mahulog sa lalaki ang loob. Iyon bang lihim na iniibig ang isang tao, pero may guilt sa puso ko. Gusto kong ihinto pero parang ayaw ko rin. Magulo. Ewan. Pero lalong gumulo ang isip ko nang muling magsalita ang emcee at may binanggit na pangalan na nagpayanig ng mundo ko. “And now, to our lovely guests from the Netherlands! Let us welcome, Mrs. Belindah and her lovely daughter, Miss Saniarah Alonzo!” Kasunod niyon ay ang pagtayo ng dalawang babae na nasa malayong table. Isang matanda at isang medyo bata pa. Napatitig tuloy ako sa tinawag na Saniarah. Suot nito ang isang hapit na bestidang itim, ipinapakita ang slim na katawan at ang kurba niyon. Pakiramdam ko ay nanigas ang katawan ko nang umugong ang palakpakan para rito. Kitang-kita ko ang mga ngiti nitong kay tamis sa mga naroon at kumaway pa. Simple lang ang make-up nito pero mukha pa ring elegante. Umawang ang aking bibig. Wala na sigurong ikabibilis pa ang t***k ng puso ko habang tila bumagal ang pagtakbo ng oras. “And that’s your grandmother and mother . . .” Okupado na masiyado ang isip ko na hindi ko na halos napansin ang sinabi ni Thylane. Pati ang panginginig at panlalamig ng mga kamay ko ay hindi ko agad napansin. Hindi ako makapaniwala. Siya na ba talaga iyon? Mukha pa ring bata, wala nga rin akong napansing bilbil sa tiyan nito nang tumayo ito. Mukha itong alagang-alaga. “You’re the replica of your mother, right?” bulong ni Thylane sa tainga ko. “No one can disagree that you’re her daughter.” Nanayo na lang bigla ang mga balahibo ko sa katawan kaya napalayo ako rito. Hindi na ako umimik matapos niyon at nanahimik na lang sa upuan. Nahulog ako sa malalim na pag-iisip habang nakatingin lang sa ginang na nakangiti sa kausap nito. Naging dahilan lang iyon para magngitngit ang damdamin ko sa galit. Ang sarap ng buhay niya, samantalang kami ay miserable? Ni hindi man lang naisip ang sariling mga anak! Masama na tuloy ang loob ko sa mga sumunod na oras. Wala rin namang imik ang mga kapatid ko, pero halata ko ang galit nila base pa lang sa paggalaw ng panga nila. Nang oras na para kumain ay daglian akong tumayo dahil sa gutom. Gusto ko ring ibaling ang atensiyon ko sa pagkain at hindi puro siya ang naiisip ko. Pero hanep din si Gabriel dahil nang lumapit kami sa table ay pasimpleng akong dinikitan. Napatigil tuloy ako sa pagsasandok at tumingala rito. “Bakit?” Hindi ito umimik pero ngumiti sa akin. Baliw na ata. Tsk. Napailing ako at natawa nang mahina. Pag-abot namin sa dulo ng table ay nilingon ako nito sabay ngiti ng makalaglag matres. “You look gorgeous tonight—no, everyday,” bulong nito na ako lang ang nakarinig. Halos maging kiti-kiti tuloy ako sa kilig. Ramdam na ramdam ko ang pag-iinit ng magkabilaang pisngi habang diretso ang tingin sa mga pagkain. Bakit ba ganito ako pakiligin ng lalaking ito?! Gosh. “Gab.” Nawala bigla ang kilig na nararamdaman ko nang may umeksenang boses. Paglingon ko sa likod namin ni Gabriel ay tumambad si Gianna na mataray ang tingin sa akin. “You’re ignoring us again, Gab. Go back to your seat now,” anito pa na ang kausap ay ang kapatid, pero nakadirekta sa akin ang mga matataray na tingin. Tumingin pa sa akin si Gabriel na tila nagpapaalam bago bumalik sa puwesto ng pamilya niya. Napaismid tuloy ako bago ibalik ang atensiyon sa pagsasandok. “Will you please stop pestering my brother? Simula nang dumating ka rito, nasa iyo na ang atensiyon niya. How could you do such a thing to my brother?” ’Di makapaniwalang nilingon ko ito. Bakas na bakas ang disgusto sa boses nito. Gusto niya bang makipagbardagulan sa akin dito? I’m willing naman, pero mas maganda kung sa malayo kami para hindi makaabala ng kasiyahan. Umangat ang sulok ng labi ko at hinarap ito. “Hindi ko na kontrol ang mga ginagawa ni Gabriel kaya huwag ako ang isinisisi mo rito. At hindi ko pinepeste ang kapatid mo,” matigas kong turan. Umismid ito sa akin bago ako talikuran. Natawa tuloy ako. Bakit ako tinalikuran agad? Kinakausap ko pa nga, e. Tss. Pagbalik ko sa upuan ay agad akong hinarap ng mga kapatid ko na napansin kong nakakunot na ang noo. “Sino ’yon? Ganda, a,” bungad agad sa akin ni Kuya Damien na ikinairap ko. Buwisit na Gianna iyon. Kahit kapatid siya ni Gabriel, hindi ko siya sasantuhin oras na maubusan ako ng pasensiya sa kaniya. “Ate ni Gabriel na sobrang sungit!” inis kong turan sabay subo ng pagkain. Natahimik naman ito kaya ibinaling ko na ang atensiyon sa kinakain. Pero hindi ko maiwasan na mapasulyap sa puwesto ng babaeng kinaiinisan ko ngayon. Tahimik na ito habang kumakain. Sa tabi nito ay ang lola raw namin na ubod ng sama ng ugali. Iyon ang sabi ni Kuya Damien. Tss. Matapos kong ubusin ang kinakain ay lumagok akong muli ng wine. Sa pagkakataong iyon ay si Zach Martin na ang kinukulit ko. Inis na inis ito sa akin dahil nasisira ang peace of mind niya. “Yiee! Binatilyo na si ZM! Magpapaligaw na siya!” tudyo ko rito na sinagot lang ako ng irap. Pinanggigilan ko ang pisngi nito sabay ngisi. “Hmp! Pogi-pogi talaga ng bibi boy namin.” Mahina akong humalakhak nang samaan ako nito ng tingin. Sungit-sungit. “Maria, umayos ka nga,” sita sa akin ni Kuya Damian na ikinaingos ko. “Restroom lang ako,” daglian kong paalam nang may maramdaman sa katawan ko. Dali-dali akong tumayo at pumasok sa loob ng bahay ni Sir Robert. Naabutan ko pa ito na may kausap sa sala at nang makita ako ay agad na nagpaalam sa kausap para lapitan ako. “Saan ka pupunta?” “Banyo ho,” sagot ko at agad na umiwas nang mapansin ang mga tingin na ipinupukol sa amin ng ibang naroon sa sala. Kita ko na nais pa akong kausapin ni Sir Robert pero hindi ko na rin matiis ang pantog. “Sige ho,” sabi ko bago tumalikod. Kahit hindi ko alam kung saan ang banyo nila, naghanap pa rin ako. Mabuti na lang at may napagtanungan akong katulong. Hinugasan ko ang mga kamay matapos at hinarap ang malaking salamin sa lababo. Bahagyang namumula ang mga pisngi ko kaya marahan kong tinapik ang mukha. “Hoy, gising, gaga. Huwag ka munang aantukin,” kausap ko sa sarili. Hinilamusan ko ang sarili at tinuyo iyon gamit ang nakita kong tissue sa gilid. Napangiti naman ako matapos bago lumabas. Kaso hindi ko inaasahan ang taong bubungad sa akin pagbukas ko ng pinto ng banyo. Mukhang papasok din sana ito. Parehas pa kaming nagkagulatan at napaatras. “Sorry, I didn’t mean t—” Naputol ang dapat na sasabihin nito nang mapatitig sa akin. Kitang-kita ko kung paano umawang ang bibig nito nang mapagmasdan na ang kabuuan ko. Sa malapitan ay napakaputi pala nito. Hindi ko na nga maitatanggi na wala akong namana sa hitsura nito dahil halos lahat ay nakuha ko. Mula buhok hanggang paa. Slim na slim ang katawan nito at parang bata pa ang balat. May mga nunal ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan base sa nakikita ko. Mga maliliit. At pareho rin kami sa bagay na iyon. Kahit ang kintab ng buhok ay parehas kami. Ang ipinagkaiba lang ay hanggang balikat ang kaniya, sa balakang sa akin. May multong ngisi na kumawala sa mga labi ko bago ito taasan ng kilay. “Excuse me.” “W-Wait,” wala sa wisyong pigil nito sa akin. Huminto na ako bago pa man ako makalayo rito. Kaharap na nito ngayon ang likod ko at kahit hindi ako nakatingin ay alam kong nanginginig ito. “Vero—” Huminto ito nang harapin kong muli. Bakas ang pag-aalangan sa boses nito nang tawagin ako. Pero sa hitsura niya ngayon ay parang nakakuha siya ng magandang pagkakataon. “M-Miss . . .” “Ah, sorry?” Umakto lang ako nang natural. Gusto kong makita ang reaksiyon niya, kung ano ang gagawin niya ngayong nakikita niya nang malapitan ang anak niyang inabanduna’t pinabayaan niya. Tulala pa rin ito sa mukha ko. “I . . .” Parang hindi nito mahanap ang dila. Hindi rin nakatulong ang pagluluha ng mga mata nito. “Pardon me, but, d-do you . . . do you know me?” Ngayong nakikita ko ang mukha nito ay lalo akong nanggigigil. May pagkamataray ang tabas ng mukha nito pero mukha itong tutang napalo ngayon. “Personally, no,” matabang kong sagot. Sapat na iyon para matigilan ito at bakasan ng sakit sa mga mata. “Narinig ko na kanina ang name mo. Saniarah, right?” Tumango ito at maliit na ngumiti. “And you are Veronica, right? Iyong mga lalaki kanina na kasama mo, are they your siblings?” Kita ko ang kinang sa mga mata nito nang itanong iyon. Kumunot ang noo ko pero sinagot pa rin ito nang mahinahon. “Yes, why?” Pigil itong ngumiti bago punasan ang gilid ng mga mata. “Nothing. I just wanna ask.” Muli ako nitong nginitian. “Kayo lang bang tatlo ang pumunta rito?” tanong pa nito sa akin. Sarkastiko akong ngumiti rito bago sumagot. “Kami lang. Nasa bahay ang tatay ko, e.” Para naman itong naputulan ng hininga nang marinig ang sinabi ko. Muling nanubig ang mga mata nito at mariing pinaglapat ang mga labi. “H-How is he?” Tila dahil sa isang tanong na iyon ay naubusan siya ng lakas. Ngayon ay nahahalata kong pati si Papa ay gusto nitong hanapin. “How is your father now?” Napatitig ako sa mukha nito. Pigil na pigil ko ang sarili na sumbatan ito ngayon. Akala ko nga noon, kapag dumating ang araw na magkakaharap kami, makakaya ko itong sumbatan. Pero hindi ko ata kaya ngayon. Umatras lahat ng tapang ko. Ano kaya ang nararamdaman nito ngayon para sa mga taong iniwan niya noon? Ipinagpalit niya kami para sa buhay niya sa Netherlands. Halos dalawang dekada siyang missing in action sa buhay namin. At ang higit na nakakagigil ay winasak nito ang puso ng tatay ko. Ngayon, may gana pa siyang tanungin ako kung kumusta na ba ang tatay ko? No, hindi ko ibibigay ang sagot na gusto niyang marinig. “Kailangan ko na hong bumalik,” wika ko bago tuluyang umalis doon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD