10

2896 Words
Masyadong naging mabilis ang pangyayari na talaga namang ikinagulat ng lahat, lalong lalo na ni Andrew. Labis itong naguluhan sa sinabi sa kanya ng kanyang ina. “teka, inay, anong ibig sabihin nito? Bakit mo sinasabing anak ako ng lalaking iyon?” naguguluhang tanong ni Andrew na halos hindi na niya alam ang gagawin. “Andrew, huminahon ka nga muna okay? Ramon pasensya ka na ha? Ipapaliwanag ko kay Andrew ang lahat, alam mo na, nabigla siya sa pangyayari” palusot ni Martha na halata ang sobrang kaba sa kanyang ginagawa. Maiging sinuri ni Ramon si Andrew at talagang tinitigan niya ang bawat anggulo nito, para bang may kaunting pag aalinlangan ito sa kanyang nakikita. “pero Martha, malinaw ang sinabi ko na nasaan ang kambal kong anak! Eh ba’t iisa lang yang iprinesenta mo sa akin? Pinaglololoko mo ba ako?” bulyaw ni Ramon at madiin nanaman niyang itinutok ang kanyang baril sa takot na takot na si Nestor. Agad nanaman na nataranta si Martha dahil sa baka nalang biglang makalabit ni Ramon ang gantilyo at dumanak ang dugo ng di oras, kaya naman mabilis siyang nag-isip ng idadahilan. “Ramon naman, please, tignan mo naman ang sitwasyon namin, hindi ko kayang palakihin ng sabay ang kambal mong anak kaya wala na akong nagawa kundi ang ipaampon ito, please Ramon, ibaba mo na ang baril mo” pagmamakaawa ni Martha. “ano?! Ipinaampon mo ang anak ko?!! Kanino!!!?” gulat na reaksyon ni Ramon at agad naman nitong inilayo ang kanyang baril na nakatutok kay Nestor. “s-s-sa isang.. kaibigan, Ramon, kung hindi ko ginawa yun ay baka pare-parehas kaming mamatay sa gutom, pero wag kang mag-alala, kung gusto mo susubukan kong bawiin siya para sa iyo” tugon ni Martha na may halong kaba ngunit hindi niya lang ito pinapahalata. “siguraduhin mo lang Martha, alam kong alam mong ayaw na ayaw kong niloloko ako! masama akong ginagalit Martha, para makasiguro ako, hindi mo muna makikita ang manyak mong asawa, di ko maintindihan kung bakit hindi mo nalang hayaang pasabugin ko ang ulo nito, wala namang kwenta! Halika na anak, sasama ka na sa akin” paniniguro ni Ramon. “teka inay! Bakit ako sasama sa kanya? Kung isasama mo ako isama mo na din ang inay” si Andrew na agad dumikit sa kanyang ina. “pwede bang sumama na lang ako ramon? Tiyak na maninibago si Andrew, tsaka para maipaliwanag ko na din ang lahat, pero teka Ramon, saan mo dadalhin ang asawa ko?” pagkabahala ni Martha. “si Precious na ang bahala sa kanya, hangga’t hindi mo naibabalik ang isa ko pang anak, hindi mo din makikita ang asawa mo” pagtatapos ni Ramon ng usapan. Walang nagawa sila Martha kundi sumunod nalang sa utos ni Ramon ngunit bago pa man sila makalabas ng bahay ay nagulat nalang sila ng biglang may dumating na mga pulis. Agad naman na kinabahan si Andrew dahil sa mga nangyari ay nakalimutan na niya ang kanyang tinatakasan, Nagtaka naman si Martha at agad na nilabas ang pulis. “wag kang magkakamali Martha, tinitiyak kong dadanak ang dugo dito” babala ni Ramon na huwag magsumbong sa pulis. Simpleng tingin lang ang naitugon ni Martha at dalidaling pinuntahan ang pulis at nagulat nalang siya ng kasama nito si shiela. “anu pong kailangan nila? Shiela? Anong ginagawa mo kasama ng mga pulis? May ginawa ka bang kasalanan?” pagbati ni Martha at talagang gulat na gulat siya ng makita si Shiela kaya agad niya itong nilapitan. Habang kinakausap ni Jaime si Martha ay nakatanaw naman sina Rylie sa loob ng patrol car, inaabangan ang mga susunod na mangyayari. Ayaw na kasi niyang magpakita pa sa pamilyang labis na nang api sa kanya. “Ano?!! Bakit niyo isasama ang anak ko?! Ano ba ang kasalanan na nagawa niya?!” gulat na gulat na reaksyon ni Martha. Ngunit kahit pa anong pagpigil ang kanyang gawin ay wala na siyang magagawa, dadalhin pa din si Andrew sa presinto para tanungin na din ng ilang bagay. Agad na dumating ang back-up na tinawagan ni Jaime at agad nilang pinosasan si Andrew. “inay!!! Wala akong ginagawang masama!!! Bitawan niyo ko!!” si Andrew na nangingiyak at pilit na kumakawala. “wag kang mag-alala anak, gagawa tayo ng paraan, sumama ka na muna ng mahinahon, aasikasuhin ko agad ito okay? Chief dahan dahan lang sa anak ko” pagpapakalma ni Ramon kay Andrew. Isinakay si Andrew sa isang patrol Car at agad na dinala sa presinto. Agad naman na sinundan nila Ramon kasama sina Martha at shiela sina Andrew sa presinto. Samantalang si Precious ay dinala naman si Nestor kung saan ito ay namataan naman ni Rylie. “o girl, sa wakas magkakaroon na ng hustisya ang nangyari sa inyo ni Steven, salamat kay papa Jaime, siguro naman, papa Jaime ay maaaya mo na akong magdate niyan” si Amy na nagpa-cute kay Jaime. “haha, ikaw talaga Amy, sige, pag-iisipan ko” tugon ni Jaime at agad nang binuhay ang kotse para maihatid na sina Rylie pauwi. “hmph! Pag-iisipan pa? teka, Rylie sino ba yung tinitignan mo?” pagpuna ni Amy kay Rylie. “ah, eh, wala, nagtataka lang kasi ako sa kasama ni tiyo Nestor, parang sa iba sila pupunta eh” pagtataka ni Rylie habang isinasakay si Nestor sa kotse nila Precious. “hay nako! Hayaan mo na nga yan gurl! Di na dapat iniintindi yan” tugon ni Amy at tinahak na nila ang daan pauwi. ******************************** Sa kabilang banda mukhang mabibigo naman si Cecilia na Makita ang kanyang kambal na anak. “Raul sigurado ka bang dito ang bagong tinitirhan nila ate Martha?” si Cecilia habang pilit na sinisilip ang bahay na tila wala nang tao. “ma’am siguradong sigurado po ako, nakakapagtaka lang at parang walang tao” si Raul na pilit na sinisilip din ang bahay. Napuna naman ng kapitbahay ang paghahanap nila Cecilia kaya agad niya itong pinuntahan. “hello po, may kailangan po ba sila?” pagbati ng kapitbahay nila Martha. “ah, eh, mawalang galang na po, dito po ba nakatira si Martha Martinez? Kapatid niya ho ako, matagal ko na kasi siyang hinahanap eh” tugon ni Cecilia. “nako, sayang, nahuli kayo ng dating, mga isang oras na ng nakaalis sila may dumating kasi na mga pulis eh, tapos ayun, di ko lang alam saan sila napunta at kung anong oras sila babalik” paliwanag ng kapitbahay nila Martha. Labis naman ang kabiguan na nadama ni Cecilia, akala niya ay matutuldukan na ang kanyang paghahanap sa kanyang mga anak. Ang hangad niya na muli itong makapiling at ang pangarap niyang mapunan ang kanyang pagkukulang sa loob ng labing anim na taon simula ng inihabilin niya ito sa kanyang kapatid. “sige po, magbabakasakali nalang po ulit kami, siya nga po pala, pakitawagan na din po ako sa numerong ito kung sakaling dumating na sila, salamat po” may pagkabigong tugon ni Cecilia. Matapos ibigay ang numero ay sumakay na sina Cecilia sa sasakyan at malungkot na nilisan ang lugar. Ngunit ang hindi nila alam ay may nagmamatyag sa mga galaw niya. ************************** Sa isang coffe shop sa sikat na shopping mall.... Naisipan na magkita ni Madam Yumi at ni Veronica para na din makapagbonding at maisagawa ang kanilang plano. “salamat sa impormasyon, magaling ang ginagawa mo, ituloy mo lang ang pagmanman sa Cecilia na yan okay?” pagtatapos ni madam Yumi sa usapan sa kanyang cellphone. “mama, anong balita? May nalaman ka na ba sa itinatagong baho ng Cecilia na yan?” pag-usisa ni Veronica habang ninanamnam ang kanyang kape. “well, hija, sa tingin ko ay malapit na nating malaman, sabi ng tauhan ko ay may pinuntahan daw si Cecilia na isang bahay, parang may hinahanap eh, tiyak ko ang mga nakatira sa bahay na iyon ang makakapagsabi ng lihim ng Cecilia na yan” paliwanag ni Madam Yumi sabay higop sa kanyang brewed coffee. “parang naaamoy ko na ang pagsasama naming muli ni Shiro, hindi na ako makapag intay na mabuo ulit ang pamilya namin” masayang tugon ni Veronica. “basta hinay-hinay lang Veronica, wag kang padalos dalos ha? Mahirap ng magkamali, kakampi mo naman ako kaya wala kang dapat ipag alala” tugon ni madam Yumi sabay hawak sa kamay ni Veronica. Makahulugang ngiti lang ang naitugon nila sa isa’t isa para sa nalalapit na pagbagsak ni Cecilia. *********************************** Sa hospital kung saan naka confined si Steven... Abala ang kanyang ina sa kung sinuman ang kausap nito sa Cellphone. “may karapatan din si Steven dahil anak mo din siya! Iniwan mo kami at pinabayaan, pero wag mong kakalimutan na may responsibilidad ka din sa kanya! Kahit naging kabit mo lang ako dugo mo pa din ang nananalaytay kay Steven!” si Tessie na pinipigilang taasan ang kanyang boses dahil baka magising si Steven. Ang hindi alam ni Tessie ay nagising na si Steven at pinapakiramdaman siya sa kung sino ang kanyang kausap. “nay? Sino ang kausap mo? Ang itay ba?” si Steven na ikinagulat naman ni Tessie at agad na nagpaalam sa kausap. “ah, eh, oo siya nga, siya na lang kasi ang alam kong mahihingian natin ng tulong eh” paliwanag ni Tessie na agad na nilapitan ang anak. Tila umasim naman ang mukha ni Steven sa itinugon ni Tessie. “Nay di ba sabi ko wag na tayong makikipag ugnayan sa walang kwentang iyon? Aminin na natin na mahirap lang tayo pero hindi natin kailangan magmakaawa sa tulad niya” may galit na tugon ni Steven. “pero anak, paano nalang ang panggastos dito sa hospital? sa mga gamot mo? Anak naman, ilang araw din akong hindi nakapagtinda sa palengke” pagpapaintindi ni Tessie sa anak. “bahala kayo, basta pagkalabas ko ng hospital magdodoble kayod agad ako, gusto kong patunayan na kaya nating umahon sa hirap kahit wala siya sa buhay natin, tsaka gamitin niyo na din yung naipon kong pera, makatutulong din iyon, siya nga pala inay, hindi pa ba pumupunta sina Rylie?” si Steven. Agad naman napataas ang kilay ni Tessie sa pagkakadinig ng pangalan ni Rylie na labis niyang sinisisi sa sinapit ng kanyang anak. “pwede ba Steven? Buti pang layuan mo na ang malas na iyon! Tignan mo ang sinapit mo sa kakadikit mo sa baklang iyon?" saad ni Tessie. “nay!! Bakit niyo ba pinagsasalitaan si Rylie ng ganyan?! Matalik kong kaibigan si Rylie, walang may gusto ng nangyari sa amin” pagdepensa ni Steven. “teka nga, hoy Steven! Bakit ba parati mo nalang ipinagtatanggol yung bwiset na iyon?! Sabihin mo nga, magkaibigan lang ba talaga kayo?!!” si Tessie. Di naman agad nakatugon si Steven at sadya siyang napaisip, ano nga ba talaga sila ni Rylie? Kaibigan lang ba talaga ang turing niya dito? Basta ang alam lang niya ay masaya siyang kasama si Rylie. “inay, matalik kong kaibigan si Rylie, natural lang na ipagtanggol ko siya, isa pa kami nalang ni Amy ang sandigan niya sa oras na may problema siya hindi niyo ba naiintindihan yun? kami nalang ang pamilya niya" pagpupumilit ni Steven. Di na tumugon pa si Tessie dahil baka makasama pa kay Steven ang kanilang pagtatalo kaya iniwanan nalang muna niya ito saglit. ******************************** Sa bahay nila Amy... Nadatnan nila si aling Tina, ang nanay ni Amy, na naghahanda ng hapunan. “Amy? Saan kayo galing? Pagdating ko dito wala kayo, at saka sino yung naghatid sa inyo? Kotse ng pulis iyon di ba?” tanong ni Aling Tina habang naglalagay ng pinggan sa may lamesa. “ah, eh, kasi nay, nalaman na namin kung sino yung mga suspect na humarang kina Rylie kaya ayun nakakulong na sila” paliwanag ni Amy sabay tulong sa kanyang ina sa paghain at Agad din na tumulong si Rylie sa paglalagay ng kanin at ulam sa lamesa . “anak hindi ba delikado yung ginawa niyo? Mamaya eh nagkaroon ng barilan habang hinuhuli yung mga iyon” pangamba ni Aling Tina. “inay naman, safe kami noh, tignan niyo naman ang seksi niyong anak, alive and still blooming diba Rylie?” tugon ni Amy habang nagpose ng kung anu-ano. Natawa lang si Rylie sa pinaggagawa ni Amy, bago kumain ay nagpaalam muna si Rylie saglit sa banyo. Sinamantala naman ni Tina ang pagkakataon para makausap ang kanyang anak. “Amy, wag mo sanang masamain ang sasabihin ko pero, siguro ay kailangan ng umalis ni Rylie, siguro naman ay may iba pa siyang kamag-anak na malalapitan” panimula ni aling Tina. Nagulat naman si Amy sa mga binitawang salita ng kanyang ina, di niya akalain na sasabihin niya ang ganoon. Kilala niya kasi ang kanyang ina na mabait at matulungin sa kapwa kaya labis nalang ang kanyang pagkagulat sa nadinig. “inay bakit po? Nay naman, wala ng ibang kamag-anak si Rylie, yun ngang tinuring niyang pamilya eh inalipusta pa siya, nay, nakakaawa naman si Rylie, tsaka tumutulong naman siya dito sa bahay at sa paglalako ng tinda natin” katwiran ni Amy. “pero anak, naiintindihan ko naman iyon eh, pero iniisip lang din kita, sana maintindihan mo naman ako, gustuhin ko man na dumito nalang si Rylie ay di naman maari iyon, Amy, kapos din tayo sa buhay, hindi sapat ang kinikita ko sa palengke, simula ng mamatay ang tatay mo ay malaking responsibilidad na ang ipinatong niya sa akin, sana naman maunawaan mo ako” paliwanag ni Tina at hinawakan ng mahigpit ang kamay ni Amy. “pero inay, paano nalang si Rylie? Ang kaibigan ko? Wala na siyang pupuntahan pa” pagmamakaawa ni Amy. “pasensya ka na talaga amy, mabait na bata si Rylie at masipag pa, pero wala na tayong magagawa pa, buti pa eh, kausapin mo na siya tungkol dito” desisyon ni Tina. Napabuntong hininga lang si Amy dahil sa lungkot at awa na nararamdaman niya para sa kaibigan, ngunit ang hindi nila alam ay narinig lahat ni Rylie ang kanilang pinag-usapan. Naluha nalang si Rylie sa kanyang mga nadinig, kaya nagpasya nalang siya ng isang desisyon na babago sa kanyang buhay. ************************** Maneho ang magarang itim na sasakyan... Tinatahak nila Brix at Dianne ang kanilang daan pauwi, ginabi na kasi sila sa kanilang photo shoot sa baguio. “grabe, nakakapagod, kala ko pa naman mag oovernight tayo, ang saya pa naman dun” pag-angal ni Dianne. “overnight pa yang nasa isip mo, may pasok pa tayo bukas, tsaka madami pa akong aasikasuhin, palibhasa kaunti lang kasi ang inaasikaso mo eh” tugon ni Brix na abala sa pagmamaneho. “hmph! Alanganaman tumulong ako sa negosyo nila dad, eh wala pa naman akong alam tungkol doon, at saka kaya lang naman lalong dumadami ang aasikasuhin mo ay dahil din sa Vanessa na iyon, sabi ko sayo hiwalayan mo na iyon eh” tugon ni Dianne habang nakamasid sa nadadaanan nilang istraktura. “ayan ka nanaman, si Vanessa nanaman nakita mo, o sige, sabihin na natin na gusto ko siyang hiwalayan, pero, paano ko naman gagawin iyon? Ilang beses na akong umisip ng paraan pero wala” si Brix. “eh di pagselosin mo nalang siya, madami naman akong kaibigan eh” suhestiyon ni Dianne. “pwede ba Dianne, puro palpak naman yung mga ipinapakilala mo sa akin, naalala ko yung isa grabe, halos himatayin ako sa baho ng hininga, kung hindi naman hininga ang mabaho yung kilikili naman, papatayin mo ba ako sa baho?” paliwanag ni Brix na nakatuon pa din sa dinadaanan nila. “grabe ka naman, eh diba sabi mo ayaw mo nung maiinlove ka?” si Dianne na natatawa sa kuya niya. “oo nga, pero hindi ko sinabing may amoy naman ang ibigay mo sa akin para magpanggap na girlfriend ko, tsaka ayaw ko din ng maiinlove sa akin, gusto ko munang maging single” si Brix “di bale makakahanap tayo niyan” Paniniguro ni Dianne. “sana nga” maigsing tugon ni Brix na panandaliang nawala sa focus ng pagmamaneho. Nagulat nalang siya ng sumigaw si Dianne. “Kuya tignan mo yung dinadaanan natin aaahhhh!!!” SSSSCRRRRREEEEEECHHHHHHH!!!! Bago ang pangyayaring ito…. Sa bahay nila Amy ay maagang natulog ang lahat, ngunit lingid sa kaalaman nila ay gising pa si Rylie. “salamat sa lahat Amy, hindi ko makakalimutan ang kabaitan niyo sa akin” pabulong na sambit ni Rylie matapos sumilip sa kwarto ni Amy. Mabilis na nag ayos si Rylie ng kanyang mga gamit at agad na nilisan ang bahay nila Amy bago pa sila magising. Nag-iwan lang siya ng kapirasong papel kung saan madali itong makikita nila Amy. Nangangamba man ay nagpatuloy pa din si Rylie sa kanyang balak na pag alis, di alintana ang madilim na paligid na kanyang tatahakin. Mabigat man ang kalooban at puno ng dalamhati, di niya alam kung saan siya pupunta. Bigla nalang pumasok si Steven sa kanyang isipan. Ni hindi man lang niya ito nasilayan sa huling pagkakataon, ni hindi man lang siya nakapag pasalamat dito ng personal, sa mga tulong at pagtanggol na ginawa nito sa kanya. “pero ang mahalaga, nalaman at nahuli na ang may pakana sa pag harang sa amin, at ang pagiging ligtas ni Steven sa kapahamakan, masaya na ako doon” sambit ni Rylie sa sarili kasunod ang malalim na buntong hininga. Ngunit dahil sa lalim ng iniisip ay di niya napansin ang papalapit na sasakyan. ITUTULOY…..
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD