Muling sinipat ni Nouer ang bagay na itinuturo ng dalaga. Nasilip niya sa pagitan ng mga dahon ng halaman ang kulay pulang makinaryang pambukid na paroo’t-parito sa palayan “Para ka namang bata , para traktora lang eh, wala ba sa inyo sa Davao niyan?” Ani Nouer na tumalikod na sa dalaga. “Marami, pero doon sa nagmamaneho ako nalilibang. Ang galing niyang magnaneho, pero bakit nakatalukbong ang mukha niya, ayaw bang mainitan?” “Aba’y Ewan! Kaniya-kaniyang style ang mga trabahador kung paano nila maproprotektahan ang sarili nila sa init ng araw. Baka nahihiyang ipakita ang kagwapuhan niya . Halika na nga, gutom na ako, mamaya ka na ulit mag-daydreaming.” Naunang bumaba si Nouer at malungkot na humakbang sa baitang ng hagdanan. “Napakarami niyang mapupuna bakit yon pa?” Nasambit niya.

