BRIELLA'S POV
Ang daming tanong na ang nasa isip ko habang nakatingin sa entrance ng isang mall na ni minsan ay hindi ko pa napuntahan. Halos inabot din ng kalahating oras ang biyahe namin ni Senyorito Nyx at sa buong biyahe na iyon ay pareho lamang kaming tahimik. Kahit na marami akong tanong ay mas pinili kong manahimik na lamang.
Marahil ay mamimili ang amo ko at bilang personal maid niya, ako ang magiging tagabitbit niya. Kami lang kasing dalawa ang magkasama kaya inaasahan ko na iyon.
"Let's go," walang emosyong sabi sa akin ng senyorito.
Nagsimula na siyang maglakad papasok sa mall at tahimik lang akong nakasunod sa kaniya. Nasa likod lang niya ako dahil ganoon naman talaga ang set-up ng isang mag-amo. Ngunit napahinto ako nang bigla rin siyang tumigil. Humarap siya sa akin na nakakunot ang noo.
"What are you doing?" baritonong tanong pa niya sa akin.
"Sinusundan po kayo?" patanong na sagot ko naman.
Huminga ng malalim si Senyorito na waring nagpipigil ng inis. Wala namang masama sa sinagot ko dahil sinusundan ko naman talaga siya. Hindi ako pwedeng mapahiwalay sa kaniya dahil wala akong perang dala. Hindi ako makakauwi sa mansion kapag naiwan niya ako.
"Ayoko nang may nakasunod sa akin," walang emosyong sabi niya.
"E Senyorito, hindi po ako pwedeng humiwalay sa inyo. I mean, dapat po ba ay sa kotse ko na lang kayo hintayin?"
"What? Ang dami mo laging sinasabi. Ayoko nang may nakasunod sa hulihan ko kaya sabayan mo ako maglakad."
Hindi naman ako nakapagsalita dahil sa sinabi niya. Bigla akong nawalan ng sasabihin kaya napakamot na lang ako sa ulo ko. Humakbang ako palapit sa kaniya para magkapantay na kami.
"Much better. Let's go," sabi pa niya at saka nagsimula na uling maglakad.
Kahit nahihiya ay sumabay na ako sa paglalakad niya. Kapag bahagya siyang nauuna dahil sa malalaking hakbang niya ay tumitigil siya sandali para hintayin ako. Napakalaki ng mall kaya halos sampung minuto rin kaming naglakad bago nakarating sa isang shop na puro damit ang naka-display.
"I need an opinion. Ano bang klaseng mga damit ngayon ang isinusuot ng babae?" pagbasag niya sa katahimikan habang tinatahak namin ang papasok sa shop.
Kumunot naman ang noo ko. "Para po sa girlfriend niyo? O sa nililigawan niyo?" hindi ko napigilang itanong.
Gusto kong malaman kung may babae ba sa buhay ni Senyorito o kung nagkabalikan ba sila ni Ma'am Callie. Tama. Ang dapat kong unahin na alamin sa kaniya ay kung may napupusuan ba siyang iba.
Napangisi naman sa akin si Senyorito Nyx. "Pwede bang sundin mo na lang ako? Ipili mo ako ng mga damit," deretsong sabi niya.
Napabuntong hininga naman ako. "E tatapatin na kita, Senyorito. Mahirap lang ako kaya wala akong alam sa mga fashion ng babae. Makapagdamit lang ako ng disente ay ayos na ako. Kaya pasensya na po, maling babae ang isinama niyo."
"Then choose the clothes you're comfortable with. As simple as that."
"Seryoso po talaga kayo?" hindi makapaniwalang tanong ko pa.
"The h*ck, Briella. Just choose and pick," galit na sambit niya sa akin.
"Teka, alam niyo po ang totoong pangalan ko?" tanong ko pa.
Hindi nagsalita si Senyorito Nyx ngunit sinamaan niya ako ng tingin. Napaatras naman ako at alanganing ngumiti.
"Sige po. Mamimili na po ako," mahinang sabi ko.
Mabilis akong lumapit sa mga damit na naka-hanger at nagsimula nang magbuklat at magtingin. Wala talaga akong ideya sa mga ganito kaya natatakot akong baka lalo akong mapagalitan ng boss ko. Pero kapag hindi ko naman siya sinunod ay magagalit din siya sa akin. Hindi ko tuloy alam kung may sayad ba sa utak itong Nyx na ito. Hindi ko talaga maintindihan ang ugali niya. May something sa kaniya na hindi ko ma-gets.
At dahil mahilig ako sa mga t-shirt ay iyon ang mga kinuha ko. Lima ang napili ko at nang tingnan ko si Senyorito ay nakaupo na siya ngunit nakatingin sa may gawi ko.
"Kung sino man ang pagbibigyan mo ng mga damit, paniguradong hindi niya magugustuhan ang mga ito," bulong ko pa sa sarili ko habang tinitingnan ulit isa isa ang mga hawak kong t-shirt.
"May sinasabi ka?"
"Ay kabayo!"
Napahawak ako sa dibdib ko nang biglang magsalita sa likod ko si Senyorito Nyx. Hindi ko na napansin na nakalapit na pala siya sa akin. At hindi nakatakas sa paningin ko ang bahagyang pagngiti niya dahil sa pagkagulat ko.
"Anong sinabi mo kanina?" pag-uulit pa niya sa tanong niya.
Tumalikod ako sa kaniya. "Wala po. Sabi ko po ayos na siguro ang mga ito," pagsisinungaling ko.
Kinuha niya ang mga hawak ko at isa isa rin 'yong tiningnan. Wala siyang sinabing kahit na anong side comments. Iniabot niya ang mga damit sa saleslady na nakasunod sa kaniya. Bukod sa mga damit na napili ko ay may hawak na rin ang saleslady na mga pantalon.
Kinuha ni Senyorito Nyx ang wallet sa bulsa niya at kinuha ang isang card. Iniabot niya ito sa saleslady. Umalis ang dalawa, ang amo ko ay naupo ulit habang ang saleslady ay nagderetso sa may cashier. Ako naman ay naglakad na rin palapit sa amo kong hindi ko na naman mabasa ang mood.
Iniabot sa akin ng saleslady ang ilang paperbag na naglalaman ng mga damit. Inagaw naman sa akin ni Senyorito ang mga iyon at saka siya naglakad palabas ng shop. Napairap naman ako at walang nagawa kundi ang sundan ang amo kong ewan.
Muli siyang tumigil sa paglalakad para hintayin ako kaya sinabayan ko siya dahil baka kung ano na naman ang sabihin niya. Pumasok kami sa isa pang shop ngunit hindi na iyon mga damit kundi mga cellphone. Sanay na akong makakita ng mga touchscreen na cellphone ngunit iba pa rin pala kapag nasa mismong tindahan na ako.
"One of these, please," sabi ni Senyorito Nyx sa saleslady at itinuro ang isang cellphone. Iniabot niya rin ang card niya.
Habang naghihintay ay naglakad lakad na lang muna ako sa loob ng store. Ang daming magagandang cellphone ang naka-display ngunit ang mamahal din ng mga presyo. Nakakalula silang tingnan. Napakayaman talaga nitong si Senyorito. Parang barya lang sa kaniya ang mga ito habang ako, kulang yata ang isang taon para kitain ang ganito kalaking pera. At isa pa, maganda pa ang cellphone niya pero bumili na siya ng bago. Samantalang ako, habang nakakapag-send pa ako ng text message kay Nanay ay hinding hindi ko papalitan ang de-keypad kong cellphone.
Nang muli akong lumapit kay Senyorito Nyx ay saktong tapos na rin ang saleslady na ayusin ang binili ng amo ko. Iniabot nito ang paperbag kay Senyorito.
"Senyorito, ako na po ang magdadala," pagpiprisinta ko.
Ngunit hindi niya pinansin ang sinabi ko.
"Hindi pa ako kumakain ng almusal, and it's almost lunch time. Let's eat first before going home," imbes ay sabi niya.
Hindi na lang ako nagsalita. Nagpunta kami sa isang restaurant na hindi ko kilala. Mukhang fine dining ito dahil may mga waiter na sumalubong sa amin.
"Table for two, Sir?"
"Yes, please."
"This way, Sir and Ma'am."
Sinundan namin ang waiter at doon niya kami dinala sa pinakagilid ng restaurant. Naiilang pa ako dahil ang mga customer nilang kumakain ay mga naka-formal, at maski si Senyorito ay naka-suit. Ang iba pa nga ay napatingin sa akin dahil sa damit na suot ko. Ramdam na ramdam kong hindi ako bagay sa mga ganitong lugar dahil sa mga tingin nilang iyon.
"Ah, Senyorito, sa labas ko na lang po kayo hihintayin," alanganing sabi ko sa amo ko nang makaupo na siya habang ako ay nakatayo pa rin sa gilid ng table.
"Sit," maiksing sabi niya.
Huminga ako ng malalim. "Senyorito, wala akong pambayad sa pagkain dito. Sa bahay na lang po ako kakain."
"Sit, Briella."
Kapag tinatawag niya ako sa totoong pangalan ko ay literal na nananayo ang mga balahibo ko at bumibilis ang t***k ng puso ko. Kaya kahit nagdadalawang isip ako ay umupo na lamang ako.
"Pumili ka na ng pagkain mo," mahinahon niyang sabi sa akin.
"Kayo na lang po ang bahala, Senyorito. Wala po akong alam sa mga pagkain dito," seryosong sabi ko sa kaniya.
"May allergy ka ba?"
"Sa seafoods po."
Um-order na si Senyorito ng pagkain at habang naghihintay kami ay hindi ako mapakali. Hindi ko alam kung dapat ko ba siyang kausapin o mananatili na lang akong tahimik. Pero paano ko naman siya mapapaibig kung hindi ako kikilos? Ang problema kasi, sa tuwing nagsasalita ako ay lalo yatang lumalayo ang loob niya sa akin.
"Noong una tayong magkita, anong ginagawa mo sa subdivision na 'yon?" pagbasag niya sa katahimikan.
Napaiwas naman ako ng tingin. Hindi niya pwedeng malaman na dati akong kasambahay sa mansion ng ex niyang si Ma'am Callie. Isa iyon sa rules ni Ma'am Callie dahil baka raw maghinala sa akin si Senyorito.
"Namamasukan po ako doon," ang tanging sinabi ko.
"So, paano ka napunta sa amin?" tanong pa niya.
Hindi ko na nasagot ang tanong niya dahil dumating na ang pagkain na in-order niya. Ipinagpasalamat ko naman iyon dahil hindi ko alam kung anong isasagot sa tanong niya.
"Let's eat."
Hindi na ako nagdalawang isip na kumain dahil mukhang masarap ang mga in-order niya. Hindi ko alam ang tawag sa luto ng karne pero nang tikman ko ito ay hindi ko napigilan ang mapangiti. Ngayon lang ako nakakain ng ganito kasarap na pagkain. Kaya kahit kaharap ko pa ang boss ko ay hindi ko na siya pinansin pa. Pinagtuunan ko na lang ng pansin ang pagkain ko.
Napahinga ako ng malalim nang maubos ko na ang pagkain ko. Nang tumingin ako kay Senyorito ay nakatingin din pala siya sa akin.
"Done?" tanong pa niya.
"Opo, Senyorito. Ang sarap ng pagkain dito," pabulong kong sabi sa kaniya.
Napatango naman siya. Nag-stay pa kami ng ilang minuto para pababain ang mga kinain namin. Ilang saglit pa ay nagyaya na siya paalis na agad ko namang sinunod. Dumeretso na kami sa kotse niya.
Pagkasakay ay iniabot niya sa akin ang mga paperbag na naglalaman ng mga damit na binili niya.
"Nagbago na ang isip ko. Sa 'yo na lang 'yan," seryosong sabi niya.
"Po?" gulat kong tanong.
"Hindi 'yan magugustuhan ng pagbibigyan ko kaya sa 'yo na lang. Bibili na lang ako ng bago," sabi pa niya.
Hindi makapaniwalang tumingin ako kay Senyorito Nyx. Pinaandar na niya ang sasakyan at mukhang seryoso nga siya sa sinabi niya. Hindi ko tuloy alam kung maiinsulto ba ako dahil parang sinasabi niyang hindi maganda ang mga napili ko, o matutuwa ako dahil binigyan niya ako ng damit, at limang piraso pa. Mamahalin din ang mga damit na ito kahit mga simpleng t-shirt lang. Pati pala ang mga pants ay ibinigay na rin niya sa akin.
"S-salamat po," nahihiyang sabi ko sa kaniya.
Pagkarating namin sa bahay ay sinabi niya sa akin na magpalit muna ako ng damit at pagkatapos ay pumunta ako sa kwarto niya. Kaya mabilis kong itinago ang mga damit sa bag ko bago ako nagpalit ng damit. Hindi ko muna sasabihin kay Ate Jenny ang tungkol sa mga nangyari ngayon.
Katulad ng bilin niya, agad ko siyang pinuntahan sa kwarto niya. Nakabihis na rin siya ng pambahay at kasalukuyang nakahiga sa kama niya. Nang makita niya ako ay bumangon siya at lumapit sa akin.
"Can I see your phone?" walang emosyong sabi niya.
Kahit nagtataka ay sinunod ko na lang ang sinabi niya. Kinuha ko ang phone ko sa bulsa at iniabot sa kaniya iyon. Pinagmasdan pa niya ito bago niya malakas na inihagis sa pader ng kwarto. Halos manlambot ako habang pinapanood ang durog durog na cellphone ko.
"S-senyorito," naiiyak kong sambit.
"Hindi ko pa rin nakakalimutan ang ginawa mong pag-ignore sa tawag ko kanina. Iyan ang parusa mo."
Lumapit ako sa cellphone ko at pinulot ang sim card ko. Ito na lang kasi ang communication ko sa pamilya at mga kaibigan ko. Hindi ko kayang palitan ang cellphone na ito dahil wala pa akong sapat na ipon.
"Pero hindi pwedeng mawalan ako ng communication sa 'yo lalo na kapag wala ako dito sa bahay," dugtong na sabi pa ni Senyorito Nyx.
Iniabot niya sa akin ang cellphone na binili niya sa mall kanina. Mabilis naman akong umiling habang umiiyak.
"Hindi ko po matatanggap 'yan."
"It's my order, Briella. Naka-save na rin dito ang number ko kaya dapat ay sagutin mo agad ang tawag ko sa susunod."
Hindi na ako nagsalita pa. Tinanggap ko na lang ang cellphone na iniaabot niya. Inimis ko na rin ang mga nagkalat na parts ng cellphone habang si Senyorito ay bumalik sa pagkakahiga niya. Bago ako lumabas ng kwarto niya ay sinulyapan ko pa siya.
Baka nga nararapat lang na pasakitan siya ni Ma'am Callie dahil matigas ang puso niya.
Ipinapangako ko, Mr. Nyx Brandon Mallari, mahuhulog ka sa akin at ako mismo ang makakapanakit sa 'yo. Mararamdaman mo ang mga sakit na ipinaramdam mo sa mga babaeng pinaluha mo lang.