NOSGEL POINT OF VIEW
Umaga pa lang, kabado na agad ako. Hindi dahil may board meeting o may bagong trauma na dadating mula sa boss kong may amnesia. Kundi dahil may kakaiba sa kilos ni Aethan ngayong araw.
Pagkagising pa lang niya, hindi niya ako tinawag na “Gel-Gel.” Hindi rin siya humingi ng tubig o nagpaalalay papuntang banyo. Tumayo siya mag-isa, nilapitan ang bintana, at tumitig lang doon na parang may soundtrack ng inspirational music sa utak niya.
“Good morning,” bati ko habang bitbit ang tray ng almusal—oatmeal, itlog, at yes, ilang pirasong cucumber na in-slice kong parang Michelin star chef.
Lumingon siya. Medyo seryoso ang tingin niya, ‘yung tipong hindi mo alam kung lalapit siya para yakapin ka o para sabihing may deadline kang nakalimutan.
“Gel... may weird akong nararamdaman,” sabi niya.
Napalunok ako. “Weird? As in… masakit ulo mo? May naaalala ka ba?”
Umiling siya. “Hindi. Pero... para bang may calling ako.”
Calling? Calling to what? Revenge? Ice cream? Suicide?
Tumingin siya sa tray, ngumiti ng konti pero hindi pa rin nawala ‘yung sobrang serious na aura niya. Tinanggap niya ang tray, pero bago pa siya makakain, may sinabi siya na nagpahinto sa buong mundo ko.
“Kanina, habang tinitingnan ko ‘yung cross sa wall… naisip ko… what if gusto kong maging pari?”
Teka. Pakiulit nga.
“Ha?” tanong ko, hoping na hallucination lang ‘to dahil puyat ako.
“Maging pari,” ulit niya, mas firm ngayon. “I don’t know… parang ang peaceful ng idea. Simplicity. Devotion. Walang galit. Walang ingay. Baka ‘yon talaga ang purpose ko.”
PUTANGINA.
Hindi ako makagalaw. Hindi ako makahinga. Hindi ako makatawa kahit gustong-gusto ko. Kasi what the actual hell, Aethan? Mula sa CEO from hell to… aspiring priest?
“Ano bang napapanood mong teleserye sa panaginip mo, ha?” natatawang tanong ko kahit pilit ang tawa.
Pero seryoso siyang tumingin sa akin. “Hindi ko alam kung bakit, pero parang… nararamdaman kong ito ang dapat kong tahakin. Simula nang mawalan ako ng alaala, parang nabura rin ‘yung galit sa dibdib ko. Parang gusto ko lang ng katahimikan. Isang buhay na may kabuluhan.”
Napa-ubo ako sa gulat. “Excuse me, ha. Pero hindi ba ako ‘yung kabuluhan mo ngayon? Girlfriend mo ako, remember? Alam ng buong mundo na tayo!”
“I know,” bulong niya. “Pero baka hindi ito ang tamang panahon para sa love. Baka kailangan kong unahin ang spirit ko. Ang soul ko.”
Spirit mo mukha mo.
Pinilit kong ngumiti. “Sige, sige. Let’s breathe. Kumain ka muna ng cucumber. Favorite mo ‘yan, ‘di ba?” At inabot ko ang piraso.
Tiningnan niya ito na parang kinakausap niya ang multo ng past self niya. “Sigurado ka bang favorite ko ‘to?”
“Of course!” sabay lagay ng cucumber sa bunganga niya.
Kinagat niya. Napakurap. “Weird… parang gusto kong umiyak.”
Na-pressure ako. “Tears of joy ‘yan! Dahil sa spiritual awakening mo!”
Tumango siya, kunwari naniniwala.
Pero habang kumakain siya, ramdam kong kailangan ko nang magdesisyon. This is not part of the plan. Wala sa revenge plot ang pagiging madre. Este, pagiging jowa ng future pari.
Tumayo ako at agad nag-message kay Jilly.
NOSGEL: Girl. Emergency. Aethan wants to be a priest.
JILLY: Luh. From boss from hell to Pope?
NOSGEL: Hindi na to biro. I need a Plan B.
JILLY: Convince him na may calling siya… sa’yo.
Napapikit ako. Tama. Ako ang calling niya. Ako ang destiny niya. Hindi ang kumbento. Hindi ang seminaryo. Ako—ang babaeng nagpakain sa kanya ng cucumber at nagsinungaling sa buong bansa.
Lumapit ako sa kama niya at umupo sa tabi.
“Aethan, babe, listen. Hindi mo ba naisip… baka ‘yung peace na nararamdaman mo ngayon, galing ‘yon sa akin?”
Napakunot noo siya. “Ha?”
“Think about it. Since I’ve been taking care of you, wala kang stress. Wala kang galit. Ako ang reason ng katahimikan mo. Hindi mo kailangan maging pari para mahanap ‘yon.”
Tahimik siya. Parang kinukuwestiyon ang existence niya.
“I’m not saying wag mong sundin ang puso mo,” dagdag ko. “Pero… baka mali lang ng interpretation. Baka ang gusto mo lang ay pagmamahal. Yung totoo. Yung hindi sigawan. Yung hindi trabaho.”
“Pagmamahal?” ulit niya. “Like… from you?”
“Yes.” Lumingon ako sa kanya. Pinatamis ko pa ang boses ko. “Ako ang peace mo, Aethan. Ako ang calling mo.”
Sumandal siya. Pinikit ang mata. “That... makes sense.”
YES.
Ilang segundo ng katahimikan. Tinitigan ko lang siya. Feeling ko nanalo ako sa loto ng kasinungalingan. Pero bago pa ako mag-victory dance, may sinabi ulit siya na halos ikatirik ng kaluluwa ko.
“Pero pwede pa rin siguro akong mag-retreat sa Baguio, ‘di ba? For soul-searching?”
“Retreat? Sa Baguio?” nauutal kong ulit.
Tumango siya. “Three days lang. Gusto ko lang makasigurado sa nararamdaman ko. Kung ako ba talaga ay para sa simbahan… o para sa’yo.”
Tiningnan ko siya. Hindi ko alam kung bubunot ako ng IV niya at tatakbo kami palayo o magpapabook na ako ng AirBnB sa tabi ng monastery.
Tatlong araw. Tatlong araw na baka bumalik ang alaala niya. Tatlong araw na baka maisip niyang hindi niya ako talaga kilala. Na ako lang ay isang big fat liar na nagpretend maging jowa niya habang nawawala ang memorya niya.
Ngumiti ako. Pekeng-peke.
“Of course, babe. Go find your peace. Pero kapag bumalik ka... sana andun pa rin ako.”
Tumango siya. “Promise. Kasi kahit wala akong maalala… alam kong mahalaga ka.”
AWWW.
But also… s**t.
Kasi habang sinasabi niya ‘yon, ramdam ko. Ramdam ko na totoo ang sinabi niya. Ramdam ko na kahit peke ang lahat, may part sa kanya—yung Aethan na may amnesia—na naniniwalang mahal niya ako.
At ako?
Ako na dapat ay may grand revenge plot?
Ako ngayon ang natataranta.
Kasi paano kung… mahal ko na rin siya?
Hindi puwede. Hindi dapat.
Pero para sa ngayon… kailangan ko munang pigilan siyang maging pari.
At siguraduhing ako ang langit niya.
Hindi ang simbahan.