CHAPTER 12
Hindi ko alam kung ikatutuwa ko ba na sila ang magiging ka-groupmates ko ngayon. Para kaming pinaglalaruan ng tadhana. Nakakaloka!
“Group five? Sino ang leader n’yo?” Nagkatinginan kaming lima sa tanong ni Ma’am. Walang gustong sumagot at gumalaw kaya ako na lang ang gumawa.
“Si, Claudine po sa ‘min, Ma’am,” I said. Of course, sino pa ba? Siya lang naman ang pinakamatalino rito. Well, sama n’yo na si Leo.
“Okay, noted.”
“Bakit ako?” gulat na ani Claudine nang makaalis si Ma’am.
“Bakit hindi? Isa pa sanay ka naman na, magugulat ka pa ba?” Inirapan ko siya. Umayos ako ng upo at tiningnan si Jette. Nakita kong wala naman siyang kung anong pasa sa mukha kaya medyo napanatag ako na iniwan ko siya kanina. Baliw din ang Arlo na ‘yon, ah! Kasalanan ko ba kung pinaasa ko siya? Huh! Kapal din ng mukha! Hindi ko naman sinabi na umasa siya!
“Jette,” tawag ko sa kanya. Agad naman siyang bumaling sa ‘kin, nakabusangot ang mukha niya. Well, lagi naman, eh.
“Ano?” masungit niyang ani. Para talagang may regla ‘to araw-araw. Laging galit sa mundo.
“Salamat para sa ginawa mo kanina.” Hindi ako ngumiti. Tumango lang naman siya at muling nag-iwas ng tingin.
Pinanood ko silang lahat isa-isa. Si Krisha ay may kung ano-anong sinusulat sa notebook niya, si Claudine ay nakatingin sa pisara at mukhang inaabangan ang susunod na sasabihin ng teacher namin. Si Leo naman ay palipat-lipat din ang tingin sa ‘min, nang magtama ang tingin naming dalawa ay tinaasan ko siya ng kilay kaya nag-iwas siya. Si Jette ay parang tanga lang sa tabi dahil ayaw tumingin sa ‘min. Halatang umiiwas.
“Your activity for this week is you’re going to perform a dance activity. Make sure to create steps that will help you improve your body and make it healthy. Include it in your dance performance. You can choose your own music and you can start now with your practice.”
Medyo na-excite ako na sasayaw kami kaya lang ay nakakatamad.
“Hindi ako marunong sumayaw.” Freya chuckled.
“Ako rin naman,” ani Claudine. “But I’m sure we can watch something online para magaya natin. Iyong madali lang.”
“Ako na magku-choreographer,” presenta ko. Tiningnan ko ang dalawang lalaki at nginisihan.
“That’s great then! We can proceed now to our music, ayos lang ba sa inyo ‘yon?” tanong ni Claudine habang naglilista ng pangalan namin sa one fourth sheet of paper.
“Emily, ‘di ba close kayo ni Krisha rati? Totoo bang buntis siya?” May narinig akong nagtanong sa kabilang group kaya agad akong napabaling.
Agad na nagtama ang tingin namin ni Emily, siguro ay kanina niya pa ‘ko tinitingnan. Inirapan ko siya kaya nag-iwas siya ng tingin.
“Oo, totoo ‘yon.” Kumuyom ang kamao ko sa sagot niya. She’s confirming it to everyone! How dare she do that! Aamin naman talaga ako na buntis ako pero wala siyang karapatan na kompirmahin sa mga tao ang totoo! Napaka walang hiya naman niya! Baka nakakalimutan niya ng trinaydor niya ‘ko.
Bumaba ang tingin ko sa kamay na humawak sa ‘kin. It’s Claudine, siya kasi ang katabi ko.
“Kumalma ka lang,” aniya sabay baba ng tingin sa nakakuyom ko na kamao. Huminga ako nang malalim at paulit-ulit na tumango. Bawal akong ma-stress ngayon.
“I will,” I told her that.
“So, magpa-practice na ba tayo? Ang iba ay nagpa-practice na.” Napatingin ako sa labas at nakita ko nga roon ang iba kong mga kaklase.
“Wala pa tayong music, ano’ng sasayawin natin?” Freya asked. Napatingin kaming lahat kay Leo nang iabot niya ang cellphone kay Freya. Nagulat ako roon kaya napaawang ang labi ko.
“You can scroll on my phone, marami akong music d’yan. Pwede n‘yo rin e-search online if wala sa playlist,” ani Leo. Hindi pa rin tinatanggap ni Freya ang cellphone ni Leo dahil maging ito ay nagulat din.
“Ah, mabuti pa nga Freya,” ani Claudine nang mapansin na ayaw kunin ni Freya ang mamahaling cellphone ni Leo.
“S-sige,” aniya sabay kuha sa cellphone ni Leo. Agad niya itong inabot kay Claudine para silang dalawa ang magtingin sa music.
“Ikaw Krisha, may suggestion ka?” Claudine asked.
“Magtingin muna kayo d’yan,” sabi ko sabay baling kay Jette. Bahagya kong sinipa ang sapatos niya kaya iritado siyang napatingin sa ‘kin. “Ikaw? Ano‘ng ambag mo?” pang-iinis ko sa kanya. Inirapan niya naman ako at sinamaan ng tingin.
“Tss.” Natawa ako sa reaction niya, ewan ko ba pero bigla akong naaaliw kay Jette. Siguro dahil tinulongan niya ‘ko kanina.
“Ito kaya?” Claudine said and played the music.
“OPM?” I asked. Pwede naman siyang sayawin pero very unusual.
“Magands siya pero. . .” alanganin na sinabi ni Freya.
“May nai-imagine kasi akong easy steps sa kanta,” aniya.
“Maganda rin naman ang message ng kanta,” ani ko. I started to create a possible steps for the song. Interesting at medyo kakaiba nga. Tuloy Pa Rin ang title ng kanta, joyful at mas mabilis na version nga lang. Maganda naman ang song choice ni Claudine, medyo mahirap lang e-execute pero keri naman.
“Pwede naman nating palitan kung ayaw n’yo,” sabi niya at pinatay ang kanta para pumili ng iba.
“Okay lang sa ‘kin, pwede naman. Saka sabi ni Ma’am kahit anong genre ng sayaw ay pwede.”
“Okay na rin sa ‘kin. Medyo cool nga,” ani Freya.
“Anything’s fine with me,” si Leo.
“Kahit ano,” si Jette.
“Good then! Now, simulan na natin ang practice.” Pumalakpak si Claudine at tumayo.
Nagpasya kaming pumunta sa likuran ng classroom para roon mag-practice kaya lang hindi naman alam paano sisimulan. Nag-usap na lang kami ni Claudine na buoin muna ang steps para maituro namin sa kanila. Hindi marunong sumayaw si Freya, si Claudine naman ay marunong kahit papaano. Natural dahil competitive siyang tao.
“‘Di ba Krisha buntis ka? Baka mapano ka niyan?” Natigilan ako sa pagsasayaw nang may kaklase na lumapit. Nagulat ako sa kanya. Pinunasan ko ang pawis sa noo, maging sina Jette, Leo, at Freya na nakaupo lang sa tabi ay napatingin sa ‘min. Magsasalita na sana ako nang si Claudine ang nagsalita.
“Pwede ba? Nagpa-practice kami rito, don’t bother us and mind your own group,” masungit na aniya. Medyo sumama ang loob ko sa nagtanong na iyon pero natawa pa rin ako kay Claudine.
“Boom! English.” Umiling lang siya sa ‘kin.
“Paano nga ‘yung steps?” she asked instead. Tinuruan ko siya at mabilis naman siyang natuto. She’s a fast learner. Nakagawa na kami ng steps para sa first verse, so far ay nae-enjoy ko naman ang activity namin. Maganda ang nagawa naming steps ni Claudine. Ituturo na sana namin sa tatlo naming kasama kaya lang ay kinapos kami sa oras. Sinabihan na lang kami ng teacher namin na ituloy ang practice during free time namin.
“We need to finish the steps, mag-practice tayo during our free time,” paalala ni Claudine habang nagpupunas ng pawis. Naabutan ko ang malagkit na tingin sa kanya ni Jette kaya bahagya akong napangisi.
“Matatapos ba natin ‘to agad? Sa susunod na Lunes na ang performance natin at medyo kapos tayo sa oras dahil konti lang ang free time natin.
“Ayaw ko rin mag-practice sa ground during free time. Para tayong timang dahil tayong lima lang ang sumasayaw.”
“Magpa-practice din naman yata ‘yung iba sa ground during free time,” Freya said.
“Still!” Ngumiwi ako sa kanya.
“Tama, parang tanga nga ‘yon,” pagsang- ayon ni Jette.
“Ayaw ko rin mag-practice sa ground,” si Leo. Claudine sighed, pansin ko na medyo pressured siya. Siguro ay gusto niyang habolin ang grades.
“Kung hindi tayo magpa-practice sa ground paano tayo matututo?” medyo iritadong aniya. Nagkibit naman ako ng balikat.
“Weekends? Mag-practice tayo ng Saturday,” Leo suggested.
“Hindi ba bawal ‘yon? Ang mag-practice during non-school days? Baka mapagalitan tayo ng teachers?” si Freya.
“Walang magagalit kung walang makakaalam,” ani Jette. Nginisihan ko siya at tinapik sa braso.
“Ayos ng motto natin, ah?” Tinaasan ko siya ng kilay.
Claudine sighed kaya napatingin kami sa kanya. “Okay fine, mag-practice tayo ng Saturday sa bahay namin. Sakto at wala ang parents ko, I’ll provide the tools there para wala na tayong problemahin.”
“Edi ayos!” ani Jette kaya napatingin ako sa kanya. I smirked.
“How about the others?” she asked. Ni hindi man lang niya tiningnan si Jette.
“Ayos lang sa ‘kin,” si Leo.
“A-ah, s-sige,” si Freya.
“Walang problema sa ‘kin,” ani ko.