Kabanata XVII

1875 Words
"SO... magpapanggap na lang ba tayong walang nangyaring almost-catfight kanina?" Papalubog na ang araw. Nakabisita na ang ilan sa mga kakilala ko. Nandito pa rin si Emyrine. Siya lang naman ang inaasahan kong magbabantay sa akin dahil tiyak taglandi na naman si Alphonse. Syempre, hindi rin naman darating ang magaling kong nanay. "Hindi ko alam sinasabi mo." Nagtalukbong ako ng kumot. Kanina pa niya ako kinukulit sa kung ano ang mayroon sa amin ni Ieshia. Kahit pa gustuhin kong sagutin iyon, mahirap. Malabo ang kasagutan. At wala na rin namang patutunguhan. Noon pa nga lang, ayaw ko na. Mas lalo na ngayon dahil sa nalaman ko. Natulak ako sa gilid nang humiga siya sa tabi ko. Tinusok-tusok niya ang tagiliran ko. I groaned to show my annoyance. "Huy, magkwento ka na, dali! Fling mo rin 'yon si Attorney?" Halata ang excitement sa boses niya. Tsismosa. "Wala akong ikekwento." Nagtanggal ako ng kumot. "Ba't ba attorney ka dyan nang attorney? Ano ba pakilala sa 'yo no'n?" Umayos siya ng upo. "Ganito kasi 'yon; siya itong tumawag sa 'kin at nagsabi na naaksidente ka nga. Hindi raw niya matawagan si Tita dahil baka magalit ka. Tapos ang pakilala niya sa 'kin..." Tumikhim siya. Sumeryoso ang mukha at nagbago ang boses. Medyo lumalim. "I'm Atty. Ieshia Velarde, Callie's special counsel." Katahimikan. At bigla kaming sumabog sa halakhakan. As in maluha-luha pa. "Sira ka! HAHAHA!" Laftrip e! Kuhang-kuha niya ang pananalita ni Ieshia. Pati na rin iyong matang parang nanunukat palagi. Nakalimutan ko ang mga problema ko, pero panandalian lang. Dahil sa huli, babalik at babalik pa rin ako sa katotohanan. HINDI nagtagal nang isang linggo ang pananatili ko sa ospital. Pinilit ko ang doktor na palayain na ako. Tiyak din naman akong nauumay na sa akin iyon kalalandi ko sa nurses niya. Pinaalis ako sa kondisyon na hindi ako lulubayan ni Emyrine dahil pagkatapos daw ng tinira ko, baka kung anu-ano ang maramdaman kong hindi maganda. Depression, suicidal thoughts and all that s**t. Mag-isa ako sa apartment dahil nagpaalam saglit si Emyrine para silipin ang restaurant. Si Alphonse... ewan. Na-gang rape na siguro. Nanalamin ako. Sobrang haggard ng hitsura ko. Ang putla ng kulay ko tapos may mga pasa pa sa mukha at braso ko. Lumalabas na rin ang itim sa roots ng buhok ko. Naisip ko tuloy, itong hitsurang ito, pinagtatalunan nina Ieshia at Nadine? Joke's on them. Uminom ako ng tubig. Naisipan kong matulog pero ang ending, nakatulala lang ako sa kisame kasi tanghaling tapat nga naman. Lumingon ako sa negative painting sa kwarto. Naisip kong magluto. Kakapamili ko lang din naman. Hindi ko kailangan ng traydor na magluluto para sa akin. Pinapakain ako ng matatamis niyang salita pero may balak palang lasunin ako. Kabubukas ko pa lang ng ref nang biglang tumunog ang phone. Bumalik ako sa sofa para tingnan. Si Attorney lang naman pala. Hindi ko pinansin ang text message niya. Nawalan na naman tuloy ako ng gana kumilos. Nagsalang na lang ako ng pelikula, 'Martyrs', 'yung French version. Nagsisi ako dahil nang matapos ko, humahagulgol ako ng iyak. Weird nga e. Hindi naman siya nakakaiyak talaga, more like disturbing dahil sa tema at violence, pero naiyak ako. Bigla namang bumukas ang pinto sa apartment. Nandoon sina Emyrine at Ieshia. And they just saw me crying over a movie. s**t. Mabilis kong pinatay ang tv. Marahas kong pinunasan ang mukha ko. "Anong ginagawa mo rito?" pagmamatapang ko kay Ieshia sabay tayo. Inilapag ni Emyrine sa coffee table ang take out meals na dala niya mula sa Il Trio. Ieshia is still looking back and forth between me and the tv. Ugh. Malamang aasarin na naman ako nito. "Nagkita kami ni Attorney sa Il Trio kanina. Small world nga e. May kausap siyang kliyente roon kanina," paliwanag ni Emyrine. Nanlaki ang mata ko sa narinig. Pati ba naman iyon nagawang alamin ni Ieshia? O baka kay Mommy niya iyon nalaman. Hinawakan ko siya sa kamay. Batid ko ang pagkagulat niya. Hinila ko siya sa kwarto ko. Binitiwan ko rin siya kaagad kasi nakakakuryente. Padabog kong sinara ang pinto. Sumasakit ang ulo ko pero hindi ko pinansin. Hindi rin naman ako ini-prescribe ng doktor ng painkiller. "Hindi ka na lang nagpapaka-pokpok kay Chiara ngayon? Stalker ka na rin?" sumbat ko sa kaniya. Hindi siya sumagot. Nakatingin lang siya sa akin na parang misteryo, parang aklat na binubuklat gamit ang mata lamang. Isa pa sa mga bagay na ayaw ko kay Ieshia. Hindi ko siya maintindihan. Tinulak ko ang balikat niya sa inis. Ang isa naging dalawa. Tapos naging tatlo. Hanggang sa umiiyak na ako sa balikat niya at inaalo na niya ang likod ko. Nagiging emosyonal na naman ako. Nagkandaloko-loko na yata ang hormones ko kaka-drugs. O baka mas matinding drugs lang talaga si Ieshia na nagiging babae ako kapag siya ang kaharap. Naramdaman ko ang marahang pag-taas baba ng dibdib niya sa kaniyang pagbuntong hininga. "Ano bang nangyayari sa 'yo, Callie? Gulong-gulo na 'ko." "Wow." Lumayo ako sa kaniya. Nahanap kong muli ang katatagan ng tuhod ko. "Sa 'yo talaga nanggagaling 'yan? Kung gulong-gulo ka na, pwes sinalanta na ng bagyong Ieshia ang utak ko." Nagpunas ako ng mukha. Pinangatawanan ko na talaga ang pagiging pangit a. "Akala ko may something na sa 'tin e. Pinaramdam mo sa 'kin na espesyal ako. Pinagbuksan kita ng pinto." Hindi ko na napigilan. Kusang lumabas ang mga salita sa bibig ko. Ayaw na nilang magkubli pa. "'Yon pala, binabayaran ka lang para gaguhin ako? Sa tingin mo ba magtatatalon pa 'ko sa tuwa no'n? Tapos ikaw pa ang may ganang dumating na naman at manggulo. Na kung umakto parang may tayo kahit ang totoo--" "Callie!" She gripped my shoulders. "Hindi ko nga alam kung anong ibinibintang mo sa 'kin!" "Ide-deny mo pa ngayon na kaya ka umaaligid sa 'kin kasi binayaran ka ni Mommy?!" singhal ko. "What?" tanging sambit niya. Hinihingal naman ako, hindi dahil sa ala-fliptop na sagutan kundi dahil na-exhaust ang pagkatao kong buong-buo kong isiniwalat sa kaniya. Mukha lang akong loko-loko pero marupok ako sa mga taong pinagkakatiwalaan ko. "'Yan ba ang kinagagalit mo?" Ngumiti siya. Hindi ko inaasahan iyon dahil mukha pa siyang relieved. Binuksan niya ang briefcase niya. May inilabas siya roong papel. Inabot niya iyon sa akin. "I'm working on a class-action lawsuit against your mom's company. My clients are pensioners of a friend's business." Binasa ko ang nakasulat sa papel. This action, which was commenced in August 2018, alleges that Angelus Financial Corporation ("AFC") and certain of its current and former officers and directors negligently made misrepresentations relating to AFC's risk management practices and policies during the period between November 14, 2017 and February 9, 2018. Tumigil na ako roon dahil baka magdugo na ang ilong ko. "I don't even know how you came to the conclusion that I'm being paid by your mother, but that's not the case, luv." Yumuko siya para ilapit ang mukha sa akin. Inasulto ng amoy niyang hasmin ang ilong ko. "Na-disappoint tuloy ako. Akala ko nagseselos ka dahil nakita mong kasama ko si Monique," she half-whispered in a teasing manner. Sa gulat ko sa pinagsasabi niya, wala sa isip na na-headbutt ko siya. Hindi naman ako nasaktan dahil bungo ko ang nakipagbuno sa kaniya pero labis ang pagkaliyong nararamdaman ko. "Kapal ng mukha mo! Maganda ka lang pero hindi sa 'yo umiikot mundo ko, uy!" Kaya pala parang ang saya pa niya. Feeling naman niya! Hindi siya nagsalita. Nakapikit siya habang hawak ang ilong niya. Bahagyang nakakunot ang noo niya. Paktay. Nasaktan ko yata. "Ieshia?" Bigla akong hindi makakilos. Hawak ng mainit ngunit malambot niyang kamay ang pulsuhan ko. Matalas ang tingin niya sa akin. "Had you been any other girl, you'd be in that bed right now... facing my wrath." Nangangati na naman ang kamay kong sampalin siya pero baka mapikon na kaya nagtimpi ako. Kahit pa pakiramdam ko ay mukha na akong kamatis sa mga pinagsasabi niya. Binawi ko ang kamay ko sa kaniya. "Parang si Monique? Alam mo, wala kang taste sa babae!" She scoffed. "You don't mean that," makahulugan niyang sabi. "My tastes are... complicated." "Huwag mo 'kong ini-English dyan!" Minabuti kong ibahin ang usapan. Alam ko na 'yan e. Mangpi-pick up line na naman 'yan. Baka mabola na ko. "So kaya mo kasama si Monique..." "To get some intel," she snapped. Akala ko nahimasmasan na ako pagkatapos ng inamin ni Ieshia. Pero kalakip niyon ang isang katotohanan. "Ayun naman pala e. Naghahanap ka ng butas kay Mommy." "Oh please. Stop acting as if you care what happens to her. Besides, if that's true, your dark secret should be out by now," tugon niya. May sense. Pero ayaw ko pa rin kumagat. May parte sa aking ayaw tanggapin na may isang Ieshia Velarde na sinserong may pakialam sa akin. "Bakit mo ba 'ko tinutulungan?" pamamrangka ko. Ginawa niya iyong misteryosong half-smile niya. "Kagaya nga ng sabi mo, interesado na 'ko sa 'yo." Nagpapasalamat ako sa lahat ng santo dahil sa pagkatok ni Emyrine. Kung hindi, marahil ay nagharumintado na naman ang puso ko. Sabi ko na nga ba, kaya iniiwasan ko ang malalanding linya ni Ieshia e. Hinawakan ko ang malamig na doorknob, kabaliktaran ng namamawis kong katawan. Sinamaan ko ng tingin si Ieshia. "Isa pa pala... kapag binastos mo ulit ang kahit sino sa mga kaibigan ko, sisiguraduhin kong magsisisi ka," paalala ko sa ginawa niya kay Nadine. Maaaring may excuse siya sa ibang bagay, pero hindi iyon. Sobra na iyon. Umawang ang bibig niya para magsalita pero binuksan ko ang pinto. "Tapos na lq n'yo?" bungad ni Emyrine. Inakbayan ako bigla ni Attorney. Pero higit na gumulat sa akin ay ang pagdampi ng labi niya sa gilid ng ulo ko. Tumili naman si Emyrine na akala mo sasabog na ang pantog. Hindi na ako naglakas loob na tingnan ang malamang na pilyang mukha ni Ieshia dahil ngayon pa lang ay halos tumigil na ang puso ko sa ginawa niya. "N-naku, tantanan n'yo 'ko." Iginalaw ko ang balikat ko para alisin ang mahaba niyang braso saka mabilis na bumalik sa salas. "Walang lq kasi wala namang love. Stalker ko 'yan e." Inihagis ko ang sarili sa sofa para maupo. Sinimulan kong halungkatin ang take out ni Em. Umupo sa tabi ko si Emyrine. Nakatayo sa harap namin si Ieshia--nakahalukipkip na animo'y isang modelo. "If I hadn't notified my cop friend that a certain Callie Veron Angeles might get in trouble after that stunt she pulled attempting to run me over, I wouldn't have known you were in an accident. So no, I won't apologize." Nakangisi siya, iyong tipong nang-aasar. Ganyan iyan. Feeling niya lagi nasa korte siya. Feeling niya lagi panalo siya. Pero hindi pa rin ako kumbinsido. "E ba't alam mo pati ang tungkol sa Il Trio?" "Alam ko ba na nag-invest ka noon sa business ng dalawa mong kaibigan? Oo. Pumunta ba ako roon dahil sa 'yo? Hindi. Like Emyrine said, I was there for a business meeting." "Sinungaling," maagap kong sabi. "Ang harsh mo masyado, Callie," komento ni Em. "Maupo ka, Attorney. Huwag mo masyado pinapansin 'to." Ngumiti si Ieshia kay Emyrine. Akala ko uupo na siya nang umiling siya. "Ayos lang ba kung hingin ko ang address, or kahit contact number ng kaibigan n'yo sa ospital kahapon?" tanong niyang nagpabigla sa akin. "Si Nadine? Bakit?" pagsasabuhay ni Emyrine ng tanong ko. "Gusto ko sanang mag-sorry sa inasal ko. I went over the line yesterday. Nadine didn't deserve that kind of treatment." Ilang beses na bang pinaramdam sa akin ni Ieshia ito ngayong araw? Na mahalaga ako? Na dapat ay sa akin ang bawat bituin sa kalangitan? Samantalang lumaki akong naniniwala na kahit anong gawin ko, hindi ako magiging sapat para sa nag-iisang taong gusto kong patunayan ang sarili ko--kay Mommy. Ang init sa puso. Parang hinahaplos ng mga salita ni Ieshia. Hindi ko namalayang naibigay na ni Emyrine ang hinihingi niya. Tumayo si Ieshia sa gilid ko. Ipinatong niya ang palad sa ulo ko. "Babalik ako." Tapos umalis na siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD