Sinungaling. Hindi pa rin siya bumabalik.
Ilang araw na ang lumipas pero ni anino ni Ieshia ay hindi ko nakita.
Pero sino ba naman kasing nagsabing hintayin ko, 'di ba? Sino ba nagsabing hinihintay ko?! Ang kaso umaalingasaw sa buong pagkatao ko ang pagiging talk s**t niya at naaasar ako.
Dahil taong bahay lang naman ako ngayon, nagsimula akong mag-subscribe sa mga cooking channels sa youtube.
Hindi naman sa may ginagaya ako. Sadyang wala lang magawa. Panay pa ang pagsakit ng ulo ko.
Ayun nga lang, madali lang palang panoorin. Kapag gagawin mo na, doon mararamdaman ang hirap.
Cheesy Nori na nga lang ang ihahanda ko para may ngangatngatin habang nanonood. Maghihiwa at balot lang ng ingredients pero nasugatan pa ako.
Sakto namang dumating si Em. Namutla siya nang makita ang nagdudugo kong daliri, pero kaagad siyang sumaklolo sa tabi ko.
As expected, sinermonan niya ako sa katangahan ko. Pero tinulungan din naman niya ako na linisin at balutin ang sugat.
Ganiyan si Emyrine, passive-aggressive. Ang ending, siya na ang nagpatuloy sa kusina habang nasa living room ako. Nagdagdag na rin siya ng Cheesy Pesto Pasta. Wala e. Mahilig talaga kami sa cheese, kaya nga pizzeria ang naitayo namin.
"Cals, tinuloy mo pala 'yung pag-resign?" tawag niya mula sa kusina.
Umaatake na naman ang motherly side niya.
"Oo e," maikli kong sagot.
"May pera ka pa naman? Sa'n mo balak mag-apply?" Sumilip siya mula sa entrada ng kitchen.
Bumuntong hininga ako. "Hindi ko alam e. Siguro isipin ko 'yan 'pag magaling na ako totally."
Umirap si Emyrine sa sarkastiko kong tugon, saka siya bumalik sa ginagawa sa loob.
"You should ask Tita Chiara for assistance."
Hindi ko na natiis. Imbes na mag-away pa kami dahil sa topic, isinuot ko na lang ang cyan sweater ko. Alam naman niya ang isasagot ko dyan pero ipu-push pa niya.
"Bili lang akong Diogesic," paalam ko.
Sa totoo lang kung anu-anong over-the-counter drugs na ang nasubukan ko para sa pesteng sakit ng ulo na ito. Mga iba't ibang paracetamol at ibuprofen. Panandalian lang ang talab, kalaunan wala pa nga dahil na-immune na yata ako.
Tumawag ako kanina sa assistant ng doktor ko para magpa-appoint ng schedule ang kaso hindi raw available ngayong araw.
Naglakad ako nang walang destinasyong patutunguhan. Naglakad nang walang iisang direksyong tinatahak.
Huminto ako sa harap ng Puregreen. Naalala ko na naman ang matangkad na babaeng 'yon na permanente na yatang nakalungga sa isip ko.
Ang maangas niyang ngiti, mga matang tila sinasamba ako kung makatingin.
Ayaw ko mang aminin, pero miss ko na si Ieshia Velarde.
"Peste ka talaga," singhal ko habang nilalabas ang phone at hinahanap ang pangalan niya.
Napatitig pa ako saglit sa pangalan niya. Nakatutok doon ang hinlalaki ko, naghihintay ng senyal sa utak ko na pindutin ito.
Baka naman hindi ko siya nami-miss. Baka bored lang ako, tapos pagsisihan ko pagkatapos dahil lalaki na naman ang ulo ng isang iyon.
Tapos naalala ko, nasa kaniya pa pala ang aviator ko. Limang libo rin 'yon!
Bahala na. Pinindot ko ang pangalan niya.
Pakiramdam ko huminto ang oras nang minutong iyon habang patuloy na nagri-ring ang phone. Nai-imagine ko na kaagad ang seductive niyang boses na sinasabi ang pangalan ko.
Siya ang nag-iisang taong kayang pagtunuging espesyal ang Callie, o kahit ano pang salita.
Pero nakalipas na ang ilang ring at wala pa ring sumasagot. Ako na ang nagkusang pumatay ng tawag.
I feel stupid.
Hindi nga nagpaparamdam iyong tao, 'di ba? Kasi wala siyang pakialam. Kaya bakit siya magkakaroon ng pake ngayon sa tawag ko?
Dumiretso akong ospital. Tama.
Ako si Callie Veron Angeles. Isa akong Angeles. Wala akong hinihintay kahit sino.
Itinanong ko sa resepsyonista kung darating si Dr. Manalo, oo raw.
Private hospital pero hindi mahigpit ang seguridad kaya mabilis lang akong nakapasok sa waiting room. Isang oras din akong naghintay hanggang sa dumating na siya.
Mabilis ko siyang sinundan. May lalaking humarang sa akin, may hinahanap na papel.
Nanlaki ang mata ni Doc nang mapansin ako.
"Kailangan ko lang na makausap ka, please," pagsusumamo ko.
Bumakas sa mukha niya ang pag-aalinlangan bago siya alanganing tumango. "Ako nang bahala," aniya sa lalaki.
Sinundan ko siya. Pagkaupo namin sa silid niya, walang patumpik-tumpik na sinabi ko sa kaniya ang problema.
Kailangan ko ng gamot, gamot na magpapaalis ng sakit na nararamdaman ko.
Huminga siya nang malalim. "Miss Angeles, hindi kita pwedeng resetahan ng hinihingi mo. May history ka ng addiction."
Lupaypay akong sumandal sa upuan sa narinig ko. "Seryoso ka dyan?"
Tumango siya, nakakalumbaba.
"E anong gagawin ko? Tiis-tiis na lang?" Nataasan ko siya ng boses.
Nahihirapan na talaga ako. Basically, sinasabi niyang wala siyang gagawin para tulungan ako.
"Hija, have you considered that what you're feeling is psychological? Okay naman ang x-ray results mo. Remember, you're still going through withdrawal."
Nahampas ko ang desk niya nang hindi sinasadya. Parang nagri-ring ulit sa ulo ko. Paano niya nasasabing psychological lang ito pero ramdam na ramdam ko?
"Salamat sa advice, Doc." Naglapag ako sa lamesa ng isang 500 peso bill. "Para sa serbisyo," saka ako umalis.
Bwisit talaga. Kung makapagsalita, parang inimbento ko lang na naaksidente ako. Kung makapagsalita, parang napakasamang tao ko na dahil gumamit ako ng illegal drugs.
Hindi ko siya kailangan. May isa pa 'kong doktor na mapagkakatiwalaan. Hindi ako pagkakaitan ng painkiller ni Joselito Manuel.
Bumagsak ang ulan habang nasa kalsada ako. Tumakbo ako sa pinakamalapit na establishment, isang cafe.
Nakiupo ako roon habang tinatawagan si Doc Jocel.
Nang sumagi sa isip ko ang mga pinaggagawa ko nitong nakaraang linggo. Methadone, shabu, ang aksidente...
Tama si Doc Manalo. Adik ako, at hanggang ngayon ay isang adik pa rin.
Tinawagan ko si Nadine instead.
"Hello?" boses niya mula sa kabilang linya.
"Nads, kamusta?"
"Okay naman. Kung tungkol 'to sa lawyer mo, ayos na. Nagpaliwanag na siya sa akin."
Lawyer ko... Malamang si Ieshia iyon. Sabi nga niya, pupunta siya kay Nadine para humingi ng tawad.
Sabi rin niya, babalik siya. Pero na saan siya?
"Sorry ulit," tangi kong nasabi. "Pasensya ka na rin at ngayon lang ako napatawag. Bed rest talaga e. Bawal mabinat."
Tumawa nang marahan si Nadine. "Magpapaliwanag din sana ako tungkol sa huli nating pagkikita. Nung nalaman kong naaksidente ka, nilamon talaga ako ng guilt. Hindi ko maiwasang maisip na baka may nagawa ako para sa 'yo."
"At the end of the day, choice ko 'yon. Walang tumutok sa 'kin ng baril at inutusan akong gumamit."
"Pero kung nasa tabi mo 'ko, baka hindi mo itinuloy, 'di ba?"
"Hindi ko alam, Nads. Nangyari na e. Ang mahalaga may napulot tayo pare-pareha."
Ang bigat sa pakiramdam. Kasing bigat ng ulap na patuloy sa pagbitiw ng ulan.
Iyon naman talaga e. Wala tayong magagawa kung hindi ang mag-wonder sa mga posibleng kinahinatnan natin kung pinili natin ang isa pang choice.
Paano kung naging matino akong partner kay Nadine? Or better yet, paano kung naging masunurin akong anak?
Would I feel as shitty as I am feeling right now?
Hindi natin malalaman. Maiiwan tayong lugmok sa kaiisip ng posibilidad. Kaya dapat lang na magpatuloy sa pagmamartsa sa hinaharap.
Piliin ang less shitty option. Hahayaan ko bang nakataas ang bandera ng pride ko o pipiliin ko si Ieshia?
Tumakbo ako palabas ng cafe at sinuong ang ulan. Hindi ko na kailangang pag-isipan pa.