Ang bigat ng pakiramdam ko pagdating sa Discovery Primea.
Hindi pa rin tumitila ang ulan. Tinanggal ko ang sweater na suot ko dahil basa pa ito.
Lalo pang bumigat sa pagtuntong ko ng 15th floor. Bawat hakbang ay dumadagdag sa antisipasyon kong makita ang babaeng iyon pagkatapos ng ilang araw.
Pinindot ko ang buzzer.
Naghintay ako nang dalawampung segundo. Oo, sakto. Binilang ko. Hindi ganoon katagal para maging martyr at hindi rin ganoon kabilis para masabing atat.
Wala akong naramdamang aktibidad sa kabilang panig ng pinto.
Pinindot ko ulit. Limang segundo. Wala pa rin.
Sinubukan kong tawagan si Ieshia. Hindi sumagot.
Ang hirap naman nitong mahagilap. Parang dati lang hindi ko mapalayo sa akin, maski sa isip ko hindi umaalis. Samantalang ngayon, kung kailan hinahanap-hanap ko na, saka hindi makita.
"Na sa'n ka na, Ieshia?"
Tila isang anghel, dumaan ang isang lalaki. Nakasuot siya ng asul na polo na may tatak na Custodial Staff sa kaliwang bahagi ng chest area. May bitbit siyang broom at tulak na dilaw na cleaning cart.
Panay ang silip niya sa akin. Akala niya yata ay hindi ko pansin.
Sinitsitan ko ang lalaki. Bumalikwas siya sa direksyon ko. Hindi siya kaagad nag-react, bago tumuro sa sarili bilang pagkukumpirma.
Tumango ako saka lumakad papalapit sa kaniya.
"Alam mo ba kung nandito 'yung nakatira dyan?" Tumuro ako sa pinto ni Ieshia.
"Ma'am, bihira naman po si Attorney sa unit niya."
Ah. At kilala niya rin pala si Ieshia.
Dahil siguro desperado na rin ako, susugal na ako. Either maniniwala siya or mahuhuli niya 'ko sa kasinungalingan ko.
"Girlfriend niya 'ko, kaso hindi sumasagot sa tawag e. Pa'no kaya 'yon?" sabi ko.
Nagkibit balikat ang lalaki. "Hintayin mo na lang siguro, Ma'am."
"Hintayin ko rito sa hallway na parang magnanakaw, ano?" sarkastiko kong usal.
He pouted na parang sinipang aso. For a moment, na-distract ako ng alaala ni Ieshia.
Tumikhim ako. "Hindi mo ba talaga ako matutulungan?"
Kumamot siya sa batok niya. "Ma'am, tuwing akinse po ako pinaglilinis ni Attorney sa unit niya. May record po bawat gumagamit ng keycard dyan sa lock. Baka magduda po sila kapag pumasok ako."
Hindi ko na alam. Sumasakit ang sentido ko sa lalaking ito.
Bumuntong hininga ako.
"Mas magagalit si Ieshia kapag pinabayaan mo rito sa labas ang pinakamamahal niyang girlfriend. Ngayon ang tanong, kanino ka mas takot, kay Ieshia o sa mga bossing mo rito?"
Napansin ko ang paglunok niya. E 'di tama nga ako. Kahit sa mga ganito, terror pa rin talaga si Ieshia.
Hindi na nagsalita ang lalaki. Ini-swipe niya ang keycard niya.
"Thank you. Mapakikiusapan ka naman pala e."
"Ma'am, maglilinis na rin ako ha? Para may excuse po ako."
"'Ge lang. Kung ano trip mo."
"Tsaka pwede po patingin ng ID n'yo?"
Sigurista talaga. Hindi ko rin naman siya masisisi. Iniabot ko na lang ang hinihingi niya.
Wala ngang tao pagpasok namin. Nakita ko naman kaagad ang Samsung ni Ieshia sa coffee table. Pagtingin ko, nakita ko roon na ang daming iniwang missed calls ni 'Callie'. Akala ko pa naman something sweet and cute kagaya ko ang ipinangalan niya sa akin sa phonebook.
Napansin kong may mga bitbit na papel iyong janitor.
"Teka, teka, ano 'yang mga 'yan?"
"Mga sulat po kay Attorney."
Inilahad ko ang kamay ko para kunin 'yon.
Mostly, legal stuff. Sa trabaho niya bilang abogado.
May isang bukas ang envelope. Mula ito sa La Loma Cemetery. Matatapos na raw sa October 27 ang kontrata. Ngayon.
Alam ko na kung na saan siya.
Bumilis bigla ang t***k ng puso ko. Para bang pagkatapos ng matagal na pagkakahimlay, nabuhayan muli ito.
Sumisikip. Masakit. Pero ito iyong sakit na masarap. Isang senyal na buhay ka.
Kinuha ko ang aviator ko mula sa coffee table.
"Boy, patapos ka na ba?" asik ko sa lalaki. Sasagot pa siya nang putulin ko na kaagad. "Sarado na natin. Ako na magpapaliwanag kay Ieshia."
Nagmamadali akong umalis ng gusali. Ewan ko ba. Parang may adrenalin na tumatakbo sa dugo ko.
Nasa labas naman na ang Grap vehicle na na-book ko.
Ang tagal ng byahe. O feeling ko lang ba matagal?
Ang dami na ng eksenang tumakbo sa isip ko, stuck pa rin ako sa sasakyan na ito.
Paano kung nandoon nga siya? Anong sasabihin ko? Bakit ba kailangan ko siyang makita? Paano kung itaboy niya ako?
"Ma'am, nandito na po tayo."
Naputol ang pagmumuni ko sa boses ng driver. Binayaran ko siya at hinarap ang rumaragasang ulan.
Ni wala akong clue kung saang bahagi ng sementeryo matatagpuan si Ieshia. Nakakabobo talaga kapag sumusunod sa dikta ng damdamin.
Tumakbo ako roon sa katedral, para makasilong man lang.
Nanginginig ako sa lamig. Sumasakit ang ulo. Nagugutom. Dumidilim na ang kalangitan.
Is seeing Ieshia worth all this?
Siguro dapat na akong tumalikod at umuwi. Wala na ring patutunguhan ito.
Biglang huminto ang ulan.
Para bang nagliwanag bigla ang paligid at binigyan ako ng senyales ng kalangitan nang malanghap ko ang minty na amoy ng usok ng sigarilyo.
Eksaktong amoy sa flavor ng yosi ni Ieshia.
Gumalaw nang kusa ang mga binti ko. Tila nawala ang pagod ko sa buong maghapon.
Hindi na ako nag-isip. Sinundan ko na lang ang instinct ko.
Isa akong ligaw na tigre at hinahanap ko ang tahanan ko.
At doon, sa labas ng isang mausoleum, nakatayo siya.
Humihithit ng sigarilyo kagaya ng una naming pagkikita.
Iniihip ng malakas na hangin ang mahaba niyang buhok.
Nakatingin sa malayo, malalim ang iniisip.
Bumuga siya ng usok, napatingin sa akin.
Sumilay ang ngiti sa labi ko.
"Callie..." bulong niya sa hangin, para bang hindi makapaniwala.
Ganoon din siguro ako, kung hindi lang ako nangangating mapalapit sa kaniya sa oras na ito.
Hindi nga ako makapaniwalang napigilan ko ang sarili kong tumakbo at sa halip, kalmadong tinahak ang daan papunta sa kaniya.
"Starstruck ka na naman sa 'kin," sabi ko. Tumayo ako sa harap niya.
Nakatingala sa kagandahan niya.
Ngumiti siya. Relieved, but sad.
She's just as tired as I am.
Binitiwan niya ang sigarilyo. Hinaplos niya ang pisngi ko, bumulong,
"You found me."
Hindi. You found me. Gusto kong sabihin pabalik.
Hindi ko alam kung kailan nagsimula. Hindi ko namalayan... na unti-unti na siyang nagiging parte ng buhay ko.
Hindi ko nasabi ang nais kong sabihin. Sa halip, niyakap ko siya.
Mahigpit. Tipong hindi siya makakawala.
At mapupunan ng init niya ang lamig na nararamdaman ko.
Natawa ako sa ka-corny-han ng isip ko.
"Gaga ka," sabi ko.
Ibinalik niya ang yakap ko. Natunaw ako sa braso niya, sa proteksyon niya, sa kaniya.
"Can I kiss you?" hiling niya sa akin. Naramdaman ko ang mainit niyang hininga sa sentido ko.
Tumingala ako ulit sa kaniya. Ayaw bumitiw. Mukhang ayaw rin naman niya.
"Pwede. Basta pananagutan mo ang mararamdaman ko sa 'yo pagkatapos," maloko kong tugon.
May pilyang ngisi sa labi niya. Nasagot ang pagdududa ko kanina.
Oo, worthy ng paghihirap si Ieshia.
"Deal."
And she sealed her promise with a kiss.