KABANATA 05

1586 Words
Napalunok siya, habol hininga na siya dahil sa kakatakbo at nanginginig na ang katawan niya sa takot na lumalatay sa buong pagkatao niya. Ngunit pilit niyang pinatatag ang sarili, hindi siya dapat magpadala sa takot kung hindi ay masisira ang buhay at kinabukasan niya. Huminga siya ng malalim, kinalma ang sarili at mabilis na pinagana ang utak. Napansin niya ang timba ng paminta sa tabi niya. Naiwan ito ng ale dahil sa takot at pinabayaan na ang paninda. Sa kabilang gilid naman ay may mga stock ng isdang paninda. May banyera din doon na puno ng yelo at mayroong pala na nakatusok. Inihanda niya ang sarili. Nang matapos sa tawanan ang dalawang lalaki ay agad siyang sinunggaban ng mga ito. Mabilis ang naging kilos niya. Dumakot siya ng paminta at isinaboy sa mukha ng mga ito, inulit pa niya iyon para masigurong epektibo. "Ah!" nagsisigaw ang mga ito ng pumasok sa mga mata nito ang pamintang durog. Napahawak pa ang mga ito sa mata at kinusot para alisin ang anghang na bumubulag sa mga ito. Agad niyang kinuha ang pala at buong lakas na inihampas sa ulo ng isang lalaki na malapit sa kanya. Napasubsob ito sa ilalim ng stall ng isda, tinarget naman niya ang isa pa na panay na ang kapa dahil hindi na maimulat ang mata at malakas na hinampas ito sa mukha. Subsob din ito. Tumalikod siya at hinarap naman ang sumusugod na toro, itinaas niya ang pala at nang isang dipa na lang ang layo nito sa kanya ay buong lakas niyang sinalubong ng hampas ang ulo nito. Napaatras siya ng umunat ng tayo ito at bumaling sa kanya. Salubong ang mga mata nito at naglakad na parang lasing. Itinaas niyang muli ang pala at muling hinampas ito sa ulo. Napaikot pa ito sa lakas ng impact niya, bago napaluhod at tuwad na sumubsob sa putikan. Nagtilian at naghiyawan ang mga nakasaksi sa rambulan nila. May nagsabing tumawag ng pulis, pero hindi na niya pinansin iyon. Wala siyang balak maghintay ng pulis dahil baka patay na siya bago pa man makarating ang mga ito. Napahinga siya ng mapatumba na niya ang mga iyon. Binitawan na niya ang pala at matapos makahingi ng sorry sa mga nakasaksi at naabala ay muli siyang kumaripas ng takbo. Dumiretso na siya sa labasan at bumungad sa kanya ang mga sasakyang naghahabulan sa highway. "Habulin ninyo, dali!" narinig niyang sigaw mula sa likuran niya. Napalingon siya at nakitang malapit na sa kanya ang ibang mga humahabol sa kanya. Nakatayo na rin ang dalawang nauna niyang patumbahin at iika ikang sumama sa grupong humahabol sa kanya. Lumingon siya at tinanaw ang grupong nakatayo sa ilalim ng tulay. Agad niyang ginulo ang magulo ng buhok pati kasuotan. Binuksan niya ang suot na hooded jacket, hindi pa siya nakuntento at bahagyang pinunit ang puting t-shirt na suot. Napamura siya ng mapalakas ang pagpunit niya kaya bahagyang lumantad ang taas ng dibdib niya. Nagpalinga linga siya at nakita ang mauling na kaldero ng nagtitinda ng mais sa gilid. Nagmamadali siyang lumapit doon at pinahid sa uling ang kamay, napamura pa siya ng mapaso, saka pinagpupunas sa damit, mukha, at braso. Maging pantalon niya ay idinamay na rin niya. Puno ng pagtatakang tinitingnan lang siya ng nagtitinda at ng mga nagdaraan pero ininda niya lang iyon. Dinakma rin niya ang ketchup sa katabing stall nito ng mga finger food, nagtaktak sa kamay saka ipinahid sa braso at damit, pati leeg at pisngi niya ay hindi nakaligtas. Humingi siya ng sorry sa may ari na puno ng pagtatakang nakamasid lang sa mga pinaggagagawa niya sa sarili at umalis na sa tapat ng tindahan. "Dalian niyo, 'ayun ang babae," rinig niyang sigaw ng mga humahabol sa kanya. Ilang metro na lang din ang layo nito sa kanya. Huminga siya ng malalim, saka malakas na tumili at humagulhol ng iyak. Gumegewang at iika ika siyang tumakbo sa gitna ng kalye, nakahawak ang isang kamay niya sa kabilang braso niya habang tumutulo ang dugo, este ketchup sa kamay niya. "T-tulong! Tulungan ninyo ako! Papatayin nila ako!" gumagaralgal na sigaw niya habang umiiyak, basa na ang pisngi niya dahil sa luha. Agad namang nakuha ang atensyon ng mga nasa paligid dahil sa eksena niya, kumilos din ang grupong nasa ilalim ng tulay at nagmamadaling lumapit sa kanya. "Anong nangyari sa iyo, ineng?" alalang tanong ng mga lumapit sa kanya, agad niyang itinuro ang mga humahabol sa kaniya. Napatigil na rin sa pagtakbo ang mga ito at tulalang pinapanood ang ginawa niyang eksena. Nang mahimasmasan ay nagkukumahog itong nagtakbuhan pabalik sa pinanggalingan ng mga ito. "Put***in*! Parak! Sibat na!" Tarantang sigaw ng nasa unahan at nauna pang tumakbo paalis. "Hoy!" sigaw ng mga pulis na dumalo sa kanya at nagmamadaling hinabol ang mga nagsipulasan. Pulis na ngayon ang naghahabol sa mga humahabol sa kanya. Napahinga siya ng maluwag ng mawala na ang mga humahabol sa kanya. Pulis na ang bahala sa mga ito. "Miss okay ka lang?" nag aalalang usisa sa kanya ng isang babae. Tumango siya at pinahid ang ketchup na nagkalat sa braso niya. "Okay lang po ako," magalang na sagot niya. May tumigil na pampasaherong bus sa harapan nila, kaya agad siyang nagpaalam sa pulis na naiwan sa tabi niya at sa aleng nagtanong. Pinigilan siya ng mga ito at nagsuhetong dalhin sa ospital pero magalang na tumanggi siya at nagmamadaling sumampa sa bus na nasa harapan nila at nagtungo sa likurang bahagi. Ininda niya ang tinging natatanggap dahil sa kalagayan niya at pabagsak na naupo sa upuang walang nakaupo. Napausal siya ng pasasalamat ng umandar na ang bus at umalis sa lugar na iyon. Yumuko siya upang itago ang sarili habang hindi pa siya nakakalayo sa lugar na iyon. Napasinghap siya ng makita ang ina sa 'di kalayuan sa loob ng palengke, katabi nito si Chua. Lumilinga ito at tila siya ang hinahanap. Napaupo siya sa sahig ng bus para maitago ng husto ang sarili. Abot langit ang kanyang dasal na sana'y makaalis na siya sa lugar na iyon ng hindi nakikita ng ina. At tila dininig ng langit ang kanyang hiling. Nang masigurong malayo na siya sa ina at hindi na siya nito makikita ay umupo na siya ng maayos. Napasandal siya sa upuan at habol hiningang kinalma ang sarili. Nanginginig ang buong katawan niya dahil sa pakikipaghabulan at pakikibaka sa mga tauhan ni Chua. Idagdag pa ang takot at pangamba sa puso niya. Hindi niya naiwasan ang pag iinit ng kanyang mga mata at pinigilan ang luhang nagbabadyang maglandas sa mga pisngi niya. Hindi niya lubos maisip na ganuon kalaki ang galit sa kanya ng ina at pagsasawalang bahala na kayang kaya siya nitong isuko at ipamigay kay Chua kahit alam naman nito ang maaari niyang kahantungan sa mga kamay ng intsik. Noong una'y inakala niyang marahil dala lang ng kahirapan at desperasyon kaya nagagawa siyang pagbuhatan ng kamay ng ina. Pero habang nagtatagal hanggang sa magkaisip siya, napagtanto niyang hindi iyon dahil sa kahirapan kundi sadyang iyon ang nararamdaman nito para sa kanya. Masakit at nakakapanlumo, ito ang kanyang ina kaya ito dapat ang kauna unahang taong dapat ay pumoprotekta sa kanya, pero hindi, e. Bagkus ay inihain pa siya nito sa hapag ng isang demonyo kapalit lang marahil ng magkanong halaga. Ibinenta na nga niya ang sarili sa amo niya para masustentuhan ang ina sa lahat ng luho at bisyo nito pero hindi pa rin pala ito nakuntento. Nasapo niya ang dibdib ng gumuhit ang matinding kirot sa puso. Kagat labing itinikom ang bibig para pigilang mapaiyak sa sakit na nararamdaman. Kung nagkataon bang may tatay siya, magiging iba kaya ang takbo ng kanyang kapalaran ngayon? Isa ba silang masayang pamilya? Hindi niya napigilang mapangiti ng mapait dahil sa napagtantong kahibangan. Kung mahal sila ng ama, e, 'di sana ay hindi sila nito iniwan at pinabayaan sa simula pa lang. Mariin niyang ipinikit ang mata, at hinayaan ang pag usbong ng damdaming matagal na niyang kinikimkim para sa ina at sa amang kahit kailan ay hindi naman niya nasilayan. Hindi niya tuloy maiwasang mapaisip kung talaga bang anak siya nito. Hindi na makatarungan ang lahat ng dinanas niya sa ina. Pero kahit anong sakit at hirap ang dinadanas niya sa piling ng ina ay hindi naman niya kayang talikuran ito at iwanan. Mas gusto pa niyang tiisin ang trato nito sa kanya basta may matatawag lang siyang pamilya kesa ang iwan ito at tuluyang mapag isa sa buhay. Maganda siguro iyon dahil mababawasan ang kalbaryong dinadanas niya, pero hindi pa niya kaya. Mag iipon pa siya ng lakas at tatag ng loob kung kinakailangan. Napabuntung hininga siya, pilit kinalma ang pusong tila pinipiga dahil sa sakit na nararamdan at itinago sa sulok ng isipan ang nangyaring insendente. Mas kailangan niyang pagtuunan ng pansin ang pagtakas at pagtatago ng mga sandaling iyon. Itinaas niya ang zipper ng suot na jacket para itago ang dumi sa damit niya. Pinunasan din niya ang ketchup na nagkalat sa kamay at mukha niya. At nang makuntento sa ayos ng sarili ay naupo siya ng maayos at pinlano ang mga dapat gawin. Pumara siya, saka muling naghanap ng ibang masasakyan papunta sa ibang direksiyon naman. Hindi muna siya didiretso sa condo ng kaibigan. Mahirap na at hindi niya sigurado kung hanggang saan ang abot ng galamay ni Chua sa kamaynilaan. Kailangan muna niyang magpaikot ikot ng pasikreto para iwala at iligaw ang mga posibleng nakasunod at nakamanman sa kanya. Doble dobleng pag iingat ang kailangan niya ngayon kung ayaw niyang mauwi sa kamay ni Chua.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD