Nasa second floor ng bahay nila ang kwarto niya, at dahil sa squater's area lang sila nakatira ay dikit dikit ang mga bubong. Kaya kahit mataas ang kinatatayuan niya ay pwedeng pwede siyang magtatalon at magtatakbo sa bubong ng mga kapit bahay. Lulunukin na lang niya ang malulutong na murang pwede niyang matanggap sa gagawin. No choice siya kundi ang magpaka acrobat ng mga oras na iyon at ilabas ang natatagong talento niya sa martial arts. At kailangan na niyang simulan bago pa man siya maispatan ng mga ito at simulang habulin. Tantiya niya ay wala siyang panama sa bilis at laki ng mga ito.
Maingat siyang lumundag sa kabilang bubong. Muntik pa siyang mapatili ng dumulas bahagya ang paa niya. Agad niyang binawi ang balanse at magagaan ang hakbang na tumakbo na siya bago pa mahuli ang lahat.
Nasa ikalimang bubong na siya ng muli niyang marinig ang malakas na sigaw ng ina at ang pagkalabog nito sa pinto ng kwarto niya. Para siyang tatakasan ng kanyang kaluluwa sa sobrang kaba at takot na nararamdaman habang binabagtas ang mga yerong bubong. Napapakagat labi siya at napapausal ng dasal sa tuwing lumalangitngit at nag iingay ang naapakang yero. Pasalamat siya at wala pa siyang natatanggap na mura mula sa mga nakatira sa baba.
Lumingon siya, natanaw niya ang mga tauhan ni Chua. Alerto na ang mga ito dahil sa naririnig na komosyon sa loob ng bahay nila. Pero hindi pa siya naiispatan na nagtetrekking na sa mga bubong. Binilisan pa niya ang hakbang.
Napalunok siya ng marinig uli niya ang malakas na lagabog ng pinto sa kwarto niya, ng muli siyang lumingon ay kamuntikan na niyang mailuwa ang puso at halos mapatid siya sa pagtakbo. Nakatanaw na sa bintana ng kwarto niya ang ina, nasa likod nito ang intsik at tinatanaw siya na biglang napako sa pagtakbo dahil sa sobrang takot at nerbiyos.
"Putres kang bata ka!" malakas at galit na galit na sigaw ng ina niya. "Bumalik ka dito!"
Umalis ang intsik sa likuran ng ina. Agad siyang natauhan, imbes na sundin ang ina ay tinalikuran na niya ito at muling ipinagpatuloy ang pagtakbo. Nanginginig man ang tuhod niya, naging motibasyon niya at nagbigay sa kanya ng lakas ng loob para harapin ang takot, ay ang maaaring niyang kahantungan oras na maabutan siya ng mga galamay ng intsik. Binilisan pa niyang lalo ang takbo. Wala na siyang pakialam kung maging maingay na ang pagtapak niya sa yero at magdulot iyon ng komosyon mula sa mga naninirahan doon.
Nagsimula na ring umangal ang mga tao dahil sa ingay ng bubong.
"Put***i**!!! Ano ba't diyan ka tumatakbo? Kinulang ka na ba sa lupa, ha?!" galit na sita sa kanya ng matandang babaeng lumabas pa mula sa bahay nito. May dala itong tambo at gigil na sinesermonan siya. Binalewala niya iyon dahil mas importante sa kanya ang buhay niya ngayon.
"Ano ba yan?! Masisira ang bubong sa iyo, ah!" angil ng iba.
Napalunok siya at humingi na lang ng pasensiya habang patuloy sa pagtakbo.
"Ah!" napatili siya ng madulas siya at mapaupo. Huminga siya ng maayos para kalmahin ang sarili at makapag focus ng maayos sa pagtakbo. Gusto man niyang lumundag pababa, pero naalala niyang mahirap makatakas at makatakbo sa baba dahil sa makitid na daan, isa pa'y maraming mga taong nagkalat, baka tumulong pa ang mga ito sa paghuli sa kanya ng mga humahabol.
Lumingon siya sa ina, at nagkukumahog na tumayo at kumaripas ng takbo ng makita niyang nagsisimula ng humabol ang mga alipores ni Chua. Umakyat pa ang mga ito sa bubong at doon pa sila naghabulan.
Mas lalong naaburido ang mga residente dahil sa ingay nila. Pinaulanan sila ng malulutong na mura at sermon. Mayroon ding nambabato at pinabababa sila.
Napalingon siya ng makarinig siya ng maingay na lagabugan ng yero, kahoy at bakal, kasunod niyon ay ang malakas na tilian at sigawan, sabay mura. Nahulog ang ibang humahabol sa kanya dahil bumigay ang naapakang yero ng mga ito.
"Tumigil ka!" sigaw na utos sa kanya ng malaking mamang kalbo. Napaismid siya. Sinong tanga ang titigil sa pagtakbo kung alam niyang hinahabol na siya ng kamatayan? Ininda niya ang galit ng mga residente at ipinukol maigi ang atensyon sa pagtakbo at sa mga humahabol.
Dumaloy ang adrenaline sa kanyang katawan, at ang tanging nasa isip niya ngayon ay ang makatakas sa mga ito kaya nawala sa isip niyang iproseso pa ang dinaraanan niya. Nakita niyang nagkaroon ng malaking awang ang mga bubong, at walang pagdadalawang isip niyang tinalon iyon. Dahil malayo ay nawalan siya ng balanse sa pagtapak sa kabilabg yero at napaupo siya sabay dulas pababa. Hinayaan niya ang sariling dumulas pababa, bigla siyang tumayo ng malapit na siya sa b****a ng bubong at mabilis na tumalon papunta sa kaharap na bubong. Binagtas niya iyon pababa at muling tumalon sa katapat na namang bubong. Dinig niya ang galit na sigaw at mura ng mga humahabol sa kanya. Pinagbabantaan na rin siya.
Patuloy niyang binagtas ang mga bubong at ng makarating siya sa dulo ay hindi na rin siya nag atubiling tumalon pababa. Napaluhod siya sa lupa at muntik ng masubsob ng maglanding siya. Dagli siyang tumayo at kumaripas ng takbo sa makikitid na eskinita ng lugar nila. Dito na siya lumaki kaya pamilyar na sa kanya ang pasikut sikot doon maging ang mga sikretong daanan doon.
Tila dinidinig ng langit ang kanyang panalangin dahil hindi pa siya naaabutan ng mga humahabol sa kanya.
"Put*** i**! Bilisan niyo! Huwag niyong hayaang makatakas ang babae!" galit na bulyaw ng nangunguna sa mga humahabol sa kanya.
Napatigil siya sa pagtakbo ng makalabas na siya ng eskinita, muntik na siyang mabangga ng nakasalubong na motorsiklo. Binulyawan pa siya nito at binigyan ng finger na ibinalik rin niya.
"Tarantado!" hinihingal na ganting bulyaw niya. Ipinagpatuloy niya ang pagtakbo. Nakarating na siya sa palengke, malapit na siya sa highway at sakayan.
"s**t!" nataranta siya ng makita na niyang lumabas na rin ng eskinita ang mga humahabol sa kanya. Nagkumahog siyang binilisan pang lalo ang takbo. Kahit gustung gusto na muna niyang magpahinga dahil tagaktak na ang pawis niya at tila nagbabaga na ang kanyang sikmura dahil sa kawalan ng maayos na sirkulasyon ng hangin sa katawan niya, ay pinilit pa rin niyang tumakbo ng mabilis para idistansiya ang sarili sa mga humahabol.
"Ayun!" turo sa kanya ng mga humahabol sa kanya.
Habang mabilis na tumatakbo sa tabi ng mga tindang prutas at gulay ay pinigilan niya ang sariling gayahin ang nakikita niya sa mga palabas, ang tinatabig ang mga prutas para pang distract sa mga humahabol. Naawa siya sa mga nagtitinda, saka isa pa'y wala siyang pambayad doon.
"Ha! Huli ka ngayon!" nakangising sigaw sa kanya ng maitim na lalaki. Napatili siya ng may humatak sa braso niya at napatigil siya sa pagtakbo. Nangatal sa takot ang katawan niya ng makita ang taong nakahawak sa braso niya. Tauhan ito ni Chua, at hindi niya namalayan kung saan ito nanggaling at agad siyang nadakma nito.
"Bitawan mo ako! " utos niya rito at nagpumiglas sa kamay nito pero tinawanan lang siya nito at kinaladkad papunta sa grupo nitong tumatakbo papunta sa kanila.
Nahagip ng isang kamay niya ang bungkos ng sitaw at malakas na hinampas iyon sa mukha nito. Napasigaw ito at napamura. Hinawakan nito ang mukhang nasaktan. Itinaas niya ang tuhod at buong lakas na sinipa ito sa pagitan ng hita nito.
"Ah!" binitawan siya nito saka namilipit sa sakit habang sapo ang gitna ng hita nito.
Agad siyang sumibad ng takbo ng makawala sa hawak ng lalaki.
"Hoy!"sigaw ng mga humahabol sa kanya.
Pumasok siya sa mga eskinita ng palengke at doon nagpaikot ikot, pilit pinapagod ang mga pagod ng humahabol sa kanya. Halata na sa mga ito ang matinding pagod at hingal na hingal na rin ang mga ito. Isa sa mga disadvantage ng malalaking tao ang matagalang takbuhan. Oo't malalaki sila at mahahaba ang hakbang, pero hindi naman ito mga physically trained sa pagtakbo, magagaling lang itong makipag away pero hindi ang makipag habulan.
Umaangil at napapamura na lang din ang mga nadadaanan nila at nababangga. May isang tinderong hindi nakatiis at pinaghahampas nito ng pambugaw sa langaw ang ibang humahabol sa kanya.
"Tumigil ka!" gigil na gigil na sigaw sa kanya ng malaking mamang kalbo. Ito siguro ang leader dahil ito ang panay mando.
Bahagya niyang hinarap ang mga ito habang tumatakbo, at dalawang kamay na binigyan niya ang mga ito ng finger.
"Ah!" galit na sigaw nito. Hindi yata nito nagustuhan ang ginawa niyang finger. Tinabig nito ang mga nakakasalubong at parang torong sinugod pa siya. Binilisan pa niya ang hakbang, nang sa pagliko niya ay bigla siyang napatigil. Bahagya pa siyang napaslide bago tuluyang huminto.
"Huli ka!" nakangising bulaga sa kanya ng isa sa mga tauhan ng intsik. Humiwalay ito sa grupong humahabol sa kanya upang ito naman ay sumalubong sa kanya. Dalawang malalaking mama ang nakaharang sa kanya ngayon at sa likuran naman niya ay ang torong sumusugod. Ang iba ay malayo pa at lupaypay na sa paghabol sa kanya.
Iniikot niya ang paningin at mabilis na pinagana ang utak. Hindi siya sanay makipagbakbakan pero marunong siya ng martial arts, lalo na ang self defense.
Sumigaw sa takot ang aleng nakatabi niya. Napa sign of the cross pa ito at mangiyak ngiyak na nagmakaawang padaanin ito.
"Alis!" gigil na bulyaw dito ng mamang kalbo at dali daling sumingit paalis ito. Naiwan siya sa gitna ng mga humahabol sa kanya.
"Wala ka ng tatakbuhan! Humanda ka sa amin mamaya, tingnan natin kung hanggang saan ang tatag ng mga tuhod mo, hahaha!" puno ng kalaswaang sabi nito sabay halakhak na parang sinasapian ng demonyo. Nakitawa din ang kasama nito.