"Ma?" tawag niya sa ina pagkapasok niya ng bahay nila. Hindi na rin siya nagtaka ng walang sumagot, at sa halip ay ang bumungad sa kanya ay ang makapanindig balahibong estado ng kabahayan nila. Dinaig pa ang binagyo sa dami ng kalat at dumi, idagdag pa ang masangsang na amoy dahil sa basura at pagkaing nabubulok na sa loob at hindi man lamang magawang ilabas ng ina. Tinakpan niya ang ilong at pinigilang masuka sa nakakasulasok na amoy na bumungad sa kanya.
Agad napuno ng panggigigil ang puso niya para sa ina. Para itong baboy na nakatira tangkal. Kung walang maglilinis ay wala rin itong pakialam kahit na magmukhang basurahan ang tirahan nito. Masama mang sitahin ang inang nagluwal sa iyo sa mundo, pero iyon talaga ang katotohanan pagdating sa kanyang ina. Napakabaluga at buraot nitong babae. Kahit siya ay susukong maging kasama ito sa iisang bubong. Wala na itong ibang inatupag kundi sugal, alak at lalaki. Hindi na rin siya magtataka kung pati droga ay pinasok na rin nito. Ang masaklap, sustentado pa niya ang ina. Kapag hindi siya nagbibigay ay katakut takot na sermon at pananakit pa ang aabutin niya. Lumaki siyang walang araw na hindi niya natitikman ang bigat ng palad ng ina. Mula sa murang isipan ay tumimo sa utak niya ang matinding takot sa ina, kaya kahit alam niyang mali at masakit na ang ginagawa nito ay wala siyang lakas na lumaban at umalpas sa ina. Lahat ay kailangan niyang lunukin, ayon sa ina. Isa iyon sa dahilan kaya tinanggap niya ang deal ng amo. Dahil na rin sa pera.
Kinalma niya ang sarili. Pumikit siya at nilunok ang pait at hinanakit na nasa puso. Para ano pa at kailangan niyang magsayang ng oras sa mga emosyong iyon? Lumuha man siya ng dugo at minu-minutong dumaing sa langit ng awa at tulong ay wala namang magbabago sa buhay niya. Ganu'n at ganuon pa rin naman, lalo nga lamang sumasaklap sa paglipas ng araw. Sabi nga ng ina, huwag na raw siyang umasang may tutulong sa kanya, dahil kahit maging ang diyos na nasa trono ay matagal na siyang inabandona. Iyon ang dahilan kung bakit hindi siya naniniwala sa diyos, dahil iyon ang itinanim ng ina sa kanyang utak.
Ipinilig niya ang ulo at pilit itinuon ang atensyon sa problemang nasa harapan niya. Hindi na siya nag abala pang tanggalin ang sapatos dahil ayaw niya ring iapak ang hubad na paa sa bahay na iyon. Bitbit ang mga pinamili ay dinala niya iyon sa hapag kainan nila at ipinatong. Muntik na siyang mapatili ng maglundagan ang ipis at daga sa ibabaw niyon. Nabulahaw din ang mga bangaw na namimiyesta sa naiwang pagkain doon. Hindi na niya napigilan ang sikmura at nagmamadaling tinungo niya ang lababo at doon nagduduwal. Lupaypay siya ng matapos, kahit nanghihina at habol hininga pa, matapos hugasan ang bibig at makapagmumog ay tinakpan niya ng dobleng face mask ang ilong at bibig. Nagpahid na rin siya ng white flower sa ilong niya para mawala kahit papaano ang masangsang na amoy na nasisinghot niya. Hindi pa siya nakuntento at pinatungan pa niya ng panyo ang face mask niya. Kahit nahihirapan siyang makahinga dahil sa makapal na balot sa mukha niya ay nakuntento pa rin siya.
Balot ng apron, hair cap at hand gloves, armado ng trash bag, tong, basahan, sabon, xonrox, eskoba at walis ay sinimulan na niya ang madugong giyera sa kanilang bahay.
Magtatatlong oras ang ginugol niya sa paglilinis at hanggang sa natapos niyang ayusin ang mga pinamili para sa ina. Kontentong inilibot niya ang tingin sa malinis nang kabahayan nila, malaya na rin siyang huminga. Nag inat siya ng katawan at napaigik ng maramdaman ang masakit na balakang at likod. Naglinis lang siya pero pakiramdam niya ay nakipaglaban na siya kay Grim Reaper. Napapailing na lang siyang naglakad paakyat sa second floor ng bahay nila. Bitbit ang sapatos at bag ay tumungo siya sa kanyang kwarto para maligo at linisin naman ang katawan niyang nanlalagkit sa pawis at alikabok.
Matagal ang ginugol niyang oras sa paliligo dahil pakiramdam niya'y dumikit ng husto sa balat niya ang amoy ng bahay nila kanina. May date pa naman sila ni Aidan mamaya at ayaw niyang mangamoy basura sa harap nito. Nang makuntento ay lumabas na siya. Nagbihis lang siya ng simpleng damit. Cargo pants at simpleng printed tees. Mamaya na siya magsusuot ng maganda kapag pupunta na siya sa date nila.
Habang nagpapatuyo ng buhok ay inayos na muna niya ang mga importanteng gamit at requirements niya na sadyang pakay niya kaya siya napauwi at inilagay sa backpack kasama ang laptop niya. Maging ang kanyang susuotin at gagamitin para sa date nila mamaya ay inayos na rin niya at maingat na inilagay sa backpack. Wala siyang balak magpalipas ng gabi dito dahil ayaw niyang mapag initan na naman ng ina. Doon na muna siya mag iistay sa condo ng bestfreind niya. Nang masigurong wala na siyang nakalimutan ay isinara na niya iyon at inihanda sa tabi.
Nagsasapatos siya ng maulinigan niya ang tinig ng ina sa labas, may kausap ito.
"Huwag kang mag alala, oras na umuwi rito ang batang iyon ay ikaw ang unang una kong tatawagin," dinig niyang mayabang na pangako ng ina sa kausap. Nakuha naman niyon ang atensiyon niya. Siya ba ang tinutukoy ng ina? Sino naman ang kausap nito na kailangan pa nitong mangako?
Agad nagtayuan ang mga balahibo niya sa batok ng marinig ang boses ng kausap nito. Pakiramdam niya'y umabot sa signal number 5 ang alertness level niya ng matanto kung sino ang pinapangakuan ng ina tungkol sa kanya.
"Aasahan ko iyo panako, Jaya, dapat akin lang iyong anak. Panako siya ay hindi magsisisi," at humalakhak pa ito.
Napatiimbagang siya at nagmamadaling tinapos ang pagsasapatos. Agad isinuot ang inihanda niyang black hoodie at isinukbit ng maayos ang backpack. Patago siyang sumilip sa bintana upang tingnan ang mga nag uusap. Buti na lamang at hindi na siya nag abala pang magbukas ng bintana kanina, kundi ay malilintikan siya. Mahahalata agad na may tao sa loob ng kwarto niya kung nagkataong bukas iyon. Problema niya ngayon ay ang makalabas ng bahay ng hindi nalalaman ng mga itong nasa loob siya. Kahit binabayo na ng takot ang dibdib ay ikinalma niya ang sarili para makapagplano siya ng maayos.
Nakastigo niya sa utak ang ina ng masilip niya itong kausap nga si Mr. Chua. Ang matandang intsik na malakas ang tama sa kanya at gustung gusto siyang angkinin at pagsawaan. Leader ito ng isang notorious na gang sa lugar nila, hawak nito ang mga addicts at drug dealers sa kanila at kilabot ito sa lugar nila. Matagal na siyang pinagnanasaan nito, hindi lang ito makatiyempo dahil lagi niyang natatakasan. Hindi lang naman siya ang napag interesan nito, marami sila at isa lang siya doon, at alam rin niyang oras na mahuli ka ng tingin ng intsik na ito ay dalawa lang ang patutunguhan mo matapos kang gawan ng kung anu anong kahalayan at pagsawaan ng husto ng matandang intsik na ito. Pwede kang mapunta sa sexden nito para maging putahe sa mga suking parokyano nito o sa kangkungan, wala ng buhay at pinagpipiyestahan ng mga uod.
Wala siyang balak mauwi sa alinmang kahihinatnan kaya minabuti niyang tumigil muna sa pag aaral at magtago nang maging mapangahas na ng husto ang intsik sa pagkuha sa kanya. Sa paghahanap niya ng mapagtataguan ay nauwi siyang mag apply na katulong sa isang maid agency at napapunta siya sa mansion ni Sir Aidan na nakatayo sa isang pinaka exclusive at private village sa Quezon City. Naging matagumpay ang naging pagtatago niya dahil apat na buwan na siyang hindi matagpu tagpuan ng intsik.
Namutla siya ng marinig niyang pumasok na ang ina sa loob ng bahay. Mabibisto ng mga ito na nasa loob siya dahil sa malinis na bahay. Napamura siya ng lihim at pinagsisihang naging isa pa siyang ulirang anak at nagawa pa niyang ipaglinis ang ina. Pinigilan niya ang nagbabadyang luha at maingat na kumilos. Inilock niya ang pinto at tinungo ang bintana. Dahil madalas niyang takasan ang ina, mayroon siyang sikretong labasan sa bintana. Mabilis ang kilos niya ngunit puno ng pag iingat na hindi makalikha ng ingay, tinanggal niya ang salamin at ipinatong sa ibabaw ng table. Hinubad muna niya ang bag at ipinatong sa table saka sumampa at lumabas sa bintana saka muling kinuha ang bag at muling isinukbit. Kinuha niya ang salamin at muling ibinalik at inayos na tila ba walang nagalaw.
Nahigit niya ang paghinga ng marinig niya ang malakas na boses ni Chua.
"Dito ba anak mo? Bakit linis iyo bahay?"
Ilang saglit na katahimikan bago siya nakarinig ng malakas na tili ng ina.
"Jaezelle!" malakas na sigaw ng ina.
Pakiramdam niya'y muntik na niyang mailuwa ang puso sa kaba. Hindi siya papayag na mapasakamay ng tarantadong intsik na ito at masira ang kanyang buhay. Nilunok niya ang takot at tinatagan ang loob. Mas gugustuhin pa niyang mamatay kesa mapunta sa kamay ng intsik.
Napalunok siya ng mahagip ng paningin niya ang mga tauhang hoodlum ni Chua. Hindi siya pwedeng bumaba sa harap ng bahay nila. Kailangan niya ng ibang daan at wala siyang ibang madadaanan kundi ang dikit dikit na bubong na nasa harapan niya.