Parang isang pelikulang detalyado niyang pinapanood ang bawat eksena nung elementary sa panaginip niya.
Nilipat siya ng Lola niya sa ibang eskwelahan dahil sa di magandang pangyayari sa kanya nung elementary.
Pinagtawanan siya ng mga kaklase niya dahil exotic ang nilagay ni Mark sa slambook niya.
Sanay siya na tinatawag na Sadako, anak ng mangkukulam, etc. Pero ang tawaging exotic na parang iguana na galing mismo sa lalakeng itinuring niyang kaibigan, ay parang bubog na sumugat sa puso niya.
Akala niya may kakampi na siya sa school. Akala niya may kaklase na siyang tatanggap sa kanya kahit ganun ang itsura niya.
Mali pala siya. Sa halip na tanggapin kung sino siya, ginupitan pa nito ang buhok niya para lalo siyang mapahiya sa klase. Kahit mga dati niyang kaklase ay di pinagtangkaan na hawiin o mas malubha ay gupitin ang buhok niya. Si Mark lang ang kaisa-isang taong gumawa nito sa kanya.
Pagkagising niya mula sa kanilang rest break ay wala na siyang buhok sa harap ng mukha niya. Hindi pa naman pantay ang pagkakagupit. Bako-bako. Sa tingin niya ay mas lalo siyang naging katawa-tawa sa mga mapanuring tingin ng mga kaklase niya.
Tumakbo siya ng mabilis papunta sa banyo para lumayo sa mga kaklase niya na batid niyang titig na titig sa mukha niya.
Sinubukan ni Miss Thelma na patahanin siya pero di nito nagawa kaya minabuti nitong ipatawag ang kanyang lola. Ngunit, maging ang lola niya ay hindi siya nagawang patigilin sa pag-iyak.
Dahil sa nangyari, ay inayawan niya ang pagpasok sa school kahit ilang araw na lang ay gagraduate na siya. Wala siyang graduation picture at di rin niya naranasan ang magmarcha kahit ilang beses na siyang kinumbinse ng lola at itay niya na umattend sa graduation day.
Dahil sa pangyayari ay nasira ang kanyang graduation na pinakaimportante sa buhay ng isang estudyante.
***
Mas lalong bumaba ang confidence niya sa sarili pero wala siyang magawa kung hindi itungo na lang ang kanyang ulo dahil nawala na ang mahaba niyang buhok na dati ay humaharang sa maganda niyang mukha.
Naisip ng Lola Ising niya na dalhin siya sa kaibigan nitong parlorista upang ayusan siya at kahit paano ay madagdagan siya ng kumpiyansa sa sarili.
Walang kaalam-alam ang lola niya na ang simpleng pagbisita nila sa parlor ng kaibigan ang magpapabago sa kung ano ang tingin niya sa sarili.
***
"Aling Ising! Nandito po pala kayo. Kumusta po?"
Bungad sa kanila ni Theresa. Kaibigan ito ng Lola niya dahil ito palagi ang gumugupit sa buhok nito.
Alam nito ang mga kaganapan sa buhay nila dahil dito madalas maglabas ng sama ng loob ang Lola Ising niya.
Highschool lang ang natapos nito pero malalim itong kausap. Marami itong advice na madalas sundin ni Aling Ising lalong lalo na sa pagpapalaki nito ng mga apo.
"Heto, papagupitan ko sana sa iyo ang apo ko si Sam."
"Hi Sam. Ang ganda mo naman." masaya siya nitong binati pero di niya itinaas ang mukha niya dahil nahihiya siya dito.
"Naku pagpasensyahan mo na at sobrang mahiyain yan."
"Bakit naman mahihiya ang isang napakagandang dalaga? Alam mo iha. Mas lalo kang gaganda pag confident ka."
Kinuha nito ang isang silya at pinagpag.
"Halika iha. Umupo ka dito at pagagandahin natin ang buhok mo para mas lalong lumutang ang ganda mo."
Sinunod naman niya ito at umupo. Iniikot naman nito ang bangko para iharap siya sa salamin.
Kung nabubuhay ang ina niya ay halos kasing edaran lang nito si Theresa. Maamo ang mukha nito at masayahin. Kaya siguro madaling nakapalagayan ng loob ng lola niya.
Madalas sinasabihan siya ng Lola at Itay niya na maganda siya pero di siya naniniwala dahil sinasabi naman talaga yun ng kapamilya sa taong mahal nila.
First time na may nagsabi sa kanya na ibang tao.
'Totoo ba na maganda ako?'
Pagharap niya sa salamin ay di niya makita ang sinasabi ni Theresa na ganda. Isang mahiyain na dalaga ang nakikita niya na may pangit na buhok.
"Sandali lang may kukunin ako." paalam ni Theresa sa kanya.
Pagbalik nito ay may hawak itong halaman. Pamilyar ito sa kanya pero di niya matukoy kung tama siya ng hinala dahil may mapuputi itong bulaklak.
"Pamilyar ka ba sa halaman na ito?"
Sabi nito habang pinapatong ang halaman sa taas ng lamesa.
"Familiar po." mahiyain na sabi niya.
"Hulaan mo."
"K-kangkong po ba?"
"Tama. Ang galing mo." natutuwa naman ito at nahulaan niya.
"Pero bakit po may bulaklak?" Kahit nahihiya siya ay nagawa niyang itanong. Nagagandahan kasi siya sa mapuputi nitong bulaklak.
"Maganda ba siya?"
"Opo maganda po." unti-unting pumapalagay ang loob niya kay Theresa.
"Alam mo parang ikaw ito. Ang akala mo kangkong ka lang pero hindi mo alam na kaya mong maglabas ng magagandang bulaklak." sabi nito habang nakatingin sa mga mata niya.
"Kung hindi ka pa rin naniniwala sa akin. Mamaya pagkatapos kitang gupitan, tiyak maniniwala ka rin."
Eksperto ang mga kamay nito sa paggupit ng kanyang buhok. Ngunit bawat paggupit nito ay naghalo ang panghihinayang at takot sa damdamin niya. Panghihinayang kasi matagal din niyang inalagaan ang mahabang buhok. Takot dahil hindi niya alam kung ano ang kalalabasan pagkatapos siyang magupitan ni Theresa.
Nang matapos ito ay itinalikod siya nito sa salamin.
"Itatalikod kita para may element of surprise pagkatapos kong tuyuin ang buhok mo ng blower."
Inumpisahan siyang i-blower nito. Pagkatapos nitong tuyuin ang buhok ay nakita niya ang Lola Ising niya na napahawak sa bibig at mangingiyak-ngiyak sa tuwa.
Inikot nito ang upuan at maging siya ay nagulat sa nakita sa salamin.
'Ako ba talaga ang nasa salamin?'
"Nagulat ka ba?" nangingiti itong lumapit sa tabi ng mukha niya habang tinitignan din ang mukha niya sa salamin.
"O-opo."
"Panigurado ngayon mo lang tinitigan ng matagal ang mukha mo dahil matagal mo itong itinago."
Nangingilid ng luha ang mga mata niya.
'Ako ba talaga ito?'
Pinunasan niya ang mga luha at kinusot ang mga mata para malinaw niyang makita ang mukha sa salamin.
"Alam mo ba ang ganda ng mga mata mo kulay brown?"
"Namana niya yan sa yumao niyang ina."
sabi ng lola niya.
"Di ba dapat ipinagmalaki mo yung namana mo sa ina mo? Bakit mo tinatago?"
'Tama siya..'
Tuluyan na siyang napaiyak.
Niyakap siya ni Theresa.
"Simula ngayon. Pwede mo akong tawaging fairy godmother mo o nanay for short. Sa tuwing bababa ang confidence mo pumunta ka lang dito at patataasin ulit natin ang kumpiyansa mo sa sarili." sabik din kasi ito sa anak na babae. Nag-iisa lang kasi ang anak nito na lalake.
Niyakap niya ito ng mahigpit habang naiiyak. "Salamat po Nanay Theresa!"
"Walang anuman anak." naiiyak din ito. Bilang isa ring ina ay alam nito ang hirap ng anak na hindi lumaki sa ina. Sa pagkakayakap ni Sam ay naramdaman nito ang pagkasabik niya sa ina.
Humagulgol naman si Aling Ising. "Dapat pala matagal na kitang dinala dito. Hindi mo tuloy naexperience ang pagmarcha sa graduation mo. Wala ka ring graduation picture."
"Sandali Aling Ising. Mukhang hindi pa huli ang lahat."
Umalis ito saglit at pagdating ay may dala-dala na itong toga set.
"Isosoli ko na sana ito sa pinagrentahan ko. Tamang-tama bago ko isoli pwede mo munang suotin."
Naguguluhan naman sila ng lola niya sa sinasabi nito.
Nakita naman nito na naguguluhan sila. "Pasensya na medyo bumibilis ang salita ko pag excited ako. Ang ibig ko lang sabihin pwede pa siyang magkaroon ng graduation picture."
"Ay magandang idea yan!" bulalas ng kanyang lola.
"Umupo ka lang diyan Sam at mmake-upan kita. Sagot ko na ito kaya wag kang mag-alala sa gastos."
"Naku malaking salamat Theresa." sabi ni Aling Ising. "Sa wakas may ipagmamalaki na kami ni Damian na picture mo."
"Walang anuman Aling Ising. Simula ngayon ituring niyo na akong parte ng pamilya niyo dahil anak ko na si Sam." natatawa nitong sabi.
"Ako nahihiya sa iyo Theresa. Napakabait mo sa pamilya ko."
"Hindi ka na iba sa akin Aling Ising."
Iba ang saya na idinulot ng mga sinabi ni Theresa. Sa wakas ay may matatawag na siyang nanay.
Matapos siyang ayusan ni Theresa ay pinasuot nito ang graduation toga sa kanya.
"Ginamit ito ng anak ko. Kakatapos lang din ng graduation nila."
Nang maayos ay napangiti ito sa kinalabasan. "Perfect! Lalo kang gumanda iha. Pero wag ka munang iiyak ah. Kasi yung make-up mo mabubura."
Inabot nito ang tissue para sakaling mapaluha siya ay mapunasan niya ito kaagad.
"Opo. Salamat po." bahagya niyang pinunasan ang luha niya.
Sa totoo lang ay gusto niya rin na maexperience ang graduation. Gusto niya ring magkaroon ng graduation picture at maisabit ito sa dingding ng kanilang bahay. Pero masyado siyang natrauma sa nangyari kaya nahiya na siyang ipakita ang mukha niya sa mga kaklase.
Kumuha si Theresa ng kurtina na puti at isinabit sa sulok ng parlor para maging background picture niya.
"Dito ka umupo anak. Pipicturan kita dito."
Tumalima naman siya dito at umupo sa upuan na itinuro nito.
"Hawakan mo itong diploma." inabot niya ang papel na nakabilot na kunwari ay diploma.
"Saglit lang ha at may kukunin lang ako."
Pumunta ito sa counter ng parlor at may kinuha sa drawer nito. Paglapit nito sa kanya ay nakita niya ang dala-dala nito.
Di pa uso noon ang digital camera at celphone kaya camera na may film ang gamit nito.
Bago siya picturan ay inayos muna nito ang buhok niya.
"Anak, ang ganda-ganda mo. Sit-up straight ha. Tapos ngiti ka sa camera."
Ang kasayahan sa puso niya dahil sa bagong itsura, ang malaman na may maituturing na siyang ina bukod sa kanyang lola, at ang magkaroon ng pag-asa na may maipapakita na katibayan ng paggraduate niya, lahat ng ito ay nagpadagdag sa matatamis niyang mga ngiti habang pinipicturan siya ng kanyang Nanay Theresa.
"O ano pa hinihintay natin? Picture na tayong tatlo." masaya nitong sabi.
"Ay hindi pwede."
Nagulat sila sa pagtanggi ng Lola Ising niya.
"Kasi mamamatay ang nasa gitna pag tatlo sa picture." pageeksplika nito.
Natawa naman silang dalawa ni Nanay Theresa sa pamahiin ng Lola Ising niya.
Sa huli, ay tig-dadalawa lang sila sa picture. Siya at ang Lola niya. Siya at ang Nanay Theresa niya. At ang pinakahuling kuha ay ang Lola Ising at Nanay Theresa niya.