NAGKALAT ang mga preso sa gilid ng ground sa pagsisimula ng palaro. Nakaupo ang ilan sa mga pahabang upuan samantalang ang karamihan ay nakatayo lamang habang nag-uusap kung kaya nga naglalaro sa hangin ang ingay ng mga ito. Hindi na rin nawala ang mga nagbabantay na guwardiya sa paligid. Sa paghihintay niya kasama si Aristhon sa mahabang upuan at ang alalay nito ramdam niya ang init ng araw na dumadampi sa kaniyang balat. Nanunuot iyon hanggang sa ilalim ng kaniyang laman na siyang dumagdag sa init ng kaniyang katawan. Nagsisimula na rin siyang pagpawisan, namalisbis ang pawis mula sa kaniyang sintido paibaba ng kaniyang baba na kaniya namang pinahid kaagad. Hindi nga rin naman naliliman ang kanilang kinauupan. Hindi niya tuloy mapigilang magmura na ikinalingon sa kaniya ni Aristhon na

