Chapter Twenty Eight

1355 Words
Chapter Twenty Eight KAYA PALA may kung anong tunog tuwing hinahawakan ko ito ay dahil may nakakabit na keychain dito. Inilapit ko pa lalo ang i.d. sa aking mukha para pagmasdan ito. Hugis itim na puso ang keychain na nakasabit dito at mukhang may kung anong nakalagay sa loob niyo kaya sa tuwing maaalog ay tumutunog. Naalala ko tuloy ang mga laruan ng kapatid ko noon. Matapos ko iyon pagmasdan ay nagpasya na akong itabi siya sa bag. Hindi ko alam kung ano ang room number niya kaya ibabalik ko nalang iyon kapag nakita ko ulit siya bukas, o hindi kaya'y pupuntahan ko nalang siya sa classroom nila sa lunes. Bumuntong-hininga ako at ibinagsak ulit ang katawan sa higaan. Pinagmasdan ko ang kisame ng kwarto gamit ang blangkong mga mata. Katahimikan lang ang bumalot sa buong silid hanggang sa padabog na bumukas ang pinto ng kwarto. Iniluwa nito si Denisa na mukhang iritado ulit ang ekspresyon. Saglit siyang napabaling sa direksyon ko bago marahas na umupo sa kalapit na upuan. Napakurap-kurap ako nang ilang beses. Mukhang hindi nanaman maganda ang kanyang mood. Nainis kaya siya dahil iniwan ko siya roon? "U-Uh, s-sorry pala. Nauna na 'ko," nag-aalangan kong sinabi gamit ang mahinang boses. Nilingon niya ako gamit ang malamig na ekspresyon. Nagtagal ang tingin niya sa akin ng ilang segundo bago inilipat ang atensyon sa komiks na dinampot niya. "Buti nga 'di ka na bumalis. Lintek na Phariah 'yan, panira ng araw," inis niyang sagot habang seryosong nakatitig sa pahina ng binabasa niya. Phariah... Iyon ata ang pangalan ng babaeng nakausap niya kanina? Mukhang hindi nga maganda ang relasyon nilang dalawa. Parang nakaramdam ako ng kuryosidad tungkol sa kanya. Hindi mukhang palakaibigan si Denisa, oo mabait siya sa akin at lagi akong sinasamahan pero lagi kong napapansin na hindi naman talaga siya palakaibigang tao. Wala naman siyang ibang kinakausap sa eskwelahan at hindi rin siya madalas kinakausap. Kaya naman medyo nakakagulay talaga na makitang nilapitan siya bigla ng babaeng iyon na nagngangalang Phariah. "P-Pwede bang itanong kung s-sino si Phariah?" Parang gusto kong pagalitan ang sarili dahil hindi ko na napigilang magtanong nanaman. Saglit siyang napatigil sa paglilipat ng pahina ng komiks. Napalunok tuloy ako ng laway, baka mainis ko siya. Babawiin ko na sana ang tanong ko pero naunahan niya na akong magsalita. "Sino si Phariah? Isang bangag na babae," ani ni Denisa sa isang tamad na tono. Kumurap-kurap ulit ako at mas lalong nalito sa sinabi niya. Bangag daw? "B-Bangag?" Naguguluhan kong ani. "Oo, bangag at praning na babae. Iniisip niya lagi na aagawan siya ng mga tao sa paligid niya, lalo na 'ko. 'Kala naman niya may pake ako sa kanya," ani ni Denisa sabay lipat ng pahinang binabasa niya. Kumunot ang noo ko at umayos ng upo. "Ano... Ano namang aagawin mo sa kanya?" Takha kong tanong. Hindi ko nakikita si Denisa bilang isang babaeng mang-aagaw ng kahit ano. Dahil ang tingin ko sa kanya ay isang babaeng may paninindigan at handang pagsikapan at mapagtagumpayan ang kahit anong gustyhin niya. Kaya naman, tingin ko ay wala siyang kakayahan na makaramdam ng inggit o kagustuhang na maagaw ang anomang bagay mula sa ibang tao. "Posisyon," hindi ko inaasahan ang maikling sagot ni Denisa. Posisyon? Tingin ko ay imbes na maliwanagan ay mas lalo akong naguguluhan habang humahaba ang usapan naming dalawa. Lalong tumataas ang kuryosidad na gumugulo sa isip ko. Sa tingin ko ay marami pa akong hindi nalalaman sa sistema ng eskwelahan na ito at kung ano-ano pa. Hindi ko maipaliwanag kung bakit ganito ang naiisip ko ngayon. May kung anong kakaibang bagay sa Libertio Academia, ganito ba talaga ang eskwelahan ng mga mayayaman? Kinagat ko na ang labi ko at pinigil ang sarili na magtanong pa. Tingin ko ay baka mairita na si Denisa kung patuloy pa akong magtatanong kaya naman pinilit ko ang sariling tumahimik. Sumandal ako sa headboard ng aking higaan habang yakap ang mga tuhod. Mayamaya ay nakarinig ako ng buntong-hininga mula kay Denisa. Sinarado niya ang komiks na binabasa niya bago tamad na lumingon sa akin. "Kung may gusto ka pang itanong, itanong mo na. Hindi ko alam kung nagtatagal ka lugar na ito kung ganyan ka ka-ignorante," aniya sa isang seryosong tono. Parang kuminang ang mga mata ko nang marinig kong sinabi niya iyon. Parang hampas ng alon na nag-uunahan ang mga tanong sa loob ng isip ko. Bihira lang ang pagkakataong ito kaya gusto kong samantalahin... "U-Uhm... Anong ibig mong s-sabihin sa posisyon na nabanggit mo kanina?" Ito ang unang tanong na lumabas sa labi ko. Sinandal ni Denisa ang ulo sa upuan bago sumagot. "Posisyon para maging susunod na leader ng Trailblazers," sagot niya. Nanlaki ang mga mata ko, hindi ko inaasahan ang naging sagot niya. Alam kong diretsahan talaga kung magsalita si Denisa pero kagulat-gulat pa rin kung paano niya kaswal na nasasabi ang mga ganitong klase ng rebalasyon! "L-Leader?" Hindi pa rin ako makapaniwala. Pansin ko nga sa nakalipas na isang linggo na sa tuwing maglalakad si Denisa ay laging tumatahimik o hindi kaya ay mahahawi ang mga nagkukumpulang estudyante sa harapan namin. Para bang may katakot-takot siyang aura na nagdudulot ng matinding awtoridad sa mga estudyanteng nadadaanan niya. Napapansin ko nga rin na madalas siyang tinatawag bilang, 'Tigress'. May bahid din sila ng takot at paggalang sa kanya. Akala ko ay sadyang kakaiba lang talaga si Denisa kaya sila ganoon. Pero mukhang may mas malalim pa pala silang dahilan. Si Denisa... May posibilidad na siya ang maging susunod na leader ng sarili niyang Clique gaya ni Sandra na kasalukayang Clique leader ng Reconcilers. Hindi ko maiwasang mamangha. Ilang segundo akong nanahimik dahil sa pagkabigla, nang mabawi ko na ang sarili ay saka ako ulit nakahanap ng boses para magsalita. "Leader... p-paano ba napagd-desisyunan kung sino ang susunod na magiging leader ng isang Clique?" Kuryoso kong tanong. Isa ito sa mga tanong na hanggang ngayon ay bumabagabag sa akin. Paano nga kaya nagiging leader ang isang Clique leader? Tumingin si Denisa sa kisame na para bang naiinip siya sa usapang ito. Tamad na nakasandal pa rin ang batok niya sa inuupuan niya. "Ewan ko sa kanila. Iba-iba rin siguro, depende sa paraan kung pa'no umakto ang isang myembro. Kung naisasabuhay ba ang pinaggagawa nilang values o kung ano mang tawag nila sa bwiset na 'yon. Basta kung makita nilang swak ka sa criteria nila, ic-consider siguro nila na gawin kang susunod na leader sa oras na mag-graduate na ang kasalukuyan," paliwanag ni Denisa bago naghikab. "Wala naman pake sa posisyon na 'yon, saksak pa ni Phariah sa atay niya," dagdag pa niya. Napaawang ang labi ko. Sa pagkakatanda ko, ang values ng mga Trailblazers ay ang katapangan at competitiveness. Kung titingnan si Denisa, talaga namang saktong-sakto ang pagkatao niya, mukhang bagay nga siya sa posisyon na iyon! "Kung ganoon, maging si Phariah ay pinagpipilian din nila tama ba?" Dagdag kong tanong. Tumango si Denisa. "Oo, dalawa ata kaming pinagpipilian. Pero gaya ng sinabi ko, wala 'kong paki sa bagay na iyon. Kanya na kung gusto niya. Isa pa, naaalibadbaran na talaga 'ko sa pagmumukha niya," inis na sabi niya. "K-Kung ganoon, bakit hindi mo iyon ipaalam sa kanila... O kung sino mang magd-desisyon tungkol sa bagay na ito," suhestyon ko. "Hm," gumihit ang isang sarkastikong ngisi sa labi niya na para bang katawa-tawa ang sinabi kong iyon. "Tingin mo ba hindi ko naisip 'yan noon pa?" Sagot niya saka ako nilingon. Kinagat ko ang labi ko at parang nahiya sa sariling suhestyon. Bumuntong hininga ulit siya bago tumingala. "Ilang beses ko nang sinabi sa kanila na ayoko sa posisyong 'yon. Napaawang ang labi ko at napaisip "P-Peri hindi sila pumapayag?" Tanong ko sa kanya. Nanatiling nakatingin sa kisame anh mga mata niya. "Oo, a clique leader's words are absolute," ani niya sa isang malamig na boses. Napalunok ako dahil sa sinabi niya. Kung ganoon ay iba talaga ang impluwesnya ng mga Clique leaders gaya ni Sandra? "B-Bakit? Sino ba ang Clique leader ng mga Trailblazers?" Kuryoso kong tanong. Mula sa pagkatulala sa kisame ay dahan-dahan siyang tumingin sa akin gamit ang malamig na mga mata. "Si Sygmund Monte Cristo,"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD