Chapter Five
Fourthrobs
A G A P E
BAHAGYANG NAPAAWANG ang bibig ko dahil sa sagot ng babae kahit na hindi ko iyon lubusang maunawaan.
Simu...simulator daw?
Nang mapansin niya yatang saglit akong natahimik ay binigyan niya ulit ako ng kanyang pormal na ngiti.
"Don't worry. This will not hurt. You just have to relax, okay?" Parang mas lalo yata akong kinabahan sa sinabi niya.
Hindi na ako nagsalita habang siya naman ay naging abala sa pagkuha pa ng dalawang wires, sa dulo nito ay may kung anong bilog. Inilagay ang dalawang wire sa magkabilang sentido ko.
Hindi ko alam kung paano pipigilan ang kabang nararamdaman ko ngayon. May tatlong wires na nakalagay sa akin ngayon, isa sa hintuturo ko at ang dalawa naman ay sa magkabilang sentido ko--hindi ko alam kung ang lahat ng ito ay normal pa ba.
Bumalik sa pagkakaupo si miss Mikaela. Hinarap niya ulit ang screen ng desktop at may kung anong pinindot sa keyboard nito bago bumaling sa puting aparato na naka-konekta roon. May pinindot siyang buton sa puting makina na iyon. Pagkapindot niya noon ay may kung anong ingay na nagmula sa aparato.
Nagsimula nanaman akong makaramdam ng pagkabalisa dahil doon.
"A-ano pong nangyayari-" bago ko pa matapos ang pagtatanong ay parang may pwersang nagtulak sa akin para mapapikit, nakita kong gumalaw ang daliri ko na para bang nakuryente ito kahit wala akong naramdaman.
Bago tuluyang bumagsak ang mga talukap ng mga mata ko ay nailibot ko pa ang paningin ko. Ang mga nakapikit na estudyante sa apat na cubicle at ang litong itsura ni miss Mikaela ang huli kong natandaan bago nagdilim ang paningin ko.
-
NABALOT ng nakabibinging katahimikan ang buong paligid. Nang sinibukan kong imulat ang mga mata ko, bigla ulit akong napapikit dahil sa pagkasilaw sa matinding sikat ng araw.
Sikat ng araw? Teka...
Kabado kong inilibot ang paningin ko at laking gulat ko nalang nang mapagtanto na wala na ako sa silid na kinalalagyan ko kanina. Ni hindi ko alam kung nasaan ako ngayon, pero mula sa itaas ay kitang-kita ko ang bughaw na langit at ang sobran nakasisilaw na sikat ng araw.
Paanong... paano ako nakarating dito?
Habang pinagmamasdan ko nang mas matagal ang lugar na ito, mas lalo kong nauunawaan kung nasaan ba talaga ako.
Nasa gitna ako ng isang malaki at walang laman na swimming pool. Tuyong-tuyo ang puting tiles ng pool at halos anim na metro naman yata ang lalim nito. Bukod sa akin ay wala na akong nakikita o nararamdamang ibang taong naririto. Napayakap ako sa sarili ko habang patuloy na inaanalisa ang sitwasyon.
Hindi ba kanina lang nasa nasa loob ako ng isang puting kwarto kung saan dapat gaganapin ang magiging clique test ko umano?
Pero ngayon bakit... bakit bigla akong napunta sa lugar na ito? Ni hindi nga ito pamilyar sa akin, nanaginip ba ako?
Kahit na halos lumabas na ang puso ko sa kaba ay nagdesisyon pa rin akong maglakad para alamin kung ano ba talaga ang nangyayari pero nakakaisang hakbang palang ako ay napatigil na agad nang biglang hindi ko maigawalaw ang kanang paa ko. Nang masdan ko kung ano ba ang pumipigil sa akin ay nanlaki ang mga mata ko nang mapansin may nakakabit na kadena rito!
"B-Bakit naka-kadena ang paa ko?" Natataranta kong tanong sa sarili. Hindi ko maalalang may nakakabit na ganito sa akin kanina!
Niluhod ko ang isang paa ko para tanggali ang kadenang nakakabit sa akin pero kahit na anong gawin ko ay hindi ito maalis?
Bumuhos ang matinding kaba sa puso ko dahil sa mga kakaibang nangyayari.
Nasaan ba talaga ako?
Sa gitna ng pagkabahala ko ay nakarinig ako ng isang tunog. Kumunot ang noo ko dahil ang biglang tunog na narinig ko ay parang tunog ng isang umiiyak na bata.
Tinigilan ko na muna ang pagsubog na alisin ang kadenang nakakabit sa paa ko para lingunin kung saan nanggagaling ang tunog na naririnig ko at nanlaki ang mga mata ko nang makita kung sino pinagmulan nito.
May isang batang babae ang nakayuko at umiiyak ilang metro mula sa akin. Ang mga kamay niya ay pinapahid ang mga mata niyang walang tigil sa pag-iyak.
Paanong... hindi ko alam kung anong unang mararamdaman ko. Kikilabutan ba ako dahil bigla-bigla nalang may batang umiiyak dito sa abandonadong pool kahit na hindi ko naman siya napansin kanina o dapat ba akong makaramdan ng awa dahil kung ano mang nagpapaiyak sa kanya?
Ang nararamdaman kong parang halo-halo dahil sa dami ng sangkap ay bumagabag lang lalo sa pag-iisip ko. Sa huli, mas nangibabaw ang awa ko para sa bata.
Hindi ko alam kung bakit at paano siya biglang sumulpot na parang kabute rito pero hindi sobra talagang nakakaawa ang itsura niya! Madungis kulay puti niyang t-shirt at shorts tapos gulo-gulo rin ang naka-ponytail niyang buhok. Saan kaya siya nanggaling?
Sa hindi malamang kadahilanan ay mas lalong tumindi ang awang nararamdaman ko para sa kanya kaya nag-desisyon akong lapitan siya. Kumalansing ang kadenang nakakabit sa paa ko habang naglalakad papalapit sa kanya, sapat lang ang haba ng kadena para tuluyan akong makalapit sa kinaroroonan ng bata.
Magkahalong kaba at nerbyos ang naramdaman nang huminto ako s harapan niya.
"B-Bata... okay ka lang ba?" Marahan kong tanong. Pero ni hindi man lang nag-react ang batang babae. Nanatili lang nakasubsob ang luhaan niyang mukha sa mga kamay niya habang patuloy na umiiyak.
Napakagat ako sa kuko ko dahil sa pagkabalisa.
Anong gagawin ko?
Hindi ko siya pwedeng hayaan na umiiyak nang ganito. Siguradong may dahilan kung bakit ganito nalang katindi ang pag-iyak niya.
Iniwan ba siya ng magulang niya? Pero wala naman akong napansing ibang tao rito kanina maliban sa kanya... kung ganoon, kagaya ko rin ba siya na napadpad nalang bigla rito na parang magic?
Nanatiling nakatitig ang mga mata ko sa kanya habang nag-iisip ng kung ano bang dapat na gawin sa ganitong sitwasyon.
Pero habang pinagmamasdan ko siya ay may napansin akong...
Natigil ako sa pagngatngat sa kuko ko nang makitang meroon ding kadenang nakakabit sa kaliwang paa niya. Agad akong lumuhod sa harap ng bata, hindi na alintana ang kabang nararamdaman ko dahil sa misteryoso niyang paglitaw basta-basta. Ang nasa isip ko nalang ay ang tingnan kung magagawan ko ba ng paraan para matanggal ang kadenang itong nakakabit sa paa niya.
Pero pagkaluhod na pagkaluhod ko palang may napansin nanaman akong kakaiba. Nakita kong parang medyo basa na iyong tiles na tinatapakan ko. Mabilisan kong nilibot ang paningin ko at nakitang unti-unti na palang napupuno ng tubig ang buong pool! Ngayon ko lang iyon napansin dahil masyado akong naka-focus sa bata kanina.
Naalarma ako dahil sa unti-unting pagtaas ng tubig sa pool. Kasalukuyan nang nalulubog ang talampakan ko at patuloy pa ito sa pagtaas. Hindi ko makita kung saan nanggagaling ang tubig pero sa sobrang bilis ng pagpuno, aakalain mong direktang nanggagaling sa dagat ang tubig.
Umiling-umiling ako at sinubukang mag-focus. Huminga ako nang malalim at pinagmasdan ang bata sa harapan. Kailangan naming makaalis dito! Kailangan kong maalis ang mga kadenang nakakabit sa mga paa namin dahil kung hindi ay siguradong malulunod kaming dalawa!
"Baby girl, 'wag kang mag-alala. Nandito ako para tulungan ka," sinubukan ko ulit aluhin ang bata. Hinaplos-haplos ko ang ulo niya para patahanin. Napansin kong marahan siyang tumingala sa akin, may bahid pa rin ng mga luha ang mga mata niyang...
Medyo nagulat ako dahil sa kakaibang kulay ng mga mata niya, kulay gray ito at hindi ko alam kung bakit pero parang sa likod ng mga luha niyang patuloy pa rin sa pag-agos... mukhang walang emosyon ang mga mata niya.
Napakurap ako ng ilang beses bago umiiling-iling ulit. Naku, hindi ako pwedeng maging judgemental! Masama iyon, ganito lang talaga siguro ang mga mata niya.
"Pwede ko bang tingnan ang paa mo?" Tanong ko sa kanya. Hindi naman siya kumibo o nagreklamo kaya nag-desisyon akong baka okay lang. Marahan kong pinagmasdan ang kadenang nakakabit sa paa niya. Sinubukan ko iyong baklasin pero kagaya ng sa akin ay hindi ko ito magawang alisin.
Mas lalo lang tumitindi ang kaba ko habang tumatagal dahil unti-unti na talagang tumataas ang tubig. Siguro ay mago-one feet na ito. Kaya naman pinilit kon itayo ang batang babae dahil baka tuluyan siyang malunod kung hahayaan ko siyang nakuupo, siguradong mas lalo siyang lulubog sa papatas na tubig.
Hindi ko man lang naitanong ang pangalan niya pero sa mga oras na ito ay hindi na iyon mahalaga. Ang tumatakbo lang talaga sa isip ko ay ang ligtas kaming makaals dito.
Hindi tumigil sa pagtaas ang tubig sa swimming pool, ngayon ay hanggang balikat na talaga ito ng bata kahit na nakatayo na siya.
Hindi ko siya naririnig na umiiyak pero patuloy pa rin ang pag-agos ng luha mula sa mga mata niya habang pinapanuod niya akong sinusubukang alisin ang kadena sa paa niya.
Halos mangiyak-ngiyak kong pilit na tinatanggal iyon pero ayaw talaga! Nilubog ko ang mukha ko sa tubig para mas makita nang maayos ang kadena. Pero habang bahagya akong nakasisid ay may napansin akong isang bagay sa sahig ng swimming pool.
Isang itim na susi!
Sa gulat ay medyo napabuka pa ang bibig ko kaya may lumabas na maliit na bubbles mula rito kaya agad ko itong sinara. May kutob ako na ang susing iyon ay ang susi para maalis namin ang mga kadenang ito sa mga paa namin. Hindi ko alam kung bakit ngayon ko lang ito nakita peto ang mahalaga ay makuha ko ito.
Pinilit ko iyong abutin gamitin ang kamay ko, tuluyan na talaga akong nakasisid. Pero hindi ko iyon tuluyang maabot dahil sa kadenang pumipigil sa paa ko.
Kahit anong gawin kong pag-extend sa kamay ko ay hindi ko iyon makuha hanggang sa hindi ko na kaya pang magtagal na magpigil ng hininga kaya napilitan akong umahon.
Hinihingal akong umahon. Hanggang dibdib ko palang ang tubig ng swimming pool pero nang makita ko ang batang babae ay nakita kong hanggang baba niya na ito! Nakatingala siya habang nakatayo para hindi tuluyang lumubog ang mukha niya.
Naalarma na talaga ako nang husto sa nakita kaya naman hindi na ako nagdalawang isip na sumisid ulit para kunin ang susing nakita ko kanina.