Chapter Seven
C-System
A G A P E
NAPAAWANG ANG bibig ko sa sagot niya.
Dumapo ang mga mata ko sa card na hawak.
Debit card?
Iyon ba iyong card na naglalaman ng pera na ginagamit sa mga transaksyon? Pero, paanong...
Lumipad ulit kay Denisa ang tingin ko. "Pero paano iyon nangyari? Wala naman akong perang dineposito rito?" Lito ko pa ring tanong.
Kagabi, wala namang problema sa pagkain dito sa cafeteria dahil libre ang pagkain. Sabi ni Denisa ganoon daw talaga kapag first day sa Academy. Pero ngayong pangalawang araw, parang nagsimula nang mas maging komplikado ang lahat.
Napabuntong-hininga nanaman si Denisa. Pakiramdam ko naiinis ko na siya.
"Hindi mo ba binasa iyong student handbook na binigay sa iyo bago ka nakipag-sapalaran sa paaralang 'to?" Dismayado niyang tanong.
Nahihiya naman akong umiling bilang sagot.
"s**t," malutong niyang mura na saglit na nagpaasim sa ekspresyon ko. "So, it means that you also have no idea about the C-System, huh?" Aniya sa medyo pabulong boses, hindi ko na alam kung ako pa ba ang kausap niya o ang sarili niya.
Pero ano raw? C-System? Bakit parang narinig ko na iyon noon, pero hindi pa rin ako sigurado kung ano ang ibig sabihin. Bakit ba napaka-komplikado ng eskwelahan na ito?
"Uhh..." hindi ko alam kung anong sasabihin ko sa kanya. Nakakahiya na napaka-ignorante ko. Masyado akong natuwa nang matanggap ang acceptance letter mula sa Libertio Academia kaya ni hindi ko na minabuting basahin ang Students' handbook.
"Nevermind," putol niya sa akma kong pagsasalita. "Mamaya ko na ipapaliwanag. I-swipe mo nalang mamaya iyang card sa counter pagkatapos mong bumili ng makakain. Meron ka pa naman provisional balance sa ngayon," sabi niya at wala pasabi ulit na naglakad patungo sa counter kaya hinabol ko ulit siya.
Kumuha siya ng kanyang tray kaya ganoon din ang ginawa ko.
Pero teka, ano ulit iyong sinabi niya kanina? Provisional balance? Bakit pakiramdam ko sasabog na ang utak ko sa mga terminolohiyang pinagsasabi niya mula kanina?
Mukha namang kalmado na si Denisa ngayon habang hinihintay namin matapos bumili ang tatlong estudyante sa harap niya. Pinagmamasdan lang niya ang breaktime menu na nakapaskil sa itaas ng counter na animo'y kapareho ng isang fast food restaurant na paborito ko.
Nang si Denisa na ang o-order ng pagkain ay pinagmasdan ko siya nang maigi para malaman kung paano ba ang tamang pagbili ng pagkain dito.
"Pork cutlet sandwich saka isang sprite," tipid niyang ani sa cashier.
May pinindot-pindot naman ang cashier sa monitor sa kanyang harapan bago inulit ang order ni Denisa bilang kumpirmasyon. Sunod ay nilagay sa tray niya ang kanyang order. Tapos ay may binunot si Denisa mula sa bulsa niya at napansin kong kahawig iyon na binigay sa akin pero iba nga lang ang kulay ng kanya. Sa akin ay kulay puti na may dilaw na logo ng kalapati at araw. Iyong sa kanya naman ay kulay orange na may black na logo--hindi ko nga lang nakita nang maayos kung anong logo ang nasa card niya dahil mabilis niya iyong sinwipe sa payment terminal bago niya ibinulsa ulit. Tapos ay binigyan na siya ng resibo ng cashier bago niya kinuha ang kanyang tray at nagbadya nang aalis sa pila, nagtama ang mga mata namin saglit bago siya dumiretso sa table.
Parang gusto kong maiyak dahil iniwan niya ako rito na lito pa rin sa komplikasyon ng sitwasyon.
Bahala na.
Tinitigan ako ng cashier na halatang nag-aabang sa o-order-in ko. Tapos ramdam ko pa ang mariing paninitig sa akin ng mga nasa likod ko na marahil ay sabik na sabik nang mapatalsik ako sa pilang ito para makakain na rin sila.
Nanginig ang labi ko habang sinasabi ang napiling pagkain. "H-hamburg sandwich at t-tubig po,"
Nag-type ang cashier sa computer sa kanyang harapan habang inuulit ang order ko na kabado ko namang tinanguan bilang kumpirmasyon.
"75 points," ani ng cashier na hindi ko naman naintindihan kaya napakurap-kurap lanh ako sa harapan niya.
"Iyong card please," aniya nang mapansing nakatulala lang ako sa harapan boys.
Napalunok ako sa kahihiyan bago nanginginig na itinaas ang card at itinapat doon sa payment terminal. Pigil ang hininga ko at animo'y nag-slow motion ang paligid habang sinu-swipe ko siya.
Nang binigyan ako ng resibo nh cashier ay doon ako nakahinga nang maluwag. Kinuha ko na ang tray ng pagkain ko gamit ang nanginginig kong kamay pero kahit papaano ay napanatag ang aking kalooban.
Bumalik ako sa lamesa na ni-reserve ni Denisa kanina at nakitang prente na siyang nakaupo sa upuaan habang ngumunguya ng kanyang sandwich.
"Musta?" tanong niya matapos lunukin ang kinakain.
Nilapag ko muna ang tray sa lamesa bago parang nawalan ng lakas ang mga hita ko at padabog na napaupo sa upuan.
"Grabe, ganito ba talaga sa eskwelahan ng mga mayayaman? Masyadong maraming komplikadong bagay? Wala namang ganito dati sa dating kong eskwelahan, ah. Saka hindi ko alam na napaka-importante pala ng card na ito," hindi ko napigilan ang sarili kong sabihin ang mga nasa isip ko sa harapan ni Denisa.
Tinitigan naman niya ako na para bang bored siya habang ngumunguya ng kanyang sandwich. Suminghot naman ako at sinimulan na ring simulan ang recess ko.
Uminom siya saglit ng kanyang sprite at dumighay sa harapan ko. "You really have no idea about the C-System?" Bigla niyang tanong sa akin.
Napabagal ang pagnguya ko sa sandwich ko habang umiiling.
C-System. Iyon iyong ibinulong niya kanina, hindi ba? Sa totoo lang, parang pamilyar talaga siya sa akin pero hindi ko alam kung ano ba iyon.
Nilagok ulit ni Denisa ang natitira sa kanyang soft drinks habang ibinubulsa ang tissue na pinagbalutan niya ng sandwich niya kanina. Hala, tapos na agad siyang kumain? Ang bilis naman ata.
Lumagatok ang plastic bottle ng soft drinks na hawak niya ng nilapag niya ito sa lamesa. Tapos ay napansin kong meron siyang kung anong dinudukot sa bulsa niya. Akala ko ilalabas niya ulit ang tissue na binulsa niya kanina pero nakita kong iba na ang hawak niya.
Napaawang ang bibig ko nang mapagtanto na ang bagay na hawak niya ay iyong card niya!
Nakaipit sa dalawang daliri niya ang habang pinapakita sa akin iyon. Ang kulay orange na kulay nito ay sobrang taliwas sa puting-puti na card ko. Ibang-iba rin ang dating ng itim na logo ng leon na naka-imprenta rito. Kumunot ang noo ko nang nabasa ko ang salitang nakalagay sa bandang ilalim ng logo.
Trailblazers. Iyan ang nakasulat. Taliwas nanaman siya sa nakalagay sa card ko na Reconcilers.
Itinago na ulit ni Denisa ang card niya nang mapansing tapos ko na iyong i-examine.
"I really hate explaining stuffs like this but seeing someone this ignorant can also make me p**e," sabi ni Denisa sa isang tonong parang pagod na iritado.
Mapanakit ang mga salita niya pero ewan pero hindi naman ako nasaktan.
Hindi ako nagsalita at hinintay lang siya na dugtungan ang sinasabi. Tingin ko ay ipapaliwanag na niya sa akin kung ano ba itong sistemang sinasabi niya na sobrang nagpapagulo ng isip ko.
Bununtong-hinga si Denisa bago nagsimula. "Meroong maraming sistemang umiiral sa school na ito pero sa lahat ng iyon, merong isang nangingibabaw..." tinitigan niya ako gamit ang isang seryosong ekspresyon. "...iyon ang tinatawag na C-System o Clique System. Hindi ko na paaartehin, basta ang ibig sabihin ng Clique group so ang bawat estudyante sa school na 'to ay may Clique o grupong kinabibilangan. Hindi ang estudyante ang magdidikta ng magiging grupo niya dahil mad-determine lang iyon sa pamamagitan ng Clique Examination. Iyon iyong exam na ginawa mo kanina,"
Napakurap-kurap ako habang dahan-dahang tinatanggap ng utak ko ang mga bagong impormasyon.
"Meroong siyam na Cliques sa school na ito. Bawat Cliques ay may kanya-kanyang unique traits at goals na kailangan matupad ng bawat myembro, palagi." May pagdiin ang pagsabi niya sa huling salita at ewan ko pero nakaramdam ako ng kakaibang kaba sa sinabi niya.
Huminga siya nang malalim bago tinapik ang mesa kaya naagaw niya ang atensyon ko ulit, hindi ko alam na natulala pala ako sa pag-iisip sa mha sinasabi niya.
"Makinig ka sa 'kin..." seryoso niyang ani. "Sasabihin ko lang 'to ng isang beses, naiintindihan mo?"
Tinanguan ko naman siya.
"Ang iba't ibang Cliques sa campus na ito ay ang; Trailblazers, Contrivers, Rectifiers, Devisers, Reconcilers, Beautifiers, at Indulgers. Kilala rin sila sa iba't ibang bansag. Masyadong mahaba kaya isusulat ko nalang," dinampot ni Denisa ang kanyang bag at kumuha mula roon ng kapirasong papel at ballpen at nagsimulang maglista ng kung ano man doon.
Nakakunot ang kilay niya habang nagsusulat at kung tititigan mo siya, masasabi mong iritado siya sa ginagawa niya pero taliwas naman doon ang mga gestures niya. Mukha lang talaga sigurong masungit si Denisa pero tingin ko naman ay mabait siya. Naa-appreciate ko nang sobra ang page-explain niya sa akin tungkol sa mga bagay na hindi ko pa lubos maunawaan tungkol sa paaralang ito. Hay, iba talaga ang ekswelahan ng mga mayayaman.
Pinadulas ni Denisa sa akin ang kapiraso ng papel nang matapos na siyang magsulat. Marahan ko naman iyong tinanggap at mataimtim na binasa.
Trailblazers ("The Competitives")
Contrivers ("The Silent Thinkers")
Rectifiers ("The Moral Conformers")
Devisers ("The Mischievous Doers")
Reconcilers ("The Peacemakers")
Beautifiers (" The Fashion Figures")
Indulgers ("The Instinctives")
Habang iniisa-isa ko silang basahin ay nagkakaroon ako ng kaunting ideya tungkol sa mga Clik-clik na ito.
Muling nagsalita si Denisa habang nakatitig pa rin ako sa papel na bigay niya. "Ayon sa exam result mo, nabilang ka sa Reconcilers. They are basically known for being the kind students. Siguro ay may nagawa kang kung ano mang kabaitan sa iyong simulation examination,"
Napaisip ako sa mga nangyari sa simulation na sinasabi niya. Kabaitan?
Nanlaki ang mga mata ko nang maisip ang pagsagip ko sa batang babae. Iyon ba ang naging dahilan kaya napabilang ako sa clik na ito?
"Nga pala, awat estudyante rin sa school na ito ay binibigyan niyang card na meron ka," biglang dugtong ni Denisa sa sinasabi niya kaya nabaling na sa kanya ang buo kong atensyon.
"Gaya ng nabanggit ko kanina, parang debit card iyan. Hindi mo kailangan ng pera sa school na ito. Points ang magpapakain sa iyo. Ang Clique leader mo na ang bahala magpaliwanag kung ano ba iyon, tinatamad na 'ko," sabi ni Denisa saka niya sinandal ang batok sa kanyang upuan na para bang pagod na pagod siya sa page-explain sa akin.
Points? Clique leader? Hay, naku. Ang dami ko naman kailangang malaman.
"Sinong Clique leader ang sinasabi mo Denisa?" Gulo ko pa ring tanong. Parang katulad din ba iyon ng mga leader sa mga clubs, ganoon ba?
Umismid si Denisa habang nakasandal pa rin ang ulo sa upuan. "Basta, malalaman mo sa Clique Assembly na magaganap sa byernes," ani niya. Mukhang pagod na talaga siya mag-explain.
Ngumiti naman ako. Sobra ko talagang na-appreciate ang paglalaan niya ng oras para magpaliwanag.
"Salamat sa pagpapaliwanag sa 'kin sa mga bagay na 'to! Sobra talaga akong naguluhan noong una," nakangiti kong ani. Wala namang bakas ng pagbabago sa ekspresyon niyang tamad na tamad.
Binalik ko nalang ang tingin sa binigay niyang papel. Meron akong bagay na napansin dito...
"Uhh, Denisa?" Tawag ko sa kanya, tinatantya ko kung kaya pa ba niyang sumagot sa huli kong tanong.
"Hmm?"
Tinitigan ko siya. "Sabi mo kanina siyam ang Clique sa school pero bakit pito lang ang nabanggit mo at ang nakalagay rito?" Lito kong tanong.
Kanina ko pa iyon naiisip eh.
"Ano pang tawag doon sa dalawang Clique?" Tanong ko ulit.
Biglang tumunog ang mahinang bell na naghudyat sa pagtatapos ng recess.
Tahimik na tumayo si Denisa at ibinulsa ang kamay bago ako tinalikuran.
"Oras na. Mal-late tayo sa klase. Dalhin mo iyang kalat mo, bawal mag-iwan ng kalat dito," aniya sa isang malamig na boses bago naglakad palayo.
Tinitigan ko siya habang naglalakad palayo sa akin.
Ako lang ba o parang hindi niya sinagot ang tanong ko?
-C. N. Haven-