Namilog ang mga mata ni Ahtisa nang marinig ang mga katagang sinambit ni Romulo. Isa itong Sinagtala bago nito pinalitan ang apelido. Romulo Sinagtala. Hindi ba nasabi sa iyo ng tatay mo na may kapatid siya? Iyon ang tanong sa kanya ng matandang Romani na parang sirang plakang nagpaulit-ulit sa loob ng utak niya. Ang emosyon niya kanina na tila tubig sa payapang lawa ay unti-unting umalon. May mga sinabi sa kanya si Trinidad, pero hindi niya maalala kung may nabanggit ito tungkol sa tunay na pagkatao ni Romulo Romani. Marahas at puno ng pagkagimbal ang tinging ipinukol niya sa kaharap. Ngumisi ito, kahit na malinaw naman nilang nasisilip ang lambong sa likod ng mga mata nito. “Kung iniisip mong magkamag-anak tayo…” Ibinitin nito saglit ang litanya para titigan siyang maigi. “…ay tama

