Pumailanlang ang matinis na tunog ng heart monitor na nakakabit kay Elara. Para kay Ahtisa ay napakangilo ng tunog na iyon, wari niya ay direktang kumakalmot iyon sa pinakadulong loob ng tainga niya. Flatline. Hindik niyang pinagmasdan ang isang pahabang linya sa screen ng heart monitor. Ang sumunod doon ay ang mabilis na paglapit ng team ng mga doktor at nurses sa pasyente. Alisto ang ginawang pagkilos ng mga ito. Nagmamadali. Samantalang si Ahtisa ay napako lang sa kinatatayuan, at nagpahila lang siya sa asawa nang hawakan siya nito sa siko at maingat na inalalayan patungo sa isang tabi. “Code blue!” sigaw ng isang nurse. “Starting compressions!” hiyaw naman ng doktor. Idinaiti ng nurse ang magkasalikop nitong mga kamay sa ibabaw ng dibdib ni Elara. Sinisikap ng mga itong muling pa

