Hindi maalis sa utak ni Ahtisa ang mukha ng babaeng nasa loob ng kotseng bumangga sa mga magulang niya. Nangatal ang kalamnan ng dalaga. Sa bawat himaymay ng kanyang katawan ay nanunuot ang ibayong sakit at ang mabigat na emosyong parang apoy na walang patid sa pagliyab. Bawat pitik ng puso niya ay may kaakibat na kirot. Mahapdi. Ang hirap huminga. Kahit ang lumunok ay halos hindi niya magawa. Hindi siya makapaniwalang nagsimula ang araw na iyong buo ang pamilya niya, na masaya sila, at magtatapos na mag-isa na lamang siya. Wala siyang mga kapatid. Wala na rin siyang mga kamag-anak. Ang mama at papa na lang niya ang mayroon siya. At hindi niya alam kung kakayanin ba niyang mawala ang mga ito. Hindi niya kaya. Baka mabaliw siya. Mariin niyang ikinuyom ang kamay sa tapat ng dibdib, dumaklo

