Nagpahatid sila ni Allison sa isang driver ni Lance pauwi sa kanilang bahay kinabukasan. Mas pinili niyang sa kuwarto ni Allison matulog kaysa sa kuwarto nila ni Lance. Sinubukan siya muli nitong kausapin pero hindi na siya pumayag. Masyado pang maaga para makalimutan niya ang mga ginawa nito sa kanya. At hindi naman siya nito nagawa pang pigilan ng tuluyan na silang umalis ni Allison ng kanilang bahay. Habang nasa biyahe sila ni Allison ay manaka-naka ay nakatitig sa kanya ang kanyang anak. Nakikita siguro nito ang lungkot sa kanyang mukha at hindi naman ito makapagtanong sa kanya kung bakit kailangan nilang biglang umalis ng kanilang bahay. Bata pa ito pero alam niyang naiintindihan nito ang mga nangyayari sa pagitan nila ni Lance. Nakapagpaalam naman ito kay Lance pero hindi rin nito

