~Lucy~
Nang matapos ang ilang oras na pag-uusap namin ni Bennie sa library ay kinuha ko na ang maleta ko na inilagay ko lamang sa kabilang kwarto. Baka kasi magising si Yazumi kapag pumasok pa ako ng kwarto namin para kunin ang maleta ko dahil siguradong mahihirapan ako sa pag-alis. Kasama naman niya si Cindy na siyang nakasama ko sa pag-aalaga sa kanya kaya kahit hindi ako ang katabi niya sa pagtulog ngayon ay okay lang sa kanya. Ewan ko na lang bukas at sa mga susunod na araw dahil wala na ako rito sa mansyon. Siguradong hahanapin ako ni Yazumi at baka mamaya ay nasa paligid lang ang kaluluwa ni Yumiko. Baka isipin niyang pabaya akong ina.
"Bakla, sigurado ka ba na ayaw mo ng back up diyan sa plano mo? Ako ang kinakabahan para sa'yo, eh! Baka mapahamak ka. Tandaan mo may anak ka at maliit pa si Yazumi," nag-aalala na sambit ni Bennie matapos niya akong tulungan na mailagay ang maleta rito sa backseat ng convertible car ni Yumiko.
Ngumiti ako sa kanya at pumasok na rin sa loob ng sasakyan. "Don't worry walang mangyayari na masama sa akin, okay?" Sambit ko at pinaandar na ang makina ng sasakyan. "Once na magising si Yazumi at hanapin ako, tell her na mahal na mahal ko siya."
"Okay sasabihin ko 'yan basta mag-iingat ka, huh? Tumawag ka kung magkaproblema ka at reresbak ako agad doon sa'yo!"
Natawa na lang ako sa pagiging OA niya. "Oo tatawag ako huwag ka mag-alala. Mauuna na ako, Bakla. Ikaw na ang bahala rito sa mansyon. Ikaw na rin ang magsabi kay Bebang kapag hinanap niya rin ako."
"Oo, Bakla. Mag-iingat ka!"
Hindi na ako nagsalita pa at pinaandar na ang sasakyan palabas ng gate. Ginising pa namin si kuyang guard para lang buksan ang gate para sa akin at tinanong pa nga ako nito kung saan ako pupunta pero ang sabi ko lang ay may aasikasuhin lang ako. Kami lang dalawa ni Bennie ang nakakaalam tungkol sa gagawin ko at ang bilin ko sa kanya once na may maghanap sa akin ang sabihin niya ay may inaasikaso lang ako. Kung magtanong pa sa kanya ito kung ano ang inaasikaso ko ay sabihin lang niya na hindi niya alam. Si Yazumi ay hindi ko na rin problema dahil noong nasa Japan pa lang kami ay ipinaliwanag ko na sa kanya ang lahat. Of course, hindi ko sinabi ang totoo sa anak ko. Ang alam lang niya ay magtatrabaho ako and it's already enough for her. Matalino at madaling makaintindi si Yazumi kaya alam ko maiintindihan niya ako once na sabihin ko sa kanya ang totoo soon.
Nang makarating ako rito sa Avida Land kung saan ako bumili ng condo ay ipinark ko na ang convertible ko kasama ng ibang sasakyan dito sa parking area. Isinuot ko na ang shoulder bag ko na Gucci at kinuha ang maleta ko saka naglakad pa patungong entrance ng condominium. Sobrang tahimik ng buong paligid at tanging ilang mga sasakyan lang ang nadaan sa kalsada ang makikita mo. Lahat pa yata ay malalim pang natutulog at parang ako lang ang gising sa mundong 'to. Okay ang OA ko. Makapasok na nga!
"Good morning, Ma'am," bati nang security guard sa akin ng buksan niya ang glass door para sa akin.
"Good morning din po," bati ko pabalik sa kanya.
"Gusto niyo po ba ng tulong sa maleta niyo, Ma'am?" tanong nito.
"I can handle this all by myself." Tinanggihan ko ang alok niya. "But thank you for asking." Dagdag ko at naglakad na patungo sa elevator.
Nang makarating ako sa condo ko na nasa ika-sampung palapag nitong building ay agad akong dumiretso sa kwarto. Inilapag ko sa ibabaw ng kama ang maleta ko at kinuha ang maliit na picture frame kung saan kasama ko si Yumiko at Yazumi. Ipinatong ko ito sa ibabaw ng lamesa na nasa gilid ng kama at napangiti na lang ako ng makita kung gaano kami kasaya na tatlo. Kung nasaan man ngayon si Yumiko ay siguradong hindi niya pa rin kami pababayan. Alam kong katulad ko ay nami-miss din ni Yazumi ang daddy niya. Sobrang close kasi ng dalawa na halos hindi ko na mapaghiwalay.
Alaskwatro na ng madaling araw ng makarating ako rito sa Avida Land. Simula ng mag-usap kami ni Bennie sa library ay wala pa akong tulog hanggang sa umalis ako roon. Kaya naman nagpahinga na muna ako at natulog para makapag-isip ako ng maayos mamaya paggising ko. Kailangan ay pag-isipan ko muna ang mga gagawin ko bago ko isagawa ang plano. Baka mamaya ay ako ang mahulog sa plano ko.
Magtatanghali na ng magising ako ng dahil sa alarm ng cellphone ko. Tirik na ang araw sa labas habang ako ay nakahilata pa rito sa kama ko. Hindi na muna ako bumangon at nagliwaliw lang muna sa social media accounts ko kung saan friend kami ni Mason. Ini-stalk ko ang account ni niya at napangisi na lang ako ng makita ang bagong post niya. Kaka-check-in niya lang ngayon sa Five Star Hotel at mukhang naka-off siya ngayon sa barko. Nakalagay kasi sa post niya ang location kung saan siya nag-check-in at may caption pa ito na ATM. Mukhang pinadali na niya ang plano ko. He's already the one who gave me the information which is hindi na dapat niya pinost pa.
Si Mason Andrews ay isa ng ganap na seaman sa pinakamalaking barko sa buong mundo. May asawa na rin ito at dalawang taon na silang kasal pero wala pa silang anak. Allison Luis-Andrews ang pangalan ng asawa niya at sikat na modelo ito rito sa Pilipinas. Parehong busy ang dalawa sa career na mayroon at siguradong madalang lang magkaroon ng oras ang dalawang ito. Binasa ko ang lahat ng laman ng profile ni Mason simula sa kalingkingan niya at sobrang linis ng record niya. Pero ngayong alam ko na ang totoo ay dudumihan ko ang iniingatan niyang pangalan. Magbabayad silang tatlo ng mga kaibigan niya.
Nandito ako ngayon sa loob ng taxi papunta sa dating bahay namin. Magko-commute lang ako dahil ayoko mapagkamalan na mayaman kapag nagpunta ako roon. Baka machismis na naman ako ng mga dati naming kapit-bahay. Hindi naman ako magtatagal din doon dahil dadaan pa ako ng salon para magpaayos ng buhok. Pagkatapos sa salon ay babalik muna ako ng condo para magpalit ng suot at pupunta na ako sa hotel na tinutuluyan ni Mason. Ang hotel na tinutuluyan niya ay malayo sa address ng bahay nila ng asawa niya at kung ano man ang reason ng pag-stay niya roon ay kukunin ko na itong advantage para umpisahan ang plano ko. Sisirain ko sila ng asawa niya!
"Kuya, para po," sambit ko habang nakadungaw kay tatay na nagtitinda nang buko juice sa labas, "Ito po ang bayad. Salamat po!" lumabas na ako kaagad ng maiabot ko ang bayad sa kanya at naglakad patungo kay tatay.
"Hija, bibili ka ba ng buko juice?" tanong ni tatay pagkalapit ko sa kanya.
"Opo, isang buko juice nga, Tay, 'yong tig ten," sagot ko sa kanya.
"Oy, tingnan mo, Mare, si Lucy ba 'yon?"
"Teka–ay oo nga! Siya nga!"
"Ang laki na ng pinagbago. Yayamanin na ang dating daga."
"Mukhang hahanap na rin ako ng akin ng yumaman na rin ako ng mabilis! Nakakasawa na maging mahirap!"
"Hay! Maghahanap na rin ako. Balita ko nga ay Hapones ang napangasawa niyan at lumipad din kaagad papuntang Japan matapos nila magpakasal."
Napailing na lang ako ng marinig ang usapan nang dalawang babaeng may edad sa gilid ko. Muntik pa ako matawa ng marinig ang itinawag niya sa akin na daga. Umalis at nakabalik na lang ako rito sa Pilipinas ay may nga chismosa pa rin pala na mahilig tumahol. Sigurado ako pagpunta ko sa dating bahay namin ay mas marami pang tatahol. Nandito na kasi ako sa loob ng baranggay namin and since nakita ko ang tinda ni tatay bumili na muna ako. Hindi pa kasi ako kumakain ng agahan at tanghalian.
"Ito na ang buko juice mo, Hija," sambit ni tatay at ibinigay sa akin buko juice na binili ko sa kanya, "Hija, baka gusto mo samahan ang buko juice mo ng mainit na turon?"
"Sige, Tay, pabili ako ng tatlo," sambit ko, "Teka lang, Tay, huh? May lalapitan lang ako. Pakilbalot na lang po ng turon ko." dagdag ko at naglakad na palapit sa gawi ng dalawa na kanina pa ako pinag-uusapan. Hindi ko sila kilala pero kilala nila ako.
"Hala! Papalapit dito!" natataranta na sambit nang babae na nakasuot ng bistida na pula na may desenyong malalaking bilog.
"Ang ingay mo kasi baka narinig tayo," sambit naman ng kasama niya.
"Paanong hindi ko maririnig, eh, para kayong nakalunok ng microphone habang pinag-uusapan ako," sambit ko ng tumigil ako sa harap nila.
"O-oh, ikaw pala, Lucy, nakabalik ka na pala rito. Hehehe," sambit nang babae na naka-polka dots na parang ngayon lang ako napansin.
"Lucy, kamusta ka na? Tagal ka na naming hindi nakita, ah? Ibang-iba ka na ngayon sa dati."
"Okay lang naman po ako," sagot ko at humigop sa buko juice ko, "Kayo kamusta na? Halata naman wala pa rin kayong pinagbago." sarkastiko kong sambit at biglang natawa ang dalawa sa sinabi ko.
"Hahaha! Kami pa rin naman ito, Lucy, eh! Hindi naman kami nagbago," sagot nang babae na naka-polka dots na mukhang iba ang pagkakaintindi sa sinabi ko.
"Mukhang ikaw nga ang nagbago, eh! Baka hindi mo na yata kami kilala. Hahaha!" pabiro na sambit nang kasama niya.
"Hindi ko naman talaga kayo kilala," diretso na sagot ko sa kanila, "Ang weird nga, eh. Parang halos lahat sa akin ay alam niyo samantalang ako kahit pangalan niyo ay hindi ko alam." dagdag ko na ikinatigil nila.
"A-ano? Hindi mo kami kilala?!" Gulat na reaksyon nilang pareho.
"Narinig niyo naman ako hindi ba? Kaya tigil-tigilan niyo na iyang pagtahol niyo bago ko pa kayo kasuhan," banta ko sa kanila, "Nagkakaintindihan ba tayo?"
"O-oo," sagot nilang pareho at halata sa pagmumukha nila na natakot sila sa sinabi ko.
"Mabuti." Nginitian ko silang dalawa bago naglakad pabalik kay tatay para kunin ang binili kong turon. "Ito po ang bayad ko sa turon, Tay." Sambit ko at iniabot ang isang daan sa kanya. "Keep the change na lang po."
"Maraming salamat, Hija. Pagpalain ka sanang bata ka."
"Thank you rin po," sambit ko at naglakad na palayo sa kanya.
Nagsimula na ako sa paglalakad ko patungo sa dating bahay namin. Wala namang ibang tumira roon bukod kay Bennie kaya sa amin pa rin 'yon. Hindi ko rin naman kasi pinagbili noong umalis ako papuntang Japan dahil may sentimental value ang bahay na iyon sa akin kahit na maliit lang. Gusto kong bumalik sa bahay namin pero kailangan ko muna itong ipaayos para maging komportable naman para kay Yazumi.
"Well, well!"
Bago pa ako makapasok sa loob ng bahay ay napatigil ako ng may isang pamilyar na boses ang nasa likuran ko. Nang harapin ko ito ay napataas ang kilay ko ng makita si Lea at Chloe. "Oh, kayo pala."
"Tama pala ang sabi ni mama, Chloe. Bumalik na pala ang dating daga," sambit ni Lea habang ang mga braso nito ay naka-cross.
Natawa naman ako sa nalaman ko. "Mama mo pala 'yon? Kaya pala mahilig din tumahol ang anak."
"Anong sabi mo?!" Susugurin sana ako ni Lea nang awatin siya ni Chloe.
"Kumalma ka, Best. Masasayang ang beauty natin sa babaeng iyan!"
"Tama ka. Masasayang lang ang ganda natin sa dagang ito."
"Alam niyo naman palang masasayang lang ang oras niyo nag-effort pa kayo na puntahan ako rito. Bakit na-miss niyo ba ako mga talunan?" Taas noo kong sambit sa kanila. This time hindi na ako mananahimik lang katulad ng dati.
"Huh! Narinig mo ba ang sinabi niya, Chloe?" Baling niya sa kaibigan niya bago ako muling balingan nito. "Kung makapagsalita akala mo kung sino na! Lumaki yata ulo mo, Lucy, dahil sa pera ni Mr. Hann. Nagpapakasasa ka siguro sa kayamanan ni Mr. Hann habang nasa Japan kayo!" Ang daming pinuputak wala naman sa hulog.
"Oo lumaki ulo ko sa pera ni Yumiko! Ano masaya ka na?" Natatawa kong tugon sa kanya para lalo siyang mainis. "Ini-spoil niya kasi ako sa Japan at binibigay niya lahat ng gusto ko. At kung hindi niyo na rin itatanong, Lea and Chloe, I'm already graduated in business also and we already have a child." Nginisian ko sila. "Eh, kayo masyado yata kayo na-spoiled sa insecurities niyo sa katawan. Sinasabi ko sa inyo hindi kayo uusad sa pagiging insecurity niyo!"
"Aba! Sumusobra ka na, ah!" Itinaas ni Lea ang kamay niya para sampalin sana ako ng may pumigil sa kanya.
"Enough, Lea!" Patapon na binitawan ni Ro–
"Ron?!" wala sa sarili kong naisambit ang pangalan niya ng balingan ko siya.
"Babe, siya ang nauna!"
"Babe?!" Gulat na reaksyon ko ng marinig ang itinawag ni Lea sa kanya at dalawang beses nagpabalik-balik ang tingin ko sa kanila. Ang panget ng taste ni Ron. Eww!