~Lucy~
Nandito kami ngayon sa napakahabang lamesa rito sa dining area at kumakain nang dinner namin. Para sa akin dinner na 'yong kinain namin sa bahay pero mukhang hindi pa yata busog ang isang ito. Sa dulo ng lamesa si Mr. Hann nakapwesto habang ako naman ay nasa kanan niya. Sa paligid naman namin ay nakatayo ang mga bodyguards at mga maids na hinihintay kami na matapos. Sinabi kong sumabay na rin sila pero ang sagot lagi sa akin ay pagkatapos na daw namin sila kakain.
Natapos kami ni Mr. Hann sa pagkain namin ng hindi nag-uusap. Ang huling pag-uusap namin ay kanina ng nasa wardrobe kami. Hindi na rin kasi siya kumibo sa huling sinabi ko at biglang naging seryoso ang awra niya. Iyon bang awra na kapag kinausap ko ay susungitan ako o i-snobin. Nanahimik na lang ako habang nakaupo kami kanina sa sofa. Gusto ko pa sanang tingnan ang mga damit niya na binili sa akin pero nanatili lang nakadikit pwetan ko sa sofa kasama siya. Lumabas lang kami ng tinawag kami ni Cindy na nakahanda na ang lamesa para sa dinner namin.
"Ahm, gagamit ka ba ng banyo?" tanong ko sa kanya para naman hindi mapanis ang laway ko.
"No," tanging isinagot niya lang at nag-umpisang hubarin ang suot niyang t-shirt at pantalon.
Agad akong tumalikod bago pa ako may makita. "Ahh, sige, magha-half bath lang muna ako. Pakiramdam ko ang lagkit ko, eh." Sambit ko at mabilis na nagmartsa papasok ng banyo. Seryoso ba na magkasama kaming matutulog dito? Feeling ko may gagawin siya, eh!
Nag-umpisa na akong mag-half bath dito sa loob. Nag-shower lang ako at pagkatapos ay sinuot ko na ang pantulog ko na damit na lagi kong sinusuot sa bahay. Terno na pajama at damit ito na kulay yellow na may disenyo pa na hello kitty pero dahil matagal na ito kumupas na ang kulay. Hindi na nga rin makita ang hello kitty na design na suot ko.
Nag-ayos muna ako ng kaunti rito sa harap ng malaking salamin. Nagsuklay lang ako ng buhok at nag-toothbrush dito sa sink. Lumabas na rin ako pagkatapos at nadatnan ko si Mr. Hann na palipat-lipat nang channel sa TV. Hindi niya ako napansin sa gilid niya dahil nakatuon lang ang atensyon sa ginagawa niya at nakaharang din kasi ang kulambo.
"Ginagawa mo?" tanong ko para maagaw ang atensyon niya.
Tumigil ito sa ginagawa niya at hinawi ang kulambo para makita ako. "Why are you not wearing the clothes I bought for you?" Tanong niya habang nakataas ang isang kilay.
"May damit naman akong dala–"
"So, you don't like your clothes inside the wardrobe?" Ibinaba niya ang hawak na remote control at pinag-cross ang mga braso habang nakatingin dito sa gawi ko.
"Hindi naman sa ganoon kasi–"
"Then wear the clothes I bought," putol niya na naman sa akin, "Mayroon din akong pangtulog na binili para sa'yo. You can find it in the wardrobe."
"Okay!"
Pamartsa akong naglakad papasok sa wardrobe at muling bumungad sa akin ang mala-shopping mall ng mga damit pagkapasok ko. Puro damit ko lang ang makikitang mga naka-hanger dito sa labas at sa harap ko ay isang buong closet din pero hindi tulad ng kay Mr. Hann. Gawa kasi sa salamin ang pinto ng closet kaya nakikita mula rito kung ano ang nasa loob. Mayroon din mga damit Ang naka-hanger sa loob, iba't-ibang klase ng sapatos at bag pati na rin mga alahas. Ang hirap naman mamili sa mga ito. Sobrang dami!
"Saan ko naman hahanapin 'yong pantulog na damit na sinasabi niya? Mukhang aabutin pa ako ng bukas kakahanap dito," tanong ko sa hangin habang namemeywang sa mga damit na nasa harap ko.
Nag-umpisa akong hanapin kung saan nakalagay ang mga pantulog na damit. Sa tingin ko kasi ay naka-classified itong mga damit base sa purpose nila. Mayroon kasing clothing rack na puro dress lamang ang naka-hanger at puro blouse lamang. Kaya naisip kong baka sa iisang clothing rack lang din nakalagay ang puro pantulog ko na damit. Mayroon sampung clothing rack ang meron dito sa labas at ang sakit sa ulo maghanap sa dami ng mga ito. Ganito ba talaga kapag mayaman?
"Did you already found where is it?" tanong ni Mr. Hann na pumasok na rin dito sa wardrobe.
"Sa rami nito sa tingin mo mahahanap ko ba kaagad?" tanong ko habang hinahanap pa rin sa mga clothing rack ang pantulog ko.
"It was inside your closet."
Tumigil ako sa paghahanap at tumingin sa gawi niya na ngayon ay chill nakasandal sa may pintuan habang magka-cross ang mga braso niya. Suot niya ay puting sando at itim na boxer na halos bumakat na ang ano niya sa ibaba. Ano ba naman 'tong lalaking ito!
"Te-teka nga, bakit ka ba nandito?" tanong ko para mawala sa isip ko ang nakita ko sa kanya. Makasalanang mata!
"I just thought that you might need some help in here." Naglakad ito palapit sa gawi ko at binuksan ang slide door nitong mahabang closet na para sa akin. "Itong mga nakatuping ito ang mga pantulog mo."
"Oh, okay," sagot ko na lang at inumpisahan i-check ang mga pantulog na binili niya, "Ano 'to? Akala ko ba pantulog? Bakit parang swimsuit ang isang ito?"
Unang kuha ko pa lang sa mga nakatuping pantulog ay ito ng pulang parang bikini ang nakuha ko. One piece ito at napi-picture out ko na kapag sinuot ko ito, parang luluwa lahat ng itinatago ko sa katawan. Sobrang kulang sa tela nito at bakit ba siya bumili nang ganito? Tiningnan ko siya ng nakataas ang kilay at kita ko sa mukha niya ang pamumula. Napansin niya ako kaya tumingin ito sa ibang direksyon para iwasan ang tingin ko sa kanya.
"It is lingerie," sagot niya na hindi pa rin makatingin sa akin.
"Huwag mong sabihin na nag-e-expect kang magsusuot ako ng ganito?"
"What?! N-no–"
"Manyak!" Ibinato ko sa pagmumukha niya ang lingerie na pinagsasabi niya at muling nagkalkal nang matinong pantulog.
"I'm not a manyak." Ibinigay niya sa akin ang lingerie na ibinato ko sa kanya at naupo sa sofa. "Most of the girls are wearing like that. So, I thought that you are also wearing lingeries that's why I bought. Hindi ko rin naman kasi alam ang taste mo in terms of clothes."
"Bakit kasi bumili ka kaagad ng mga damit?" tanong ko habang nagkakalkal pa rin dahil puro lingeries ang nakikita ko rito sa loob ng closet, "Atsaka hindi ko naman kailangan ng mga bagong damit. Okay pa naman ang mga ginagamit ko."
"You are already in a good place plus you have this good life that's why you deserve new things," sagot niya, "Kailangan mo ng sanayin ang sarili mo, Lucy, sa ganitong buhay."
"Ang dami namang alam," mahina na sambit ko at sigurado naman akong hindi niya narinig ang sinabi ko.
Hindi na ako nagsalita at naghanap na ng susuotin ko na pantulog. Hindi na rin naman siya umiimik sa pwesto niya pero feeling ko pinapanood niya ako. Nang sa wakas ay may nakita na akong pantulog na susuotin ay kinuha ko na ito at ibinalik nang maayos ang mga kinalkal kong lingeries.
"Hindi ka pa ba tapos maghanap diyan?" tanong ni Mr. Hann na tila naiinip. Sino ba kasing nagsabi na pumunta siya rito?
"May nahanap na ako," sagot ko, "Pwedi mo na akong iwan. Magpapalit na ako ng suot ko."
"Okay," tanging tugon niya lang at iniwan na ako na mag-isa rito.
Sinigurado ko muna na ako na lang ang mag-isa rito sa kwarto dahil baka mamaya ay nagtatago lang ang isang iyon sa kung saan. Nang masiguro ko na ako na nga lang ay ni-lock ko ang pinto para hindi siya makapasok kung sakaling papasok man siya. Kahit na mukha siyang gentleman tingnan ay mahirap na baka maisipan niya akong silipin dito. Puro lingeries nga ang binili niya at kung inaakala niya magsusuot ako ng ganun ay managinip na lang siya ng gising!
Mabuti na lang ay may binili rin siyang pantulog na matino. Pajama na may terno na sando ito na may makintab at madulas na telang kulay pink. Sa amoy pa lang nito ay malalaman mong mamahalin ito. Mukhang alam niya rin ang size ko dahil saktong-sakto lang nito sa akin. Hindi masikip, hindi rin maluwag sakto lang.
Lumabas na rin ako pagkatapos kong magbihis at nadatnan kong nakapatay na ang TV. Medyo madilim na rin dito sa kwarto pero dahil sa ilaw ng lampshade ay may kaunting liwanag. Naglakad ako papunta sa kabilang gilid ng kama at pagpasok ko sa kulambo ay nakapikit na ang mga mata ni Mr. Hann. Dahan-dahan akong umakyat sa kama dahil baka mamaya magising ko siya kung natutulog na ba talaga ang isang ito. Ang bilis naman niya makatulog kung ganoon. Hmmm.
"Ahm, Mr. Hann tulog ka na ba?" mahina kong tanong sa kanya.
"I said don't call me on that name," sagot niya na hindi man lang gumalaw o dumilat.
"Sabi ko nga tatawagin kita sa pangalan mo," sambit ko at nahiga na, "Ahm, baka pweding lagyan natin ng unan sa gitna?"
"Why, hmmm?"
"Kasi malikot akong matulog at baka mamaya paggising ko, eh, nakatanday na ako sa'yo," sagot ko habang nakahiga ng diretso na akala mo ililibing na.
"Well, I like that. So, let's not just put a pillow–fuck!" napasigaw na lamang siya ng ibagsak ko ang braso ko sa dibdib niya.
Bumangon ako. "Alam mo feeling ko may gagawin kang masama habang natutulog ako." Tiningnan ko siya nang masama.
"Magiging asawa na rin naman kita kaya okay lang na may gawin ako." Ngumisi ito nang nakakaloko.
"Sinasabi ko na nga ba, eh!"
"By the way, I like your clothes," sambit niya habang nakatingin sa katawan ko.
"Manyak!" Itinapon ko sa mukha niya ang unan na ginamit ko. "Sa ibang kwarto na lang ako matutulog. Ayoko na may katabing manyak!" Sambit ko at aalis na sana ako sa kama ng hilahin niya ako pabalik dahilan para mapahiga ako sa braso niya.
"I'm just kidding." Tumatawa pa ang sira-ulo. "I assure you na wala akong gagawin habang natutulog ka kahit na tumataas libido ko sa'yo dahil sa epekto mo sa akin."
"Ano ba!" Lumayo ako sa kanya at bumalik sa pwesto ko. Sabi ko na nga ba namamanyak ang isang ito!
Tumawa naman siya na akala mo nakikipagbiruan ako sa kanya. "Don't worry hindi kita kakainin not unless we're already married."
"Bwiset na 'to," bulong ko sa gilid ko habang yakap ang unan na ibinato ko sa kanya.
"Matulog ka na, Lucy, maaga pa tayo bukas. It's gonna be a long day tomorrow. You need to store energy to yourself," sambit niya at umayos na rin ng higa.
"Okay," tugon ko na lang at inilagay ang unan na yakap-yakap ko sa gitna namin.
Nanatili ako na parang bangkay na nakahiga sa kanan ni Mr. Hann. Nakatulala lamang ako sa itaas habang pinapakiramdaman ang buong paligid namin. Hindi na rin nagsasalita ang katabi ko at ng sumulyap ako sandali ay nakapikit na ang mga mata nito. Nakatagilid ito ng higa papunta sa akin habang ang isang braso niya ay ginawa niyang unan. Sobrang lamig dito sa loob dahil naka-aircon kami at ang isang 'to ay mukhang sanay na sa lamig. Itinago ko na lang ang sarili ko sa ilalim ng makapal na kumot namin at pumikit na rin dahil dinadalaw na ako ng antok.
"Lucy."
Napakunot-noo ako ng marinig ang boses ni ate na tila bumubulong sa tenga ko. Iminulat ko ang mga mata ko at halos masilaw ako sa sobrang liwanag ng nakikita ko. Nang masanay na ang mga mata ko ay biglang bumungad ang nakangiting mukha ni ate. Suot-suot niya ang huling damit na isiunot niya noong huling beses ko na siyang nakita.
"Ate? Minumulto mo ba ako?" tanong ko habang nakahiga pa rin.
Imbis na sumagot ay iniabot niya ang kamay at ng abutin ko ito ay tinulungan niya ako na bumangon. Ngayon ko lang napagtanto na nandito kami sa bahay namin. Pero paano ako napunta rito?
"Lumakad ka na palayo, Lucy. Pakawalan mo na ang sarili mo," sambit ni ate na hindi ko na naman maintindihan.
"Hindi kita maintindihan, Ate. Anong papakawala–"
Bang!
Naputol ang sasabihin ko ng biglang umalingawngaw ang putok ng baril sa paligid namin kasabay ng isang malakas na sigaw ng babae. Bumilis ang t***k ng puso ko ng marinig ito. Nang balingan ko muli si ate ay napaatras ako ng makitang duguan ito. Umiiyak din ito ng dugo at humihingi ng tulong sa akin.
"Lucy."