Kabanata 8

1642 Words
BELLA’S POV Maaga akong gumising kahit medyo late na akong nakatulog kagabi. Pero nang magtungo ako sa kusina para maghanda ng almusal ay naabutan ko na si Nanay. Nagsisimula na siyang maghanda ng agahan. “Oh, maagap pa, bakit gising ka na?” tanong niya habang naghihiwa ng kamatis. “Gusto ko po sanang maghanda ng almusal ni Ben,” sagot ko. “Nakapagsimula na ako. Ikaw na lang gumawa ng babaunin niya.” “Sige po.” Nag-init muna ako ng tubig sa electric kettle para magkape. Mabilis lang naman ang paghahanda ng babaunin ng anak ko para sa recess niya. Hindi kasi namin siya pinapabaunan ng pera dahil baka kung ano-ano lang ang bilihin niya sa school. Kinder pa lang naman si Ben kaya hanggang tanghali lang ang pasok niya. Wala silang pasok noong Huwebes at Biyernes kaya ngayong Lunes ko lang siya unang beses na ihahatid sa school. Nang uminit na ang tubig ay nagtimpla na ako ng kape ko. Tinimplahan ko na rin si Nanay at inilagay ko iyon sa harapan niya. Saka ko kinuha ang baunan ni Ben para ilagay ang babaunin niyang pagkain. Una kong ginawa ay kumuha ako ng chicken nuggets, para sa almusal ngayon at ang iba ay para sa pambaon ni Ben. Prinito ko iyon. Pagkatapos ay gumawa ako ng sandwich. Naglagay din ako ng grapes at milk drink. Napapangiti ako habang naghahanda ako ng babaunin ng anak ko. Ngayon ko lang ito gagawin, pero sisiguraduhin kong mula ngayon ay ako na ang gagawa nito. Malapit na ang bakasyon. Ilang linggo na lang ang pasok nila at grade one na siya sa pasukan. Ang bilis ng panahon. Parang kailan lang, pinapapantasyah ko lang ang ama nila. Ngayon may dalawang anak na kami. Pinatong ko lang muna sa may gilid ng table ang baon na hinanda ko para sa anak ko. Matatapos na rin si Nanay sa niluluto niya kaya kumilos na ako para ihanda ang table dahil ano mang oras ay magigising na rin ang mga bata. “Tumawag ng apala kagabi si Ma’am Lia. Sinasabi niya, kung may time ka, dumalaw ka raw sa kanila. Mukhang na-miss ka rin niya,” wika ni Nanay habang nilalagay niya sa table ang niluto niyang sinangag. “Alam mo, malaki ang pasasalamat ko sa pamilya nila. Dahil sa kanila, naging maayos ang buhay natin. Sa tuwing naalala ko kung gaano katakot noon dahil baka ipakulong din ako ni Sir Apollo dahil sa nangyari kay Samuel, parang gusto ko nang magtago pero mabait sila. Alam nilang wala akong kasalanan, binigyan pa nila ako ng trabaho at pumayag pa silang isama kita. Kaya kung hindi ka busy, dumalaw ka sa kaniya, noong nakaraang taon pa iyon nagtatampo. Umuwi ka raw pala ng bansa pero hindi ka nagpakita sa kanila.” “Sige po, pero hindi pa ako makakapunta ngayon. Ihahatid ko lang si Ben tapos may meeting akong pupuntahan para sa boutique ko.” Sa ibang araw na lang kapag hindi ako busy. “Alam mo, madalas niya akong iniimbitahan sa kanila kaso tumatanggi ako. Walang mag-aalaga kay Ben kapag pumunta ako pero tumatawag pa rin naman siya. Si Samuel naman, madalas talaga siya rito minsan. Nakikipaglaro siya kay Ben kaya close na close na silang dalawa.” Ngumiti ako sa sinabi ni Nanay. Sa sobrang close ni Kuya Samuel at Ben, daddy na ang tawag ng anak ko sa kaniya. “Mama.” Sabay kaming napalingon ni Nanay at nakita namin si Ben at Gray na nakatayo sa pintuan. Parehong magulo pa ang mga buhok nila at halatang bagong gising. Nakataas pa hanggang tuhod ang isang laylayan ng pajama ni Gray. “Good morning,” agad akong lumapit sa kanila. Binuhat ko si Gray at inakay ko naman si Ben. Agad siyang naupo sa harap ng mesa nang makita niyang nakahanda na ang almusal. Binaba ko naman si Ben sa tabi ko. Medyo makalat pa siyang kumain kaya sinusubuan ko pa siya. Pero may child chair naman siya kung saan hinahayaan ko siya minsan. Matapos namin mag-almusal ay agad ko nang hinanda ang uniform ni Ben. “Anak, halika. Liliguan na kita,” tawag ko sa kaniya. Naglalaro sila ni Gray. Lumapit ako sa kanila at binuhay ko ang TV para manood lang muna si Gray habang pinapaliguan ko ang kuya niya. “Gray, watch ka lang muna. Liliguan lang ni Mama si Kuya ha,” pagkausap ko sa bunso ko na tumango-tango. Dalawang taon na mahigit si Gray kaya nakakaintindi na siya. Nakakapagsalita na rin siya, utal pa nga lang. “Mama, malaki na po ako. Kaya ko na mag-isa maligo,” wika naman ni Ben nang susunod sana ako sa kaniya patungo sa banyo. “Ha? Malaki? Baby boy pa rin kita,” sagot ko naman. Kinuha niya ang towel na hawak ko. “Big boy na po ako. Si Gray po ang baby pa.” Ngumiti siya ng malaki sa akin. “Kaya ko na po.” Mabilis siyang tumakbo papasok sa loob ng banyo. “Careful, baka madulas ka!” pahabol ko pa sa kaniya at napabuntong-hininga ako. Tatlong taon lang akong nawala pero parang ang laki na agad ng pinagbago. Iyong anak ko, ayaw na agad magligo kahit ang bata pa niya. Parang ang dami ko na agad na-miss habang wala ako. Hindi ko mapigilang malungkot habang nakatingin sa pinto ng banyo. Hindi na talaga ako aalis. Ayaw kong may ma-miss pa ako. Nang matapos maligo ni Ben ay agad ko na siyang binihisan. Habang si Gray naman ay nakikigulo sa amin. “Let’s go,” yaya ko kay Ben nang matapos siyang magbihis at maghanda pagpasok. Dala ko ang bag niya habang sa kabilang braso ko ay buhat ko si Ben habang palabas kami ng kwarto. Binaba ko si Ben nang nasa sala na kami. Nasa table na sa sala ang lunch bag ni Ben nang lumabas kami. “Gray, kay Lola ka lang muna. Ihahatid lang ni Mama si Kuya sa school, okay?” pagkausap ko kay Gray. “Kolkol, sama!” Ang ibig sabihin niya ay gusto niyang sumama sa school. “Baby, hindi.” “I will bring you pasalubong. Bibili kita ng tinapay sa may labasan mamaya pag-uwi ko,” wika naman ni Ben na parang inuuto rin ang kapatid niya para sumama. “Papay,” nakangiting saad ni Gray. “Yes, tinapay,” wika ni Ben. “Halika at manonood tayo ng baboy na nagsasalita,” wika ni Nanay at nilayo na sa amin si Gray para libangin. Agad naman na kaming lumabas ni Ben. Ako ang may dala ng lunch bag at bag niya. Nakahawak siya sa isang kamay ko hanggang sa pumara kami ng tricycle. Marami nang mga batang pumapasok nang dumating kami. “Si Mama ulit ang susundo sa iyo rito mamaya kaya hintayin moa ko, okay?” pagkausap ko sa anak ko. “Opo.” “Ben, sino siya? Mama mo?” tanong ng isang medyo chubby na batang babaeng lumapit sa amin. “Oo,” proud na sagot naman ng anak ko. “Sabi ko naman sa inyo, may mama ako.” Napangiti ako sa sinabi ng anak ko, pero hindi ko rin mapigilang maaawa sa kaniya. Ibig sabihin may mga nang-aasar sa kaniya na wala siyang mama. Bigla akong nakonsensya. Kasalanan ko, busy akong magtrabaho at magtago kaya wala ako sa tabi niya. “Ang ganda pala ng mama mo,” saad ng batang babae at ngumiti sa akin kaya nginitian ko siya pabalik. “May mama ka pala, pero nasaan ang papa mo? Wala kang papa?” sabay kaming napalingon sa nagsalita at nakita ko ang isang payat na lalaking nakangisi sa anak ko. Nakita kong kumuyom ang kamay ng anak ko. Maging ako ay nagpantig ang tenga ko. Talaga palang may mga batang bully. At kung hindi ko pa hinatid ang anak ko, hindi ko pa alam na may mga nang-aasar sa kaniya. “Excuse me, pero may papa si Ben. Busy lang siya kasi may work. Kaya nga akong mama niya ang naghahatid sa kaniya ngayon,” malumanay na saad ko sa bata pero mariing magkalapat ang mga labi ko habang nagsasalita ako. Hindi ko pwedeng patulan ang talas ng dila ng batang ito. Dahil kapag ginawa ko iyon ako ang lalabas na masama at pumatol ako sa bata. “Ikaw nga may papa pero hindi ka naman hinahatid sa school kasi laging lasing ang papa mo,” saad ng batang babaeng bumati kay Ben kanina. “Kaya service lang lagi naghahatid sa iyo.” Asar na tumingin ang batang lalaki sa batang babae bago umalis. Nilagay ko naman sa likod ni Ben ang bag niya bago ko binigay sa kaniya ang lunch bag niya. “Sige na, pasok ka na,” wika ko. Tumango siya, pero hinawakan ko siya para pigilan nang aalis na sana. “Kapag may nang-away sa iyo. Sabihin mo sa akin, akong bahala. Okay?” Muli siyang tumango at ngumiti. Humalik siya sa pisngi ko bago siya sumama sa batang babae na naghihintay sa kaniya. Nakasunod lang ang tingin ko sa anak ko hanggang sa makapasok siya sa loob. Nawala ang ngiti sa mga labi ko. Nang dahil sa desisyon ko, apektado ang mga anak ko. Hindi ko man ginusto ang mga nangyayari ngayon pero walang ibang pwedeng sisihin kundi ako. Pero hindi ako papayag na may mangbu-bully sa anak ko. Tatawid sana ako ng kalsada nang malakas na busina ang nagpahinto sa akin. Napahawak ako sa dibdib ko dahil sa kaba ko. Muntik na akong mabundol ng kotseng paparating, mabuti na lang at mabilis itong nakapag-preno bago pa ako tamaan. Sa lalim ng iniisip ko, nakalimutan ko nang tumingin kaliwa’t kanan bago tumawid. Humarap ako sa magarang kotse para sana humingi ng paumanhin pero nahigit ko ang hininga ko nang bumaba ang bintana ng sasakyan at sumilip ang driver noon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD