BELLA’S POV
“Who’s that mama?” curious na tanong ni Ben nang ibaba ko ang tawag.
“It’s mama’s friend, your Tita Cindy,” sagot ko sa anak ko habang nakangiti. Mukhang nakalimutan na niya ang usapan namin. “She asked me a favor. Kaya aalis muna saglit si Mama. Okay?”
“Okay po.”
Tumingin ako sa relo ko. Almost six na.
Tumayo na ako. Lumapit ako kay Gray at binuhat ko siya saka ako nagtungo sa kusina.
“’Nay,” tawag ko sa ina ko nang makapasok ako ng kusina. Nakita ko siyang abalang nagluluto.
“Oh, bakit?”
“Aalis po muna ako saglit lang.”
“Ha? Gabi na.”
“Tumawag kasi si Ate Cindy, may hinihingi lang siyang favor.” Hindi ko na binanggit sa kaniya kung anong pabor ang hinihingi sa akin. Kilala naman niya si ate Cindy kaya walang problema sa kaniya.
“Ganoon ba? Sige, ako nang bahala sa mga bata,” mabilis na pagpayag niya.
Tumango ako sa kaniya.
“Mabilis lang ako, ‘Nay,” paniniguro ko pa sa kaniya bago humakbang papuntang kwarto ko para magpalit ng damit.
Ibinaba ko sa kama si Gray at hinayaan siyang maglaro doon. Saka ako mabilis na naglinis ng katawan at nagbihis. Wala na akong oras para maligo. Hindi naman ako mabaho kaya naglinis na lang ako ng katawan ko.
Magpapakita lang naman ako. Hindi rin naman ako magtatagal. Hindi ko akalaing hanggang ngayon, ginagawa pa rin ni London ang bagay na iyon. Ang paggamit kay Ate Cindy para itaboy ang mga babaeng pilit na nagkukumapit sa kaniya. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon niya kapag ako ang nakita niya pero curious din ako.
Nagsuot lang ako ng isang white off-shoulder na top, long sleeves iyon. Tapos ay jeans, na tenernuhan ko ng five inches white stiletto para naman tumangkad ako. Hinayaan kong nakalugay ang buhok ko at naglagay lang ako ng nude lipstick na siyang naging tanging kolorete ko.
Nang matapos akong magbihis ay muli kong binuhat si Gray. Dinala ko siya sa sala at binuksan ko ang TV roon para manood lang siya ng cartoons.
“Gray, mama will go out. Behave, okay?” pagkausap ko sa bunso ko na tumawa at tumango lang habang nakatutok na ang mata sa pinapanood niya.
“Mama, babantayan ko po siya,” nakataas ang kamay na saad ni Ben.
Lumapit ako sa kaniya at ginulo ang buhok niya bago siya hinalikan sa pisngi.
“Ang bait naman ng kuya. Sige, babalik din si Mama. Mabilis lang ako. Be good okay? Huwag pasaway kay Lola,” paalala ko.
“Opo,” mabait na sagot ni Ben at naupo sa tabi ni Ben.
Pumunta ako sa kusina.
“’Nay, alis na po ako,” paalam ko. “Babalik din po agad ako.”
“Sige na, ako na bahala sa mga bata. Baka naghihintay na sa iyo si Cindy,” pagtataboy pa niya sa akin at winagayway ang kamay na parang sinasabi na umalis na ako.
Ngumiti ako. Lumapit ako sa mga anak ko at hinalikan ko muna sila pareho bago ako tuluyang umalis. Saktong paglabas ko ng bahay ay huminto naman ang taxi na binook ko online kaya sumakay agad ako.
Habang nasa taxi ay saka ako parang tinatambol ang dibdib ko. Hindi ko alam kung tama ba itong ginagawa ko pero pumayag na ako. Pwede naman akong hindi magpakita at magdahilan na lang kay Ate Cindy pero hindi iyon ang ginawa ko. Nagmamadali pa akong nagpaalam kay Nanay at nagbihis.
Kinakabahan ako sa gagawin ko dahil first time kong gagawin ito. Pero hindi ko rin mapigilang ma-excite. Sigurado akong hindi matutuwa si London na makita ako, pero parang trip kong mang-asar ngayon. Gusto kong makita kung anong klaseng babae ba ang inaayawan niya ngayon para magpatulong pa siya kay Ate Cindy.
Alam kong maraming babaeng nagkakagusto sa kaniya, kaya nga nakakagulat na hanggang ngayon wala pa rin siyang steady na girlfriend. Dati akala ko, kapag bumalik ako ng bansa, may seryoso na siyang karelasyon, pero hanggang ngayon, wala pa rin.
Hindi naman siya pihikan sa babae. Parang lahat ng pinapatulan niya, well, maliban sa akin na hindi niya gusto ay kay Ate Cindy na alam kong kapatid lang ang tingin sa kaniya. Baka hindi pa lang niya nakikita ang babaeng makakapagpatino sa kaniya, pero kung sino man iyon. Sana mabait ang babaeng iyon, para kapag nakilala niya ang mga anak ko, matanggap niya.
Nang huminto ang sasakyan sa Haven’s Nook ay agad akong nagbayad at bumaba. Huminga ako ng malalim bago humigpit ang hawak sa clutch bag na nasa balikat ko.
Saka ako taas noong humakbang papasok sa loob.
LONDON’S POV
Nakakunot ang noo ko habang nakatingin kay Eliza. Kanina pa siya kumukurap-kurap habang may matamis na ngiti sa mga labi. Nagpapa-cute siya ng husto pero hindi naman ako naku-cute-tan sa kaniya. She’s pouting and she looks like a duck.
Maganda naman siya, pero para sa akin nakakasawa ang ganda niya. Lalo na at hindi ako mahilig sa babaeng makapal mag-make up. Mas gusto ko iyong simple lang.
We dated once, pero mula noon. Palagi na siyang nakasunod sa akin kahit ilang beses ko nang sinabi na hindi ako interesado sa kaniya. Hindi niya ako tinatantanan at lagi siyang tumatawag sa opisina ko kaya pumayag na ako ngayon na makipagkita sa kaniya.
“Sabi ko na nga ba at hindi mo ako matitiis,” saad niya habang may matamis na ngiti sa mga labi niya.
Umayos ako sa pagkakaupo ko. Late na akong dumating sa usapan namin ni Eliza, pero hindi ko inaasahang mas late pa sa akin si Ate Cindy dahil hanggang ngayon ay wala pa rin siya. Pumayag siya sa pakiusap ko na magpanggap na girlfriend ko kaya hindi ko alam kung bakit wala pa rin siya hanggang ngayon. Pero sigurado akong darating iyon, sanay naman na siyang magpanggap na girlfriend ko.
“You keep on pestering me. I told you, that would be the last time,” saad ko kay Eliza habang seryosong nakatingin sa kaniya.
Lumabi siya.
“Last? No way, I know you like me too. You don’t have to be shy about your feelings, London. Hindi talaga madaling magkagusto sa isang tulad ko dahil maraming lalaking naghahabol sa akin, pero huwag kang mag-alala, ikaw ang gusto ko,” saad niya na para bang pinapalakas pa ang loob ko.
I pinched my nose because of irritation. Pinagsisihan ko na pumayag akong makipag-date sa kaniya. May sapak yata ang babaeng ito. Marami pala nagkakagusto sa kaniya, bakit ako ang pinipilit niya?
Nakiusap lang si Mr. Romero sa akin na kilalanin ang pamangkin niya. Inisip ko na harmless naman iyon kaya pumayag ako sa blind date namin. Pero unang kita ko pa lang sa kaniya parang gusto ko nang umuwi. Ngiti pa lang niya noon, alam kong magiging sakit na ng ulo ko. Pero dahil nga sa tito niya, pinilit kong matapos ang date ng maayos at pagkatapos noon ay hindi ko na talaga siya kinontak pa. Ang kaso, hindi ko alam na siya naman ang mangungulit nang mangunglit sa akin.
“I will be honest with you. I already have a girlfriend,” diretsang sagot kaya natigilan siya.
Mabilis niyang kinuha ang blue lemonade na nasa harapan niya at uminom doon na para bang pinapakalma niya ang sarili dahil sa sinabi ko.
Saka siya muling ngumiti sa akin.
“I know you are lying. Kung may girlfriend ka talaga? Nasaan siya?” hamon niya sa akin.
Pasimple akong tumingin sa may entrance. Wala pa talaga si Ate Cindy. Tumingin ako sa relo ko. Seven-thirty na, ang sabi ko sa kaniya, seven p.m. Na-traffic ba siya?
“Alam kong wala kang girlfriend, pero kung gusto mong magkaroon. Available naman ako, you can date me,” pahayag niya habang may matamis na ngiti sa akin at ang mga mata niya ay tila malapit nang maghugis puso.
“No. We can be friends, but I can’t date you for real.”
“Come on, London. You will not be here, if you don’t want me. I still remember our first date, you are so attentive. You even sent me home.”
Bored na nakatingin lang ako sa kaniya.
Minsan, ang hirap din palang maging gwapo at mabait. Iniisip nila na gusto ko agad sila dahil lang mabait ako sa kanila. Hindi ba pwedeng gentleman lang ako? Sabi niya wala siyang dalang sasakyan at nakiusap siyang ihatid ko siya kaya hinatid ko siya. Hindi ko alam na may meaning na rin pala iyon sa kaniya.
“Forget about it. Don’t call me again,” saad ko habang nauubos na ang pasensya ko.
Sinubukan niyang pagapangin ang kamay sa kamay ko pero mabilis kong iniwas ang kamay ko kaya napasimangot siya.
“No, you don’t have a girlfriend. As long as I am persistent, I know you will eventually be my boyfriend. Wala naman akong masasagasaan kaya okay lang,” balewalang saad niya. “I think we can be a great couple.”
Naningkit ang mga mata ko. Para siyang bata na hindi marunong umintindi. Tila ba wala siyang pakialam kahit lantaran ko na siyang inaayawan. Halatang sanay siyang nakukuha ang gusto niya kaya ginagawa niya ang bagay na ito.
“So be ready, I will make you fall—”
“Honeybunch!”
Sabay kaming napalingon sa malakas na boses at bigla akong natigilan habang nakatingin sa babaeng papalapit sa may pwesto namin.
Wait… what is she doing here? She just called someone ‘Honeybunch’… is she… dating someone?!
I looked around to see who the heck she was calling Honeybunch.