BELLA’S POV
Mabilis ko siyang hinila papunta sa kusina. Iyong malayo sa mga bata para hindi nila ako marinig. May isip na sina Ben at Jared kaya ayaw kong marinig nila ang sasabihin ko.
“Anong ibig mong sabihin?” tanong ko kay Jingjing. Pinaupo ko pa siya at kinuha ko ang tiring juice na nasa ref. Naglabas din ako ng mga chocolate na dala ko mula sa pagdating ko para kainin niya. Alam kong iyon ang hilig niya.
“Alam, ilang beses na akong pumarito kasi minsan, kapag day-off ko, pinupuntahan ko talaga si Ate Tess. Tapos nakita ko si Ben. Nagulat pa nga ako noong sinabi niya na anak mo raw pero huwag ko raw babanggitin kahit kanino na may anak ka na. Kaya kapag pinapatawag siya ni Ma’am Lia, nagdadahilan siya na nag-aalaga ng anak ng kamag-anak niya at hindi nakakapunta sa mga Haxell. Nagtataka pa ako noong una kung bakit hindi na lang niya isama ang anak mo lalo na kapag birthday lang naman ni Ma’am Lia. Para bang ayaw niya ipaalam na may anak ka na. Tapos habang lumalaki si London, na-gets ko na. Magkamukha sila,” pagkukwento niya.
Nahigit ko ang hininga ko habang nakikinig sa kaniya. Ibig sabihin, matagal na niyang alam.
“Hindi ba pwedeng pinaglihian ko lang siya kaya magkamukha sila?” pilit pa ring akong humahanap ng palusot.
“Imposible. Para kayong aso’t pusa palagi at hindi ka pa naman naglilihing masyado noong umalis ka, hindi ba?” tanong niya at binuksan ang isang chocolate. “Nakita rin kita noon. Noong madaling araw na lumabas ka mula sa kwarto niya, ilang linggo bago ka umalis ng bansa. Kaya sigurado ako, tama ang hinala ko.”
Hindi makapaniwalang tumingin ako kay Jingjing. Akala ko walang nakakaalam. Akala ko walang nakakita sa akin noon. Meron pala, hindi lang nagsasalita. Mabuti na lang at kahit madaldal siya, marunong siyang magtago ng sekreto.
Kumuha pa ako ng mga chocolate sa ref at nilagay ko sa isang paperbag. Saka ko ipinatong sa ibabaw ng table sa harap niya.
“Pwede bang huwag mong sabihin kahit kanino ang nalalaman mo,” pakiusap ko at bahagyang itinulak ang paperbag papalapit sa kaniya.
Suhol. Binibigay ko iyon bilang suhol sa pananahimik niya.
“Bakit ayaw mong malaman ni Sir London na may anak kayo?” curious na tanong niya.
“Jingjing. Wala kaming anak ni London. Wala,” mariing saad ko sa kaniya.
“Paano mo maitatanggi. Magkamukha sila ni Ben. Nakita ko mga picture ni Sir noong bata pa, parang si Ben lang,” giit pa niya.
Muli kong hinila papalapit ang paper bag sa akin pero hinawakan niya iyon para agawin sa akin.
“Sige, sabi ko nga wala kayong anak. Magkamukha lang sila dahil pinaglihian mo si Sir,” biglang bawi niya sa sinabi niya at ngumiti sa akin.
Alanganing ngumiti naman ako sa kaniya. Medyo na-i-stress ako bigla. Pakiramdam ko maraming nakakaalam ng sekreto. Kahit sinabi niya na hindi siya magsasalita, kinakabahan pa rin ako. Alam kong mas lumakas ang kutob niya kung sino ang ama ng anak ko dahil nakita niyang lumabas ako sa kwarto ni London. Nahuli niya ako kaya kahit mag-deny ako, sigurado na akong hindi niya ako paniniwalaan. Ang kailangan ko lang ngayon ay masiguro na hindi siya magsasalita.
Kung si Kuya Samuel at Jingjing ay mabilis na nahulaan ang ama ng anak ko. Naisip ko si Nanay. Wala ba talaga siyang alam? Gayong isa siya sa nag-alaga kay London habang lumalaki ito. Sa tuwing mag-uusap kami, palagi niyang sinasabi na hindi niya kilala. Pero kahit kailan hindi siya nagtanong. Kaya ngayon napapaisip ako. Ina ko siya, kilala niya ako, kaya maari bang may alam din siya?
“Alam mo, sayang single pa naman si Sir. Saka bagay kayo, sure ako kapag nalaman niya may anak kayo. Pakakasalan ka noon, feeling ko kasi crush ka talaga niya kaya lagi ka niyang inaasar. Baka nagpapapansin sa iyo,” saad pa ni Jingjing.
Ilang taon na kaming hindi nagkita pero kung ano kami dati. Ganoon pa rin siya.
“Jingjing, tama na. Wala akong balak na pikutin siya. Kaya please, huwag mon ang banggitin pa,” pakiusap ko sa kaniya.
“Sorry,” hingi niya nang paumanhin. “Nanghihinayang lang kasi ako. Bagay naman kasi kayo.”
Nagbabanta ang tingin ko sa kaniya kaya bigla siyang umakto na zinizipper ang ang bibig niya.
“Huwag kang mag-alala. Ang tagal ko na ngang alam, wala akong sinabihan kahit na sino. Kahit si Ma’am Lia pa. Kaya umasa ka, safe ang sekreto mo sa akin,” pangako pa niya.
Nakahinga naman ako ng maluwag sa sinabi niya. Naniniwala naman ako na hindi niya sasabihin sa iba.
“Sure ka, akin na lahat ng ito? Hindi naman ako nanalubungan sa iyo, pero salamat,” malaki ang ngiting saad niya.
Mabuti na lang at medyo madami akong biniling chocolates. May naging pangsuhol ako sa kaniya.
“Wala iyon. Mabuti nga at dumaan ka rito. Medyo busy kasi ako kaya hindi pa ako nakakapunta roon,” paliwanag ko.
Pero ang totoo, medyo umiiwas din talaga ako. Ayaw kong kapag pumunta ako sa bahay ng mga Haxell ay nandoon si London. Mabuti na lang at nandito si Jingjing.
“Pwede bang timbrehan moa ko kapag nandoon si Ma’am Lia at wala si London?” pakiusap ko sa kaniya habang may alanganing ngiti sa mga labi ko.
Nag-thumbs up naman siya sa akin. “Sige, akong bahala.”
“Mama!” sabay kaming napalingon ni Jingjing sa tumawag sa akin.
Tumatakbong lumapit sa akin si Gray. Kasunod niya si Ben na hinahabol siya.
“Mama? Dalawa ang anak mo?” laglag ang pangang tanong ni Jingjing at nagpabalik-balik ang tingin kay Ben at kay Gray na buhat ko na ngayon.
Tagilid ang ngiting tumango ako sa kaniya.
Nakanganga lang si Jingjing habang hindi makapaniwalang nakatingin sa amin. Pwede nang mapasukan ang bibig niya ng langaw.
Pinakatitigan pa niya si Gray.
“Bella, pareho sila ng mata ni Ben at sigurado akong hindi sa’yo namana ni Ben ang mata niya,” pagkaraan ay saad niya. Habang nagtatanong ang mga matang tumingin sa akin.
Ngumiti lang ako sa kaniya. Nasa harap kami ng mga anak ko kaya hindi ko pwedeng ipaliwanag sa kaniya. Mukhang na-gets naman na niya.
“Ben, asan si Jared?” tanong ko sa anak ko.
“Umalis na po sila ni Tita Sharon.”
“Umalis na? Bakit hindi nagpaalam?”
“Pero tinanong po ni Tita Sharon kung nasaan kayo, sinabi ko po na nasa kitchen. Pero may tumawag daw po kaya uuwi na sila,” sagot ni Ben kaya nagkatinginan kami ni Jingjing.
Nakatagilid ako sa may pinto pero wala naman akong napansin na pumasok. Bigla akong kinabahan. Narinig ba niya ang pinag-uusapan namin ni Jingjing? O may tumawag na sa kaniya bago pa siya makapunta sa kusina? Baka magpapaalam lang sana, pero may tumawag kaya nagmamadali nang umalis. Baka ganoon nga.
Hindi ko alam, pero kung sakaling narinig man niya ang pnag-uusapan namin ni Jingjing. Hindi naman siguro kilala ni Sharon si London. Isa pa, wala naman siguro siyang pakialam kahit na sino pa ang ama ng mga anak ko.
Wala naman siguro akong dapat ikabala.