BELLA
Hinayaan ko munang maglaro sina Ben at Jared. Habang si Gray ay nasa tabi ko at pinaglalaruan naman ang buhok ko. Pinapanood ko ang anak ko habang pinapahiram niya si Jared ng mga laruan niya. Bata pa si Ben pero makikita na agad na hindi siya madamot. Kahit si Gray, hinahayaan niyang guluhin siya, iyon ang napapansin ko sa kaniya.
Habang si Nanay naman ay nanonood na naman ng paborito niyang drama sa hapon. Siya iyong lagging galit sa inaaping bida. Tipong tumataas ang blood pressure niya dahil sa pinapanood pero palagi pa rin naman niyang pinapanood ang palabas na iyon.
“Gray, sleep ka muna. Para mabilis kang lumaki,” pagkausap ko sa anak ko na tumatalon-talon naman ngayon sa tabi ko.
Binuhat ko siya at dinala sa kwarto namin. Dalawa lang ang kwarto rito sa bahay dahil hindi naman gaanong malaki ang bahay na naipundar ko kaya kasama ko sa kwarto ang mga anak ko. Sinadya kong palakihan ang kama para kasya kaming tatlo.
“Mama… Dada,” saad ni Gray habang pinapatulog ko siya.
Pareho kaming nakahiga sa kama.
“Dada?” nagtatakang tanong ko sa kaniya.
“Dada…”
“Papa?” panghuhula ko.
Pati ba ang bunso ko naghahanap na rin ng tatay?
Ngumiti siya ng malaki sa akin.
“Wala siya. Hindi kasi niya alam na may dalawa na siyang poging baby boy,” pagkausap ko sa anak ko. Alam ko naman na hindi pa niya maiintindihang masyado ang sasabihin ko kaya kahit magkwento ako sa kaniya ay okay lang. “Ewan ko ba naman kasi sa papa mo. Maganda naman si Mama, pero ayaw niya sa akin. Nagkita nga kami kanina, hindi man lang ako kinumusta. Pang-aasar na agad ang sinabi niya,” parang nagsusumbong na saad ko kay Gray habang marahan ko siyang tinatapik-tapik sa isang hita para makatulog.
Minsan iniisip ko, ano kaya ang magiging reaksyon ni London kapag nalaman niya ang tungkol sa mga anak namin? Sigurado akong magagalit siya. At hindi pa ako handing harapin ang galit niya. Kaya hanggang ngayon, kahit sa sarili kong ina, hindi ko masabi ang totoo.
Tumingin ako sa anak ko at nakita kong nakatulog na siya. Inayos ko ang pagkakahiga niya saka ako muling bumangon sa kama.
Muli akong lumabas ng kwarto at naabutan ko si Ben at Jared na naglalaro pa rin. Kahit gusto kong patulugin din ang anak ko gaya ng karaniwang ginagawa niya kapag siesta time ay hinayaan ko na lang silang maglarong dalawa ni Jared. Minsan lang naman napupunta rito si Jared.
“Napakatanga naman. Hindi na nga siya gusto nagmamakaawa pa rin. Ang daming lalaki sa mundo, nagtyatyaga siya sa demonyong iyan,” naririnig kong saad ni Nanay habang nanonood ng TV.
Napailing na lang ako. Ganiyan naman siya palagi kaya sanay na sanay na ako. Ngayong hindi na siya nagtatrabaho, mas nakakapag-relax na siya kung kailan niya gusto kaya hinayaan ko na lang rin siya. Kaya ng mula nang makapagtapos ako, talagang pinilit kong makaalis ng bansa para guminhawa ang buhay namin at hindi na siya magkatulong. Okay naman kami sa pamilya Haxell pero ayaw ko naman na habang buhay na magtatrabaho ang ina ko. Gusto ko pa rin namang guminhawa ang buhay namin. Iba pa rin iyong may sarili na akong kita, hindi ko lang inaasahan na sa pag-alis ko, may pabaon pala akong dala.
Naupo lang ako sa sofa habang binabantayan si Jared at Ben. Naglalaro sila ng puzzle.
“Sabi ni Daddy Sam, ibibili raw niya ako ng marami pang toys kapag good boy ako,” biglang saad ni Ben.
“Wala kang tatay, bakit may Daddy ka?” inosenteng tanong naman ni Jared.
Parang gusto kong sumabat sa kanila at sabihing may tatay si Ben pero nanatili ako sa kinauupuan ko habang nakikinig sa usapan ng dalawang bata.
“Daddy ko siya pero hindi ko siya papa. Sabi lang niya, daddy daw itawag ko sa kaniya kasi bata pa raw siya,” paliwanag ng anak ko.
“Huh? May daddy ka na, may papa ka rin? Dalawa ang tatay mo?” naguguluhang tanong ni Jared.
“Hindi,” umiiling na sagot ni Ben. “Basta iba ang Daddy ko at iba ang Papa ko. Si Papa, sabi ni Mama busy siya sa work kaya wala siya.”
Iyon ang minsan ay dahilan ko kay Ben. Iyon din ang sinabi ko sa kaklase niya kaya marahil ay iyon ang iniisip ni Ben.
“Wala akong papa tapos si Mama busy siya sa work. Kaya minsan kina aling Nelly lang ako kasi wala silang anak,” pagkukwento ni Jared.
Pareho kami ng sitwasyon ni Sharon. Parehong walang ama ang mga anak namin. Ang pagkakaiba lang ay meron akong supportive na magulang kaya hindi ako nahihirapan. Katulong ko si Nanay sa pagpapalaki ng mga anak ko.
Tumingin ako sa ina ko. Nakatulog na siya sa pagkakaupo sa sofa. Tumayo naman ako at kinuha ko ang laptop ko para asikasuhin ang mga plano ko para sa itatayo kong negosyo habang nagbabantay rin ako sa mga bata.
Nang makita kong pasado alas tres na nang hapon ay tumayo ako sa kinauupuan ko at nagtungo sa kusina para maghanda ng meryenda.
Gumawa lang ako ng sandwich at nagtimpla ng juice.
“Salamat po,” nahihiyang saad pa ni Jared sa akin nang pinapakain ko sila ng meryenda.
“You are welcome,” sagot ko habang nakangiti sa kaniya.
Nagising na rin si Gray kaya pinaupo ko na rin siya para kumain kasama ang kuya niya at si Jared. Habang si Nanay naman ay biglang pumasok sa kusina at naabutang nagmemeryenda ang mga bata.
Inalok ko siya ng meryendang ginawa ko pero tumanggi siya.
“Busog pa ako. Nakatulog pala ako, pupunta pa ako sa palengke, bibili ako ng tahong,” paalam niya.
Mabilis akong tumayo.
“Sandali lang po. Kukuha lang ako ng pera,” wika ko sa kaniya.
“Hindi na, may pera naman ako. Hindi naman aabot ng isang libo ang bibilihin ko,” tanggi niya. “Sige na, at hapon na pala.”
Tuluyan na siyang lumabas ng bahay kaya ako ang naiwan kasama ang mga bata.
Matapos nilang mag-meryenda ay bumalik sila sa paglalaro sa sala. Habang nagliligpit naman ako sa kusina ay may nag-doorbell kaya nagmamadali akong nagtungo sa pinto.
“BELLA!” muntik na akong mabingi sa tili ng taong nabungaran ko.
Dinamba niya ako ng yakap.
“Bakit hindi ka man lang nagpasabi na dumating ka na? Nabanggit lang sa akin ni Ma’am Lia na dumating ka na pala. Day-off ko ngayon kaya naisipan kong dumaan dito,” saad niya at tumingin sa akin ng mabuti. “Grabe ang ganda mo lalo. Mukhang yayamin ka na,” dagdag pa niya.
Pabirong umirap ako sa kaniya. Siya si Jingjing. Kasambahay siya ng mga Haxell. Matanda lang siya sa akin ng ilang taon dahil 20 years old pa lang siya nang mapunta siya sa mga Haxell para magtrabaho.
“Pasok ka,” alok ko sa kaniya.
Napatingin siya sa mga batang naglalaro sa sala. Bigla niya akong hinila sa braso papalapit sa kaniya at bumulong sa akin.
“Bella, kamukha talaga siya ni Sir London,” bulong niya kaya natigilan ako.
Kinakabahang tumingin ako sa kaniya pero ngumiti lang siya sa akin.
“Kamukha? Baka naman namamalikmata ka lang,” kinakabahang saad ko.
Ngumisi siya sa akin. Iyong ngisi na para bang may alam siya kaya marahas akong napalunok.
Bakit pakiramdam ko mali ako sa inaakala kong walang ibang nakakaalam ng lihim ko?