BELLA
“Sige na, tawagin mo na iyong mga bata nang makapananghalian na tayo,” utos niya sa akin kaya bumalik ako sa sala at naabutan ko silang naglalaro.
Si Jared na nahihiya pa kanina nang maabutan namin ay tumatawa na ngayon habang nakikinig sa kwento ni Ben habang si Gray naman ay nakatayo sa likuran ng kuya niya at dumadamba sa likod nito.
“Ben, let’s change your clothes na muna para makakain na tayo,” utos ko sa anak ko na hindi pa nakakapagpalit ng uniform niya. Mabilis naman siyang tumayo at sumunod sa sinabi ko. Maging ang bag niya ay kinuha niya para dalahin sa kwarto.
“Mama ako na lang po. Kaya ko na magbihis mag-isa,” saad ng anak ko para pigilan ako nang akmang susundan ko pa sana siya kaya napahinto ako.
Sobrang independent na talaga ng panganay ko.
Lumapit ako kay Gray at Jared.
“Let’s eat na,” saad ko pero kay Jared ako nakatingin at nginitian ko siya.
Maaring ngayon lang niya ako nakita kaya nahihiya pa siya sa akin pero mukhang sanay na siya rito sa bahay dahil gaya ng sabi ni Nanay ay iniiwan siya minsan ni Sharon rito.
Sabay-sabay na kaming kumain. Nasa gitna si nakaupo habang katabi ko si Gray at magkatabi naman si Jared at Ben.
“Mama, tinatanong ako ni Jared kanina kung maganda raw ba pumasok sa school. Hindi pa po kasi siya nag-i-school,” biglang saad ni Ben habang kumakain kami.
“Kasi nga, busy pa ang Tita Sharon mo. Kaya walang maghahatid at magsusundo sa kaniya,” sagot naman ni Nanay.
“Busy rin naman po si Mama pero nag-school pa rin ako.” Bumaling si Ben kay Jared. “Wala ka bang Lola? Kasi si Lola ang naghahatid sa akin dati sa school.”
“Nasa probinsya kasi ang Lola niya. Tapos busy ang mama niya, pero sure naman ako, mag-i-school din si Jared gaya mo,” wika ko.
Sayang din naman, magka-edad sila ni Ben. Grade 1 na rin sana siya pagpasok kaso hindi pa pala siya pumapasok kahit kinder.
“Pero pareho kaming walang papa, mama,” muling saad pa ng anak ko.
Bigla akong napaubo dahil sa sinabi ng anak ko. Umiinom pa naman ako ng sabaw ng sinigang ni Nanay nang magsalita ang anak ko.
“Pero okay lang. May mama naman ako tapos siya na maghahatid at magsusundo sa akin lagi sa school. Sabi ng ni Mica, ang ganda n’yo raw pala,” pagkukwento pa ng anak ko.
Para bang normal na sa kaniya ang sabihing wala siyang papa. Kaya sa tuwing babanggitin niya iyon, kinakain talaga ako ng guilt ko.
“Busy ang mama ko. Kasi nasa trabaho siya, kasi kapag hindi raw siya nag-work, wala kaming food,” saad naman ni Jared. “Mas gusto ko kapag dito niya ako iniiwan, kasi masarap ang food ninyo.”
Hindi ko mapigilang maawa kay Jared. Hindi ko alam kung ano ang estado ng buhay na meron sila pero sa pananalita niya, mukhang hirap sila. Kung pagbabasehan ko rin ang hitsura niya, mukha siyang malnourished.
“Sabi ko nga kay Sharon, dito na lang niya ihabilin palagi si Jared. Hindi naman na iyan alagaain at para may kalaro si Ben dahil kapag kaming dalawa lang niyang anak mo dati, napapagod ako sa dami niyang kwento,” wika ni Nanay kaya medyo natawa ako.
May kadaldalan talaga ang anak ko at sigurado akong hindi niya sa akin iyon namana.
Matapos naming kumain ay hinayaan ko muna ang mga batang maglaro. Habang ako naman ay ang nagliligpit ng mga pinagkainan. Si nanay naman ay nakaupo lang. Gusto pa nga niyang siya ang gagawa ng ginawa ko pero alam kong pagod na rin siya. Dahil nagbabantay siya kay Gray at nagluto pa siya.
“’Parang naawa ako kay Jared. Kasi parang napapabayaan siya ni Sharon,” hindi ko mapigilang sabihin habang naghuhugas ako.
“Kahit ako naawa sa kaniya, sakitin pa naman. Ewan ko ba naman kay Merna, hindi pa rin niya matanggap na may anak na si Sharon. Wala naman na siyang magagawa andiyan na iyan. Wala namang kasalanan iyong bata.”
Kaya nga. Kaso iba si Tita Merna at iba si Nanay.
“Pero gaya ko lang ba siyang nabuntis ng walang ama or may naging asawa o kinasama siya dati tapos naghiwalay lang sila kaya single mom si Sharon ngayon?” tanong ko pa.
Si nanay, kunwari lang iyang hindi tsimosa pero marami siyang alam. Alam nga niya mga sekreto ng mga kasama niya sa trabaho dati. Pati iyong love affair ng driver nina Sir Apollo at ng katulong sa kabilang bahay.
“Hindi ko alam. Hindi rin naman ako nagtatanong kung paano siya nagkaroon ng anak na walang ama. Ikaw nga hindi ko tinanong kasi alam ko naman na hindi mo sasabihin at magsisinungaling ka lang sa akin kaya hinayaan ko na lang,” patutsada pa niya. “Pero naaawa ako sa anak niya. Medyo napapabayaan. Kita mo naman ang payat-payat na. Mukhang nagalit kasi sa kaniya ang Tita Merna mo kaya hindi makauwi. Hindi matanggap na iyong anak na ginapang nila para makapagtapos ng pag-aaral ay magpapabuntis lang sa huli. Alam mo naman, iniisip nila na si Sharon na mag-aangat sa kanila sa kahirapan.”
Muli ko na namang napatunayan na swerte ako sa ina ko. Dahil kung tutuusin, mas malala ang nagawa ko kaysa kay Sharon pero wala akong narinig sa kaniya at tanggap na tanggap pa rin niya ako.
“Kaya ang swerte ko kasi si Teresita Antonio ang nanay ko,” wika ko.
Umirap siya sa akin pero nakangiti.
“Mabait ka naman kasi. Mukhang malas ka lang sa pag-ibig.” Bumuntonghininga pa siya. “Hay naku, sa dami ng mamana mo sa akin, kamalasan pa sa buhay pag-ibig.”
Hindi ko rin alam. Hindi naman ako pangit pero ayaw sa akin ng taong gusto ko. Kunsabagay, gets ko naman. Hindi kami magka-level. Mayaman siya, tagapagmana tapos ako anak ng katulong. Malayong-malayo talaga ang agwat namin sa isa’t isa. Langit siya, lupa ako.
“Pero bakit hindi na ulit kayo nag-asawa?” tanong ko sa kaniya habang nagpupunas ako ng basing kamay ko sa towel.
Tapos na akong maghugas kaya humarap na ako kay Nanay.
“Mahirap na. Ayaw ko naman mag-asawa ulit tapos hindi ka tanggap. Saka okay na ako, masaya na ako sa trabaho ko, kaya hindi ko na rin iyon naisip,” simpleng sagot niya.
“Hindi man lang ba kayo nagkagusto kahit na kanino dati? As in, wala talaga?”
Biglang napangiti si Nanay na para bang kinikilig siya. Pinipigil pa niya ang ngiti niya pero hindi niya mapigilan kaya lumapit ako sa kaniya. Sa ngiti pa lang niya, sigurado na akong may kwento siya.
“Sino?” curious na tanong ko.
Wala talaga akong alam. Ang alam ko lang, noong bata pa ako, may hardinerong nagpapansin sa kaniya, kaso ayaw naman niya doon.
Umirap siya sa akin. Ayaw magkwento.
“Sige na. Sino nga?” pangungulit ko sa kaniya.
“Nagka-crush ako dati,” pabulong na saad niya at iyong ngiti niya parang teenager na kinikiliti.
“Sino?”
“Hindi mo kilala.”
“’Nay naman, magkukwento na lang. Pa-suspense pa.”
Tumingin siya sa akin ng masama pero nagsimula din naman siyang magkwento.
“Noong sa ama pa ako ni Samuel nagtatrabaho. Noong yaya pa lang niya ako at kapitbahay pa lang namin sina ma’am Lia. Crush ko iyong boy nila si Natoy. Ang gwapo naman kasi, tapos mukhang ang bango kahit pawisan. Kaso nalaman ko, hindi pala talaga siya boy. Secret bodyguard siya ni Ma’am Lia, kasi hindi ba at na-kwento ko na sa iyo. May nagtatangka sa buhay nila. Pero happy crush lang naman iyon. Napogian lang ako sa kaniya,” pagkukwento ni Nanay.
Hindi ko mapigilang mapangiti sa kwento ng ina ko. May nalalaman pa talaga siyang happy crush. Alam ko naman ang kwento kung paano siya napunta sa mga Haxell. Yaya lang talaga siya ni Kuya Sam, pero nang malaman ni Sir Apollo na kapatid niya si Kuya Sam ay kinuha niya ito at kasama si Nanay. Hanggang sa pati ako ay kunin na rin para lang hindi umalis ang ina ko dahil umuwi siya ng probinsya noon para alagaan ako dahil nagkasakit ako.
“Alam mo, ikaw. Hindi ko naman sinasabi sa iyo na hindi ka na ulit pwedeng magmahal. Pero siguraduhin mo na iyong lalaking mapipili mo, hindi lang ikaw ang mamahalin, kundi ang mga anak mo,” payo niya sa akin.
Ngumiti ako sa kaniya.
“Wala na akong plano, ‘Nay.”
“Bakit naman? Nadala ka na ba talaga? Bata ka pa. Hindi mo pa masasabi ang panahon.”
Alam ko. Pero umaasa pa kasi ako sa himala. Pero kung wala talagang pag-asa okay lang. Hindi naman ako namimilit, kaya nga kahit pwede ko na siyang ikulong sa akin dahil may alas na ako, hindi ko ginagawa. Ayaw kong panagutan niya ako dahil napilitan lang siya.
Napapitlag ako nang biglang pumitik si Nanay sa harap ko.
“Natulala ka na. Huwag mong sabihin sa akin, naaalala mo ama ng mga anak mo?”
Umiling ako kay Nanay kahit tama naman ang hula niya.
“Hindi. Bakit ko siya aalalahin? Hindi naman ako mahal noon,” labas sa ilong na sagot ko.
“Sinabi ba niya sa iyo?”
“Ang alin?”
“Na hindi ka niya mahal.”
“Oo, hindi raw niya ako gusto,” nakangusong sagot ko.
“Ay tarantado pala ang gagong iyon. Hindi ka gusto pero dalawang beses kang inanakan. Naku, mabuti na lang talaga hindi ko siya kilala. Baka nasugod ko na siya ngayon. Makakatikim talaga sa akin ang lalaking iyon, huwag na huwag mo siyang dadalahin dito sa bahay,” naggagalaiting saad ng ina ko kaya napangiwi na lang ako.
Gusto kong mapakamot sa ulo. Pakiramdam ko ako ang makakatikim sa ina ko kapag nalaman niya kung sino ang ama ng mga anak ko.