Episode 15 The Dream

2201 Words
Dinalaw siya ng kaibigan kinagabihan. "Gian pare! Kamusta ka...na?" napanganga si Vince sa nakita. Nilingon niya ito. "Okay lang ako pare, napadalaw ka?" Umupo ito sa kanyang tabi. "Inaalam ko kung buhay ka pa, at mukhang buhay ka pa nga. " Bahagya siyang natawa. "Siyempre ano ba sa tingin mo ang ginagawa ko?" "Akala ko, nagpapakamatay ka na sa lasing. Umiiyak at hindi na kumakain, pero sa nakikita mo, mukhang tataba ka pala. Tingnan mo nga oh? Lumalamon habang nanonood ng movie marathon?" Ibinalik niya ang tingin sa screen. "Walang magawa eh, on leave ako kaya nagpapahinga kaya bumabawi ako pare, o ano? Nood tayo?" anyaya niya. "Ibang klase ka, pero sige na nga, " nakikain din ito sa chichirya niya. Nanonood sila habang ngumunguya. "Nga pala pare, dalawang araw na lang ang pagmumukmok mo at pag –eemote balik uli sa trabaho." "Alam ko. " "Gian pare, ipapaalala ko lang, bawal ang distraction sa trabaho natin. Ikakamatay mo 'yan. " " Alam ko, " sagot niya habang nakatuon ang mga mata sa screen habang kumakain. "Gian pare, alalahanin mo ikaw ang team leader sumusunod lang kami sa utos mo. " " Alam ko, " sagot niyang hindi na kumukurap. Tiningnan siya ni Vince at bahagya itong lumayo habang nakatayo. Hindi na niya ito pinansin, pero nagulat siya sa sunod nitong ginawa. "f**k Vince!" napatayo siya sa pagkabigla. Binuhusan ba naman siya ng softdrinks sa ulo! "Natauhan ka na ba? Baka kasi nagha-hallucinate ka pa?" Basang-basa siya. "What the Hell!" napipikon na itinulak niya ito. "Hell talaga Gian!" itinulak din siya nito. Saglit lang nagsasapakan na ang dalawang magkaibigan! Lahat ng atake niya rito gano'n din ang ginagawa sa kanya! Walang patatalo at hindi siya magpapalamang! Kung sinipa niya ito sa tiyan sinipa din siya sa tiyan, sinuntok niya ito sa panga. Sinuntok din siya sa panga. Dumugo ang mga labi nito, gano'n din ang kanya. Nagpagulong-gulong sila sa sahig, nadaganan nila ang pagkain at inumin. Parehas na silang nakahiga at nakahawak sa leeg ng isat-isa. Nang biglang may tumunog. "Tumatawag ang girlfriend mo. Tumatawag ang girlfriend mo. Tumatawag ang girlfriend mo." Binitiwan siya ni Vince. "Pasalamat ka, tumawag ang girlfriend ko!" anito at tumayo. Napaupo siya sa sofa. Lumayo si Vince at sinagot ang tawag. Nahimas niya ng mga kamay ang batok. Nabigla siya sa ginawa ng kaibigan sa kanya. Sinapak siya ng walang dahilan. Gano'n pa man, hindi niya itatangging naiinggit siya rito , dahil ito ay may girlfriend at siya ay wala! Bumalik si Vince, pero hindi lumapit sa kanya. "Ayos ka na ba?" Hindi siya umimik. Tinatanong siya kung ayos lang siya samantalang ito ang unang nanapak? Gago lang ang tirada? Tumalim ang tingin niya rito. Lumapit si Vince at umupo sa kanyang tabi. Ipinikit niya ang mga mata. Ayaw niya itong makita dahil baka masapak niya! Pero nagulat siya sa sunod nitong ginawa. "Damn! Lumayo ka nga!" itinulak niya ito, pero mas humigpit ang yakap ni Vince sa kanya. "Pare, inaasahan kong ayos ka na sa muli nating pagkikita. Matindi ang pag-aalala ko dahil ngayon ka lang nagkaganito. Ayokong isang araw kapag binigyan tayo ng trabaho ay mamamatay ka ng lumilipad ang isipan! Pare alam mong palaging nakataya ang buhay natin sa trabaho. Umaasa akong sa pagbabalik mo, buo ka na at hindi pira-piraso." Hindi siya umimik, nahihiya man ay gumanti siya ng yakap. "Pare, babae lang 'yan. Ikaw ang nang-iwan kaya panindigan mo. Umaasa akong wala ka ng iniisip na iba kapag nag-umpisa na tayo sa trabaho. Makakahanap ka rin ng iba pare. Makakalimutan mo rin siya. " Ipinikit niya ang mga mata. Tinapik-tapik siya nito sa balikat. "Pare, tandaan mo, dalawang araw na lang ang tagal mo sa pagsisintemyento. At sana sa pagbabalik ko, bumalik na ang dating Gian na matalik kong kaibigan. " Humigpit ang yakap niya rito. "Pare, salamat sa sapak mo, natauhan yata ako. Pero ang sakit pare eh, ang sakit talaga. Hulog na hulog ako eh, pero ibinagsak niya. Parang hindi ko kayang bumangon. Balewala sa kanya ang lahat samantalang ako, pilit ko lang binabalewala, pero wala eh, hanggang ngayon hindi siya maalis sa isipan ko at hanggang ngayon, nandito pa rin siya. " Itinuro niya ang tapat ng dibdib at muling nagbalik ang kanyang hinanakit sa dalaga. Hindi umiimik si Vince at hinaplos-haplos ang kanyang likod. Bahagya siya lumayo habang nakayuko. "Ano ba ang dapat kong gawin pare? Dalawang araw na lang pero lutang pa rin ako. Hindi ako 'to eh, dati naman palaging ako ang iniiyakan pero bakit ngayon…" hindi niya naituloy ang sasabihin dahil pipiyok na ang boses niya. "Pare, kaya mo 'yan, " nakayukong wika ng kaibigan. Muli siyang kinabig ni Vince at niyakap ng mahigpit. "Pare, alam kong makakaya mo siyang kalimutan. Tandaan mo hindi lang babae ang magpapabagsak sa'yo kaya bumangon ka. Nandito ako pare, tutulungan kita hanggang sa makalimutan mo siya. " " Salamat pare, maraming salamat. " Kumalas si Vince at tumayo. " Paalam sir Gian!" tinapik nito ang balikat niya. Umalis na si Vince. Nagpapasalamat siya dahil matapos silang magsapakan ay binigyan siya ng payo ng kanyang matalik na kaibigan! --- Nagtaka ang binata nang makita ang isang lalaki pero nag-iisa ito. Blurd ang mukha ng lalaki kaya hindi niya nakikilala pero parang kilalang-kilala naman niya! Nag-usap ang kanilang mga tingin. Nagtatanong ang kanyang mga mata samantalang humihingi ng paumanhin ang mga tingin nito. Napansin niyang tila may hinawakan siyang mabigat na bagay kaya tiningnan niya ito at napalunok sa nakita. Hindi siya nagpahalatang pinawisan siya ng malamig dahil sa bagay n hawak niya. Nagsalita ang isang lalaki sa kanyang tagiliran. "Shoot him..." malamig nitong utos. Itinaas niya ang hawak na baril deretso sa noo ng lalaki. Wala itong emosyon habang nakatingin sa kanyang mga mata. "Now!" dugtong nito. Siya naman ang humingi ng paumanhin sa pamamagitan ng tingin. Ipinutok niya ang baril! "Agh!" daing ng lalaking kaharap. Tinamaan niya ito sa balikat. "Kill him!" matigas na utos ng lalaking nasa kanyang tagiliran, saka itinaas ang baril na hawak deretso sa kanyang sintido. Napatiim-bagang ang binata habang may dulo ng baril na nakaumang sa kanyang ulo. Muling nag-usap ang kanilang mga mata ng kaharap. Sa pagkakataong ito, matalim silang tumitig sa isat-isa. Pero hindi siya kumilos. "Do it now!" singhal ng lalaki. Idnikit nito sa kanyang sintido ang dulo ng baril nito. Pinuntirya niya ang dibdib ng kaharap. Ipinikit niya ang mga mata at binaril ito. Agad itong natumba habang nakapikit ang mga mata. Ngumisi ang lalaking nasa kanyang tagiliran. Lumapit siya at niluhuran ang lalaking binaril. Saka luminaw sa kanyang paningin ang mukha ng taong kanyang pinatay. "VINCE!" Napabalikwas ng bangon si Gian! Pawis na pawis siya. "Damn! What a f*****g nightmare!" Agad siyang pumunta sa kusina at uminom ng tubig. Nang mahimas-masan agad niyang tinawagan ang kaibigan. Pero ring lang ng ring ang cellphone nito. Bigla siyang kinabahan. "Pare, sagutin mo!" Naka apat na tawag na siya pero hindi pa rin nito sinasagot. Lumakas ang kaba sa kanyang dibdib. Paano kung nasa panganib ito? Paano kung napahamak na? Paano kung patay na nga ito? "Hell No!" Pang limang tawag niya nang may sumagot. " Vince pare! Nasaan ka!" "Hello Gian?" Boses ng babae ang sumagot. "Anne?" "Yes" Huminga siya ng malalim. Nobya nito ang nakasagot. "Pwede ko bang makausap si Vince?" "Ahm, nasa banyo siya eh, naliligo. " Nakahinga siya ng maluwag. "Gano'n ba?" "Pagkatapos niya, sasabihin kong tumawag ka. " "Sige, salamat. " Ibinaba niya ang cellphone. Muli siyang nahiga. Ang napanaginipan niya ay totoong nangyari na noon pero hindi niya ito pinatay dahil nagtraydor siya sa grupo ng kalaban! Sa halip na barilin ito ay ang mga kasamahan niya sa grupo ang pinagbabaril niya sanhi ng kanyang muntik ng pagkamatay ng pagababarilin siya ng mga kasama. Naalala niya ang pinag-usapan nila noon ni Vince bago siya nawalan ng ulirat sa dami ng tama ng bala. "Gian! Gian! Lumaban ka! Naririnig mo ba ako!" malakas na tinapik ni Vince ang kanyang pisngi. "O-oo, bakit nag-iisa ka lang n-nasaan ang..." "Sir?" tinapik nito ang kanyang pisngi. "Sir Gian!" hindi siya umimik at ipinikit ang mga mata. "GIAAAANNN!!!" Iyon na ang huli niyang narinig bago nagdilim ang kanyang paningin. Napakislot siya nang tumunog ang kanyang cellphone. Agad niyang sinagot nang makitang si Vince ang tumatawag. "Gian pare, tumawag ka raw?" Umupo siya. "Pare, napanaginipan kita!" "Malaswa ba?" "Gago! Pinatay daw kita!" "Tarantado! Sa lahat ng pwede mong mapanaginipan ako pa talaga?" "Hindi ko alam kung bakit. " "Pare, baka naman nagngingitngit pa rin ang kalooban mo sa akin dahil hindi mo ako nabuhusan ng softdrinks sa ulo? Gaya ng ginawa ko sa'yo?" "Baliw ka talaga! Pare, masama ang kutob ko. " "Tang ina pare! Kadalasan daw sa panaginip kabaligtaran. Hindi kaya ako ang papatay sa'yo?" "Magagawa mo ba?" seryoso niyang tanong. "Mas baliw ka pala eh! Sa palagay mo ba gagawin ko 'yon? Iyan na ang napapala mo sa pag ha-hallucinate!" "Wala ka talagang kwentang kausap!" Maya-maya ay sumeryoso ang kausap. "Pare, mag-iingat ka palagi. " "Ikaw rin!" "Pare, hindi kaya premonition 'yan para hindi ka muna babalik sa trabaho?" Hindi siya nakasagot. Posible ba 'yon? "Pare, 'wag ka na muna kayang babalik? Sa totoo lang ako ang kinakabahan para sa'yo eh. " Nahimas niya ang buhok. "Sa totoo lang pare, ako man ay kinakabahan din." "Umamin ka nga, sa palagay mo ba hindi talaga siya maalis sa isipan mo?" Napabuga siya ng hangin. "Alam ko na ang sagot. Ang mabuti pa pare, 'wag ka munang tumanggap ng trabaho, sa opisina ka na lang muna." "Pare, parang hindi ko pa talaga kayang bumalik sa dati sa ganoon ka ikling panahon lang." "Kailangan mo yata pare, sampung taon bago ka maka move-on!" "Gago!" "O sige na, ibababa ko na 'to at medyo busy pa ako ngayon. " "O sige na nga, pagbutihan mo ang trabaho, " pangangantyaw niya. "Yes sir!" Natatawang ibinaba niya ang cellphone. Kahit papaano gumaan ang kanyang pakiramdam ng malamang wala sa panganib ang kaibigan! --- Mainit ang ulo ng dalaga. "Sinabi ng wala akong ganang kumain!" Itinaboy niya ang plato at nahulog ito sa sahig nagkalat ang laman. "M-Ms. Ellah, kailangan niyo pong kumain. " "Kung gusto niyong kumain kayo na lang! Huwag niyo akong idamay!" Tumayo siya. "Ms. Ellah parang-awa niyo na po, sabi ni don Jaime sisesantehin daw po niya ako kapag hindi ko kayo napilit kumain, " naiiyak na wika ng babae. Tumiim ang tingin niya rito, ngunit wala siyang maramdamang awa sa katulong. "I don't care! Magbalot ka na!" sigaw niya. Napaiyak ng tuluyan ang babaeng katulong. Nagdabog siya papasok sa kwarto at pabalibag na isinara ang pintuan. Hindi na niya maiitindihan ang sarili. Lagi siyang walang gana at kunting pagkakamali lang sumasabog na siya! May kumatok sa kanyang pintuan. "HIja, buksan mo ito, mag-uusap tayo. " Hindi siya umimik. "Hija, apo ko, pakiusap. " Binuksan niya ang pinto at muling umupo sa kama. "Anong problema?" Umiling siya. "Napansin kong simula ng umalis dito ang bodyguard mo, nagkaganyan ka na. Ano ba talaga ang totoong nangyari?" "Wala po siyang kinalaman lolo. " "Hindi mo kayang pagtakpan hija, dahil lahat sa bahay na ito alam na siya ang dahilan. " Huminga siya ng malalim at yumuko. "I'm sorry po. " "Sabihin mo bakit ka nagkakaganyan?" "Galit po ako sa kanya lolo. " "Sa anong dahilan?" Huminga ng malalim ang dalaga. Mabigat na sa kanyang kalooban ang kinikimkim na sama ng loob, galit at hinanakit. "A-ang totoo po, hindi siya nagpaalam sa akin. Nagulat na lang ako ng sinabi niyong umalis na siya. " "Anong ibig mong sabihin? " kumunot ang noo ng matanda. " Hindi po totoong nag-usap kami tungkol sa pag-alis niya. Biglaan po ang ginawa niya. Kayo lang po ang nagsabi sa akin. " "Ano?" Halata ang pagkabigla ng matanda. "Kaya pala ayaw ka na niyang kausapin ng gabing 'yon. Hindi pala siya nagpaalam sa'yo?" Umalsa si don Jaime. Agad kinuha ang cellphone at may tinawagan. "Lolo, anong gagawin niyo?" Nag-aalala niyang wika. Iba kung magdesisyon ang isang don Jaime Lopez at iyon ang ikinatakot niya. Hindi siya nito pinansin. "Punyeta ka Gian! Hindi ka pala nagpaalam sa apo ko ng umalis ka! Ginagago mo ba ang apo ko? Simula ngayon hinding-hindi ka na makakalapit sa kanya!" Nangangalaiti sa galit si don Jaime bago pinatay ang cellphone. Nataranta si Ellah, ito na ang sinasabi niya. "Lolo naman! Bakit niyo po 'yon sinabi?" "Para magtanda! Anong palagay niya sa akin mauuto niya! Tarantado talaga ang gagong 'yon! Pinaniwala niya ako sa mga kasinungalingan niya!" "Lolo please, tama na po. " Hinawakan niya ito sa isang kamay para pakalmahin. "Naiintindihan na kita ngayon hija. Kahit ako sa kalagayan mo magagalit talaga ako, tinanggap natin siya ng matino pero umalis siya ng walang respeto? Pati ako naloko ng hayop na 'yon! Napaniwala niya akong desisyon niyo pareho ang pag-alis niya! Iyon pala gumawa lang siya ng isang kasinungalingan!" "Lolo please, maliit na bagay lang po 'yon. " Tiningnan siya ng don. "Maliit na bagay? Pero ininda mo ng husto?" Hindi siya nakaimik. "Huwag kong malalaman na pumupunta sa opisina ang tarantadong 'yon, huwag na huwag siyang makalapit sa'yo!" Napalunok ang dalaga. Pero natutuwa siya dahil naiintindihan siya ng taong nag-iisang natitira sa kanya!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD